You are on page 1of 1

Isang Talumpati sa pagkakataon na ako ay maging isang panauhing pandangal

Sa mga guro at iba pang bumubuo ng paaralan, sa mga magulang, sa mga mag-aaral, at sa
lahat ng dumalo, binabati ko po kayong lahat ng isang mapagpalang araw.

Isa pong malaking karangalan ang mapili ninyo bilang isang panauhing pandangal. Mayroon
nga po akong pagaalinlangan sapagkat sa tingin ko po ay hindi ako karapat dapat na tumayo sa inyong
harapan ngunit napagtanto ko na bakit ko tatanggihan ang isang paanyaya na mula sa minamahal kong
elementarya.

Ang araw na ito ay napakahalaga sa inyo, sa mga magaaral. Ito ang araw na masusuklian ang
hindi mabibilang na pawis at panahon na iginugol ninyo sa inyong pag-aaral kung kaya't akapin ninyo
ang inyong mga sarili at sabihing "Congrats, deserve mo ito". Alam ko ang hirap at pagod na dinanas
ninyo, ako din ay minsan na ring umiyak kapag ako ang huling lalabas ng room dahil hindi pa ako tapos
magsulat ng dalawang pahina ng dikit-dikit na letrang A. Ako din ay minsan nang pinagalitan ng guro
dahil napakapangit ng aking sulat ngunit katulad ninyo, ako din ay nagpursige at minsan na ring sinabitan
sa bulwagang ito.

Kasabay ng pag-iyak ko sa klasrum ay ang pag-ngiti ko naman tuwing recess. Dito mismo sa
"stage" na ito ay nakipaglaro ako ng moro-moro at nagputik. Malimit din akong naglalaro ng chinese
garter kahit na ako ay isang lalaki, madalas akong ayain maglaro dahil matangkad daw ako. Ako yung
batang malaki na lagi inuutusan ng teacher. Malusog akong bata pero hindi ako yung pala-laro sa labas.
Madalas na nasa loob lang ako ng bahay pag-uwi, nagbabasa at nanonood ng tv. Naglalaro lamang ako
kapag nasa eskwelahan na dahil malayo ang bahay namin sa mga kaibigan ko kaya napakaligalig kong
pumasok noon. Abot langit ang tuwa ko noon sa tuwing pumapasok ako.

Hinubog ng paaralang ito kung sino ako. Ang elementarya ay isang napakahalagang parte ng
buhay nating lahat. Kalaunan ay babalikan niyo rin ito kapag nalulungkot kayo. Maaalala ninyo kung
gaano kasaya ang maging isang bata. Walang problema, walang responsibilidad kundi matulog sa tanghali
at mag-aral ng mabuti.

Huwag kayong magmadali sa pagtanda. Namnamin ninyo ang bawat sandali ng iyong
pagkabata. Kapag pinapatulog sa tanghali ay sulitin niyo na sapagkat sa inyong pagtanda ay hahanap
hanapin ninyo ang lambot ng kama at masasabi niyo na lang sa inyong sarili na "Sana pala natulog ako
nung pinapatulog ako ni Mama". Huwag kayong magmadali sa pagtanda. Dadating din yan wag mong
madaliin. Magigising ka na lang isang araw at sasabihin sa sarili mong "Sana bata na lang ulit ako".
Maglaro kayo sa kalye, magtagutaguan at maligo sa ulan, gawin nyo ito lahat habang hindi pa kayo
nalulunod sa bayarin at araw-araw nagkukumahog makipagsiksikan sa sakayan ng bus. Habang kapiling
nyo pa ang inyong mga magulang, halikan at yakapin nyo sila na tila ba wala nang bukas.

Kasabay ng agos ng panahon unti-unting magbabago ang inyong mga paningin, ang bawat
kalendaryong pipilasin ay magsisilbing palatandaan na lumilipas na ang panahon. Sa inyong pagtanda ay
maiintindihan nyo na ang sinasabi ng inyong mga magulang. Gaya nga ng kasabihan na “Papunta ka pa
lang, pabalik na ako” tatahakin nyo pa lamang ang buhay ay tinahak na namin. Pahalagahan niyo ang
payo ng mga nakatatanda dahil ito ang mga aral na dadalhin niyo sa buong buhay niyo. Sinasabi ko ang
lahat ng ito hindi para takutin kayo bagkus para paalalahanan kayo na minsan lang tayo mabuhay sa
mundo, minsan lamang tayo maging bata.

Mga ma’am, sir, mga magulang, lola, lolo, nais ko pong akapin nyo din ang inyong mga sarili at
sabihing “Congrats, deserve mo ito”. Deserve niyo rin po ang magpahinga sapagkat kung minsan ay
nakakalimutan na rin natin ang magpahinga. Deserve nyo rin po ang bigyang karangalan sapagkat kung
hindi dahil sa inyong pagsuporta at paggabay ay walang batang magtatagumpay.

Mga bata, darating sa buhay ninyo na minsan ay pupupugin kayo ng mga pagsubok at dagok sa
buhay. Nais kong tandaan ninyo na kapag lugmok na lugmok na kayo, ay matuto kayong huminto,
magpahinga, kumain, pumunta sa mall, manood ng pelikula, gawin niyo ang magpapasaya sa inyo at saka
niyo yakapin ang inyong mga sarili at sabihing “Congrats, deserve mo ito.

You might also like