You are on page 1of 30

Filipino 11

Ikalawang Markahan – ARALIN 3: Lingguwistiko at Kultural na Gamit


ng Wika sa Lipunang Pilipino at Sitwasyong Pangwika sa Pilipinas
(Kulturang Popular)

1
Sa araling ito, inaasahang malinang sa iyo ang kasanayan na:

Nasusuri at naisasaalang-alang ang mga lingguwistiko at kultural na


pagkakaiba-iba sa lipunang Pilipino sa mga pelikula at dulang napanood (F11PD –
IIb – 88).

Subukin Natin
Ipahayag ang iyong naging damdamin o reaksyon sa mga
sumusunod na mga palabas.

Dulang Napanood

K-drama Pinoy Teleserye

2
1. Ano-ano ang kanilang pagkakatulad?
2. Ano-ano ang madalas na pinapaksa sa mga nabanggit na palabas?
3. Ano-anong wika ang ginagamit sa mga palabas?
4. Makikita ba sa mga palabas ang kultura ng mga tao? Ipaliwanag.

Aralin Natin

Basahin ang mga impormasyon at dula sa ibaba. Pagkatapos ay


sagutin ang mga kasunod na tanong sa sagutang papel.

Pagsusuri sa mga Lingguwistiko at Kultural na Gamit ng Wika sa


Lipunang Pilipino

Gaya ng natalakay na, iba’t ibang sitwasyon ang ginagamit ang wika.
Batay rin kung sino ang gagamit, saan gagamitin, at paano ito gagamitin.
Isang dapat suriin at isaalang-alang ang lingguwistikong aspeto lalo na
sa larangan ng pelikula at dula. May sariling sitwasyon, kaya’t may sariling
register ng mga salita ang mga ito. Wika nga, pampelikula o pandulaan lang.
Lingguwistiko ang tinatawag na kaugnay ng wikang sinasalita nang
ayon sa heograpikong kalagayan ng isang lugar. Maaring bigyang-pansin ang
antas na gamit ng wika tulad ng balbal, kolokyal, diyalektal, teknikal, at
masining.
Sa isang banda naman, ang kultural ay isang katangian ng wika na
nagsisilbing pagkakakilanlan o identidad dahil sa mga paniniwala, tradisyon
at ugali, paraan ng pamumuhay, relihiyon at wika.
Mahalagang hindi maisantabi ang panlipunang aspeto ng wika dahil sa
maraming paraan, ang pananalita ay isang uri ng panlipunang identidad at
ginagamit para tukuyin ang pagiging kabilang sa iba’t ibang panlipunang
pangkat o iba’t ibang komunidad ng pananalita.

Mga Salitang Ginagamit sa Kritikal sa Pagsusuri

Isang komprehensibong gawain ang pagsusuri. Upang ito ay maging


komprehensibo, kailangan ang wasto at maayos na gamit ng kritikal na mga
salita.
Sa pagsusuri, gumagamit ng paghahatol at pagbibigay ng opinyon. Sa
pagbibigay ng opinyon, iba’t ibang apirmatibo o negatibong pahayag ang
nailalahad kaugnay ng iba’t ibang impormasyon sa sinusuring akda tulad ng
dula, pelikula, at iba pa.
Sa pagsusuri pa rin, ipinahahayag ang matinding damdamin ng
pagsang-ayon at di-pagsang-ayon. Anumang pahayag na gamit sa pagsusuri,
kailangang maging kritikal sa paraang wasto at maayos. Kung may
negatibong ibig ipahayag, gawin itong pamungkahi upang hindi makasama ng
kalooban.
3
May mga pahayag na naghahayag ng opinyong matindi, mga pahayag
na hindi makapagpapalubha sa damdamin, at maaaring lubusang sumang-
ayon at magdagdag pa ng ibang argumentong susuporta o magpapatunay sa
sinang-ayunan.
Halimbawa:
Mahalaga ang pelikula dahil pinatingkad nito ang “kritikal na
realismo.” Ito ay realismo hindi lamang inilalarawan ang mga kabuktutang
nagaganap sa lipunan (naturalismo ang tawag dito o ang pagpapakita ng
natural na kalagayan ng mga tao sa lipunan, isang uri rin ng realismo).
Mapapansing ang salitang mahalaga at dahil ay mga salitang ginamit
upang maipaliwanag ang talakay tungkol sa dulog realismo na isa sa
ginawang pagsusuri.
Sumasang-ayon ang naging pagsusuri sa nasabing pahayag tungkol
sa realismo na isang dulog pampanitikan.
Sanggunian:Jocson, Magdalena O. Komunikasyon at Pananaliksik
sa Wika at Kulturang Pilipino. Quezon
City: Vibal Group Inc,. 2016. 153- 154.

Sa Pula, Sa Puti
Francisco A. Rodrigo

Panahon: Kasalukuyan
Pook: Lalawigan
Tagpo: Isang karaniwang tahanan sa lalawigan. Ang pintuan sa likuran ay
patungo sa labas; ang sa kanan ay patungo sa kusina.
Magtatambal sina Celing at Kulas, mag-asawa. Kapwa sila may kagulangan na,
at nakasuot ng barong na karaniwan sa mga tagalalawigan. Nagsusulsi si Celing
samantalang si Kulas naman ay naghihimas ng tinali. Dudukot si Kulas ng isang
4
sigarilyo sa bulsa, hahatiin ang sigarilyo, sisindihan ang kalahati, at ibabalik ang
sa bulsa. Pauusukan ang tinali, titingnan at hahangaan ang kaliskis nito.
Naririnig ang sigawan ng mga tao sa sabungan sa malapit: ‘Lagro ang diyes!” Sa
pula!” “Sa puti!” “ Heto, heto, dublado sa pula!” “Tabla manalo sa pula!”

Kulas: A…hem! Eh, kumusta ka ngayong umaga, Celing.


Celing: Mabuti naman, Kulas. Salamat at naalala mo akong
kumustahin.
Kulas: Si Celing naman, bakit naman ganyan ang sagot mo sa akin?
Celing: Sapagkat pagkadilat ng mata mo sa umaga, wala ka ng iniisip
kumustahin at himasin kundi ang iyong tinali. Tila mahal mo ang tinali
mo kaysa sa akin.
Kulas: Ano ka ba naman, Celing, wala ng mas mahal pa sa akin sa buhay na ito
kundi ang asawa.(Ilalagay ang kamay sa balikat ni Celing).
Celing: Siya nga ba? Ngunit kung nakikita kong hinihimas mo ang iyong
tinali, ibig ko na kung minsang mainggit at magselos.
Kulas: Ngunit Celing, alam mo namang kaya ko lamang inaalagaang mabuti
ang mga tinaling ito ay para sa atin din. Sila ang magdadala sa atin ng
grasya.
Celing: Grasya ba o disgrasya, gaya ng karaniwang nangyayari?
Kulas: Huwag mo sanang ungkatin ang nakaraan. Oo, ako nga'y napagtalo
noong mga nakaraang araw, sapagkat noon ay hindi pa ako bihasa sa
pagpili at paghimas ng manok. Ngunit ngayon ay marami na akong
natutuhan, mga bagong sistema.
Celing: At noong nakaraang Linggo, noong matalo ang iyong talisain,
hindi mo pa ba alam ang mga bagong sistema.
Kulas: ay disgrasya lamang, Celing, makinig ka. Alam mo, kagabi ay
nanaginip ako. Napanaginipan kong ako'y hinahabol ng isang kalabaw na
puti. Kalabaw na puti, Celing!
Celing: Eh, a no kung puti?
Kulas: Ang pilak ay puti, samakatwid ang ibig sabihin ay pilak. At ako'y
hinahabol…Hinahabol ako ng pilak…ng kuwarta!
Celing: Ngunit ngayon ay wala nang kuwartang pilak.
Kulas: Mayroon pa, nakabaon lang. Kaya walang duda, Celing. Bigyan mo
lamang ako ng limampiso ngayon ay walang salang magkakuwarta
tayo.
Celing: Ngunit, Kulas, hindi ka pa ba nadadala sa mga panaginip mong
iyan? Noong isang buwan, nanaginip ka ng ahas na numero 8.
Ang pintakasi noon ay nataon sa a-8 ng Pebrero at sabi mo'y
kuwarta na ngunit natalo ka ng anim na piso.
Kulas: Nagkamali ako sa kahulugan ng Numero 8. Ang kailangan
pala, sa ikawalong sultada ako pumusta.
Celing: At nagkamali ka rin ba noong managinip ka ng pusang pula?
Pinustahan mo ang manok at nadisgrasya na naman ang
walong piso, at ngayon ay kalabaw na puti…

5
Kulas: Oo nga, ngunit ang batayan ko ngayon ay hindi lamang panaginip.
Pinag-aralan kong mabuti ang kaliskis at tainga ng manok na ito.
Ito'y walang pagkatalo, Celing. Ipinangangako ko sa iyo, walang
salang tayo ay mananalo.

6
Celing: Kulas, natatandaan mo bang ganyang-ganyan din ang sabi mo
sa akin noong isang Linggo tungkol sa manok mong talisain? At
ano ang nangyari? Nagkaulam tayo ng pakang na manok.
Kulas: Sinabi ko nang iyon ay disgrasya! (Maririnig uli ang sigawan sa
sabungan. Maiinip si Kulas).Sige na, Celing. Ito na lamang.
Pag natalo pa ang manok na ito, hindi na ako magsasabong.
Celing: Totoong-totoo?
Kulas: Totoo. Sige na, madali ka at nagsusultada na. Sige na, may
katrato ako sa susunod na sultada. Pag hindi ako dumating ay
kahiya-hiya. (Titingnan ni Celing ang pagkakabalisa ni Kulas at
maiisip na walang saysay ang pakikipagtalo pa. Iiling-iling na
dudukot ng salapi sa kanyang bulsa).
Celing: O, Buweno, kung sa bagay ay tagatago lamang ako ng pera. O,
heto. Huwag mo sana akong sisihin kung mauubos ang
kaunting pinagbilhan ng ating palay.
Kulas: (Kukunin ang salapi) Huwag kang mag-alala, Celing. Ito'y
kuwarta na. Siguradong-sigurado! O, buweno, diyan ka muna.
(Magmamadaling lalabas si Kulas, ngunit masasalubong si
Sioning sa may pintuan.)
Sioning: Kumusta ka, Kulas?
Kulas: (Nagmamadali) Kumusta…eh…eh, Sioning, didispensahin mo
ako. Ako lang ay nagmamadali. Eh…este…eh...nandiyan si
Celing! Heto si Sioning. Buweno, diyan ka na. (Lalabas si
Kulas.)
Sioning: Celing, ano ba ang nangyayari sa iyong asawa? Tila pupunta sa
sunog.
Celing: Ay, Sioning, masahol pa sa sunog ang pupuntahan. Pupunta
na naman sa sabungan.
Sioning: Celing, talaga bang…
Celing: Sandali lang ha, Sioning. (Sisigaw sa gawing kusina.) Teban!
Teban! Teban!
Teban: (Masunurin ngunit may kahinaan ang ulo). Ano po iyon? Ano
po iyon, Aling Celing?
Celing: (Kukuha ng limang piso sa bulsa at ibibigay kay Tebang.) O
heto, Teban, limang piso…Nagpunta na naman ang amo mo sa
sabungan. Madali, ipusta mo ito. Madali ka at baka mahuli!
Teban: (Nagmamadaling itinulak ni Celing sa labas) Opo, opo… (Lalabas)
Sioning: Ipusta ang limang piso! Ano ba ito, Celing, ikaw man ba'y naging
sabungero na rin? (Magugulat)
Celing: Si Sioning naman. Hindi ako sabungera! Ngunit sa tuwing
magsasabong si Kulas ay pumupusta rin ako.
Sioning: Ah…Hindi ka sabungera, ngunit pumupusta ka lamang sa
sabong? Hoy, Celing, ano ba ang pinagsasabi mo?

7
Celing: O, Buweno, Sioning, maupo ka't ipaliliwanag ko sa iyo. Ngunit
huwag mo sanang ipaalam kanginuman.
Sioning: Oo, huwag kang mag-alala sa akin.
Celing: Alam mo, Sioning, ako'y pumupusta sa sabong upang huwag
kaming matalo.
Sioning: Ah, pumupusta ka sa sabong upang huwag kayong matalo.
Celing, pinaglalaruan mo yata ako.
Celing: Hindi. Alam mo'y marami kaming nawawalang kuwarta sa
kasasabong ni Kulas. Nag-aalaala akong darating ang araw na
magdidildil na lamang kami ng asin. Pinilit kong siya'y pigilin.
Ngunit madalas kaming magkagalit. Upang huwag kaming magkagalit
at huwag namang maubos ang aming kuwarta, ay umisip ako ng
paraan. May isang buwan na ngayon, na tuwing pupusta si Kulas sa
kanyang manok, ay pinapupunta ko si Teban sa sabungan upang
pumusta sa manok na kalaban.
Sioning: (May kahinaan din ang ulo). Sa anong dahilan?
Celing: Puwes, kung matalo ang manok ni Kulas ay mananalo ako. At
kung ako nama'y matalo at mananalo si Kulas, kung kaya't ano
man ang mangyari ay hindi nababawasan ang aming kuwarta.
Sioning.
Sioning: Ah, siya nga. Siya nga pala naman!
(Mag-uumpisang marinig ang sigawan buhat sa sabungan).
Celing: Hayan, nagsusultada na marahil. Naku, sumasakit ang ulo ko
sa sigawang iyan.
Sioning: Ikaw kasi, eh. Sukat bang pumili ka ng bahay sa tapat ng
sabungan.
Celing: Ano bang ako ang pumili! Si Kula sang pumili ng bahay na ito.
Ang gusto kong bahay ay sa tabi ng simbahan, ngunit ang gusto
ni Kulas ay sa tabi ng sabungan. (Lalong lalakas ang sigawan)
Sioning: Ah, siya nga pala, Celing naparito ako upang ibalita sa iyo na dumating
na ang rasyon ng sabon sa tindahan ni Aling Kikay. Baka tayo
maubusan.
Celing: Ay, salamat nagkasabon na rin. Makapaglalaba na ako.
Sioning: Buweno, tayo na. (Lalo pang lalakas ang sigawan
at biglang maghihinto.)
Celing: Hayan, tapos na ang sultada. Hintayin lang natin sandali si Teban.
Total, kaylapit ng tindahan ni Aling Kikay.
Sioning: Ngunit baka tayo maubusan.
Celing: Hindi, siyempre ipagtitira tayo ni Aling Kikay. Sayang lamang
ang pagkakumare namin. (Dudungaw si Celing.)
O heto na nga si Teban. Tumatakbo. (Papasok si Teban na may
hawak na dalawang lilimahin.)
Teban: (Tuwang-tuwa) Nanalo tayo, Aling Celing, nanalo tayo!
(Ibibigay ang salapi kay Aling Celing. Agad-agad namang itatago nito.)
Celing: Mabuti Teban. O magpunta ka na sa kusina. Baka dumating na si

8
Kulas ay mahalata ang ating ginagawa. (Magmamadaling lalabas si
Teban.)
Sioning: O, buweno, lumakad na tayo, Celing. (Kukunin ni Celing ang
tapis niyang nakasampay sa isang silya. Aalis na sila. Papasok
si Kulas na tila walang kasigla-sigla.)
Celing: Ano ba, Kulas, tila hindi ka inabutan ng kalabaw na puti.
Kulas: (Mainit ang ulo) Huwag mo ngang banggitin iyan! Talagang
ako'y malas, Celing, iyo'y disgrasya lamang. Ang aking manok
ay nananalo hanggang sa huling sandali. Talagang wala akong
suwerte!
Celing: Iyan ang hirap sa sugal, Kulas, walang pinaghahawakan kundi
suwerte!
Kulas: Talagang buwisit ang sabong! Isinusumpa ko na ang sabong! Ni
ayaw ko nang makita ang anino ng sabungang iyan!
Celing: Nawa'y magkatotoo na sana iyan, Kulas.
Kulas: Oo, Celing. Ipinangangako ko sa iyo, hindi na ako magsasabong
kailanman.
Celing: Buweno, magpalamig ka muna ng ulo. Pupunta lang kami sandali
kay Aling Kikay upang bumili ng sabon. (Lalabas sina Celing at
Sioning. Sisindihan ang natitirang kalahati ng sigarilyo, hihitit, at
pagkatapos ay ihahagis sa sahig at papadyakan. Pupunta sa isang
silya at uupong may kalumbayan. Papasok si Castor, isa ring
sabungero. Matanda nang kaunti kay Kulas.)
Castor: Hoy, Kulas kumusta
ka? Kulas: Ay, Castor...
Castor: Aba, at bakit ka humihingal na parang manok na humahalimlim?
Mayroon bang tinaling napakang?
Kulas: Ay Castor... wala nang taong pinakawalang suwerte na gaya
ko, Castor. Hindi ko na gustong makita pa uli ang sabungan.
Castor: Ah, naperde na naman ba ang iyong tinali?
Kulas: Oo, Castor, at lagi na lamang akong natatalo. Talagang ako’y
malas! Akalain mo bang kanina’y natalo pa ako? Tingnan mo
lamang, Castor. Noong magsagupaan ang mga manok ay
lumundag agad ang manok ko at pinalo nang pailalim ang
kalaban. Ang kalaban ay yumuko ngunit nakudlitan din siya sa
likod. Nagbuwelta pareho, at naggirian na parang boksingero.
Biglang sabay na lumundag at nagsugapaan sa hangin. Palo riyan,
palo dine ang ginawa ng aking manok.
Madalas tamaan ang kalaban, ngunit hindi namortalan. Sige
ang batalya nila sa hangin at umaso ang balahibo. Unang
lumagpak ang kalaban, patihaya. Lundag ako nang lundag at
akala ko’y todas na.Sumunod namang lumagpak ang aking
manok. Walang sugat at patayo, ngunit alam mo kung saan
lumagpak?
Castor: Saan?

9
Kulas: Sa tari ng kalaban. Talagang ayaw ko na ng sabong.
Castor: Bakit naman? Wala pa namang maraming natatalo sa iyo. Kulas:
Ano bang walang marami. Halos tutong na lamang ang natitira sa
aming natitipon.
Castor: Ngunit hindi tamang katwiran ang huwag ka nang magsabong.
Kulas: Ano bang hindi tama?
Castor: Sapagkat pag hindi ka na nagsabong ay talagang patuluyan
nang perdida ang kuwartang natalo sa iyo. Samantalang kung
ikaw ay magsasabong pa, maaaring makabawi.
Kulas: Hindi Castor, lalo lang akong mababaon. Tama si Celing. Ang
sugal ay suwerte-suwerte lamang, at masama ang aking suwerte.
Castor: Ano bang suwerte-suwerte? Iyan ay hindi totoo. Tingnan mo
ako, Kulas, ako'y hindi natatalo sa sabong.
Kulas: Mano nga lang magtigil ka, Castor. Kung hindi ko sana nakikita
na ang lahat ng manok mo ay laging nakabitin kung iuwi.
Castor: Itong si Kulas, nabatos ka pa nga pala sa huwego. Oo, natatalo
nga ang aking mga manok, ngunit nananalo ako sa pustahan!
Kulas: Ngunit paano iyon?
Castor: Taong ito -pumupusta ako, hindi sa aking manok, kundi
sa kalaban.
Kulas: Eh, kung magkataong ang manok mo ang manalo?
Castor: Hindi maaaring manalo ang aking manok kundi sa kalaban.
Kulas: Hoy, Castor, paano mangyayari iyan?
Castor: Madali, Kulas… Ngunit bakit ko pa ba sasabihin sa iyo, tila
ayaw kang maniwala… Nagagalit ka pa sa sakin.
Kulas: Huwag kang magdamdam, Castor. Nagkataon lamang na mainit
ang aking ulo. Sige na, sabihin mo na sa akin.
Castor: Talaga bang gusto mong malaman?
Kulas: Aba, oo. Sige na.
Castor: O, Buweno, kunin mo ang isa sa iyong mga tinali at
ipapaliwanag ko sa iyo.
Kulas: Kahit ba alin sa aking tinali?
Castor: Oo, kahit alin, sige, kunin mo. (Lalabas si Kulas patungo sa
kusina. Babalik na may dalang tinali.)
Kulas: (Ibibigay ang tinali kay Castor). O heto, Castor.
Castor: Ngayon, kumuha ka ng isang karayom.
Kulas: Karayom?
Castor: Oo, karayom. Iyong ipinananahi!
Kulas: Ah… (Pupunta sa kahong kinalalagyan ng panahi ni Celing at
kukuha ng isang karayom.) O, heto ang karayom.
Castor: (Hawak ang tinali sa kaliwa at ang karayom sa kanan.)
O, halika rito at magmasid ka. Ang lahat ng manok ay may litid
sa paa na kapag iyong dinuro ay hihina ang paa. Tingnan mo…
(Anyong duduruin ni Castro ang hita ng tinali.)
Hayan! (Ibababa ang tinali.) Tingnan mo. Matuwid pang
lumakad ang tinaling iyan. Walang sinumang makahahalata sa
10
ating ginawa, ngunit mahina na ang paang ating dinuro, at
ang manok na iyan ay hindi makapapalo.
Kulas: Samakatwid ay hindi na nga maaaring manalo ang manok na
iyan.Siguradong matatalo.
Castor: Natural. Ngayon, ang dapat mo lamang gawin ay magpunta sa
sabungan…ilaban ang manok na iyan…at pumusta nang palihim sa
kalaban.
Kulas: Siya nga pala! Magaling na paraan!
Castor: Nakita mo na? Ang hirap sa iyo ay hindi mo ginagamit ang ulo mo.
Kulas: (Balisa) Ngunit, Castor, hindi ba iya'y pandaraya?
Castor: Oo, pandaraya…ngunit, por Diyos! Sino bang tao ang
nagkakakuwarta sa sugal na hindi gumagamit ng daya? At bukod
diyan, ay marami nang kuwartang natalo sa iyo. Ito'y gagawin mo
lamang upang makabawi. Ano ang sama niyan?
Kulas: Siya nga, Castor, kung sa bagay, malaki na ang natatalo
sa akin.
Castor: At akala mo kaya, sa mga pagkatalo mong iyan ay hindi ka dinaya?
Kulas: Kung sa bagay…
Castor: Nakita mo na. Hindi ka mandaraya, Kulas. Gaganti ka
lamang. Kulas: Siya nga, may katwiran ka.
Castor: O…eh…ano pa ang inaantay mo? Tayo na.
Kulas: Este…Castor…eh…hintayin lamang natin si Celing, ang aking
asawa.
Castor: Bakit, ano pa ang kailangan?
Kulas: Alam mo’y… a…ang aking asawa ang may hawak ng supot sa
bahay na ito.
Castor: Naku, itong si Kulas! Talunan na sa sabungan ay dehado pa sa
bahay. Buweno, hintayin mo siya, ngunit laki-lakihan mo ang
iyong hihingin, ha? At nang makatipak tayo ng malaki-laki.
Kulas: Oo…Este…Castor…
Castor: O, ano na naman?
Kulas: Eh…malapit na sigurong dumating si Celing…alam mo'y ayaw
kong makita ka niya rito. Huwag ka sanang magagalit. Kung
maaari lamang umalis ka na.
Castor: (Tatawa) Oo…aalis na ako. Mabuti nga at nang makahanap na
ako ng kareto ng manok mo. Susunod ka agad, ha? Pagdating
mo roon malalaban agad iyan.
Kulas: Oo,Castor, susunod na ako.
Castor: Buweno, diyan ka na. Laki-lakihan mo lang ang tipak ha?
(Lalabas si Castor. Nangingiti si Kulas, hihimas-himasin ang
kanyang tinali, at hahawakan ang nadurong hita ng tinali.)
(Papasok sina Celing at Sioning.)
Celing: (Pagkakita sa tinali) Ano ba iyan, Kulas? At akala ko ba'y
isinusumpa mo na ang sabungan?
Kulas: (Lulundag na palapit.) Celing, ngayon na lamang. Walang

11
salang tayo ay makababawi.
Celing: Naku, itong si Kulas, parang presyo ng asukal. Oras-oras ay
nagbabago.
Kulas: Celing, talagang ngayon na lamang! Pag natalo pa ako ngayon
ay patayin mo na ang lahat ng aking tinali. Ipinangangako ko sa
iyo.
Celing: Ngunit baka pangako na naman ng napapako.
Kulas: Hindi, Celing! Hayan si Sioning, siya ang testigo.
Sioning: (Kikindatan si Celing) Siya nga naman. Celing, bigyan mo na,
ako ang testigo.
Celing: O, buweno, ngunit tandaan mo, ito na lamang
ha? Kulas: Oo, Celing, itaga mo sa bato!
Celing: O, magkano ba ang kailangan mo?
Kulas: Eh…dalawampung piso lamang.
Celing: Dalawampung piso?
Sioning: Susmaryosep!
Kulas: Oo, Celing. Dalawampung piso, upang tayo ay makabawi.
(Mag-aatubili si Celing).
Sioning: Sige na, Celing. Total ito naman ay kahuli-
hulihan. Celing: O, buweno, heto.
(Bibigyan ng dalawampung piso si Kulas. Kukunin ang salapi sa
baul)
Kulas: (Kukunin ang salapi) Ay, salamat sa iyo, Celing. Ito'y kuwarta
na. Hindi ka magsisisi. O, buweno, diyan na muna kayo, hane?
(Magmamadaling lalabas si Kulas na dala ang kanyang tinali.)
Celing: (Susundan ng tingin si Kulas hanggang nasa malayo na)
Teban! Teban!
Sioning: Teban, madali ka! (Papasok si Teban buhat sa kusina.)
Teban: Opo, opo, Aling Celing.
Celing: O, heto ang pera. Nasa sabungan na naman ang iyong amo.
Sioning: Madali ka. Teban, ipusta mo iyon sa manok ng kalaban.
Teban: (Magugulat sa dami ng salapi). Dalawampung piso!
Dalawampung piso ito.
Celing: Oo, dalawampung piso. Sige, madali ka na.
Teban: (Hindi maiintindihan) ito ba'y itotodo ko?
Sioning: Oo, todo.
Teban: Opo. Naku! Malaking halaga ito… (Lalabas si Teban.)
Celing: Ikaw naman, Sioning, bakit inayudahan mo pa si Kulas?
Sioning: Hindi bale. Total, wala naman kayo sa pagkatalo.
Celing: Kung sa bagay. Ngunit hindi lamang ang kuwarta ang aking
ipinagdaramdam.
Sioning: Eh ano pa?
Celing: Ang iba pang masasamang bunga ng bisyo. Sioning, alam mo
naman ang bisyo ay nagbubuntot. Karaniwang kasama ng
bisyo ay ang pandaraya, pagnanakaw…at kung ano-ano pa.

12
Sioning: Ngunit wala naman kay Kulas ang mga bagay na iyan.
Celing: Siya nga. Ngunit hihintayin pa ba nating masunog ang bahay
bago maghanda ng tubig? (Magsisimula ang sigawan buhat sa
sabungan.)
Sioning: Ang hirap sa iyo, Celing, eh…hindi mo tigasan ang loob mo.
Tingnan mo ako. Noong si Sisong aking asawa ay hindi makatkat sa
monte, pinuntahan ko siya isang araw sa kanilang klub at sa harap
ng lahat minura ko siya mula ulo hanggang talampakan. Eh, di mula
noo'y hindi na siya makalitaw sa klub.
Celing: Ngunit natatandaan mo ba, Sioning, na ikaw man ay hindi nakalabas ng
bahay nang may limang araw, hindi ba nangitim ang buong mukha mo?
Sioning: Oo nga, ngunit iyon ay sandali lamang. Pagkaraan noon ay esta bien,
tsokolate na naman kami.
Celing: Hindi ko yata magagawa iyon. Magaan pa sa akin ang magtiis
lamang. (Agad huhupa ang sigawan).
Sioning: Ayan, tila tapos na ang sultada. Sino kaya ang nanalo?
Celing: Malalaman natin pagdating ni Teban. Siya'y umuuwi agad
upang huwag silang mag-abot ni Kulas.
Sioning: Celing, mag-iingat ka naman sa pagtitiwala ng pera kay Teban.
Celing: Huwag mong alalahanin si Teban. Siya'y mapagkakatiwalaan.
Sioning: Siya nga, ngunit tandaan mong ang kuwarta ay mainit kapag nasa palad na
ng tao.
Celing: Huwag kang mag-alala… (Papasok si Teban.)
Teban: (Walang sigla) Aling Celing, natalo po tayo.
Celing: Ah, natalo. O hindi bale. Total nanalo naman si Kulas. Buweno,
Teban, magpunta ka na sa kusina at baka dumating ang iyong amo.
(Lalabas si Teban)
Sioning: Talagang magaan ang paraan mong iyan, Celing.
Celing: (Malungkot) Siya nga.
Sioning: O, Celing, bakit ka malungkot?
Celing: Dahil sa nanalo si Kulas.
Sioning: O, eh ano ngayon? Kay manalo si Kulas, kay manalo ka, hindi naman
mababawasan ang iyong kuwarta. At ikaw rin lamang ang maghahawak ng
supot.
Celing: Oo nga, ngunit ang inaalala ko'y…Ngayong nanalo si Kulas, lalo
siyang maninikit sa sabungan. (Papasok si Kulas na nalulumbay).
Kulas: Ay, Celing, Talagang napakasama ng aking suwerte! Hindi na ako
magsasabong kailanman.
Celing: Ha?
Sioning: Ano kamo?
Kulas: Talagang buwisit ang sabong! Isinusumpa ko na!
Celing: Ngunit Kulas, hindi ba't nanalo ka?
Kulas: Hindi, natalo na naman ako! At natodas ang dalawampung piso!
Celing: (May hinala) Kulas, huwag mo sana akong ululin. Alam kong nanalo ka.
Kulas: Sino ba ang may sabi sa iyong ako'y nanalo? Bakit ba ako

13
nakinig sa buwisit na si Castor.
Celing: Kulas, hindi mo ako makukuha sa drama. Isauli mo rito ang
dalawampung piso.
Kulas: Diyos na maawain, saan ako kukuha?
Celing: (Lalo pang maghihinala) Teka, baka kaya ikaw Kulas, ay mayroon nang
kulasisi…at ipinatuka ang dalawampung piso sa kulasising iyan?
Kulas: Celing, ano bang kaululan ito? Isinusumpa kong natalo ang dalawampung
piso. Sino baga ang nagkwento sa iyo na ako'y nanalo.
Celing: Si Teban. Nanggaling siya sa sabungan.
Sioning: (Magliliwanag ang mukha) A, teka, Celing, baka si Teban ang
kumupit ng kuwarta.
Celing: Siya nga pala.
Sioning: Sinabi ko sa iyo, huwag kang masyadong magtitiwala.
(Pupunta si Celing sa pintuan ng kusina).
Celing: Teban! Teban! (Lalabas si Teban)
Teban: Ano po iyon?
Celing: Teban, hindi ko akalain na ikaw ay magnanakaw.
Teban: Magnanakaw? Ako? Bakit po?
Celing: At bakit pala? Isauli mo rito ang pera.
Teban: Alin pong pera?
Celing: Ang dalawampung pisong dala mo sa sabungan kangina.
Teban: Aba, eh natalo po eh.
Celing: Sinungaling! Ano bang natalo! Kung natalo ka, nanalo sana si
Kulas. Ngunit natalo sa Kulas, samakatwid nanalo ka.
Teban: (Hindi maintindihan) Ho? Ano po? Kung ako'y natalo…ay…

Kulas: 'tay kayo. ‘tay kayo. Tila gumugulo ang salitaan. Teban, ikaw
ba'y pumusta sa sabong kangina?
Teban: Opo.
Kulas: Saan ka nagnakaw ng kuwarta?
Teban: Kay Aling Celing po.
Kulas: Ha? Nagnakaw ka kay Aling Celing?
Teban: Eh…hindi po. Pinapusta po ako ni Aling Celing.
Kulas: Ah, ganoon! Hoy, Celing, pinipigilan mo ako sa pagsasabong,
ha? Ikaw pala'y sabungerang pailalim.
Sioning: Hindi, Kulas, pumupusta lamang si Celing sa kalaban
ng manok mo.
Kulas: (Kay Celing) Ah…at ako pala'y kinakalaban mo pa, ha?
Celing: Huwag kang magalit, Kulas. Ako'y pumupusta sa manok na
kalaban para kahit ikaw ay manalo o matalo ay hindi tayo
mawawalan.
Kulas: Samakatwid, kahit pala manalo ang aking manok ay bale wala
rin.
Sioning: Siya nga, at kahit naman matalo ay bale mayroon din.
Kulas: Eh, di sayang lamang ang kahihimas at kabubuga ko ng aso sa

14
manok. Ako pala'y parang ulol na…
Celing: Teka muna. Ang liwanagin muna natin ay ang dalawampung
piso. Teban, saan mo dinala ang pera?
Teban: Aba, eh…
Kulas: Hintay muna, Celing. Talagang si Teban ay natalo.
Celing: Ha?
Kulas: Oo, sapagkat pumusta siya sa manok na kalaban at natalo ang
manok na iyon.
Celing; At nanalo ang manok mo?
Kulas: Oo.
Celing: (Kay Kulas) Kung gayo’y ibigay rito ang pera.
Kulas: Celing, ako ma’y natalo sa pustahan sapagkat sa manok ng
skalaban din ako pumusta.
Sioning: Naku, at lalong nag “black-out”.
Celing: (Kay Kulas) Pumusta ka sa kalaban ng manok mo?
Kulas: Oo, alam mo'y pinilayan ko ang aking tinali upang siguradong
matatalo at pumusta ako sa manok na kalaban. Ngunit
kabibitiw pa lamang ay tumakbo na ang diyaskeng manok ng
kalaban at nanalo ang aking manok.
Celing: Ah…gusto mong maniyope? Ikaw ngayon ang natiyope
(Tatawa) Kulas: Aba, at nagtawa pa.
Sioning: Siya nga. Bakit ka nagtatawa, Celing?
Celing: (Tumatawa pa) Sapagkat ako'y tuwang-tuwa. Este, Sioning,
dito ka maghahapunan mamayang gabi, ha? At anyayahan mo
sina Aling Kikay at ang iba pang kaibigan. Ako'y maghahanda.
Kulas: Ha! Maghahanda?

Celing: Oo, Teban, ihanda mo ang mga palayok, ha? At hiramin mo ang
kaserola ni Ate Nena.
Teban: Opo, opo. (Lalabas sa pintuan ng kusina)
Kulas: Ngunit paano tayo maghahanda? Ngayon lang ay natalunan
tayo ng mahigpit apatnapung piso.
Celing: Hindi bale. Ibig kong ipagdiwang ang iyong huling paalam sa
sabungan.
Kulas: Huling paalam?
Celing: Oo, sapagkat ikaw ay nangako at nanumpa, at bukod diyan
hindi na tayo kailangang bumili pa ng ulam.
Kulas: Bakit?
Celing: Mayroon pang anim na tinali sa kulungan. Aadobohin ko ang tatlo
at ang tatlo ay sasabawan. (Tatawa sina Sioning at Celing.)
Hindi tatawa si Kulas, ngunit pagkailang saglit ay tatawa rin
siya. Mag-uumpisa na naman ang sigawan sa sabungan,
ngunit makikita sa kilos ni Kulas na kailanman ay hindi na
siya magsasabong.)
Sanggunian: Napkil, Lolita R. at Dominguez, Leticia F. Gintong Pamana Wika at Panitikan, Batayang Aklat Filipino, Ikalawang Taon.
Kagawaran ng Edukasyon. Quezon City: SD Publications, Inc,.2000. 242-254.

15
16
Gawin Natin

Tukuyin mula sa dulang binasa ang mga sitwasyong panlipunan at kulturang Pilipinong
inilahad dito. Isulat ang sagot sa sagutang papel.

Sitwasyong Panlipunan Kulturang Pilipino

Sanayin Natin
Mula sa binasang dula tukuyin ang aspetong lingguwistikong ginamit ng mga
tauhan sa dula. At magbigay ng halimbawang pahayag mula
sa binasa. Gayahin ang kasunod na pormat sa sagutang papel. Gawing gabay ang
halimbawa sa ibaba.

Tauhan Aspetong Lingguwistiko


Castor Hal.
Ah, naperde na naman ba ang iyong tinali?

Naperde- ay salitang balbal.

Kulas

Celing

17
Tandaan Natin

Punan ang mga patlang ng tamang titik upang mabuo ang angkop na salita.
Isulat ito sa sagutang papel.

L N G W S I O ang tinatawag sa kaugnay na wikang sinasalita nang ayon sa


heograpikong kalagayan ng isang lugar. Maaring bigyang-pansin ang antas na
gamit ng wika tulad ng balbal, kolokyal, diyalektal, teknikal, at masining.

K L U A ay isang katangian ng wika na nagsisilbing pagkakakilanlan o identidad


dahil sa mga paniniwala, tradisyon at ugali, paraan ng pamumuhay, relihiyon
at wika.

Suriin Natin

Pumili ng isang dula o pelikulang Pilipino na iyong napanood. At suriin ito ayon sa
pormat na nasa ibaba. Isulat ang sagot sa sagutang papel. Gabay ang halimbawa
sa ibaba.

Pagsusuri sa Pelikula/Dula

Pamagat ng Kultural na pagkakaiba-iba sa


Lingguwistiko
Pelikula/Dula lipunang Pilipino
Hal.
Dekada ‘70 Naipakita sa Isa sa mga kulturang Pilipino ang
pelikulang ito ang makikita dito ang pagiging magiting,
mga pananalitang sapagkat kaya ng isang Pilipino
ginamit ng mga lumaban gitna ng pang-aapi.
tauhan. Ang Halimbawa nito ay ang paglahok sa
wikang ginamit mga kilos-protesta at ipaglaban ang
dito ay madalas mga prinsipyo at karapatan kontra sa
maririnig sa mga mapaniil na mamumuno sa
kilos-protesta o ng pamahalaan.
mga raliyista.
Ipinikita dito ang imahe ng isang ina na
Makikita rin sa may labis na pagmamahal sa kanyang
mga tauhan na mga anak sa hirap man o ginhawa.
karaniwang wika o
pagkadi-pormal na Inilahad din dito ang isang stereotype
mga pananalita na na asawang babae na sunod-sunuran sa
kanyang asawa sa mga desisyon

18
maririnig natin ngunit kalaunan ay tumayo sa kanyang
araw-araw. sariling paa upang itindig ang kanyang
paninindigan, paniniwala at kakayahan
Dagdag pa rito, may bilang isang babae, bilang asawa at
mga pormal din na bilang isang mamamayan o pagiging
wika ang ginamitsa feminismo nito.
pelikula.
Nangingibabaw ang realismong
pananaw kung saan isinasabuhay ng
pelikula ang mga makatotohanang
pangyayari sa loob ng pamilya, lipunan
at pamahalaan.

Binigyang-diin sa pelikulang ito, na


ang masamang pamumuno ay
kailanman ay may katapusan.

19
Payabungin Natin
Mag-isip ng dalawang pelikula o dulang napanood. Gamit ang Venn Diagram,
paghambingin ang mga ito batay sa lingguwistiko at
kultural na pagkakaiba-iba.

Pagkakaiba Pagkakaiba

Pamagat: Pamagat :

Pagkakatulad

Pagnilayan Natin

Tunay, na ang wika ay makapangyarihan. Ito ang tulay sa pakikipag- ugnayan sa


bawat isa. May dalawang antas ang wika tulad ng pormal at di- pormal. Sa pormal
binubuo ito ng teknikal, at masining o pampanitikan, at di-pormal naman tulad ng
balbal, kolokyal at diyalektal. Ito ang ginagamit sa lahat ng pagkakataon sa
pakikipag-ugnayan mapasapelikula man o sa totoong buhay.

20
Sitwasyong Pangwika
Aralin 4
sa Pilipinas (Kulturang
Popular)

Alamin Natin

Maligayang pagbati! Sa puntong ito ay ikaw dadako sa pangalawang linggo


ng iyong pag-aaral sa markahang ito! Inaasahang maging masigla at
masigasig pa rin ang iyong pagtugon sa araling ibabahagi ng modyul na ito.
Ito ay naglalaman ng paksa at gawaing tumatalakay sa;
 Paggamit ng wika sa iba’t ibang sitwasyon.
Kasanayang Pampagkatuto:

 Naipaliliwanag nang pasalita ang iba’t ibang dahilan, anyo, at


pamaraan ng paggamit ng wika sa iba’t ibang sitwasyon
(F11PS – IIb – 89).
Layunin:
• Natutukoy ang kahulugan ng iba’t ibang anyo ng wika ayon sa
Kulturang Popular.
•Napahahalagahan ang paggamit ng wika sa wastong sitwasyon at paraan.
•Naipapaliwanag nang pasalita ang iba’t ibang dahilan, anyo, at pamaraan ng
paggamit ng wika sa iba’t ibang sitwasyon.

21
Subukin Natin

Panuto: Tukuyin ang sumusunod na Kulturang Popular batay sa anyo at


paggamit nito. Isulat sa patlang ang sagot.

fliptop hugot lines pick-up lines


memes spoken word poetry

Patawad, Paalam Ayaw kong mapag-isa, Pagdating sa talino ‘yung utak natin
Mapag-isa na isipan lamang ang parehong Rico,
kasama
Dahil bumubulong siya, yung sa 'kin Puno, kaso yung sa 'yo
Bumubulong siya na tapusin ko na Blanco”.
Ayaw ko na maiwan pa, Ilang beses na -BLKD
naipadama

1. 2.

Sana ako ang sabado at ikaw ang linggo.


Bakit? Hi Math, pwede ba huminto ka na sa
Para ikaw ang kinabukasan ko. paghahanap ng x, hindi na siya babalik
pa.

3. 4.

5.
22
Aralin Natin
Kulturang Popular
Ang mga tao lalo na ang kabataan ay tunay na tinatangkilik kung ano ang
napapanahong uso, sikat, o tanyag sa lipunan. Sa panahon ngayon, hindi lamang
sa radyo, telebisyon o anong nakalimbag na babasahin ang maaring magpauso,
dahil sa modernong teknolohiya lalo na sa pamamagitan ng social media gaya ng
facebook, instragram, twitter at iba pa ay kahit ano o sino man ay maaring
sumikat, magpasikat, magpauso at makiuso.

Ang Kulturang Popular ay gawain na tanggap at tinatangkilik ng karamihan at


naging bahagi na ng kulturang ginagalawan sa lipunan. Ito ay maaring
pinakabagong gadget, musika, sayaw, pagkain, kasuotan, maging iba’t ibang
hamon na naging kilala, ginagawa at sinusunod ng karamihan. Bakit may
kulturang popular? Bawat panahon ay may natatanging uso o sikat na kinikilala at
tinangggap, sa pag-usbong ng panahon kasabay nito ang pag- usbong ng
pamumuhay, gawain at wika na sumasalamin sa modernong Pilipino.Ang
sumusununod na salita ay masasabing iilan sa Kulturang Popular ng wika bilang
pagpapahayag sa panahong ito.

Fliptop – Ito ay pasalitang pagtatalo sa paraang pa-rap na ginagawa sa harap ng


madla. Kinakailangang mabilis mag-isip ang bawat kalahok ng linyang ibabato
upang nakalilibang ang labanan. Kilala ito bilang modernong balagtasan kung
saan ang kalahok ay bibigyan ng oras na magsalita laban sa katunggali.
Gumagamit ito ng balbal o di pormal na wika na kadalasan ay panlalait.

Hugot Lines– Isa sa pinakamadamdaming linya na inihahantulad sa


karanasan ng pag-ibig o buhay. Ito ay nakalahad sa wikang Filipino ngunit
kadalasan ito ay pinaghalong wikang Ingles at Filipino (taglish).

Pick-up Lines – Ito ay tinaguriang makabagong bugtong dahil sa palaisipang


tanong na sinusundan ng nakakikilig na sagot. Ngunit ang pick-up lines sa
panahong ito ay hindi lamang nagpapahayag ng pag-ibig maari ding aspekto ng
buhay o halong pagbibiro. Nakalahad ang linya sa wikang taglish.

Spoken Word Poetry – Ito ay makabagong sining ng wikang Filipino gamit ang
pasalitang tula. Ang linya ay hitik sa emosyon na nakaaantig sa damdamin ng
manonood o tagapakinig. Kadalasang gumagamit ito ng matatalinghaga at pormal
na wika na sinasabayan ng himig ng musika upang mas madamdamin ang
pagpapahayag.

Internet Memes – Ang Internet memes o mas kilala bilang memes ay nakilala sa
social media sa layuning magbigay-aliw. Ito ay mga larawan na may caption ng
pormal o di pormal na wika. Maaring ipahayag sa Ingles, Filipino

23
o salitang lalawiganin sa kadahilang kahit sino ay maaring gumawa ng
memes.
Sangunian: Tomas U. Santos. The Varsitarian: Bagong paraan ng talastasan at Muling
pagkabuhay ng kinagisnang panitikan. Nakuha noong Oktubre 9, 2020.
https://varsitarian.net/
Academia. Kulturang Popular.
Nakuha noong Oktubre 8, 2020.https://www.academia.edu

Patunay lamang na ang mga Pilipino ay hindi pahuhuli sa makabagong bagay na


nauuso at hindi nauubusan ng pagpapauso. Ito ay nagsisilbing bahagi ng
pagpapahayag sa napakamalikhaing paraan. Makikitang umuusbong ang wika
dahil sa mga sining na ito, ngunit laging tandaan na ilagay sa tamang paraan ang
pagpapahayag. Huwag hayaan makasakit at may maapakan sa pagpapauso o
paggawa ng nausong bagay. Ito ay simpleng aliwan at dapat hindi mauuwi sa
pikonan at pag-aawayan. Maging responsable sa paggamit ng wika at sa paraan
ng pagpapahayag nito.

Sagutin ang sumusunod na tanong:

1. Ano ang bagay na naisip mong ipauso? Bakit?


2. Paano mo nasabing ikaw rin ay bahagi ng kulturang popular?
3. Sa tingin mo ba ay kinakailangang makisunod sa uso? Bakit?

Gawin Natin
Gawin ang sumusunod na gawain. Lumikha ng orihinal na obra sa
sumusunod na larawan.
1. Gumawa ng Spoken Word Poetry na maiiuugnay sa larawang makikita
sa ibaba. Bumuo ng apat na saknong na may tig-aapat na taludtod gamit ang
malayang taludturan.

24
PAMANTAYAN PUNTOS
Nilalaman 20

Kahusayan sa paglalahad ng ideya/ 20


pagkamalikhain
Wastong gamit ng bantas 10

Kabuoan 50 puntos

2. Gumawa ng Flip-top na ang kalahok ay ang COVID-19 at ang Daigdig.


Huwag lagyan ng pagmumura.

VS

Covid 19:

Daigdig:

Covid 19:

Daigdig:

25
Sanayin Natin

Lumikha ng orihinal na pick-up lines, hugot lines at memes sa ano mang paksa
ang nais mo.
1. Dalawang Pick-up lines

2. Dalawang Hugot lines

3. Dalawang Memes

Tandaan Natin
Isulat ang TAMA kung ang pahayag ay wasto at MALI kung ito naman ay mali.

1. Ang Kulturang Popular ay ang gawain na naging kilala at


tinatangkilik ng naturang panahon.
2. Mainam na sumunod sa lahat ng nauuso upang
matanggap ng lipunan.
3. Ang kultura ay sumasalamin sa gawain o pamamaraan ng
buhay ng tao sa lipunan.
4. Ang Spoken word Poetry ay kilala bilang modernong
balagtasan.
5. Hindi maituturing ang social media bilang midyum sa
pagpapauso ng mga bagay-bagay.
6. Ang kaklase mo ay nagtanong sa iyo at sinundan niya
ito ng nakakikilig na sagot. Nangangahulugan na nagpahayag siya sa
pamamagitan ng fliptop.
7. Naaliw ang kuya mo sa battle league kung saan
napanonood niya ang dalawang taong nag-aalitan at
nagpapayabangan. Siya ay nanonood ng Memes.

26
8.“Huwag mong gawing football game ang pag-ibig na
hahabulin mo matapos mong sipain”. Ito ay isang halimbawa ng Hugot Line.
9. Ang spoken word poetry ay matuturing na makabagong
sining ng mga makata.
10. Magiging responsable ang isang indibiwal sa
pagpapahayag ng wika kapag nagkaroon siya ng privacy at hindi niya sinasabi
lahat ng nangyayari sa buhay niya sa social media.

Suriin Natin!

Magsaliksik ng iba’t ibang impormasyon patungkol sa pinanggalingan ng


kulturang popular na nabanggit. Isulat kung saan, kailan, sino-sino, at ano-ano ang
pangyayari sa pag-usbong nito sa Pilipinas. Isulat sa kahon ang iyong nakalap na
impormasyon.

Fliptop Hugot Pick-up Spoken Word Memes


Lines Lines Poetry

27
Payabungin Natin

Gumawa ng vlog na nanghihikayat sa mga tao sa lugar ninyo na maging


maingat at responsable sa tungkulin bilang mamamayan na nakikipaglaban
a Covid-19. Maari kang gumawa ng iba’t ibang konsepto upang maging
malikhain at kaaliw-aliw.

PAMANTAYAN SA PAGGAWA NG VLOG


Panghihikayat 20 puntos
Paggamit ng wasto at angkop na wika 20 puntos
Konsepto 10 puntos
Kabuoan 50 puntos

Pagnilayan Natin
Ang kasanayan ng Pilipino sa paggalugad ng gamit ng wika ay umusbong sa
nagdaang panahon. Malikot ang utak ng Pilipino kaya kung ano-ano ang nalilikha
nito, mapasining man, musika at iba pa na maaring maging susi sa pagkakaroon
ng bagong tuklas na gamit na wika. Tinagurian ang Pilipinas bilang Social Media
Capital ng mundo kaya malaki ang tulong o ambag ng social media sa
pagpapayaman ng bansa sa paggamit ng wika at mas mapalaganap ito. Mahilig
magpahayag ng saloobin ang mga Pilipino at kadalasan ito ay naipapaskil sa
social media. Laging tandaan na hindi masama ang magpahayag basta ay gamitin
ito sa tama, at sikapin na ang impormasyon ay wasto. Iwasan na makasakit at
magamit sa maling pamamaraan ang Kulturang Popular bagkos ay pagyamanin
at gamitin ito sa angkop at maayos na paraan, dahilan at sitwasyon.
Sanggunian

Academia. Kulturang Popular nakuha noong Uktubre 8, 2020.


28
https://www.academia.edu/23725241/Ano_Ang_Kulturang_Popular

Facebook. Groupwork Gone Wrong. Nakuha noong Oktobre 10, 2020.


https://www.facebook.com/photo.php?fbid=1819989454722758&set
=a.1819955054726198&type=3&theater

Jocson, Magdalena O. Komunikasyon at Pananaliksik sa Wika at


Kulturang Pilipino. Quezon City: Vibal Group Inc,. 2016. 153-154.

Napkil, Lolita R. at Dominguez, Leticia F. Gintong Pamana Wika at Panitikan,


Batayang Aklat Filipino, Ikalawang Taon.
Kagawaran ng Edukasyon. Quezon City: SD Publications, Inc,.
2000. 242-254.
K to 12 Most Essential Learning Competencies with Corresponding CG Codes.
Department of Education, Curriculum and Instruction Strand 2020. 519- 521.
Santos, Tomas U. The Varsitarian: Bagong paraan ng talastasan at Muling pagkabuhay
ng kinagisnang panitikan. Nakuha noong Oktubre 9, 2020

29
30

You might also like