You are on page 1of 1

Ang Diyosa ng Pag-ibig at si Adonis

Ayon sa mitolohiyang Romano, noon ay may napakagandaang diyosa na nagngangalang Venus.


Siya ay matuwain at mapagmahal sa bata. Lagi niyang kalaro ang kanyang anak na si Kupido. Sa
lahat ng oras ay nakasukbit sa balikat ni Kupido ang kanyang busog at palaso. Kapag tumimo sa
puso ng isang tao ang palaso ay natututong umibig ito.
Minsan sa kanilang paglalaro ay di sinasadyang tinamaan ni Kupido si Venus. Nag-alala ang
anak at kinalma ang kalooban ni Venus. Naunawaan ng ina ang nangyari at nagsabing sa Lupa
na lang siya magpapagaling.
Nagpasya si Venus na pumunta sa Daigdig upang doon magpagaling ng sugat. Pagdating niya
roon ay isang ubod ng kisig na lalaki ang kanyang nakita. Yaon si Adonis na hilig ay
pangangaso.
Halos araw-araw ay magkasama sina Venus at Adonis sa gubat. Sa bandang huli, naging hilig na
rin ni Venus ang panghuhuli ng mga hayop sa gubat. At tuluyan silang naging magkatipan.
Isang araw, nagpaalam si Venus sa kasintahan na uuwi muna sa Bundok Olimpos upang dalawin
ang anak at ang iba pang diyos at diyosa. “Mag-iingat ka, Adonis, baka mapahamak ka sa
pangangaso habang ako’y wala,” paalala ni Venus.

Palibhasa’y hilig at likas talaga sa kanya ang pangangaso, hindi napigilan ni Adonis na pumunta
sa gubat at manghuli ng baboy-ramo. Sa kasamaang-palad, nanlaban ang nasabing hayop at siya
ay nilapa. Wala nang lakas si Adonis nang tigilan ng hayop.
Nalaman ni Venus ang nangyari at nagmamadali itong bumalik sa Daigdig. Inabutan niyang
naghihingalo ang kasintahan. Tumangis siya sa sobrang lungkot sa pagpanaw ng katipan.
Ginamit niya ang kanyang kapangyarihan at ginawa niyang napakagandang bulaklak ang
dugong tumapon sa kanyang kasintahan. Mula noon, ang mga rosas ay sinasabing ang dugo ni
Adonis na simbolo ng pagmamahal.

You might also like