You are on page 1of 2

Dalawang Araw sa Banyagang Lupa

Jonathan Tan Ghee Tiong


(Salin ni Aileen Joy Saul)

Isang napakainit na maghapon. Ang araw sa langit ay nagngingitngit sa galit. Pinapasò nito ang
mga mata ni Zheng Nian habang pinag mamasdan ang isang karaniwang tanawin sa kaniyang
ibaba-daang taong nakasuot ng dilaw na helmet ang nakabunton sa isang tila yungib ng
konstruksiyon. Nang dumaan sa kaniya ang nakaririmarim na paki ramdam, hindi maiwasan ni
Zheng Nian na sumilip upang tingnan ang banyagang lupain mula sa kaniyang kinalalagyan.

Nakatalagang maglatag ng semento sa bubong, nagtataka si Zheng Nian kung ang itinatayong
gusaling may apatnapung palapag ay kasing init ng lugar na kaniyang kinalalagyan. Sa itaas ay
ramdam ng kaniyang mga paá ang bigat ng nakapapasong init na pumapasok sa kaniyang bóta.
Sa pag-iisip na aksidenteng ihulog ang kaniyang sarili paibaba, pumulandit sa kaniyang balát ang
malamig na páwis. Bahagya siyáng umurong mula sa gilid ng ginagawang bubong. Patuloy pa
rin ang matinding sikat ng araw na galit na galit.

Nang siya ay dumating sa Singapore dalawang araw na ang nakararaan, ang mamasa-masa,
mabigat, at maalinsangang init ay bumulaga sa kaniya. Hindi niya mawari ang pakiramdam na
maluto sa init ng araw. Biglang nagbalik sa alaala ni Zheng Nian ang kaniyang bayan sa Hubei at
ang karanasan ng paglalakad sa napakalamig na niyebe. Animo ay narinig ng kalikasan ang
kaniyang diwa, may bahagyang mainit na simoy ng hangin ang sa kaniya ay dumampi.

Bago siyá lumapag ng Singapore, ang katawan niya ay balót ng pátong-patong na lana.
Nakalaylay hanggang sa lupa ang haba, ang mala-gatas na hanging puti ay bumubulag sa
kaniyang paningin at ang bagsik ng lamig dulot ng tagginaw ay nanunuot sa kaniyang puso.
Napagtanto niyang ito ay kabaligtaran ng kaniyang kinalalagyan ngayon sa ibabaw ng bubong.
Handa na si Zheng Nian na tanggalin ang puting kamisetang suot upang iwagayway ito sa ere
bilang tanda ng pagsuko sa nakamamatay na init ng araw.

Ang init mula sa kongkreto ay labis sa kayang tanggapin ng kani yang katawan. Bago siyá
nawalan ng málay, bágo tumama ang kaniyang tigang na katawan sa lupa, lumutang ang
kaniyang gunita ukol sa bigat ng kaniyang buhay sa bawat palapag ng itinatayong gusali. Hindi
niya mawari ang panunuya ng buhay-ang pag-asam ng pagiging buhay sa gitna ng kamatayan.

Ligtas na bansa ang Singapore. Nabanggit ito sa kaniya ng mga kakilalang nauna nang
nakapunta sa nasabing bansa. Mula sa kani yang nayon ay mabibilang na ang nakarating sa
lungsod. Para sa mga hindi mapalad na nakakuha ng trabaho, iniwan nila ang nayon para sa mas
malaki at mayamang lungsod ng bansa-ang hiyas ng Pearl River upang Delta-Shenzhen,
Guangzhou, at iba pang lungsod sa baybayin. Gaya ng mga nauna, nais niyang kunin ang
pagkakataon bago ito mawala sa kaniya. Naramdaman niyang kailangan niyang umalis tulad ng
iba bumuo ng mas mabuting mundo para sa sarili at kaniyang pamilya.
Sa loob ng maikling tatlumpung minutong paglalakbay mula sa paliparan patungo sa dormitoryo
ng mga manggagawa, nilunod ni Zheng Nian ang kaniyang sarili sa nakasisilaw na pag-asa ng
isang kina bukasan na hindi sana maaabot kung siya ay nagpaiwan sa kanilang nayon.
Magkagayumpaman, siya ay nakaramdam ng kawalang-pag-asa.

Sa kaniyang pagtanaw sa malinis na kapaligiran at naglalakihang mga gusaling napalilibutan ng


mga pundò, napagnilayan ni Zheng Nian ang kabalintunaan ng kaniyang sitwasyon-naroroon
siya upang magtayo ng mga gusali habang itinataguyod ang buhay para sa sarili at pamilya
habang ginigiba ang kaniyang presensiya sa sariling tahanan. Siya ay napaisip, ilan pa kaya ang
mga gusaling dapat niyang maitayo upang siya ay maging malaya? Bagama't malamig ang van
na kaniyang sinasakyan, ang init na tumatagos sa loob nito ay hindi makayanan ng mga mata ni
Zheng Nian. May singaw ng katotohanan ang pumasok sa kaniyang kamalayan na bunsod ng
kaniyang mga naiisip. Pagód na siya. Pagod sa pag-iisip ng mga bagay na kaniyang iniwan at sa
mga maaaring dumating pa sa hinaharap.

Sa mga huling oras bago siyá nawalan ng malay sa ilalim ng matinding sikat ng araw, sa
kaniyang pakikibáka sa sarili upang hindi mahu log sa bingit ng kawalan, bigla niyang naisip
kung ano ang kahihi natnan ng kaniyang anak sa paglaki nito. Siguro, magiging masaya ito,
magkakaroon ng makabuluhang trabaho, at makapag-aasawa sa nakaririwasang bansang China.
Magiging kamukha niya kaya ito o ng kaniyang ina? Tanda pa niya ang kaniyang mukhang puno
ng alinlangan at pangamba nang ibinalita niya sa asawa ang planong magtra baho sa Singapore.
Huwag kang umalis, pagmamakaawa niya. Bata pa ako. 35 taong gulang lang, may lakas pa
upang makapangibang-bansa, tugon niya. Nais ko ang isang mas mabuting buhay para sa inyo ng
aking anak. Pagkalipas ng dalawang taon, ako'y magbabalik. Ang ating anak ay sasapit na sa
kaniyang ikatlong taon at marahil sa panahong iyon ay makapagsasalita na siya ng "Papa."
Huwag kang mag-alala, walang mangyayaring masama. Ligtas na bansa ang Singapore.

Sa kaniyang huling paghinga ng hanging puno ng alikabok at semento, hindi kawalan para sa
kaniya ang hindi makita ang "lungsod ng hardin" na kaniyang pinuntahan. Hindi rin niya naitayo
ang mga gusaling dapat ay kaniyang nagawa, maging ang pangako ng bukas na kaniyang dapat
ay panghahawakan. Mayroon siyáng hinaharap.

Sanggunian: https://www.bananawriters.com/twodaysinaforeignland

You might also like