You are on page 1of 9

Republic of the Philippines

Department of Education – Region III Central Luzon

DIVISION OF CITY OF SAN FERNANDO

Self-Instructional Packets (SIPacks)


Araling Panlipunan Grade 8
Quarter 3 – WEEK 3
A. Pamantayang Pangnilalaman (Content Standards):
Ang mag-aaral ay naipamamalas ang pag-unawa sa naging transpormasyon tungo sa makabagong
panahon ng mga bansa at rehiyon sa daigdig bunsod ng paglaganap ng mga kaisipan sa agham,
politika, at ekonomiya tungo sa pagbuo ng pandaigdigan kamalayan.

B. Pamantayan sa Pagganap (Performance Standards):


Ang mag-aaral ay kritikal na nakapagsusuri sa naging implikasyon sa kaniyang bansa, komunidad, at
sarili ng mga pangyayari sa panahon ng transpormasyon tungo sa makabagong panahon.

C. Mga Kasanayan sa Pagkatuto/ Most Essential Learning Competencies:


MELC No.3: Nasusuri ang dahilan, kaganapan at epekto ng Rebolusyong Siyentipiko, Enlightenment
at industriyal.

Aralin: Rebolusyong Siyentipiko, Enlightenment at Rebolusyong Industriyal

Sanggunian (References):
Deloria, Marcosa D. ADM-SLM Modyul 2: Unang Yugto ng Kolonyalismo. DepEd Region III. 2020
2020. https://www.slideshare.net/nicogranada31/k-to-12-grade-8-aralingpanlipunan-learners- module-quarter-2.
Andaya, Jocelyn, and Jose Tuguinayo. Kasaysayan Ng Daigdig. 1st ed. Reprint, Pasig City: Vibal Group, Inc., 2014.
Cruz, Marck Alvin, and Fietas Mark Andrew. Kasaysayan Ng Daigdig. 1st ed. Reprint, Quezon City: Vibal Group. Inc., 2015.
"LR Portal". Deped LR Portal, 2020. https://lrmds.deped.gov.ph/grade/8.
Mactal, Ronaldo. Padayon: Araling Panlipunan Sa Siglo 21. 1st ed. Reprint, Quezon City: Phoenix Publishing House, Inc., 2015.
Perry, Marvin, and Daniel Davis. History Of The World. Reprint, Boston, Massachusetts: Houghton Mifflin Company, 1989.
Samson, Maria Carmelita, and Celia Soriano. Kayamanan: Kasaysayan Ng Daigdig. Reprint, Manila: Rex Publishing Company
Inc., 2015.

D. Layunin (Objectives)
1. Natutukoy ang mga dahilan, kaganapan at epekto ng Rebolusyong Siyentipiko, Enlightenment at
Rebolusyong Industriyal;
2. Naipaliliwanag kung paano ginamit ng tao ang kanyang isip at katwiran sa Panahon ng Enlightenment;
at
3. Napahahalagahan ang iba’t-ibang imbensyon noong panahon ng Rebolusyong Industriyal.

Pamamaraan (Procedure)
A. Balik-aral sa nakaraang aralin at/o pagsisimula ng bagong aralin (Subukin):
Sagutin nang pasalita ang mga sumusunod na tanong bilang paunang pagtataya. Layunin ng unang
gawaing ito na makita kung ano ang iyong paunang kaalaman para sa araling tatalakayin para sa linggong
ito. Kung hindi mo masagot huwag mag-alala dahil ito ay ating tatalakayin.

1. Anong panahong na kung saan dumami ang produksyon sapagkat napalitan ng makina ang paggawa
na dating ginagamitan ng kamay?
A. Rebolusyong Pangkaisipan C. Rebolusyong Industriyal
B. Rebolusyong Siyentipiko D. Repormasyon

2. Alin sa mga sumusunod ang hindi salik kung bakit sa Britanya nagsimula ang Rebolusyong Industriyal?
A. Kinalalagyan C. Sapat na puhunan
B. Suporta ng Pamahalaan D. Karamihan ay may batang populasyon
Page 1 of 9
3. Ano ang tawag sa makina na nagawang sabay-sabay makapagtrabaho ang isang manghahabi gamit
ang walong sinulid?
A. Flying Shuttle C. Seed Drill
B. Spinning Jenny D. Water Frame

4. Sino sa mga tagapagsulong ng mga bagong kaisipan sa panahon ng Enlightenment ang nagpaliwanag
at tumalakay tungkol sa Tabularasa?
A. Thomas Hobbes C. John Locke
B. Jean Jacques Rousseau D. Denis Dedirot

5. Sino ang nagtibay ng kaisipan tungkol sa Social Contract?


A. Thomas Hobbes C. John Locke
B. Jean Jacques Rousseau D. Denis Dedirot

B. Paghahabi sa layunin ng aralin (Panimula)


Ang araling ito ay ginawa at isinulat para sa iyong kapakinabangan. Ito ay upang masuri mo ang mga
dahilan, kaganapan, at epekto ng Rebolusyong Siyentipiko, Enlightenment at Rebolusyong Industriyal.
Matutunghayan mo rin dito kung paano umunlad ang paraan ng pag-iisip ng tao upang tumuklas ng mga
bagong kaalaman at gumawa ng mga bagong imbensyon, na naglunsad sa Rebolusyong Industriyal.

Ang aralin ay nahahati sa tatlong aralin:


• Leksyon 1 – Rebolusyong Siyentipiko
• Leksyonn 2 – Enlightenment
• Leksyon 3 – Rebolusyong Industriyal

Kapag natapos mo na ang araling ito, ikaw ay inaasahang:


1. natutukoy ang mga dahilan, kaganapan at epekto ng Rebolusyong Siyentipiko, Enlightenment at
Rebolusyong Industriyal;
2. naipaliliwanag kung paano ginamit ng tao ang kanyang isip at katwiran sa Panahon ng Enlightenment;
at
3. napahahalagahan ang iba’t-ibang imbensyon noong panahon ng Rebolusyong Industriyal.

C. Pag-uugnay ng mga halimbawa sa bagong aralin


Panuto: Suriin ang sitwasyon sa loob ng kahon. Sagutin ang mga tanong at isulat sa sagutang papel.

D. Pagtatalakay ng bagong konsepto at paglalahad ng bagong kasanayan #1 (Paglinang/


Alamin Mo/Paunlarin)
Sa sitwasyong ating sinuri, ito ay mga kaganapan noong panahon ng panggagalugad na kung saan
ang mga tao ay takot maglakbay dahil sa paniniwalang panganib ang kanilang kakabakahin sa paglalayag.
Matutunghayan natin sa ating aralin kung ano ang dahilan ng kanilang takot sa paglalakbay na kalaunan
ay maliliwanagan ang kanilang kaisipan at mapapakinabangan ang kanilang paglalakbay.

Ibinase ng mga Midyibal na iskolar ang kanilang mga teorya sa mga prinsipyo at ideya ng mga Klasikal
na pilosopo tulad nina Aritotle, Ptolemy at Galen. Pinaniniwalaan nila na ang mundo ay patag at kapag
ang isang maglalakbay sa karagatan ay nakarating sa dulo nito ay posibleng siyang mahulog sa
pinakadulo. Maging ang katuruan ng Simbahan ay pinalaganap na ang mundo ay sentro ng Sansinukob.
Page 2 of 9
Ang patunay dito ng Simbahan ay batay sa pagsasabing ang mundo ay tirahan ng tao kaya ito ang sentro
ng Sansinukob.

Rebolusyong Siyentipiko
Sa pagpapasimula, nagkaroon ng duda ang mga Europeo sa mga tradisyunal na kaalaman at katuruan
ng Simbahan, dahil sa mga bagong tuklas na kaalaman na pinatunayan ng mga imbensiyon at pagsusuri
ng mga siyentipikong gaya nina Nicolaus Copernicus at Galileo Galilei. Ito ang naging daan ng mga
Makabagong Kaisipan o naging kilala sa katawagang Rebolusyong Siyentipiko. Sinundan ito ng mga
inobasyon at pagtuklas ng mga makabagong gamit na nagpabilis sa produksiyon ng mga Europeo at
nagpatatag ng kanilang komersiyo, kalakalan at pangkabuhayan.

Ang kaisipang ito ang naging daan sa pagtuklas at pag-imbento ng mga makabagong makinarya na
nakapagpabilis at nagparami ng produksiyon ng mga nasa Hilagang Amerika at Europa.

Nicolaus Copernicus na isang Polish ay nagpasimula ng kanyang propesyong siyentipiko sa


Pamantasan ng Krakow, Poland noong 1492. Batay sa kanyang mga ginawang pananaliksik,
pinaniniwalaan niya na ang mga ideyang itinuro at pinaniniwalaan ng mga tao noong panahong
iyon ukol sa Sansinukob ay may mga pagkakamali. Binigyan diin niya na ang mundo ay bilog di
gaya ng paniniwala noon na ito ay patag at kapag nakarating ang isang manlalakbay sa dulo nito
ay posibleng mahulog siya. Isa pa sa kanyang inilahad ay ang ukol sa pag-ikot ng mundo sa sarili
nitong aksis habang ito ay umiikot sa araw. Ayon sa kanya, ang araw at hindi ang daigdig ang
sentro ng sansinukob. Tinawag niya ang kaisipang ito na Teoryang Heliocentric.

Johannes Kepler – isang Alemang Astronomer na sumunod sa pag-aaral at pagsusuri sa


Teoryang Heliocentric ni Copernicus. Bumuo siya ng isang pormula sa matematika upang
mapatunayan ang pag-ikot ng mga planeta sa araw. Ayon sa kanya, ang posibleng pag-ikot sa
isang paribilog ng mga planeta sa araw ay di pare-pareho sa bilis ng kanilang paggalaw – mas
mabilis habang papalapit sa araw at mas mabagal naman habang papalayo.

Galileo Galilei – isang Italiyanong Katoliko na nagkainteres na mag-aral at magsuri sa teorya ni


Copernicus. Noong 1609, naimbento ni Galileo Galilei ang kanyang teleskopyo na ginamit niya sa
pag-aaral sa kalangitan. Ang kanyang pagtanggap sa teoryang itinuro ni Copernicus ay ginamit na
dahilan upang siya’y mapasailalim sa isang imbestigasyon. Pinasinungalingan niya at pinintasan
ang mga kaisipan ni Ptolemy, na kung saan maging ang Simbahan ay gumamit ng kaisipang ito sa
mga katuruang Kristiyano. Noong 1633, ipinatawag si Galilei ni Papa Urban VIII sa Roma upang
harapin ang paglilitis sa Inquisition. Sa takot na mapahirapan at maparusahan ng pagsunog ng
buhay, napilitan si Galilei na bawiin ang kanyang mga pahayag at nanumpang tatalikuran ang
kaisipan ni Copernicus.

Ang dulot ng Rebolusyong Siyentipiko ay hindi lang natuon sa Astronomiya o pag-aaral tungkol sa
kalawakan, lumaganap din ito sa iba’t ibang larangan ng Agham na naging batayan sa kasalukuyan.

Sa larangan ng Medisina
Andreas Vesalius
 hindi tinanggap ang mga pag-aaral ni Galen sapagkat ibinatay ito sa hayop at hindi sa tao
 inilathala ang kanyang aklat noong 1543, na may pamagat na “On the Fabric of the Human Body.”
 nagawa niya ito sa pamamagitan ng paggamit ng katawan ng mga yumao para buksan at pag-
aralan, kung kaya’t mas tumpak ang kanyang mga pagsusuri sa katawan ng tao kumpara kay
Galen.

William Harvey
 Nagpatunay na iisang dugo lamang ang dumadaloy sa ugat (vein) at artery
 Napatunayan din niya na ang puso at hindi ang atay ang nagpapadaloy ng dugo sa katawan. Ang
mga ito ay kanyang isinulat sa kanyang aklat na “On the Motion of the Heart and Blood.”

Sa larangan ng Chemistry
Robert Boyle
 Ipinakilala niya ang kanyang Boyle’s Gas Law na nagsasabi na binubuo ang lahat ng bagay
ng mas maliit na butil, na nagsasama-sama sa ibat-ibang paraan. -Tinagurian siyang “Ama ng
Modernong Chemistry.”

Page 3 of 9
Antoine Laurent Lavoisier
 Nakaimbento sa pagpapangalan ng mga chemical elements na ginagamit pa rin natin sa
kasalukuyan. Nakilala siya bilang “Tagapagtatag ng Modernong Chemisty.”

Mga Pilosopong nanghikayat na gumamit ng pag-aaral ng siyensiya


Sir Francis Bacon
 Nagpakilala ng Scientific Method upang masagot at mabigyang linaw ang mga katanungan sa
ating mundo.

Rene Descartes
 Sumulat ng kanyang aklat na “Discourse on Method” noong 1637. Para sa kanya, sa halip na
gumamit ng eksperimento sa pagbuo ng bagong kaalaman, higit niyang binibigyang-halaga ang
paggamit ng “Rationalismo” o katwiran o lohika. Kilala rin siya sa pagbuo ng analytic geometry.

Ang Rebolusyong Siyentipiko ay ginamit ang katwiran (reason) sa pagpapaliwanag kung bakit at
paano nangyari ang mga bagay-bagay sa pisikal na mundo. Ang tagumpay na ito ay nagbigay ng
inspirasyon at matinding pagtitiwala sa kapangyarihan ng katwiran sa mga uring edukado ng Europa.

Panahon ng Pagkamulat o Enlightenment


Noong ika-18 siglo isang kilusang pilosopikal ang umunlad sa Europa. Ang mga pagbabagong nakamit
ng Rebolusyong Siyentipiko ang kanilang magiging batayan upang baguhin at unawain ang lipunan ng
tao, ito ang “The Enlightenment.” Ang Enlightenment ay isang kilusan noong ika-18 siglo kung saan
sinikap ng mga pilosopo na isagawa ang mga prinsipyo ng pangangatwiran at paraang siyentipiko sa lahat
ng aspeto sa lipunan. Sila ay kinabibilangan ng iba’t ibang uri ng tao, mga manunulat, propesor,
ekonomista, mamamahayag, at mga taong nagnanais ng pagbabagong panlipunan. Ang mga taong
lumahok sa Enlightenment ay tinatawag na mga Pilosopo. Para sa mga Pilosopo, ang layunin ng
Pilosopiya ay makabuo ng isang lipunan na mabuti kaysa sa nauna. Noong panahon ng Rebolusyong
Siyentipiko, nakuhang ipaliwanag ng mga siyentista ang batas ng pisikal na daigdig gamit ang kanilang
katwiran, dahil dito, naisip din ng mga pilosopo na kung posible din bang gamitin ang katwiran upang
ipaliwanag ang batas ng lipunan ng tao.

Mga Pilosopo ng Renaissance na naglunsad ng mga salungat na ideyang pulitikal


John Locke
 Ayon sa kanya, ang bawat tao ay isinilang na tabolarasa o mayroong blankong isipan. Ang
isipan ay malalagyan lamang ng laman batay sa impluwensya ng mga nakapaligid dito at
nararanasan ng isang tao, kung mababago ang kapaligiran at mapapalitan natin ng mabubuting
impluwensya ang nakapaligid sa lahat ng tao mas magiging mabuti ang ating lipunan.

Baron de Montesquieu
 Nakilala sa kanyang paniniwala sa paghahati ng kapangyarihan.
 Ang pamahalaan ay dapat na may tagapagpaganap, tagapagbatas at tagapaghukom. Ang mga
sangay na ito ng pamahalaan ay dapat na pantay-pantay at may kakayahang kontrolin at
limitahan ang kapangyarihan ng bawat isa. Sa ganitong paraan, maiiwasan ang labis na
paglakas ng isang sangay ng pamahalaan na maaaring magresulta sa pagmamalabis. Ang mga
isinulat ni Montesquieu ay isinulat sa wikang Ingles, na naging resulta ng pagkakabasa nito sa
Estados Unidos. Ginawa itong pamantayan ng mga Amerikano sa kanilang paggawa ng
kanilang Saligang Batas.

Francois Marie Arouet


 mas kilala sa tawag na Voltaire at pinakadakilang Pilosopo ng Enlightenment
 para sa kanya ang lahat ng tao ay may karapatang magsalita.
 ang kanyang pagpapahalaga sa kalayaan sa pagsasalita ay makikita sa kanyang kasabihan na
”Hindi man ako sumasang-ayon sa iyong sinasabi, handa akong ipaglaban ang iyong karapatan
na sabihin ito.”

Denis Diderot
 Ang kanyang pinakamahalagang ambag ay ang “Classified Dictionary of Sciences, Arts and
Trades” o mas kilala sa tawag na “The Encyclopedia.” Ang pinakaunang encyclopedia ni Diderot
ay naging isang mabisang instrumento upang ipalaganap ang mga bagong kaisipan mula sa
Page 4 of 9
Renaissance, Scientific Revolution at maging Repormasyon. Nagamit din ito upang labanan ang
mga paniniwalang pangrelihiyon at mga makalumang kaisipan. Ang mga encyclopedia ni Diderot
ay nabasa at ipinagbili sa mga doctor, pari, guro at mga abogado.

Adam Smith
 Tinawag na “Ama ng Modernong Ekonomiks,” ayon sa kanya ang pamahalaan ay nararapat na
huwag makialam sa mga gawaing pang-ekonomiko ng isang bansa. Sinasabi niya na ang
pakikialam na ito ng pamahalaan ay lumalabag sa natural na mga “economic forces”. Ang
paniniwala na hindi dapat makialam ang pamahalaan sa ekonomiya ay tinatawag na “Laissez
Faire.”

Cesare Beccaria
 Ayon sa kanya, ang sistema ng paghahatol sa mga krimen ay nararapat magbigay tuon sa
rehabilitasyon ng mga lumabag sa batas hindi para parusahan ang mga ito. Ayon pa sa kanya,
ang pamahalaan na umaasa sa pagpapahirap upang matakot ang mga tao na gumawa ng krimen
ay hindi mahusay na pamahalaan.

Jean Jacques Rousseau


 Ipinakilala niya ang “Social Contract Theory.” Ayon sa “Social Contract Theory” ang pamahalaan
at mamamayan ay pumapasok sa isang kontrata.
 Ayon sa kontratang ito, ang pamahalaan ay may obligasyong pangalagaan at pagsilbihan ang mga
mamamayan. Ang mga mamamayan naman ay may obligasyon na magbigay ng serbisyo at buwis
sa pamahalaan. Kinakailangan nilang sumunod sa mga batas na ipinatutupad ng pamahalaan.
Sa pagkakataon kung saan nilabag ng mga mamamayan ang kontrata nito sa pamahalaan, maaari
siyang parusahan ng batas. Samantala, kung ang pamahalaan naman ang lalabag sa kontrata,
ang mga mamamayan ay may karapatang palitan ang pamahalaan.

Ang Enlightenment ay lubos na nakaapekto hanggang sa kasalukuyan. Marami pa rin sa mga ambag
na ito ay patuloy pa rin nating natatamasa. Isipin natin, kung ano kaya ang sitwasyon ng daigdig kung
hindi naganap ang Enlightenment.

E. Pagtatalakay ng bagong konsepto at paglalahad ng bagong kasanayan #2 (Paglinang/


Alamin Mo/Paunlarin)

Rebolusyong Industriyal
Noong una, umaasa lang ang mga tao sa pagtatanim. Ito lang halos ang pinagkukunan nila ng
kabuhayan. Ngunit noong huling bahagi ng ika-18 siglo at unang bahagi ng ika-19 na siglo, pinasimulan
ng Britanya ang Rebolusyong Industriyal. Ano nga ba ang Rebolusyong Industriyal? Ito ang panahon na
kung saan gumamit sila ng mga makinarya upang makagawa pa ng iba pang produkto. Ito rin ang panahon
na lumipat ang mga tao mula sa simpleng ginagamitan ng kamay tungo sa paggamit ng mga komplikadong
makinarya. Nagdulot ito ng mas mabilis at maraming produktong nagagawa. Ang dating lipunang umaasa
lamang sa pagsasaka ngayon ay nakadepende na sa mga bagong kagamitan o teknolohiya. Bakit kaya sa
bansang Britanya nagsimula ang Rebolusyong Industriyal?

Taong 1760 na pasimulan ng Britanya ang Rebolusyong Industriyal dahil sa mga sumusunod na
kadahilanan:
 Likas na yaman – Ang Britanya ay sagana sa karbon at bakal na mahalaga sa pagtatayo ng
industriya.
 Yamang tao - Maraming lakas paggawa sa Britanya dahil maraming manggagawa roon.
 Sapat na puhunan – May malaking silang kapital na magagamit sa pagtatatag ng mga bagong
industriya.
 Suporta ng pamahalaan – Sinuportahan ng pamahalaan ang pag-unlad ng ekonomiya ng Britanya
sa pamamamagitan ng pagtatatag ng malakas na hukbong pandagat na sumuporta sa kanyang
imperyo at kalakalang panlabas.
 Kinalalagyan – Ang bansa ay may mainam na daungan. Ang paglalakbay sa tubig ng mga produkto
at kalakal ay mabilis na madadala sa kanyang destinasyon kaysa sa paglalakbay sa lupa.

Ang pag-unlad ng paggamit ng mga makabagong makinarya ay lubos na nakatulong sa mga bansa sa
Europa, hindi lang sa Europa kung hindi sa ibat ibang panig ng mundo.

Page 5 of 9
Kilalanin natin kung sino-sino ang mga taong nasa likod ng imbensyong ito. Ano-ano ang mga
makinaryang ito?

Jethro Tull – magsasakang Ingles na nakaimbento ng “seed drill” noong 1700 na ang mga binhi ay
itinatanim nang nakahilera sa halip na ang maaksayang pagsasaboy nito nang nakakalat.

John Kay – imbentor na Ingles. Inimbento niya noong 1733 ang makina na tinatawag na “flying shuttle.”
Nagpabilis ito sa paghahabi nang doble sa maaaring gawin ng isang tao sa isang araw.

James Hargreaves – imbentor na Ingles. Nakaimbento siya noong 1764 na tinawag niyang “spinning
jenny” na kayang maghabi ang isang tao gamit ang walong sinulid.

Richard Arkwright – imbentor na Ingles. Naimbento niya ang isang makina na tinawag niyang “water
frame,” noong 1769, na kung saan gumamit siya ng water power na nagmumula sa mabilis na agos ng
tubig sa pagpapatakbo ng spinning wheel.

Samuel Crompton – imbentor na Ingles. Siya ang nakaimbento ng “spinning mule” noong 1779 na isang
makinang nakabubuo ng mas matibay, dekalidad at pinong mga sinulid.

Edmund Cartwright – imbentor na Ingles na nakatuklas ng higit pang pinabilis na paghahabi ng tela sa
naimbento niyang “power loom” noong 1787.

Eli Whitney – Amerikanong imbentor. Noong 1793, naimbento niya ang “cotton gin” na nagpabilis nang
ilang beses sa pagtatanggal ng buto mula sa bulak.

James Watt – imbentor na Scottish. Siya ang nakaimbento ng “steam engine” na isang makinang
pinatatakbo ng isang mainit na singaw o steam. Ginagamit ito noon upang mapatakbo ang isang pabrika
o tren.

George Stephenson – Inhinyerong Ingles. Siya ang nakaimbento ng “steam power train” o daang bakal
na ginagamitan ng “steam engine”

Dahil sa Rebolusyong Industriyal, may malaking naging epekto ito sa Europa at sa daigdig noon at ngayon.
• Binago ng Rebolusyong Industriyal ang bawat bahagi ng pamumuhay ng mga bansang naging aktibo
sa industriyalisasyon.
• Matinding pananamantala at paghihirap ang naranasan ng mga manggagawa sa mga pabrika at
industriya.
• Lumaki ang pangangailangan sa mga hilaw na sangkap.
• Umunlad ang transportasyon, agrikultura at pakikipagtalastasan.
• Nagbigay ito ng maraming trabaho dulot ng industriyalisasyon na nagbunga rin ng panganib sa
kalusugan ng mga tao.
• Nagdulot din ito ng mataas na pag-angat ng kahalagahan ng pangangalakal.
• Lumago ang pamumuhay ilang mga tao.
• Nagbunga ang Rebolusyong Industriyal ng pagdami ng bilang ng populasyon sa Europa lalo na ang
mga sentro ng kalakalan at komersiyo.
• Nagdulot ng polusyon, pagsisiksikan sa mga marurumi at madidilim na mga kabahayan na nagdulot ng
paglaganap ng sakit at epidemya sa mga lugar na tirahan ng mga mahihirap.
• Paglaki ng agwat katayuan sa buhay ng mahihirap na manggagawa at mayayamang may ari ng lupa
at pagawaan.
• Mabilis na lumago at nagsulputan ang mga lungsod.
• Nagdulot din ito ng pagkabuo ng mga samahan para sa pagbabago ng kalagayan ng mga
manggagawa, gayun din ang pagkakaroon ng mga batas para sa ikabubuti ng kalagayan ng mga ito.
• Nabuo rin ang kilusang nagsusulong sa pag-aalis ng pang-aalipin. Kasabay rin nito ang pagkakaroon
ng mga karapatan ng mga kababaihan.

Page 6 of 9
F. Paglinang sa Kabihasnan (Pagyamanin)
Kilalanin Mo, Ihanay Mo! Panuto: Kilalanin ang mga sumusunod na personalidad at ihanay ang mga ito sa
talahanayan batay kung saang larangan sila napatanyag. Piliin ang tamang sagot sa ibaba at isulat sa
sagutang papel.

G. Paglalapat ng aralin sa pang-araw-araw na buhay (Gawin mo/Aplikasyon)


Performance Task
Panuto: Basahin mong mabuti at unawain ang mga pahayag na nasa loob ng kahon. Matapos mo itong
mabasa, sagutin ang mga tanong sa ibaba batay sa sarili mong kapasyahan at pagpapaliwanag. Isulat
ang iyong sagot sa sagutang papel. Gamitin ang rubrik bilang gabay sa pagmamarka ng iyong awtput.

1. Kung ikaw ang nasa katayuan ni Galileo Galilei, ipaglalaban mo ba ang iyong mga paniniwala o
natuklasan? Ipaliwanag ang iyong sagot.

2. Kung ikaw ang tagapaglitis sa isinagawang Inquisition, ano ang iyong magiging desisyon hinggil sa
kaso? Pangatwiranan ang iyong sagot.

10 puntos 7 puntos 4 puntos


Nakapagbigay nang tama, Nakapagbigay nang Nakapagbigay nang
maayos, akma, at pangangatwiran subalit may pangangatwiran subalit
makabuluhang pangangatwiran ilang punto o paliwanag na hindi karamihan sa mga ibinigay na
masyadong malinaw at may punto o paliwanag ay hindi
kakulangan malinaw at akma

H. Paglalahat ng Aralin (Tandaan Mo/ Pagyamanin at Isaisip)


Isasalaysay Ko, Punan Mo! (Written Work A)
Panuto: Punan ang mga patlang ng mga akmang salita upang mabuo ang buong diwa ng talata. Piliin ang
inyong sagot sa loob ng kahon at isulat sa sagutang papel.

Page 7 of 9
Sa pagpapasimula, nagkaroon ng pag-aalinlangan ang mga mamamayang Europeo sa mga
makalumang kaalaman at katuruan ng (1) _______________. Ang pag-aalinlangang ito ay nagmula sa
mga bagong tuklas na kaalaman na pinatunayan ng mga (2) _______________ at (3) _______________
ng mga siyentista na gaya nina Nicolaus Copernicus at Galileo Galilei. Ito ang naging pasimula ng mga
makabagong kaisipan o naging kilala sa tawag na (4) _______________. Nasundan ito ng mga inobasyon
at pagtuklas ng mga makabagong gamit na nagpabilis sa (5) _______________ ng mga Europeo at
nagpatatag ng kanilang komersiyo, kalakalan at pangkabuhayan.

Noong ika-18 siglo, isang kilusang pilosopikal ang umunlad sa Europa. Ang mga pagbabagong
nakamit ng Rebolusyong Siyentipiko ang kanilang naging batayan upang baguhin at unawain ang lipunan
ng tao, ito ang (6) ________________. Ito ay isang kilusan noong ika-18 siglo kung saan sinikap ng mga
pilosopo na isagawa ang mga prinsipyo ng (7) ________________ at paraang siyentipiko sa lahat ng
aspekto sa lipunan.

Ngunit noong huling bahagi ng ika-18 siglo at unang bahagi ng ika-19 na siglo, pinasimulan ng bansang
(8) ________________ ang (9) ________________. Ang pag-unlad ng paggamit ng mga makabagong
(10) ________________ ay lubos na nakatulong sa mga bansa sa Europa, maging sa iba’t-ibang panig
ng mundo.

I. Pagtataya ng Aralin (Natutuhan Ko/Isagawa) – Lingguhang Pagsusulit (Written Work B)


Panuto: Basahin at unawaing mabuti ang bawat pahayag o pangungusap. Piliin ang titik ng tamang sagot at
isulat ito sa inyong sagutang papel.

1. Siyentipikong Italyano na nakaimbento ng teleskopyo at naging daan upang patunayan na ang araw ang
nasa gitna ng kalawakan.
A. Voltaire B. Hobbes C. Galilei D. Newton

2. Makinang nagpabilis sa paglalagay ng mga sinulid sa bukilya at sa maraming sisidlan.


A. Telegrapo B. Power Loom C. Spinning Engine D. Cotton Gin

3. Nakagawa siya ng unang makina na pinatatakbo ng tubig?


A. Samuel Crompton C. Eli Whitney
B. Edmund Cartwright D. Richard Arkright

4. Naimbento ni John Kay para mapabili ang paghahabi ng tela.


A. Spinning Wheel B. response C. Flying Shuttle D. Seed Drill

5. Naimbento niya Graham Bell upang magkaroon ng mabilis na pakikipagtalastasan.


A. Telegrapo B. Cotton Gin C. Spinning Jenny D. Telepono

6. Ang larangan ng agrikultura at industriya sa Europa at Amerika ay nabago dahil napalitan ito ng mga
makinarya.
A. Rebolusyong Teknolohikal C. Rebolusyong Agrikultural
B. Rebolusyong Siyentipiko D. Rebolusyong Industriyal

7. Ang kanyang ideya ukol sa pamahalaan ay naging basehan ng pagbubuo ng Saligang Batas ng Amerika.
A. Thomas Hobbes B. Voltaire C. John Locke D. Baron de Montesquieu

Page 8 of 9
8. Ayon sa kanya, ang pamahalaan ay nararapat na huwag makialam sa mga gawaing pang-ekonomiya ng
isang bansa.
A. Cesare Beccaria B. Adam Smith C. Denis Diderot D. Voltaire

9. Ang pag-aaal ng Agham ay lalong naging mabisa at naging sistematiko ng kanyang ipakilala ang
Scientific Method.
A. Rene Descartes B. Francis Bacon C. Antoine Laurent Lavoisier D. Robert Boyle

10. Ayon sa kanya ang bawat tao ay isinilang na tabolarasa o mayroong blanking isipan.
A. John Locke B. Voltaire C. Adam Smith D. Cesare Beccaria

11. Sinulat niya ang aklat na On the Fabric of the Human Body.
A. Galileo Galilei B. Andreas Vesalius C. Robert Boyle D. Rene Descartes

12. Sinasabi niya na ang lahat ng bagay ay binubuo ng mas maliit na butyl na nagsama-sama sa iba’t-ibang
paraan.
A. Rene Descartes B. Antoine Laurent Lavoisier C. Robert Boyle D. Jonannes Kepler

13. Matematisiyan na bumuo ng pormula upang mapatunayan ang pag-ikot ng mga planeta sa araw ay hindi
pare-pareho sa bilis ng kanilang paggalaw.
A. Galileo Galilei B. Johannes Kepler C. William Harvey D. Andreas Vesalius

14. Aklat na isinulat ni William Harvey na nagpapatunay na iisang dugo lamang ang dumadaloy sa ugat at sa
artery.
A. On the Fabric of the Human Body C. Atlas of Human Anatomy
B. Basic Human Anatomy D. On the Motion of the Heart and Blood

15. Pinakamahalagang ambag niya ng “classified dictionary of sciences, arts and trades.”
A. Denis Diderot B. Adam Smith C. Voltaire D. Beccaria

J. Karagdagang Gawain at Remediation


Panuto: Ihanay ang sumusunod na personalidad kung saang larangan sila nakilala. Gawin ito nang
pasalita.

Page 9 of 9

You might also like