You are on page 1of 2

Sa atin pong iginagalang, minamahal at masipag na ama ng bayan ng Teresa, Kgg.

Rodel N. Dela Cruz. Sa masipag na pangalawang punong-bayan, Kgg. Freddie L.


Bonifacio, sa atin pong District Supervisor Judith U. Clarito, sa bumubuo ng Teresa
Elementary School Alumni Association, sa pamumuno ng kasalukuyang pangulo nito
na si G. Romeo C. Vierneza, at sa lahat po ng naririto, magandang gabi po sa ating
lahat.

Nung una po akong sinabihan ni G. Vierneza na ako raw po ang magiging Guest
Speaker para sa Alumni Homecoming ng TES ay hindi ko po sineryoso sapagkat alam
ko po na may mas higit sa akin na maaaring makapagbahagi ng kaniyang karanasan at
nakamit na tagumpay kaysa sa akin.

Subalit nung papalapit na po ang petsa ng Alumni Homecoming at patuloy akong


nireremind ni Metong, ay doon ko na po napagtanto na seryoso nga pala ang invitation
sa akin, at wala na raw talagang atrasan. Naisip ko po, ano ang pwede kong ibahagi na
hindi pa alam or naranasan ng halos lahat sa atin dito. Alam ko po na halos pare-
pareho lamang tayo ng karanasan sa buhay, sa pag-aaral at kung meron man tayong
nakamit sa ating buhay, iyon ay bunga ng ating pagtitiyaga at adhikain na maitaas ang
antas ng ating pamumuhay.

Ang Alumni Homecoming ay isang pagtitipon ng mga magkaka-eskwela, isang


patitipon para gunitain ang nakaraan, mga hamon at hangarin na ating inasam at
pinangarap, isang kaganapan na talagang ating hinihintay para sariwain ang ating
“golden days” sa ating pinakamamahal na paaralan at muling buhayin ang saya ng
pagiging estudyante.

Kaya tara po, ating sariwain ang ating mga karanasan sa eskwelahang ito. Ako po
kabilang sa Grade 1-3 under kay Ms. Umali. Natatandaan ko po noon na may isa
kaming subject na under kami kay Mrs. Carmelita De Jesus. Dahil po bata, malikot po
noon ang anak niyang si Darryl at ako ay muntik ng mabagsakan nung estante kung
saan nakalagay yung manila paper at nakasulat ang aming babasahin. Ayun, nung
grade 2 po ako nalipat po ako sa Section 1 under Ms. Feliciano. Kapag mag-aaral ka raw
po ng TES hindi lang academics magaling, all around po tayo. Parang inihahanda tayo
sa buhay, natuto tayong magtanim. Sino po ang makakalimot sa palakol at asarol
tuwing Agro under Sir Orestes Espiritu Santo. Natuto rin po tayo ng mga gawaing
bahay sa ating Home Economics subject Mrs. Sto. Tomas. At hindi ka rin ga-graduate sa
TES ng hindi ka marunong gumamit ng kilkil at katam, at makagawa ng bangkito kay
Mr. Villegas sa Industrial Arts.

Tunay pong pinagpala ang mga graduate ng TES, marami pong santo ang pinagdaan
namin, biruin nyo po naman, dumaan kami sa 3 San Diego, (Ma’am Remy, Olivia and
Belen), 2 Espiritu Santo (Orestes at Lolit), 2 Francisco (Ms. Marilou at Rolando), Mrs.
Sto. Tomas sa H.E at ang akin pong lola Belen, Mrs. San Jose, music at Mrs. Luzviminda
San Jose, girl scouting! Andyan din po 2 De Jesus (Carmelita, at ang hindi nagbabagong
Ma’am Edith De Jesus). Hindi rin po makakalimutan sina Mrs. Inguito, Dacanay at
Millare. Ang adviser po namin noong Grade 3 at 6 na si Mrs. Maledeo, ang isa po sa
kinatatakutan ko si Mrs. Altagracia Ramos. Si Ms. Bulaong at Mr. Norberto “Ombing”
Casiano, Mrs. Garrovillas, at sa iba pa po na naging teacher namin, ang akin pong
pasasalamat sa lahat sa inyo.

Kasabay po ng pag-alala natin sa ating pong mga naging karanasan sa paaralang ito, ay
ang paggunita at pagkilala po sa naiambag ng ating mga guro. Kaya po sa araw na ito,
ang nais ko lang po ay magpasasalamat at magbigay pugay sa ating mga naging guro
sa paaralang ito. Ang mga gurong gumabay at nagpanday ng ating mga talino at
kakayahan. Ang mga gurong inilaan ang oras at sarili para tayo turuan. Alam ko po na
pangalawa sa aming mga magulang, kayo po na naging mga guro namin ang pinaka-
proud sa kung anuman ang aming nakamit. Katulad rin po ng aming mga magulang,
nasasaktan rin po kayo kapag meron sa amin ang napapariwara. Kaya po sa
pagkakataong ito na hindi masasaksihan ng aking ama, si Angeles F. Pantaleon, ang
araw na ito, na nabigyan ako ng pagkakataon na maging Guest Speaker, kayo po na
aking mga naging guro ang nais kong pag-alayan nito.

Malayo at marami pa po akong pagdadaanan sa buhay, subalit ang lahat ng mga


naituro po ninyo sa akin, ang aking magiging gabay upang hindi maligaw ng landas.
Ito po ang inyong mag-aaral mula sa Batch 1990 at proud graduate ng Teresa
Elementary School. Maraming salamat at magandang gabi sa ating lahat.

You might also like