You are on page 1of 5

Ang Papel ng Pagsasalin sa ASEAN INTEGRATION: Ilang Pagninilay at Mungkahing

Gawain

I. Mga Layunin

Sa araling ito, inaasahan sa mga mag-aaral na:


1. Nakilala ang papel ng pagsasalin sa ASEAN Integration;
2. Natatalakay ang mga isyu at suliranin na maaaring kaharapin ng larangan ng
pagsasaling-wika sa panahon ng ASEAN Integration;
3. Napahahalagahan ang mga mungkahing gawaing pagsasalin at pakikisangkot bilang
paghahanda.

II. Talakayin

Ang Papel ng Pagsasaling-wika sa ASEAN Integration

Maituturing na kritikal ang papel na ginagampanan ng pagsasalin kaugnay ng papalapit


na integrasyong ASEAN. Liban sa inaasahang kawastuan ng mga impormasyong inaasahang
dadagsa at dadaloy, inaaasahan ding higit na magkakaroon ng kabuluhan at gamit ang
teknolohiya sa pamamagitan ng CAT (Computer Assisted Translation) at ambag mula sa
larangan ng Machine Translation systems. Gamit ang teknolohiyang ito, inaasahang mas
magiging mabilis at episyente ang pagsasalin mula sa iba’t ibang mga wikang sangkot sa
ASEAN. Maaasahan din kung gayon na lalong darami ang mga pangangailangan para sa
pagsasalin ng mga dokumentong teknikal, mga tekstong akademiko, mga materyal na
pangkultura, at mga kasunduang bunga ng mga pakikipag-ugnayang kultural. Dahil dito,
inaasahang higit na magkakaroon ng partisipasyon ang mga tagasalin hindi lamang bilang
mga tagapapaghatid ng impormasyon, kundi higit sa lahat, maging tagapagpadaloy ng trapiko
o tila police officer upang maiwasan ang anumang aksidente sa komunikasyon na aantala sa
mabilis na pagkakaunawaan. Mahirap ang tungkuling ito sapagkat nangangailangan ito ng
malay na pagtugon sa isyu ng pagkilatis sa impormasyon bago pa man ito isalin. Kailangang
matukoy ng isang tagasalin ang kahalagahan ng isang impormasyon na magiging kapaki-
pakinabang sa konteksto ng inaasahang integrasyong ASEAN. Hindi maaaring iasa ang
kabuoan ng gawaing pagsasalin sa teknolohiya bagamat makatutulong nang malaki ang
teknolohiya sa pagpapaunlad ng wika at pagsasalin sa bansa. Isa pang mahalagang papel na
dapat gampanan ng mga tagasalin kaugnay sa ASEAN Integration ang pagsasalin sa
lenggwaheng nauunawaan ng mga mamamayan ng rehiyon, partikular ang mga hindi
nakauunawa ng wikang Ingles. Mahalagang maisalin ang mahahalagang dokumento lalo na
ang mga kasunduan na makaaapekto sa kanilang buhay at kabuhayan. Ang Integrasyong
ASEAN ay hindi lamang para sa mga may kakayahan at kaalaman sa wikang Ingles. Lalo’t
higit na dapat maisaalang-alang ang mga maliliit na manggagawa, mga ordinaryong
mamamayan, at ang mga nasa laylayan ng lipunan upang maging sila man ay magtamasa ng
kapakinabangan sa sinasabing pagbubuo ng pamayanang ASEAN. Maaaring Ingles ang
maging pangunahing wikang gagamitin sa ASEAN Integration subalit hindi ito magtatagal at
mapapalitan din ng mga wikang Asiano. Isa ito sa nararapat ding paghandaan. Isang malaking
hamon ito sa wikang Filipino; subalit, kung magtutuloy-tuloy ang mga pananaliksik sa Filipino
at pag-agapay ng development ng machine translation softwares sa Filipino, matitiyak ang
lalong pagyaman ng kaban ng korpus ng literatura sa Filipino na siyang magpapabilis sa
inaasam na intelektwalisasyong pangwika. Sadyang napakahalaga ng pagsasalin sa
panahong ito sapagkat, ito ang maaaring magsilbing-daan upang lumawak ang kaalaman at
karanasan sa pakikipag-ugnayan sa ibang mga Asiano; at maaari din itong magpalinaw at
magpatibay ng pagkakakilanlan natin bilang Filipino. Sa patuloy na pagkilala at pag-unawa sa
iba’t ibang kakanyahan ng Asiano, patuloy ding lumilinaw at lumalalim ang pagkaunawa natin
sa sariling identidad bilang Filipino. Sa kabilang banda, kapag hindi nagawang paghandaan
ang penomenong ito, maaari ding tuluyang malusaw ang kultural na pagkakakilanlan ng
Filipino sa kaniyang sarili.

Mga Isyu at Suliraning Kaugnay ng ASEAN Integration: Ilang Pagninilay

Ano-anong isyu at suliranin ang maaaring kaharapin ng larangan ng pagsasaling-wika


sa patuloy na pag-imbulog ng pagsasalin sa panahon ng ASEAN Integration?
Sadyang hindi na mapipigilan ang paggalaw ng mga bansa sa Asia tungo sa
pakikipagkaisa nito sa kaniyang mga karatig-bansa; at ang paggalaw na ito ay inaasahang
magbubunsod ng maraming pagbabagong estruktural at maging sikolohikal na makaaapekto
sa lipunan. Hindi lamang kasi ito usapin ng paglalatag ng mga patakaran at repormang
pangkabuhayan, pampolitika, pangkultura, at pang-akademiko. Higit pa rito ang inaasahang
maaapektuhan. Madalas, nakakaligtaan ang usapin ng damdamin at sikolohiya. Sa nakalipas
na 3-5 taon, nakagugulat ang naging pagdagsa ng mga Koreano sa bansa. Hindi tayo kumibo
sa nasaksihan nating Korean influx. Isipin natin ang isang lipunang kinabibilangan natin
kasama ang iba pang lahi at iba pang kultura—mga katulad nating Asiano mula sa mga
bansang Malaysia, Thailand, Singapore, Myanmar, Vietnam, Brunei, Cambodia, Laos, at
Indonesia. Paano natin sila kakausapin? Tatanggapin? Anong lenggwahe ang gagamitin?
Ingles na naman ba? Filipino na ba? O sa sarili nilang mga wika? Tanggapin natin ang
katotohanang bagamat kalapit lamang natin sila, hindi naman lahat sa atin ay may sapat na
kaalaman, karanasan, at ugnayan upang masabing kilala na natin sila, at ang bawat isa.
Tanggapin natin ang katotohanang mas marami ang nahirati na mas tumanaw sa Kanluran
kaysa sa Timog-Silangang Asia. Maaaring panahon na nga upang buksan ang iba pang mga
bintana sa bahay upang makita at mapapasok ang iba pang kasama sa Asia. Hindi na nga
sasapat na makilala ang iba pang mga kapitbahay sa Asia sa pamamagitan ng mga teleserye
at telenobela. Hindi sasapat ang mga napapanood at naririnig upang tunay na magkaroon ng
makabuluhang integrasyon ang mga Asiano. Kailangang harapin ang hamon ng mga
posibilidad at pagbabagong hatid ng ASEAN. Katulad ng anumang pagbabago, kinakailangan
itong pagnilayan, paghandaan, sabayan, at bantayan. Narito ang ilang konsiderasyong
maaaring pag-isipan: Totoong napakaraming datos ang nakalagak sa world wide web, subalit
paano natin ito mapakikinabangang lubos? Sa totoo, patuloy ang pagsabog ng impormasyong
digital na tinatawag na Big Data influx na siya rin mismong nagbubunga ng Data Glut o sobra-
sobrang impormasyon dahilan upang malunod ang sinuman sa mga impormasyong hindi
naman sadyang kailangan. Nagreresulta tuloy ito ng mas mabagal na gawaing pagsasalin.
Tulad ng metapora ng pagmimina, ipagpalagay na ang mga tagasalin ay mga minero ng ginto
sa isang masukal at mapanganib na guwang sa bundok. Matagal at mahaba ang proseso ng
pagtuklas ng ginto mula sa maputik at mabatong kabundukan. Sa malawak na minahan,
matatagpuan ang napakaraming mineral na gaya ng tinatawag na Big data. Ano ang Big
data?

Big data—an evolving term that describes any voluminous amount of structured, semi-
structured and unstructured data that has the potential to be mined for information.

Tandaan: Walang anumang imbakan ng mga datos ang maiimbento na sasagot sa


ating utos na: “Ibigay ang lahat ng mga impormasyong totoo at makabuluhan.” (No data base
will ever be invented that answers to the command: “Show me everything that is true and
relevant.”) Pag-isipan ding ang isyu ng Intercultural traffic na ito ay anumang anyo o uri ng
intercultural traffic, alalahanin nating laging nangyayari ito sa loob ng isang kontekstong
panlipunan, na may konteksto ng komplikadong estruktura, kabilang na ang mga estruktura ng
kapangyarihan (pampolitika at pang-ekonomiko). Ayon pa kay Hermans sa Alvarez at Africa-
Vidal (1996), laging kaakibat ng mga estruktura ng kapangyarihang ito ang kinondisyong
karanasan ng tagasalin at nagpapasalin; malay man sila o hindi, sa pagsasamantala o
posibilidad ng pagsasamantala, kakabit sa layuning makamtan ang partikular na interes ng
naturang indibidwal o samahan. Sa pagdagsa ng mga impormasyong kinakailangang isalin,
paano nga ba dapat piliin at isalin ang mga ito? Ano-anong panuntunan ang gagamitin? Ano-
anong solusyon ang maaaring iimplementa sakaling magkaroon ng matinding suliraning
maaaring ibunsod ng mga problematikong salin? Paano makokontrol ang pagkawasak o
pagkasira ng integridad ng isang impormasyong dapat isalin? Paano pananagutin ang mga
nagsasamantala at magsasamantala sa gawaing pagsasalin? Sa kasalukuyan, wala pang
anumang ahensiya ang pamahalaan ng Filipinas na nangangasiwa sa napakaraming suliranin
at isyung kaakibat ng pagsasalin sa bansa. Dapat ding ikonsidera ang binanggit ni Roszak
(1986) sa kaniyang “The Cult of Information” na isa ring malaking banta ang tinatawag na data
glut bilang isang estratehiya ng pagkontrol sa lipunan, na kalimitang sinasadya at mahusay na
isinasagawa. Tinutukoy dito ang paglalabas ng kaliwa’t kanang impormasyon ng mga
kasangkot sa mga usapin/isyu hindi upang magkaroon ng access sa katotohanan at
impormasyon ang mga mamamayan, kundi upang lunurin sila at kalaunan ay lituhin upang
maumay sa paksa at tuloy ay kalimutan na lamang ang puso at pusod ng isyung dapat sanang
pag-usapan ng mga pamayanan at lipunan. Nagmimistulang isang malaking arena ng
digmaan ang batuhan ng mga sali-saliwang impormasyong nagpapahayag ng layuning
magpalinaw ng usapin subalit sa katotohanan ay naglalayong lalong magpagulo at magpalabo
sa esensiya ng paksang pinag-uusapan.
Tumatambad din ang lumalaganap na mga konsepto na batay sa palagay na ang pag-
iisip ay isang anyo ng pagproproseso ng mga impormasyon na tila kapag mas maraming
datos, tiyak na mas madaling mauunawaan. Dapat igiit na ang bagong pamantayan ng isang
diskursong politikal sa loob ng isang malusog na demokrasya ay wala sa kantidad kundi nasa
kalidad ng mga impormasyong natatanggap. Subalit ano nga ba ang kraytirya ng kalidad?
Hindi ba’t kabuluhan (relevance), mahigpit na pagkakaugnay (coherence), at dalisay na
pagkaunawa (insight) pa rin? Ngunit paano matatamo ito? Kailangang hubugin ang
impormasyon bilang isyu. At ang mga isyung ito naman ay maituturing na makabuluhan kapag
nagagawa nitong matulungan tayong ipokus ang ating atensiyon, bumuo ng mga tunay na
katanungan, mapadaloy ang tunay na kritisismo, hanggang sa tuluyan tayong makabuo ng
sariling kapasiyahan na may pagsasaalang-alang sa sariling talino at kakayahang makapili ng
pinakaangkop para sa atin. Mahalaga ring tumugon sa lumalakas na panawagan para sa
pagkakaroon ng mas mabilisang pagpapalitan ng mga impormasyong accurate o wasto upang
magkaroon ng mas makabuluhang ugnayan sa pagitan ng mga kultura at bansang miyembro
ng ASEAN. Kailangang maging aktibo sa pakikisangkot sa mga usaping pambayan gamit ang
iba’t ibang plataporma ng social media gaya ng Facebook, Twitter, Blogs, at mga katulad nito.
Gayunpaman, kailangan din ang ibayong pag-iingat upang hindi tayo maging biktima sa
pagdagsa ng mga predatory translators/ agencies na ang layunin lamang ay pagkakitaan ang
ating kasanayan sa paglilipat-impormasyon na kalaunan ay nauuwi rin sa pagpapalaganap ng
mga maling impormasyong mali ang pagkakasalin.
Kailangan ding lalong pataasin ang kahingian sa pagkakaroon ng mas mataas na
kalidad at estandardisadong estilo ng komunikasyong nakasalin o mga usapang
“makatotohanan” gamit ang CAT o Computer Assisted Translation at ang mga ambag na
software ng MT upang mabuhay, lumusog, at lumakas ang larang na ito ng pagsasalin. Isaisip
nating laging kolaboratibo ang anumang gawaing pagsasaling ugnay sa teknolohiya.

Mga Mungkahing Gawaing Pagsasalin at Pakikisangkot Bilang Paghahanda

Ano-ano ang maaaring gawing proyektong kaugnay ng pagsasalin bilang paghahanda


upang ma-maximize ang mga hatid na oportunidad ng naturang integrasyon?

Ang usapin ng ASEAN Integration ay usapin ng pagsasalin. Malaki at mabigat ang


gawaing nakaatang sa balikat ng mga tagasalin o sinumang nais magsalin. Ito ang panahong
ang pagsasalin ay hindi na lamang usapin ng wika at materyal, o komersiyalismo at
komodipikasyon. Usapin din ng pagsasalin ang mismong mga tagasalin bilang mga aktibong
bahagi ng isang lipunang gumagalaw sa loob ng mga tagisan ng estruktura ng kapangyarihan.
Ibig sabihin, ang isang tagasalin ay may malaking papel sa pagpili, paglilinis, pagsisinop ng
mga impormasyong ihahatid sa mga kabilang mismo sa mas malaking lipunan o pamayanan,
ang Asia. Dahil sa malaking kahingian sa impormasyon bilang isa sa pinakapangunahing
tuntungan ng pakikipagkaisa at unawaan ng mga pamayanan at nasyon, malaki ang papel ng
pagsasalin bilang pangunahing kadluan ng mga kritikal na datos at impormasyon para sa mas
episyenteng daloy ng komunikasyon. At dahil hindi ito magagawa ng mga tagasalin nang sila-
sila lamang o tayo-tayo lamang, higit sa lahat, ito ang panahon upang makipag-ugnayan sa iba
pang mga tagasalin mula sa iba’t ibang pamayanan at komunidad at bansa sa Asia at
pakikipag-ugnayan sa mga nasa larangan ng Machine Translation Software development.
Kailangang mas magkaroon ng masigasig na kolaboratibong pananaliksik sapagkat hindi
uusad ang anumang gawaing pagsasalin o hindi ito papaimbulog hangga’t walang aktibong
pakikipag-ugnayan sa iba pang mga disiplina partikular sa larangan ng Araling Kompyuter.
Tatlong milyong korpus ang kinakailangan upang makadevelop ng isang marangal, wasto, at
maasahang translation software ang Filipinas para ma-manage ang mga Big Data at
mabakuran ang Data Glutz sa panahon ng paghahawan ng daan tungo sa integrasyong
ASEAN. Ang 3M na ito ay bubuoin ng 20M pangungusap o 240M mga salita na tinatayang
bubuoin naman ng 12 salita bawat pangungusap = 10M bawat taon sa loob ng 2 taon.
Malaking trabaho ito sapagkat ginagarantiya ng malinis na datos ang pagbubuo ng mas
matalinong software upang maging kapaki-pakinabang ito sa ating kasalukuyang realidad.
Kailangan nating mag-ambag ng mga korpus ng literaturang makatotohanan, napapanahon, at
nagpapahiwatig ng ating pagiging Filipino. Kailangan nating mag-ambag sa world wide web
ng makabuluhang diskursong nagpapahiwatig ng ating damdamin at saloobin gamit ang
wikang Filipino sapagkat ito ang kinakailangang datos na maaaring makabuo ng Big Data.
Isang proyektong kinakailangan ding palakasin ay ang pagtataguyod ng mga mismong
nasa hanay ng mga tagasalin. Kabilang dito ang usapin ng propesyunalisasyon ng pagsasalin,
akreditasyon ng mga tagapagsalin, patuloy na pagsasanay o training ng mga tagasalin,
pagsisinop ng mga datos at korpus ng literatura ng pagsasalin sa Filipino at iba pang wikang
bernakular, at maging ang lehitimong pagsasagawa ng mga proyektong ugnay sa serbisyong
pagsasalin. Madaling magdagdag ng mga proyektong ang tuon ay pagpapayaman ng datos, o
pakikisangkot sa mga ugnayang-panlabas na nangangailangan ng pasalitang pagsasalin o
oral interpreting. Kung babalikan ang panahon ng pagpasok ng globalisasyon sa pagsisimula
ng bagong milenyum o noong mga taong 2000, aligaga ang buong mundo dahil sa sinasabing
mga banta at hamon nito. Labinlimang taon matapos ang makrong pag-iisip ay ang ASEAN
Integration na medyo makrong pag-iisip. Ngayon, nasa bungad na naman ang pagbabagong
ito. Ano pa ba ang maaari pang gawin? Ilan sa ibinahagi ni Charles Derber sa huling kabanata
ng kaniyang librong People Before Profit kung saan nagmungkahi siya ng ilang maaaring
gawin. Narito ang limang mungkahing maaaring gawin at ang paglalapat nito sa konteksto ng
ASEAN.

Integration:
1. Maging mapagnilay bilang tagasalin. Magnilay sa isang personal na paraan tungkol sa
paparating na ASEAN Integration. Pagnilayan ang trabaho at tungkulin bilang translators,
ang mga personal na investments o puhunan (materyal man o goodwill), ang estilo ng
pagtanaw sa mga iba sa atin at di-natin nauunawaan. Anong uri pa ba ng material ang
hindi nasusubukang isalin? Bakit? Ano pa ba ang maaaring maibahagi? Ano ba tayo
talaga bilang isang tagasalin? Sino ba talaga tayo bilang isang lahi? Bilang Filipino?
Nakikita pa rin ba ito sa ating pagsasalita, pagkilos, at paraan ng pagpapasiya? Paano ba
maipakikita ang pagka-Filipino sa mga isinagawang salin? Ano ba ang tunay na damdamin
at reaksyon kaugnay ng mga kaalaman tungkol sa ASEAN Integration?

2. Mag-aral. Alamin ang mga programa, plano, direksyon, at tunguhin ng ASEAN


Integration. Paghandaan ang mga ito. Hindi dapat maiwanang natutulog sa pansitan
habang ang mga nasa karatig-bansa sa Asia ay humahakot na ng benepisyo at
kapakinabangan sa tunguhing ito. Ano ba ang totoo? Ano ang hindi? Ano ang mito? Ano
ang propaganda? Matutong makipag-network sa iba pang mga tagasaling Asiano.
Palakasin ang sarili bilang translators. Magmiyembro sa mga organisasyon sa pagsasalin
at dumalo sa mga panayam at seminar ukol sa pagsasalin hanggang sa magkaroon ng
akreditasyon bilang mga lehitimong tagasalin.

3. Magbiyahe. Puntahan ang mga bansang kalimitang hindi pinupuntahan ng nakaraami.


Pumunta sa Myanmar, sa Cambodia, sa Laos, at sa iba pang mga bansa. Huwag lamang
alamin ang kultura. Danasin ito. Kung hanggang panood lamang tayo, huwag naman sana
tayo puro Koreanobela—manood din tayo ng iba. At kapag naroon na tayo sa mga
bansang iyon, huwag lamang puro selfie at picture-taking, makipagkuwentuhan at
makipagkaibigan din sa locals o tagaroon dahil maaari natin silang maging informant
balang araw. Alamin din ang kanilang tradisyon at mga konsepto sa estetika at praktika ng
pagsasalin.

4. Mag-aral ng iba pang lenggwahe. Mag-aral ng Bahasa Indonesia, Bahasa Malaysia,


Tieng Viet, at iba pa. Mas magiging mahusay tayong tagasalin kung mayroon pa tayong
alam na ibang wika.

5. Higit sa lahat, maging bukas bilang mga tagasalin sa iba pang mga tagasalin. Hindi
lahat ng materyal ay dapat isalin sa estilong nakagisnan o nakasanayan. Kahit
nakondisyon na sa maraming bagay, huwag tanggapin na kailangang laging ganoon.
Magsalita kung kinakailangan. Kwestyunin ang mga patakaran kung sadyang mali at
sablay. Gayundin, maging handa na makwestyon lalo na sa pagtanggap ng kritisismo.

Mangyayari lamang ang tunay na ASEAN Integration kung tayo mismo bilang mga
tagasalin ay may solidong integrasyong papaloob. Hindi maaaring tumanaw lamang nang
tumanaw sa labas. Hindi maaaring kalimutan ang sariling pagka-Filipino lalong-lalo na sa
panahong itinatakda ng bayan na umanib sa integrasyon. Isinasaalang-alang ng pantayong
pananaw ang “panloob na pagkakaugnay-ugnay at pag-uugnay ng mga katangian, halagahan,
kaalaman, karunungan, pag-aaral at karanasan ng isang kabuoang pangkalinangan—
kabuoang nababalot sa, at ipinahahayag sa pamamagitan ng isang wika; ibig sabihin, sa loob
ng isang nagsasariling talastasan, diskursong pangkalinangan at pangkabihasnan.” (Salazar at
Torres-Yu - 2005) Ang kaloobang ito ay lalalim at titibay lamang sa tuwing binubuksan natin
ang ating sarili sa ating kapwa Filipino. Sa maikling salita, hindi lamang pagsasalin para sa
tagalabas ang nararapat gawin; kinakailangang maging malay rin ang tagasalin sa kaniyang
tungkuling magsalin para sa tagaloob. Sa tuwing magsasalin ng materyal, nababayaran man
tayo nang sapat o hindi, isipin natin kung ano ang maidudulot ng impormasyon at kaalamang
ito sa mga target nating mambabasa. Matutulungan ba silang maging mabuting tao?
Napananaig ba natin mula sa mga isinaling materyal ang karingalan at katotohanan ng pagka-
Filipino? Sa dulo ng mga isyu at usapin at diskurso ng pagsasalin, dapat nating tanungin ang
ating sarili, “Nagawa ko ba ang dapat kong gawin bilang isang tagasalin?” Marahil, kung ano
man ang sagot sa katanungan, ang siyang magbibigay ng kabuluhan sa ating gawain bilang
mga tagasalin; dahil bilang mga tagasalin, at bilang mga Asiano, tungkulin din natin, una sa
lahat, maging isang Filipino.

You might also like