You are on page 1of 5

Kaantasan ng Pang-uri

Ang pang-uri ay salitang nagsasaad ng katangian o uri ng tao, hayop, bagay, lunan, atbp.
na tinutukoy ng pangngalan o panghalip na kasama nito sa loob ng pangungusap.

Sa pamamaraang estruktural, ang pang-uri ay nakikilala dahil sa impleksiyong nagaganap


dito ayon sa kasidhian at hambingan. Ito ay kasama ng pangngalan o panghalip, maliban kung
ang mga ito ay inaalis na sa pangungusap.

May iba’t ibang antas ng kasidhian ang pang-uri: lantay o pangkaraniwan,


katamtamang antas, at masidhi. Lantay ang karaniwang anyo ng pang-uri, tulad ng mayaman,
palabiro, pang-araw-araw, at marami pang iba.

Mga halimbawa:
 Hirap man sa buhay pero mayaman naman sa pagmamahal ang pamilya Madrigal.
 Isa sa gustong katangian ng mga babae sa isang lalaki ay ang pagiging palabiro.
 Kasama sa pang-araw-araw na gawain ng guro ang pagbabasa.

Ang ikalawang antas ay tinatawag na katamtamang antas. Naipakikita ito sa paggamit


ng medyo, nang, bahagya, nang kaunti, atbp., o sa pag-uulit ng salitang-ugat o dalawang unang
pantig nito.

Mga halimbawa:
 Medyo mahina ang dating ng boses mo sa telepono.
 Labis nang bahagya ang nakuha niyang bonus kaya ibinabahagi niya ito sa iba.
 Umusog ka nang kaunti para makasakay ang ibang pasahero.
 Malayo-layo na rin ang ating narating kung lilingunin ang mga nasimulan.
 Matamis-tamis ang lasa ng inuming inihain niya sa amin.

Ang ikatlong antas ay ang pinakamasidhi. Ito ay naipakikita sa pamamagitan ng: (1) pag-
uulit ng salita, (2) paggamit ng mga panlaping napaka-, nag-, -an, pagka, at kay-; (3) sa
paggamit ng mga salitang lubha, masyado, totoo, talaga, tunay, atb.

Mga halimbawa:
 Matarik na matarik ng tinahak naming daan noong nagbakasyon kami Cuenca.
 Napakasinungaling talaga ng kandidatong tumatakbo sa pagkapangulo.
 Nagtaasan ang mga presyo ng bilihin ngayong pandemya
 Pagkagaling-galing mo talagang mambola ng tao.
 Lubhang pinagdamdam ng dalaga ang di pagsipot ng kanyang manliligaw.
 Masyadong kampante na ang mga tao sa tuwing lumalabas ng kanilang tahanan.
 Totoong ang taong may mabuting hangarin ay siyang magwawagi sa huli.
 Talaga namang nakakatakot na ang mga nangyayari ngayon sa mundo.
 Tunay na kay rami nang nabago ang paniniwala dahil sa paghahanap nila ng
katotohanan.
Pang-uring pahambing ang tawag sa mga pang-uring naghahambing ng dalawang tao,
bagay, pook, atbp. Pasukdol naman ang tawag sa mga pang-uring naghahambing ng higit sa
dalawa.
May dalawang uri ng pang-uring pahambing: (1) pahambing na magkatulad at (2)
pahambing na di-magkatulad.
Magkatulad ang hambingan kung ang mga pinaghahambing ay pareho o magkapatas ng
uri o katangian. Naipakikita ito sa pamamagitan ng paggamit ng mga panlaping ka-, sing-,
kasing-, magsing-, magkasing-, atbp., at sa paggamit ng mga salitang pampanulad tulad ng gaya,
tulad, paris, kapuwa, atbp.

Mga halimbawa:
 Kaugali ni Jowie ang namayapang ama.
 Kasingtibay ng puno ng narra ang kanilang pag-iibigan.
 Walang tulak-kabigin dahil magsingganda silang dalawa.
 Magkasingtangkad na kami ngayon ng aking kuya.
 Gaya ng pagsikat ng araw ang dala mong liwanag sa aking buhay.
 Tulad ng buhangin sa dalampasigan ang kanilang pinagsaluhang relasyon.
 Kapuwa nagtataglay ng pambihirang kahusayan ang magkapatid na si Jane at
Elizabteh.

Di-magkatulad ang hambingan kung ang mga pinaghahambing ay hindi magkapatas ng


uri o katangian. Naipakikita sa paggamit ng mga salitang panghambing, tulad ng kaysa, di-tulad,
di-gaya, di-gaano, di-hamak, atbp.

Mga halimbawa:
 Malaki ang Indonesia kaysa Russia kung pag-uusapan natin ang populasyon.
 Okay na’ko ngayon, di-tulad ng dati umiiyak sa iyo.
 Buti na lang nanantili ka, di-gaya ng mga taong kapag nakuha na ang gusto ay bigla
na lang nawawala.
 Di-gaanong mahirap ang nagdaang pagsusulit.
 Di-hamak na mas mainam iboto ang politikong may malinis na hangarin kaysa
magnanakaw at sinungaling.

Ang panukdulan na mga pang-uri ay naipakikita naman sa pamamagitan ng mga


panlaping pinaka-, ka-, -an, at ng pinagsamang salitang walang at kasing-.

Mga halimbawa:
 Pinakamagandang lalaki at babae ka sa mata ng iyong ina.
 Walang kasinggaling pagdating sa pagtira sa tres si Stephen Curry.
 Walang kasingsarap na pakiramdam ang magmahal at mahalin pabalik.
Uri ng Pang-abay

Sa istruktural na pagbibigay-kahulugan, ang pang-abay ay nakikilala dahil kasama ito ng


isang
pandiwa, pang-uri o isa pang pang-abay na bumubuo ng parirala.

Sa pansemantikang pagbibigay ng kahulugan, ito ay nagbibigay-turing sa pandiwa, pang-uri


o sa iba pang pang-abay.

Ang bahagi ng pananalita na ito ay may maraming uri. Sa katunayan, mayroong labing-
isang (11) uri ng pang-abay – pamanahon, panlunan, pamaraan, pang-agam, kundisyunal.
panang-ayon, pananggi,panggaano o pampanukat, kusatibo, benepaktibo, at pangkaukulan.

1. Pang-abay na Pamanahon – nagsasaad kung kailan naganap o magaganap ang kilos na taglay
ng pandiwa. Napapangkat ang ganitong uri ng pang-abay: (1) yaong may pananda at (2)
yaong walang pananda.
 Para sa pamanahong may pananda ay ginagamit ang mga panandang nang, sa, noong,
kung, kapag, tuwing, buhat, mula, umpisa, hanggang.
 May mga pang-abay na pamanahon na walang pananda tulad ng kahapon, kangina,
ngayon, mamaya, bukas, sandali, atb.
 May mga pang-abay na pamanahon na nagsasaad ng dalas ng pagganap sa kilos na taglay
ng pandiwa. Ilang halimbawa ang araw-araw, taon-taon, atb.

Halimbawa:
 Tuwing Linggo umuuwi ang tatay galing Maynila.
 Kahapon lamang ang sarap ng ating pagmamahalan.
 Mahiwaga, pipiliin ka sa araw-araw.

2. Pang-abay na Panlunan – tumutukoy sa pook na pinangyarihan, pinangyayarihan o


pangyayarihan ng kilos ng pandiwa.

Halimbawa:
 Masayang namamasyal ang magkasintahan sa liwasan.
 Sa Araneta Coliseum gaganapin ang konsyerto ng Blackpink.

3. Pang-abay na Pamaraan – naglalarawan kung paano naganap, nagaganap o magaganap ang


kilos na ipinahahayag ng pandiwa o ng isang kayariang hango sa pandiwa.
 Dalawa ang panandang nagagamit sa pang-abay na pamaraan: (1) ang panandang nang at
(2) ang pangawil na na/-ng.

Halimbawa:
 Niyakap niya ako nang mahigpit
 Tumakbo siya nang mabilis
 Lumakad siya na nakatapak lamang.
 Kumain siyang parang wala nang bukas.

4. Pang-abay na Pang-agam – tawag sa mga pang-abay na nagbabadya ng di-katiyakan sa


pagganap sa kilos ng pandiwa.
Halimbawa:
 Kaya siya sumuko ay marahil napagod na siya sa paghihintay.
 Siguro uunlad ang ating bansa kapag tamang kandidato ang ating iboboto.
 Tila bang may nabunot na tinik sa aking lalamunan noong narinig ko ang magandang
balita.
 Baka tanghaliin ka bukas kapag di ka natulog nang maaga.

5. Pang-abay na Kundisyunal – nagsasaad ng kundisyon para maganap ang kilos na isinasaad


ng pandiwa.
Halimbawa:
 Kung buong-puso at dalisay ang hangarin tiyak ito’y magbubunga ng maganda.
 Kapag ako ay nagmahal, umiyak man ako, hindi ko ito ikakahiya.

6. Pang-abay na Panang-ayon – nagsasaad ng pangsang-ayon.


Halimbawa:
 Oo, asahan mo, darating ako.
 Tunay na ang pagkain ng gulay ay magdudulot nang malakas at malusog na katawan.
 Opo, hindi na ako magpupuyat.
 Talagang kay bilis ng panahon, kailan lang ay musmos ka pa.
 Sadyang kapag kabutihan ang iyong tinanim, kabutihan din ang iyong aanhin.

7. Pang-abay na Pananggi – yaong mga pang-abay na nagsaad ng pagtanggi.


Halimbawa:
 Hindi pa lubusang nalilimutan ang masalimuot na nakaraan.
 Pagdating sa ihahalal na lingkod-bayan, ayaw ko sa magnanakaw at sinungaling.

8. Pang-abay na Panggaano o Pampanukat – yaong mga pang-abay na nagsaad ng timbang o


sukat.
Halimbawa:
 Naghintay nang dalawang oras ang mga estudyante sa pagbabalik ng kuryente.
 Bumili nang isang ektaryang lupa si Cynthia upang magpatayo ng kanyang mansyon.
 Nang timbangin ulit ang biniling rambutan ay lumabis ito nang isang guhit.

9. Pang-abay na Kusatibo – tawag sa pang-abay na nagsasaad ng dahilan sa pagganap sa kilos


ng pandiwa.
Halimbawa:
 Nang dahil sa pag-ibig, natutong magtiis.
 Dahil hindi siya nagrebyu, mababang grado ang kanyang nakuha

10. Pang-abay na Benepaktibo – tawag sa pang-abay na nagsasaad ng benepisyo para sa isang


tao dahil sa pagkaganap sa kilos ng pandiwa o ng layunin ng kilos ng pandiwa.
Halimbawa:
 Ang programang inilunsad ng pamahalaan ay para sa mahihirap.

11. Pang-abay na Pangkaukulan – pinangungunahan ng tungkol, hinggil , o ukol.

Halimbawa:
 Nang napag-usapan ang tungkol sa kanyang plataporma ay bigla siyang natameme.
 Wala pang inilalabas na kongkretong patnubay ang Kagarawan ng Edukasyon hinggil sa
planong pagbubukas muli ng mga paaralan
 Inanunsiyo na sa publiko ang ukol sa pagbibigay ng suportang pinansiyal sa mga
mamamayang nawala ng trabaho sa panahon ng pandemya.

Sanggunian:
Santiago, Alfonso O. & Tiangco, Norma G. (2003). Makabagong Balarila Filipino. Rex
Book Store, Inc.

You might also like