You are on page 1of 5

JANUARY 23 (READINGS : IKATLONG LINGGO SA KARANIWANG

PANAHON - LUNES / TAON I)

UNANG PAGBASA Hebreo 9, 15. 24-28

Ang Salita ng Diyos mula sa sulat sa mga Hebreo

Mga kapatid, si Kristo ang tagapamagitan ng bagong tipan sapagkat


sa pamamagitan ng kanyang kamatayan, ipinatawad ang paglabag
ng mga tao noong sila’y nasa ilalim ng unang tipan. Dahil dito,
kakamtan ng mga tinawag ng Diyos ang walang hanggang
pagpapala na kanyang ipinangako.

Sapagkat pumasok si Kristo, hindi sa isang Dakong Banal na ginawa


ng tao at larawan lamang ng tunay, kundi sa langit. At ngayo’y nasa
harapan siya ng Diyos at namamagitan para sa atin. Ang dakilang
saserdote ng mga Judio ay pumapasok sa Dakong Banal taun-taon,
may dalang dugo ng mga hayop. Ngunit minsan lamang pumasok si
Kristo upang ihandog ang kanyang sarili, at iyo’y sapat na. Kung di
gayun, kailangan sanang siya’y paulit-ulit na mamatay mula pa
nang matatag ang sanlibutan. Subalit minsan lamang siya napakita,
ngayong magtatapos na ang mga panahon, upang pawiin ang
kasalanan sa pamamagitan ng haing kanyang inihandog. Itinakda sa
mga tao na minsan lamang mamatay at pagkatapos ay ang
paghuhukom. Gayun din naman, si Kristo’y minsang inihandog
bilang hain upang pawiin ang mga kasalanan ng mga tao. Siya’y
muling darating, hindi upang ihandog na muli dahil sa kasalanan
kundi upang iligtas ang mga naghihintay sa kanya.

Ang Salita ng Diyos.

1
SALMONG TUGUNAN Salmo 97, 1. 2-3ab. 3kd-4. 5-6

Tugon: Umawit sa D’yos ng awa,


ang gawain n’ya’y dakila.

Umawit ng bagong awit at sa Poon ay ialay,


pagkat yaong ginawa n’ya ay kahanga-hangang tunay!
Sa sariling lakas niya at taglay na kabanalan,
walang hirap na natamo yaong hangad na tagumpay. (Tugon)

Ang tagumpay niyang ito’y siya na rin ang naghayag,


sa harap ng mga bansa’y nahayag ang pagliligtas.
Ang pangako sa Israel lubos niyang tinutupad. (Tugon)

Tapat siya sa kanila at ang pag-ibig ay wagas.


Ang tagumpay ng ating Diyos kahit saan ay namalas!
Magkaingay na may galak, yaong lahat sa daigdig;
ang Poon ay buong galak na purihin sa pag-awit! (Tugon)

Sa saliw ng mga lira iparinig yaong tugtog,


at ang Poon ay purihin ng tugtuging maalindog.
Tugtugin din ang trumpeta na kasaliw ang tambuli,
magkaingay sa harapan ng Poon na ating hari. (Tugon)

AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA 2 Timoteo 1, 10

Aleluya! Aleluya!
Si Kristo ay nagtagumpay
nalupig ang kamatayan
nagningning ang pagkabuhay.
Aleluya! Aleluya!

2
MABUTING BALITA Marcos 3, 22-30

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Noong panahong iyon, sinabi ng mga eskribang dumating mula sa


Jerusalem, “Inaalihan siya ni Beelzebul, ang prinsipe ng mga
demonyo. Ito ang nagbigay sa kanya ng kapangyarihang
magpalayas ng mga demonyo!” Kaya’t pinalapit ni Hesus ang mga
tao at sinabi sa kanila ang ilang talinghaga: “Paano mangyayaring
palayasin ni Satanas si Satanas?” Kapag naglaban-laban ang
nasasakupan ng isang kaharian, hindi mananatili ang kahariang
iyon. At kapag naglaban-laban ang magkakasambahay, hindi
mananatili ang sambahayang iyon. Gayun din naman, kapag
naghimagsik si Satanas laban sa kanyang sarili at naglaban-laban
ang kanyang nasasakupan, hindi magtatagal at darating ang
kanyang wakas.

“Walang makapapasok sa bahay ng isang taong malakas at


makaaagaw ng kanyang ari-arian, malibang gapusin muna niya ang
taong iyon. Saka pa lamang niya malolooban ang bahay na iyon.

“Tandaan ninyo ito: maaaring ipatawad sa mga tao ang lahat ng


kasalanan at panlalait nila sa Diyos, ngunit ang sinumang lumait sa
Espiritu Santo ay hindi mapatatawad. Ang kanyang kasalanan ay
hindi mapapawi kailanman.” Sinabi ito ni Hesus sapagkat ang sabi
ng ilan, “Inaalihan siya ng masamang espiritu.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

3
PANALANGIN NG BAYAN

Pari: Natitipon kay Kristo na lumulupig sa kasamaan, buong tiwala


tayong lumapit sa Ama dala ang ating mga idinadalanging
mithiin.

PANGINOON,
DINGGIN MO ANG AMING PANALANGIN.

Namumuno: Ang Simbahan nawa’y mapanibago at sumaksi nang may


katapatan sa tamang pagpapahalaga sa buhay upang
makatulong sa pagpapanumbalik sa mundong nasadlak sa
kasamaan, manalangin tayo sa Panginoon.

Namumuno: Ang mga nagdidigmaang mga bansa nawa’y matutong


mamuhay sa pakikiisa at pagtutulungan upang makapagdulot
ng kapayapaan sa daigdig, manalangin tayo sa Panginoon.

Namumuno: Ang lahat ng nananalig kay Kristo nawa’y mapaglabanan


nila ang pagkakahiwa-hiwalay at maging iisa sa Panginoon,
manalangin tayo sa Panginoon.

Namumuno: Ang mga maysakit, lalo na ang mga lumpo at may


kapansanan, nawa’y tumanggap ng kasiyahan at kalinga sa
mga nag-aalaga sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.

Namumuno: Ang Kapistahan ni San Ildefonso nawa’y magbunga ng


kabanalan sa atin at tumugon tayo sa paglilingkod sa kapwa
lalo’t higit sa mga nangangailangan, manalangin tayo sa
Panginoon.

4
Namumuno: Ang mga tapat na yumao nawa’y mailigtas sa kasamaan ng
walang hanggang kamatayan, manalangin tayo sa Panginoon.

(Sandaling katahimikan)

Pari: Ama naming Diyos,


patuloy Mo kaming hilumin sa lahat ng masama,
at hayaan Mong ang Iyong kabutihan
ang siyang magliwanag sa amin
Sa kapangyarihan ni Jesu-Kristong aming Panginoon.

Lahat: Amen.

You might also like