You are on page 1of 4

Phil-IRI Pangkatang Pagtatasa sa Pagbasa, Baitang 4

Panuto: Basahin nang tahimik ang bawat kuwento. Pagkatapos, basahin ang mga tanong at isulat
ang titik ng tamang sagot sa sagutang papel.

A. Ang Aso sa Lungga


May isang asong gutom na gutom na naglalakad sa kalsada. Habang naglalakad, ibinubulong niya sa
sarili na kailangan niyang makakita ng isang lunggang puno ng pagkain. Nang makakita siya ng
lungga sa dulo ng kalsada, agad siyang pumasok dito. Kumain siya hanggang mabusog. Pero kahit
busog na siya, kumain pa rin at inubos ang lahat ng pagkain sa loob ng lungga. Sa kanyang
kabusugan, halos pumutok ang malaki niyang tiyan. Nang lalabas na lamang siya, napansin niyang
hindi na siya magkasya sa labasan. Sumigaw siya upang humingi ng tulong. Dumating ang isa pang
aso at nalaman ang nangyari. Bago ito umalis, nagwika siya sa kasamang aso, “Hintayin mo na lang
umimpis ang tiyan mo.”

1. Saan nangyari ang kuwento? (Literal)


a. sa bukid
b. sa gubat
c. sa kalsada
d. sa lansangan
2. Ano ang hinahanap ng aso? (Literal)
a. makakain
b. makakasama
c. mapapasyalan
d. matutulugan
3. Anong ugali ang ipinakita ng aso? (Paghinuha)
a. madamot
b. matakaw
c. masipag
d. mayabang
4. Bakit hindi makalabas ang aso sa lungga? (Paghinuha)
a. may harang ang labasan
b. may bitbit pa siyang pagkain
c. lubos na marami ang kinain niya
d. mali ang paraan ng paglabas niya
5. Bakit kaya hindi siya natulungan ng isa pang aso? (Inferential)
a. natakot sa kanya ang aso
b. para matuto siya sa pangyayari
c. nainggit sa kanya ang isa pang aso
d. hindi rin ito makakalabas sa lungga
B. Si Muning!
Muning! Muning!
Hanap nang hanap si Susan kay Muning. Dala ni Susan ang lalagyan ng pagkain ni Muning. May
laman na ang lalagyan, pero wala si Muning. Wala siya sa kusina. Wala rin siya sa silid. Nasaan
kaya si Muning?
Bumaba ng bahay si Susan. Hinanap niya kung naroon si Muning. Ikot na siya nang ikot, pero hindi
pa rin niya nakita. Baka lumabas ito ng bahay.
Ngiyaw! Ngiyaw!
Hayun si Muning! Ngiyaw siya nang ngiyaw. Nasa loob siya ng kahon. May mga kasama si Muning sa
loob ng kahon.
Nakita ni Susan ang kasama ni Muning. Mga kuting ang kasama ni Muning sa kahon! May puti, itim
at magkahalong puti at itim na kulay ng kuting. Tuwang-tuwa si Susan!

6. Sino ang naghahanap ng pusa? (Literal)


a. ang kuting
b. si Muning
c. si Nanay
d. si Susan
7. Bakit niya hinahanap ang pusa? (Paghinuha)
a. ipapasyal niya ito
b. paliliguan niya ito
c. pakakainin niya ito
d. patutulugin niya ito
8. Saan niya nakita ang pusa? (Literal)
a. sa silid
b. sa silong
c. sa kahon
d. sa kusina
9. Sino ang mga kasama ni Muning sa kahon? (Paghinuha)
a. mga anak nito
b. mga kalaro nito
c. mga nahuli nito
d. mga kaibigan nito
10. Ano ang isa pang magandang pamagat ng kuwento?? (Pagsusuri)
a. Nasaan si Muning?
b. Nasaan ang Kahon?
c. Ang Kahon ni Susan
d. Ang Pagkain ini Muning
C. Si Brownie
Si Brownie ay aking alagang aso. Ang aking aso ay masamang magalit. Minsan ay may pumasok na
malaking manok sa aming bakuran. Kaagad niya itong tinahulan. Kung hindi lamang siya nakatali
nang mahigpit, malamang na habulin niya ito. Nagulat ang manok at tumakbo ito nang mabilis
palabas ng bakuran.
Kagabi ay hindi ko naitali si Brownie. Panay ang ungol niya. Maya-maya ay may tinahulan siya nang
malakas. Biglang lumukso si Brownie sa kanyang tulugan at may hinabol. Dali-dali kong sinilip ang
aking alaga. May napatay siyang daga! Bahagya pa niyang ginalaw ang kanyang buntot nang makita
ako. Kaagad kong binitbit sa buntot ang daga at ipinakita kay Tatay. Masayang hinimas ni Tatay si
Brownie. “Talagang maaasahan ang asong ito,” sabi niya.

11. Saan naganap ang kuwento? (Literal)


a. sa bahay
b. sa paaralan
c. sa palengke
d. sa simbahan
12. Ano ang katangiang ipinakita ni Brownie? (Paghinuha)
a. matapang
b. masungit
c. maharot
d. malikot
13. Ano ang napatay ni Brownie? (Literal)
a. pesteng ipis
b. pusang bahay
c. dagang bahay
d. ligaw na manok
14. Bakit kaya bahagyang ginalaw ni Brownie ang buntot nang makita ang amo? (Paghinuha)
a. gusto niyang gisingin ang daga
b. nagulat siya sa kanyang ginawa
c. natakot siyang mapagalitan ng amo
d. upang ipakita sa amo ang kanyang ginawa
15. Bakit kaya sinulat ang kuwentong “Si Brownie”? (Pagsusuri)
a. Hatid nito ang isang balita.
b. Nais nitong magbigay-aral.
c. Gusto nitong magbigay ng aliw.
d. Nais nitong magbigay ng bagong kaalaman.
D. Balat ng Saging

“Lito! Lito!” Si Mina ang sumisigaw. Kay lakas ng kanyang sigaw.


“Bakit, Ate? Ano iyon?” Ito naman ang tanong ni Lito. Lumapit siya kay Mina. Ayaw niyang
sumigaw pa ang kanyang ate.
“Balat ng saging ito, hindi ba? Sino ang nagtapon nito?” Galit si Mina. Galit siya sa nagtapon ng
balat ng saging.
“Ako, Ate,” sagot ni Lito. Mahina ang kanyang sagot. Mahina ang kanyang tinig.
“Sabi ko na nga ba. Huwag ka nang magtatapon dito, ha! Sa basurahan ka magtatapon. Hayan ang
basurahan natin. Hayan, natapakan ko ang balat ng saging. Nadulas ako.”
“E... hindi ko sinasadya, Ate. Talaga, hindi ko sinasadya. Hindi na ako magtatapon ng balat ng
saging kahit saan. Sa basurahan na ako magtatapon.”
“Mabuti. Mabuti kung gayon,” sabi ni Mina.

16. Sino ang nakatatandang kapatid? (Literal)


a. Mina
b. Lito
c. Lita
d. Tina
17. Bakit sumisigaw si Mina? (Paghinuha)
a. galit siya
b. maingay kasi
c. tinatakot niya si Lito
d. hindi marinig ang boses niya
18. Ano ang naramdaman ni Lito nang tinanong siya ni Mina nang pasigaw? (Paghinuha)
a. nagalit siya
b. natuwa siya
c. natakot siya
d. nagtampo siya
19. Bakit nadulas si Mina? (Literal)
a. madulas ang sahig
b. di niya nakita ang nilalakaran
c. natapakan niya ang balat ng saging
d. natapakan niya ang basang bahagi ng sahig
20. Ano ang isa pang magandang pamagat ng kuwento? (Pagsusuri)
a. Ang Basurahan
b. Ang Saging ni Lito
c. Pulutin ang Saging
d. Ang Sigaw ni Mina

You might also like