You are on page 1of 3

Kulturang Popular (AAH101b)

Pagsipat sa Kulturang Popular sa Pilipinas Paano Kung Walang


Prince Charming?
Pagsusuri ng Kulturang Popular sa mga Romance Novel

Pagtalakay

Magkaiba ang danas na makikita sa mga romance novel sa tunay buhay. Sa pagbanggit ni Joi
Barrios na madaling sumulat nito kung walang pambayad sa upa ng bahay o walang pamalengke sa
Farmers, tinutukoy niya kung paanong nagagagamit ang mga kuwentong ito bilang escape o pagtakas
sa realidad.
Sa mundong nililikha sa mga romance novel ang karaniwang suliranin ay pagibig at hindi
kahirapan. Kung may elemento man ng kahirapan ay tiyak na may darating na saklolo upang bigyang
pribilehiyo ang bidang karakter na problemahin ang pagibig. Nagiging midyum ang romance novel
upang sandaling matakasan ng mambabasa ang realidad lalo na nga kung ang realidad na ito ay
pambayad ng upa sa bahay at pamalengke sa Farmers.
Nagiging sandaling pagtakas ang mundo na ihinahain sa loob ng mga romance novel sa hindi
katanggap-tanggap na realidad. Ang nagiging panganib dito ay ang tendensiya na lumimot. Sabi nga
ni Jun Cruz Reyes, nagiging makinarya ang mga kuwento ng pag-ibig upang ipalimot sa atin ang mga
nangyayaring realidad sa ating paligid.
Maaari itong tanawin sa dalawang paraan. Una, ginagamit natin ang kulturang popular upang
sandaling tumakas. Ikalawa, maaaring gamitin ang kulturang popular upang ipalimot sa atin ang
opresyon, korapsyon, at kahirapan. Ibig sabihin ay nagagamit itong midyum upang i-detach o ihiwalay
tayo sa realidad. Sa ganitong paraan ay hindi na tayo magrereklamo, hindi na tayo kikilos. Ito ang
sinasabi ni Michael Andrada na walang masama sa paglangoy sa kulturang popular ngunit dapat ay
hindi tayo malunod dito. Walang masama sa pagbabasa ng romance novel ngunit dapat ay malay tayo
sa epekto nito.

Ang Babaeng Bida sa Romance Novel


Tatlong katangian ang sinasabi ni Joi Barrios na hinding-hindi dapat taglayin ng isang bidang
babae sa isang romance novel. Una, ang bidang babae ay hindi maaaring maging mataba. Kailangang
siya ay may balingkinitang katawan. Hindi raw maaaring maging bida sa isang romance novel ang
matandang dalaga. Dagdag pa ni Barrios, kasalanan ang bigyan ng bilbil ang bidang babae.
Ikalawa, ang bidang babae ay hindi dapat maging pangit. Ngunit kung nais ng awtor na maging
dramatik ang kuwento kung saan may isang pangit na babae na magkakagusto sa isang gwapong
lalaki, maaari itong gawing pangit sa umpisa ngunit dapat ay dumaan din ito sa total make-over.
Ikatlo at pinakakrimen daw sa lahat ay ang gawing ordinaryo ang bidang babae. Hindi ito
dramatik kaya hindi ito tatangkilikin. Dagdag pa ni Barrios, dapat tandaan na ang bida ay kathang-isip
lamang at hindi ikaw. Ang babae sa mga romance novel ay dapat mestiza o kaya naman ay may taglay
na gandang Filipina, itim na itim ang mahabang buhok, at maganda ang hugis ng binti (290-291).
Sa usapin naman ng ugali partikular na tinukoy ni Barrios na ayaw ng mga mambabasa na
masyadong mahina ang kokote ng babaeng bida. Dahil ayaw nilang lagi itong napaglalamangan.
Ngunit hindi rin nito kailangang maging napakatalino.
Sapat nang kaya nitong makipagtalastasan (291).
Pansinin kung paanong ibinibigay sa babaeng bida sa mga romance novel ang mga ideyal na
katangian. Kung hindi man mag-uumpisa sa ideyal na sitwasyon ay makakahaon din ito. Ang dating
pangit ay gaganda, ang dating mahirap ay yayaman, at ang sinisigawan ay marunong sumagot.
Binibigyan ng mga romance novel ng pagasa ang mga mambabasa. Ipinakikita sa mga ito na maganda
pa ang mundo. Sensitibo ang mga mambabasa sa pagkakaapi ng bida dahil may pagsisilid ng sarili sa
bawat karakter. Hindi dapat na nanahimik ang bida kapag sinisigawan dahil ito ang tunay na danas ng
ilang mambabasa. Wala dapat bilbil ang bida dahil marami nito sa realidad. Walang puwang ang mga
ganitong masalimout na karanasan sa mga romance novel dahil ito ang mismong realidad na
tinatakasan ng mambabasa.

Ang Lalaking Bida sa Romance Novel


Ayon kay Barrios, ang mga bidang lalaki sa mga romance novel ay tall, dark, and handsome.
Maliban dito, ito ay dapat na mayaman. Kung hindi raw ito mayaman ay kailangan itong maging
mayaman sa pag-usad ng kuwento. Maaari itong maging tagapagmana ng asyenda o negosyo mula
sa mamatay na lolo (291-292). Ang yaman na ito ang magiging susi upang maging knight in shining
armor siya ng bidang babae. Dahil kapangyarihan ang pera ay maililigtas niya ang babae sa maraming
pagkakataon.
Dagdag pa ni Barrios, maraming magandang tagpuan ang maaaring gamitin kung mayaman
ang lalaki. Magkakaroon ng eksena sa malaking bahay, rest house, out of town o out of the country, at
magagarang sasakyan.
Hindi kinakailangang maging sobrang bait ng bidang lalaki ayon kay Barrios. Dapat ito ay masungit
ngunit may dahilan sa likod ng kasungitang ito. Nakadaragdag ito ng misteryo sa katauhan ng bidang
lalaki. Ang pusong binibihag ng mga lalaking bida sa mga romance novel ay hindi lamang ang puso ng
bidang babae, kailangan din niyang mapanaluhan ang puso ng mga mambabasa (291).
Nagugustuhan ng mga mambabasa ang transisyon ng mga bidang lalaki mula sa pagiging
masungit hanggang sa tuluyan na itong mahulog sa babae. Maaaring boss ng bidang babae ang
mayamang lalaki na palihim siyang pinoprotektahan hanggang sa ibigin siya nito. Gamit ang mga
romance novel, ang imposible o malayong mangyari sa realidad ay umiiral sa mga pahina.
Nagkakatuluyan ang mahirap at mayaman, tinatawid ng lalaki at babae ang pagkakaiba sa uri na hindi
karaniwang nakikita sa tunay na buhay. Muli, gamit ang romance novel ay nabibigyang pag-asa ang
mambabasa. Muli niyang natatakasan ang realidad na walang knight in shining armor.

Ang Kontrabida sa mga Romance Novel


Sa paglikha naman ng kontrabida sa mga romance novel, ayon kay Barrios ay kailangan lamang
ibigay rito ang lahat ng katangiang nakahihigit sa iyo. Ito ay maaaring mas maganda, mas maputi, mas
mayaman, magaling mag-Ingles, at madalas mangibang bansa. Ngunit sa dulo ay ang bidang babae
pa rin ang pipiliin ng lalaki. Sabi nga ni Barrios, ito ang nag-iisang pagkakataon na maaaring matalo
ang mga babaeng bukod na pinagpala (292).
Ang kontrabida sa romance novel na karaniwang dating nobya ng bidang lalaki o babaeng
ipinagkasundo ng nanay ng bidang lalaki sa kaniyang anak ay representasyon ng mga babaeng
kumabog o tumalo sa mambabasa. Ang pinagkaiba lamang nito sa tunay na buhay, sa romance novel
ang pipiliin ng bidang lalaki ay ang bidang babae kung saan karaniwang isinisilid ng mambabasa ang
kaniyang sarili. Kahit taluhan sa tunay na buhay, sa unang pagkakataon ay ang mambabasa ang
magwawagi laban sa kontrabidang pilit na humadlang sa kaniyang kaligayahan.

Chapter 8
Ayon kay Joi Barrios ay may walong karaniwang plot ang mga romance novel. Una ay ang
pinakapalasak na may mahirap na babaeng magkakagusto sa mayamang lalaki. Maaari din naman na
mabaliktad ang sitwasyon kung saan ang lalaki ang mahirap at ang babae naman ang mayaman. Ikatlo
ay ang kuwentong ang hadlang ay ang kontrabidang magulang. Karaniwan nito ay ang ina ng lalaki na
sinasaktan ang bidang babae tuwing aalis ang lalaki. Ikaapat ay kuwentong may darating na
mapangagaw na babae. Sumunod ay ang mga kuwentong ang suliranin ay sakuna o pandemya.
Maaari ding ang problema ay distansiya, kuwento ng paghihiganti, o baryasyon ng mga nabanggit.
Magiging smooth sailing daw ang kuwento basta’t hindi matitisod sa chapter 8 ang awtor (293).
Ang chapter 8 ay ang bahagi ng kuwento kung saan nagkakatabangan na ang mga bidang
karakter. Ito ay ang bahagi kung saan napapadalas na ang mga away, kumbaga ay unti-unting
nababawasan ang “spark” sa pagitan ng babae at lalaki. Sa bahaging ito, kailangang magdesisyon
kung makikipaghiwalay o mananatili. Ito ang kabanata kung saan magninilay ang mga karakter sa
kanilang mga kamalian.
Delikado ang chapter 8 dahil ito ang magsisilbing karwahe patungo sa inaasam na happy ending
ng mga mambabasa. Ngunit maaari din itong wumasak sa masayang wakas kung realistiko o
makatotohanan ang magiging pagninilay. Bagay na hindi pinapayagan sa romance novel.
Sabi nga ni Joi Barrios, hindi maibebenta ang romance novel na realistiko. Hindi raw ito
talambuhay at hindi bumili ng romance novel ang mambabasa para humarap sa realidad. Sa dulo ay
inaasahan ng mga mambabasa na ang magwawagi ay ang pusong nagmamahal at kasalanan ang
biguin sila
Ang katangian ng romance novel na hinahanap ng mambabasa ay magkasama ang dalawang
bida sa dulo ng kuwento. Dahil isa ring negosyo ang paglilimbag ng nobelang tungkol sa pag-ibig ay
kailangan nitong kumita at kikita lamang ito kung tatangkilikin ng mambabasa. Dahil dito ay kailangang
sundin ng manunulat ang kagustuhan ng mga tumatangkilik. Ibig sabihin ay malaking bagay ang
kagustuhan ng mambabasa sa produksiyon ng mga romance novel. Hindi lubos na malaya ang may
akda sa takbo ng kuwento dahil kinokonsidera ang mambabasa, ang kita.
.
Walang Prince Charming
Maraming naisulat na romance novel si Joi Barrios. Ilan dito ay ang Sintang Malapit, Sintang
Malayo, Ang Ikalawang Mrs. Hernandez, Ang Kwento ni Jessica, at marami pang iba. Dito ay
matatapuan ang mga elemento ng romance novel na tinalakay. May magagandang bida, may
mayayamang lalaki, at mga kontrabidang pilit silang paghihiwalayin. Ngunit may mga naisulat din si
Barrios na alternatibong romance novel. Halimbawa na lamang ay ang akdang Ang Aking Prince
Charming ngunit sa katunayan ay walang prince charming o knight in shining armor sa kuwentong ito
ni Barrios. Bumabalikwas ito sa kumbensiyonal na kuwento na may darating na lalaki upang iligtas ang
babae.
Ayon kay Julie McCoy na isang published author ng romance novel, mahirap bumalikwas sa
kumbensiyonal na kuwento ng mga romance novel dahil ang unang hinahanap ng mga mata ng mga
editor ay masayang ending. Kung ipipilit na awtor na ang bidang babae ang magliligtas sa kaniyang
sarili, kung hindi niya kakailanganin ng isang mayamang lalaki upang makabangon sa kinasasadlakang
hirap, maliit ang tiyansa na umabot ito sa mas maraming mambabasa.
Walang masama sa pagkonsumo ng mga romance novel o kiligin sa oras na mahulog na sa
isa’t isa ang bidang babae at lalaki. Muli, walang masama sa paglangoy sa kulturang popular. Ngunit
hindi tayo dapat na malunod dito gaya ng paalala ni Dr. Andrada. Maaaring magsilbing breather mula
sa nakasusulasok na realidad ang mga ganitong porma ng kulturang popular ngunit hindi dapat ito
maging midyum ng paglimot o paghiwalay ng sarili mula sa realidad.

You might also like