You are on page 1of 4

Pamilya: Isang Salita, Dapat Nagkakaisa

“Ate, pamilya mo kami. Dapat kung sino man ang nakakakilala sa’yo, ‘yung totoong ikaw, dapat
kami ‘yun.” Ito ay isa lamang sa mga linyang tumatak sa sambayanan mula sa pelikulang “Four
Sisters and A Wedding.” Ito ay may temang komedya, romansa, at pampamilya na inilabas sa
Star Cinema noong Hunyo 26, 2013 na nil ikha ni Jose Javier Reyes at Vanessa R. Valdez sa
direksyon ni Cathy Garcia-Molina. Pinagbibidahan ito nina Toni Gonzaga (bilang Teodora Grace
“Teddie” Salazar), Bea Alonzo (bilang Roberta Olivia “Bobbie” Salazar), Angel Locsin (bilang
Alexandra Camille “Alex” Salazar), Shaina Magdayao (bilang Gabriella Sophia “Gabbie”
Salazar), Enchong Dee (bilang CJ “Reb-reb” Salazar), Coney Reyes (bilang Grace Salazar),
Angeline Quinto (bilang Princess Antoinette May Bayag), Carmi Martin (bilang Jeanette Bayag)
at Boboy Garovillo (bilang Honey Bayag). Kumita ito ng kabuuang ₱145 milyon na siyang
naging palatandaan kung gaano ito kasikat, mula noon hanggang ngayon.

Mula sa mga nabanggit na tauhan, ating mapapansin kung gaano kaganda ang nangyaring pagpili
sa mga artistang gumanap. Hindi lingid sa kaalaman ng lahat na magkaibigan talaga sa tunay na
buhay sina Toni, Bea, Angel, at Shaina na siyang nakatulong nang malaki upang mas maipakita
nila ang “bond” sa pelikula bilang magkakapatid. Naging masilaw rin sa mata ng mamamayan
kung gaano kagaling si Coney Reyes sapagkat nabigyang-buhay niya ang kanyang papel sa
palabas bilang isang maalaga at mapagmahal na ina. Ganoon din ang nangyari kay Enchong Dee
at Angeline Quinto dahil naging makatotohanan ang pag-arte nila upang ipakita kung ano ang
tunay na nangyayari sa relasyon ng dalawang taong may magkaibang antas sa buhay. Naging
epektibo ang pagganap ni Enchong bilang bunso at nag-iisang lalaki sa pamilya, at maayos ring
nagampanan ni Angeline ang papel niya bilang nag-iisang anak ng mayaman na mag-asawa.
Bukod pa riyan, naging balanse ang lahat dahil sa husay nina Carmi Martin at Boboy Garovillo
sa pagpapatawa at pagpapagaan ng kalagayan ng kwento. Dahil diyan, masasabi natin na
talagang kinuha nila ang ilan sa pinakamahusay na artista sa henerasyon na ito upang bigyang
hustisya ang isang komplikadong kwento tungkol sa relasyon ng pamilya, pagkakaibigan,
pagpapatawad, at pamamaalam (Chui).

Ngayon, tumungo naman tayo sa pangunahing balangkas nito. Ang palabas na ito ay umikot sa
kwento ng pamilya Salazar na siyang sinimulan noong inanunsyo ni CJ ang kanyang planong
pagpapakasal sa kanyang apat na buwang nobya na si Princess. Taliwas sa ideya na ito ang mga
babae niyang kapatid na sina Teddie, Bobbie, Alex, at Gabbie. Ngunit, wala pa rin silang nagawa
sapagkat ang kanilang nanay na si Grace na mismo ang pumayag, kaya napilitan pa ring umuwi
ng Pilipinas sina Teddie at Bobbie na nagtatrabaho sa Spain at New York. Lahat sila ay muling
nagsama-sama sa kanilang munting tahanan at dito rin nagsimula ang kaguluhan. Dahil sa
kagustuhang mapigilan ang kasal, hindi naiwasang maungkat ang nakaraan at magkasakitan.
Ang mga lihim na pilit tinago at mga sama ng loob na sinubukang balewalain ay unti-unting
nabalik hanggang sa lahat sila ay sumabog na. Nagkaroon ng komprontasyon kung saan nakita
ang iba’t ibang ugali ng mga magkakapatid at ang naging susi rin upang sila ay magkaayos
(Cruz).

Natalakay dito ang iba’t ibang isyu hindi lamang sa lipunan kundi pati na rin sa loob ng tahanan.
Nangunguna sa mga usaping pantahanan ang pagkakaroon ng paboritong anak. Ito ang
problemang naranasan ni Bobbie. Binanggit niya ang ilan sa kaniyang mga karanasan kung saan
naramdaman niya na mas mahal ng kanilang mga magulang ang iba niyang mga kapatid kaysa sa
kanya. Ang ilan sa mga ito ay ang pagpuri ng nanay nila kay Teddie kahit pa na mas maraming
natanggap na gantimpala si Bobbie, noong nagalit ang nanay nila kay Bobbie sapagkat kinait
nito ang natitirang ulam na para dapat kay Teddie, ang pagpapauna lagi kay Teddie sa tuwing
may pasalubong na dala, at marami pang iba. Pangalawa naman ay ang pagkakaroon ng inggit sa
pagitan ng magkakapatid. Ipinahayag sa ito sa parte ng komprontasyon kung saan sinabi nila sa
isa’t isa ang mga katangian na wala sila ngunit mayroon sa iba. Dahil dito, may namuong selos at
puot sa puso ng bawat isa. Ang pangatlo naman ay ang pag-aaway ng magkapatid dahil sa pag-
ibig. Nangyari ito sa pagitan nina Bobbie at Alex sapagkat parehas silang nahulog sa iisang
lalaki, at iyon ay walang iba kundi si Chad (Bernard Palanca). Ang pangyayaring ito ang naging
sanhi kung bakit ilang taong hindi nagpansinan ang magkapatid. At ang panglima ay ang
kahalagahan ng pagmamahal at tiwala sa isang relasyon, at ang tunay na kahulugan ng salitang
“pamilya.” Sa dulo ng pelikula, ating makikita ang muling pagkakaayos-ayos ng magkakapatid.
Dito natin mahihinuha na sa huli, ang pamilya ay dapat nagkakaisa sapagkat kahit ano pa ang
mangyari, pag-ibig pa rin ang mananaig (Osorio).

Sa usaping panlipunan naman, nangunguna ang pakikipagsapalaran at sakripisyo ng mga


“Overseas Filipino Workers” o OFW. Matutunghayan ito sa kwento nina Bobbie at Teddie kung
saan pareho silang nagtiis sa hirap at hindi umuwi ng ilang taon para lamang kumita at tulungang
umahon sa kahirapan ang kanilang pamilya. Sunod naman ay ang pag-objectify sa mga
kababaihan. Ipinasok ang isyung ito sa eksena kung saan nagpaplano ang ang maghkakapatid na
pigilan ang kasal ni CJ sa pamamagitan ng pagbibigay dito ng maraming “options.” Dito natin
makikita na sa lipunan natin, maraming mamamayan ang may mababa na tingin sa mga babae.
Ang pangatlo ay “Third Culture Kids” o ang mga batang lumaki sa ibang kultura maliban sa
kulturang kanilang kinagisnan at mayroon ang kanilang mga magulang. Makikita natin ang
usaping ito sa karakter ni Trixie na siyang ginampanan ni Samantha Faytaren. Ang personalidad
niya sa palabas ay naging isang magandang halimbawa upang ipakita na may mga batang
hinubog ng iba’t ibang kaugalian sapagkat sila ay lumaki sa sari-saring lugar o bansa. Ang
panghuli ay ang pagkakaroon ng “layoffs” dahil sa krisis. Sa pelikula, nabanggit na natanggal si
Teddie sa kaniyang trabaho bilang isang guro sa Spain. Dahil dito, mas napatunayan na may
aspetong katotohanan ang pelikula sapagkat ang “Spain Financial Crisis” ay isang totoong isyu
noong 2008 hanggang 2016. Ang ganitong uri ng kwento ay talaga namang kawiwilihan ng lahat
na magbibigay sa atin ng luha at tawa sapagkat sumasalamin ito sa makatotohanang problema ng
lipunan at pagmamahalan ng isang pamilya (Dizon 12; Obnasca; 6).
Bukod pa riyan, naging epektibo rin ang ginamit nilang tagpo, simbolismo, at diyalogo sa
istorya. Unang-una sa tagpo ay ang bahay ng mga Salazar. Naging maayos ang pagkakagamit
nila rito upang ipakita kung paano nagsimula at unti-unting lumago ang kanilang pamilya. Ang
sunod naman ay ang bahay ng mga Bayag. Saktong-sakto lang na gumamit sila ng malaking
bahay upang ipakita kung gaano kayaman ang pamilya Bayag. Ang pang-huli sa tagpo ay ang
spa na di umano ay may “happy ending” daw. Madilim ang lugar na ito na siyang sumalamin sa
kawalan ng katiyakan kung ano ba talaga ang “happy ending” na tinutukoy dito. Sa simbolismo
naman, may makikita tayong dalawa. Una ay ang ipinapahiwatig ng Rebisco na biskwit. Ang
pagkakadikit-dikit nito ay sumasalamin sa kung gaano kalapit ang loob ng magkakapatid sa isa’t
isa. At ang huli ay ang kasal mismo. Ito ang naging simbolo ng pagwawakas ng kaguluhan sa
pamilya at pagbubukas ng panibagong pinto para sa pagsisimula ng panibagong yugto sa
kanilang buhay (The Asian-Am Butterfly). Ngayon sa diyalogo, mga wastong salita ang ginamit
upang maiugnay sa isa’t isa. Siniguro rin nila na ang bawat linya ay hindi lamang “relatable”
kundi ay kapupulutan din ng aral (Javier). Ilan sa mga sumikat na linya dito ay ang “Bakit parang
kasalanan ko?”, “Nagpakatatag ako. Nagpakatigas ako kasi kailangan ko. Pero hindi dahil
matigas ako, wala na akong pakiramdam, na hindi na ako nasasaktan. Nasasaktan din ako.”, at
“Ma, I’m sorry ma” (Olaño).

Bilang pagtatapos, ang pelikulang ito ay talaga namang kapupulutan ng maraming aral kaya’t
nararapat lamang na panoorin ng lahat. Tinuruan tayo nito na sa isang pamilya, normal lang
naman ang pagkakaroon ng problema at hindi pagkakaunawaan. Ngunit nararapat na ito ay
pinag-uusapan kaagad. Hindi dapat ito pinatatagal sapagkat ang mga damdaming hindi napag-
uusapan ang siyang nagiging sanhi kung bakit nagkakaroon ng lamat ang bawat relasyon na ating
iniingatan. Minulat nito ang ating mga mata sa kung gaano kahalaga ang komunikasyon para sa
ating pang araw-araw na pamumuhay. At higit sa lahat, ipinakita ng pelikulang ito sa atin na ang
pamilya ay dapat na nagkakaisa sapagkat sa huli, sila pa rin ang ating makakapitan dahil ang
mananaig at mananaig pa rin ang pagmamahal sa kabila ng anumang pagsubok na dumating sa
ating buhay.

- Riza Danielle R. Panahon

Bibliograpiya:

Chui, Angie. “Four Sisters and a Wedding: Movie Review.” Wynnesworld, 27 June 2013.

Cruz, Oggs. “Review: Cathy Garcia-Molina’s FOUR SISTERS AND a WEDDING Wants to
Relate With Earnest Charm.” ScreenAnarchy, 17 July 2013.

Dizon, Avielle. “Four Sisters and a Wedding Movie Review - Senior High School Taong
Pampanuruan 2020- Rebyu Ng.” Studocu.
“Film Critique on: Four Sisters and a Wedding.” The Asian-Am Butterfly, 11 Aug. 2013.

Javier, Humility. “8 Of Bobbie’s Best Lines From ‘Four Sisters and a Wedding’!” Star Cinema,
7 Sept. 2022.

Obnasca, Venus Arriane. “‘Four Sisters and a Wedding’: Pagsusuri Ng Napiling Pelikula Hinggil
Sa Isyung Migrasyon at Diaspora Na Pinamagatang - PDFCOFFEE.COM.” pdfcoffee.com.

Olaño, Kirsten. “COMPILED: Toni Gonzaga’s Hilarious Lines in ‘Four Sisters and a
Wedding.’” Star Cinema, 20 Jan. 2019.

Osorio, Geri. “5 Reasons ‘Four Sisters and a Wedding’ Is a Must-Watch Film.”


ModernFilipina.ph, 30 Sept. 2021.

You might also like