You are on page 1of 2

“INA, WAG NANG LUMISAN PA!


ni Russel P. Albores

Nakita ko na naman ang dahan-dahan niyang paglalakad. Palayo, palayo sa amin. Iiwanan na
naman niya kami, gaya ng ginawa niya walong taon na ang nakakaraan. Tumalikod ako para
hindi ko na makita ang tuluyan niyang paglisan. Kagaya ng inaasahan, ‘di ko na naman napigilan
ang pag-agos ng aking mga luha.
“Mahirap umalis dito sa piling niyo pero mas mahirap na makita ko kayong naghihirap dito.”
Ito ang mga katagang tumatak sa utak ko ng mga panahong iniwan kami ng aking Ina upang
mangibang-bansa.

Ang aking Ina, na nag-alaga sakin noong ako’y bata pa.

Ang aking Ina, na siyang tumutulong kapag ako’y nadadapa.

Ang aking Ina, na handang dumamay kapag ako’y nalulumbay.

Ang aking Ina, na nagiging sandalan ko sa lahat ng problema.

Ang aking Ina, na maaasahan kahit kailan.

At ang aking Ina, na kahit kailan hindi ko ikakahiya.

Nagmamahal, nagpalaki, at nagpapa-tawad sa mga mali kong nagawa, takbuhan sa oras ng


kagipitan at walang sawang nag-aalaga sakin. Sadya sigurong hindi mapapalitan ng materyal na
bagay ang pagmamahal ng aking nag-iisang Ina. Gigising ng maaga para mag-plantsa ng
uniporme at magha-handa ng aking baon. Kay sarap balik-balikan ang mga oras kung kailan
kasama namin siyang kumakain sa hapag kainan. Mahirap tanggapin ang katotohanan na umalis
sya at lilipas pa ang ilang taon bago kaming magkita muli. Minsan ako’y napapaiyak sa
kadahilanang nasasabik na ako sa mga yakap niyang napakahigpit. Hindi mawala sa aking isipan
na kinakailangan niyang mangibang-bansa dahil sa amin, ito ang nagdudulot sa akin na maging
malungkot. Lumipas ang mga araw, buwan at taon palaging larawan nalang ang aking nakikita.
Isang tingin ko lang sa larawan niya agad may mga luhang nag uunahang pumapatak sa aking
mata. Ngayon, tanging may masayang okasyon na lamang siya tumatawag dahil gipit siya sa
oras. Naalala ko pa noon na kapag kaarawan ko na palaging niyayakap niya ako sa may likuran
at sabay sabing “Dalaga kana anak, Maligayang Kaarawan.” Nakakamiss ang mga simpleng
pagbati niya sa kaarawan ko, kung simple lang yun para sa iba pero sa akin tagos na tagos yun sa
puso ko. Sa simpleng pagyakap at paghalik nararamdaman ko ang mainit na pagmamahal na
ibinubuhos niya sa amin ng aking kapatid.

Minsan isang araw hindi ko natiis at pinapauwi ko na siya dito sa Pilipinas pero hindi niya
kami pinagbigyan. Alam kong pinipilit lang niyang huwag umuwi para sa halip na gumastos siya
sa kaniyang pamasahe, ipapadala na lang niya sa amin ang pera. Ganito niya kami kamahal. Sabi
pa nga niya kung maibabalik lang niya ang panahon, mas pipiliin niyang makasama kami at dito
na lang magtrabaho sa Pilipinas para mabawi ang mga pagkakataong nawala na kasama kami
pero dahil nga sa hirap ng buhay dito sa Pilipinas kinakailangan niya talagang mangibang bansa.
Totoong ilaw ng tahanan talaga ang aking Ina, dahil kahit malayo pa siya, ang sinag ng kaniyang
pagmamahal ay walang kinikilalang distansya at panahon.

Hinding-hindi ko makakalimutan ang pagsasakripisyo na ginawa ni Ina dahil matinding


pangungulila ang dinaranas niya keysa sa amin pero binabalewala niya lang lahat mabigyan lang
kami nang magandang kinabukasan. Isang responsableng Ina, wala siyang hindi gagawin para sa
ikabubuti namin. Lahat ng bagay na inaakala niyang makakatulong para sa pagkakaroon ng
magandang kinabukasan namin nakahanda siyang harapin ito, hanapin at ibigay. Gusto niya
lang talagang maibigay ang mga bagay na hindi siya nabigyan ng pagkakataong magkaroon dati.

Mga luhang pilit niyang pinipigilan, Sa oras na kami ay naiisip. Naninikip din ang aking
dibdib kapag siya’y naiisip. Kami na mga anak niya na matagal na hindi niya nakapiling, Sa
mga gabing karamay ay napapaluha nalang sa kuwartong madilim, Nangungulila sa kaniya ay
pilit titiisin, Sakripisyo at hirap ay kanyang kinaya, dahil sa pangarap na ninanais abutin para sa
amin.

Sa pag iyak niya lang kumikirot na agad ang puso ko. Hindi ko kayang nasasaktan din siya
kapag kami ay nasasaktan. Alam kong hindi maiwasang hindi siya mag-alala lalong-lalo na sa
nakakabata kong kapatid. Nakakamangha ang pagtitiis at paghihirap ni Ina dahil hindi niya agad
naisipang tumigil at iwan ang kaniyang trabaho. Ginagawa niyang inspirasyon ang pagmamahal
niya sa amin upang magpatuloy sa karerang kanyang tinahak.

Ang mga paghihirap niya sa malayong lugar ay hindi dapat maging dahilan para mawala
kami ng aking kapatid sa tamang landas. Minamabuti ko ang aking pag-aaral para naman
masuklian ko ang mga paghihirap ng aking Ina. Malaki ang utang na loob ko sa aking Ina, na
kahit kailan, alam kong hindi ko mababayaran sa kaniya.

Sana’y maisakatuparan na ang lahat ng pinaghirapan ni Ina para naman ay makasama na


namin siya muli. Panginoon, Ikaw na ang bahalang humusga sa lahat ng kanyang
pagsasakripisyo at paghihirap. Sana’y matuldokan na ang lahat lahat ng kanyang paghihirap sa
buhay at maibsan narin ang aking kalungkutan, at pangungulila sa isang Ina.

You might also like