You are on page 1of 2

Ang Sagot sa mga “Paano?


Ang “The Hows of Us” ay isa sa pinakasikat na pelikulang ipinalabas noong Agosto 29, 2018 sa
direksyon ni Cathy Garcia-Molina. Pinagbibidahan ito ng real-life couple na sina Kathryn
Bernardo bilang si Georgina “George” Reyes at Daniel Padilla bilang si Primo Alvarez.
Nagkamit ng sari-saring parangal ang pelikulang ito at kabilang na doon ang pagiging kauna-
unahang pelikulang Pilipino na kumita ng ₱600 milyon matapos ng ika-20 araw nito sa sinehan.
Ngunit ang kabuuang kita nito ay umabot ng ₱805 milyon. Pinalabas rin ito sa iba pang bansa sa
Timog-Silangang bahagi ng Asya na siya namang nakalikom ng US$50,000.00 (Wikipedia
contributors).
Ang istoryang ito ay patungkol sa pagmamahalan nina George at Primo, at kung paano nila
nasolusyonan ang mga balakid sa kanilang relasyon. Nagsimula ang pelikula sa pamamagitan ng
pagpapakilala sa mga tauhan. Si George ay isang mag-aaral ng medisina habang si Primo naman
ay isang musikero na nagnanais na sumikat ang kaniyang sariling bandang tumutugtog ng OPM.
Noong una ay masaya silang nanirahan sa iisang bubong. Lahat ay maginhawa at nangako pa nga
sila na patuloy nilang susuportahan at mamahalin ang isa’t isa. Ngunit tulad ng ibang
pagmamahalan, hindi puwedeng palaging masaya. Kaya naman, iba’t ibang klase ng problema
ang umusbong sa kanilang relasyon na talaga namang sumubok sa tatag, tiwala, at
pagmamahalan nila para sa isa’t isa (Nailliah).
Ang mga problemang unti-unting lumitaw ang siya ring nagturo ng maraming aral hindi lamang
sa mga karakter na nasa pelikula, kundi pati na rin sa mga manonood. Unang-una sa mga
problemang ito ay ang kabiguan ni Primo sa pagtupad sa kanyang munting pangarap. Lumipas
ang maraming taon ngunit hindi pa rin sumikat ang bandang kanyang binuo. Ang mga orihinal
na miyembro ay umalis na at marami na ang nagbago pero hindi pa rin siya nagtagumpay sa
ninanais niya. Dahil dito, naapektuhan nang lubusan si Primo. Siya ay naging iresponsable,
tamad, at pabigat na dumating sa punto na hindi na siya nakakatulong sa mga bayarin. Ngunit
kahit ganoon, nanatili ang pagmamahal at tiwala ni George sa kaniya. Pero sabi nga nila, lahat ay
may hangganan. Napagod si George at tuluyan nang sumabog sapagkat pati ang kaniyang pag-
aaral ay naaapektuhan na. Kaya naman, walang nagawa si Primo kundi umalis na lamang at
sukuan ang kanilang pagmamahalan (Manalo).
Sunod naman ay ang pagiging martir para lamang sa ngalan ng pag-ibig. Ang isyung ito ay
makikita natin sa karakter ni George. Isa sa pinaka tumatak na linya niya ay ang “Matalino
akong tao e. Pero pagdating sa’yo, ewan ko, natatanga ako.” Nasabi niya ang ganitong mga salita
sapagkat ipinakita kung ano ang nakayanan niyang isakripisyo at sukuan nang dahil sa pag-ibig.
Tulad na lamang ng pagtapon niya sa kaniyang pangarap upang patunayan ang kaniyang
pagmamahal kay Primo, ang pagkunsinti sa mga maling gawi ni Primo, ang pagpanggap niya na
siya ay masaya sa harap ng maraming tao, ang pagsalo sa lahat ng gastusin sa bahay, at marami
pang iba. Dito, ating masasalamin na maraming maaaring maging epekto sa isang tao ang labis-
labis na pagmamahal para sa isa pang indibidwal (Cruz).
Ang huling problema ay ang laban sa pagitan ng puso at utak. Talaga namang pinagtuunan ng
pansin ng pelikulang ito ang debateng nangyayari sa puso at utak ng isang indibidwal sa tuwing
pumapasok sa isang romantikong relasyon. Pinakita rito na may mga bagay talaga na minsan
nakakalito sapagkat hindi mo alam kung ano ba ang dapat na sundin. Ang puso ba na walang
ibang sinisigaw kundi ang taong gusto mo, o ang utak na sinasabing unahin mo ang mga
pangarap mo. Ito ang eksaktong naranasan ni George magmula nang siya ay umibig. Kaniyang
napagtanto na minsan, kapag puso ang pinairal, marami ang nagiging mangmang. Kapag naman
utak, hindi lahat ay tunay na masaya (ABS-CBN).
Maraming tao ang humanga sa pelikulang ito sapagkat sinalamin nito ang makatotohanan na
pangyayari sa buhay ng mga indibidwal na nasa isang relasyon. Tinuruan tayo nito ng iba’t ibang
mahahalagang mga aral na ating magagamit sa pang araw-araw na buhay. Ang ilan sa mga ito ay
ang katotohanang hindi lahat ng pangarap ay natutupad, minsan may mga taong kinakailangang
maghiwalay upang tunay na matuto at maging malaya, walang masama sa pagbibigay ng
“second chance” sa mga taong tunay na nagbago, hindi magiging matagumpay ang relasyon
kung isang tao lamang ang lumalaban para dito, at higit sa lahat, pina-intindi nito sa atin na
walang relasyon ang perpekto (Kathsblog). Lahat ay may mga di-kasakdalan kaya mas mainam
kung marunong tayong matuto sa lahat ng ating pagkakamali. Dahil ang tunay na pag-ibig ay
mapagpatawad, malaya, at mapagpakumbaba.

Bibliograpiya:
ABS-CBN. “18 Memorable Lines From ‘the Hows of Us’ That Make It Uber Rewatchable.”
ABS-CBN Corporate, 24 Apr. 2019.
Cruz, Oggs. “‘The Hows of Us’ Review: Safe but Sound.” RAPPLER, 1 Sept. 2018.
Kathsblog. “10 Lessons That I Have Learned After Watching the Hows of Us.” Kath’s Blog, 10
Sept. 2018.
Manalo, Ro. “An Honest Review of ‘The Hows of Us.’” COSMOPOLITAN, 1 Sept. 2018.
Nailliah. “Pagsusuri Sa Pelikulang ‘The Hows of Us.’” Nailiah’s Blog, 16 Nov. 2019.
Wikipedia contributors. “The Hows of Us.” Wikipedia, 22 Nov. 2022.

You might also like