You are on page 1of 3

Minsang kaarawan, ako ay ginulat

Ng mga regalong sa aki’y tumambad.

Sari-saring kahong makulay, makintab;

Iba’y may laso pang mayumi ang kindat.

Agad itong pinunit palarang pabalat.

At bawat buksan ko, ngiti ko’y lumigwak.

May mga manyika at tasa-tasahan,

Sari-saring plastic, metal na laruan.

Sa bunton ng tuwa’y napansin ko agad.

Sa kailaliman, may iba sa lahat.

Regalo sa akin ni Nanay at Tatay.

Manipis, malapad: isa palang aklat!

Matapos mahapo sa mga laruan,

Ako ay nahiga doon sa pagitan.

Aklat ay masuyong binuklat ni Nanay

At kuwento’y binasa sa akin ni Tatay.

Ang bawat salita’y nagsayaw, lumundag;

At saka nagpinta ng mga larawan.

Bukod pa sa mga masaya’t matingkad

Na tagpo sa kuwentong doo’y nakalimbag.


Gabi-gabi, kuwento’y aming binabasa.

Paulit-ulit man ang pagsasalaysay;

Lugod ko sa aklat ay hindi kumupas.

Ang pananabik ko ay laging matingkad.

Ang totoo’y lalo ko pa ngang hinangad

Ang iba pang kuwento, at iba pang aklat.

Ang lagi kong ungot sa mga kaanak:

Gusto ko ng aklat! Aklat, aklat, aklat!

At magmula noon, aklat ko’y dumami

Hanggang sa matutong bumasang mag-isa.

May librong manipis, may librong makapal,

Sari-saring paksa ang handog na aral.

May aklat ng kuwento; aklat ng pagbilang.

May aklat ng agham; at ng kasaysayan.

Ngunit malaki man, manipis, makapal;

Bawat isa’y hitik sa aliw at aral.

At natuklasan ko: Kay sarap magbasa!

Kay sarap maglakbay sa kung saan-saan:

Mga kontinenting malayo’t malapit,

Mga unibersong mahikal, marikit!


Kahit nakaupo o nakahiga lang,

Alinmang lupalop aking napapasyal;

Anumang panahon ang nais puntahan,

Nararating agad sa pagbasa lamang!

Ang mga manyika at tasa-tasahan

Ngayon ay sira na at lubhang marusing,

Ngunit bawat libro, kahit luma na rin,

May sariwang lugod sa tuwing babasahin.

At kahit ako pa’y lumaki’t tumanda,

Tuwa ko sa aklat ay hindi nagbawa.

Sa tuwing tatanungin ng regalong hiling:

Aklat, aklat, aklat! Ang gusto ko pa rin.

Tula ni Rene O. Villanueva

You might also like