Professional Documents
Culture Documents
Sa mga wika sa Pilipinas, kahit bago pa man dumating ang mga mananakop, Tagalog ang maituturing na
pinakamaunlad at nag-aangkin ng pinakamayamang panitikan (San Juan, 1974). Ayon sa paring Heswita na si
Padre Pedro Chirino, sa Tagalog niya nakita “ang mga katangian ng apat na pinakadakilang wika ng daigdig: ang
hiwaga at hirap ng Ebreo; ang pagiging natatangi ng mga salita, lalo na sa mga pangngalang pantangi ng Griyego;
ang pagiging buo ng kahulugan at pagka-elegante ng Latin; at ang pagiging sibilisado at mapitagan ng Espanyol
(San Juan, 1974).”
Ang sinaunang Tagalog ay isinusulat sa paraang silabiko o pantigan. Mayroon itong 17 titik: 3 patinig at 14 na
katinig. Hindi tulad ng alpabetong Romano na magkabukod ang tunog ng patinig at katinig na nangangailangan ng
pagsasama ng dalawa o higit pa upang makabuo ng pantig, ang mga titik sa baybayin ay pinagsama nang katinig at
patinig (ganap nang pantig) na nag-iiba-iba lamang ang bigkas na nakabatay sa pagkakaroon ng tuldok at sa
posisyon nito.
Ang mga tunog ng patinig ay kinabibilangan ng /a/, /i/ (maaari ring maging /e/), at /u/ (maaari ring maging /o/). Ang
mga tunog ng katinig ay binubuo ng /ba/, /ka/, /da/, /ga/, /ha/, /la/, /ma/, /na/, /nga/, /pa/, /sa/, /ta/, /wa/, at /ya/.
Nang masakop ng Espanya ang mga pulo sa Pilipinas, isa sa mga naging pangunahing layunin nito ay
maipalaganap ang Kristiyanismo. Gayunpaman, naging malaking hadlang sa pagkakaunawaan ang pagkakaiba-
iba ng mga wika. Upang mapadali ang komunikasyon, pinag-aralan ng mga misyonerong Espanyol ang wika ng mga
katutubo upang magamit sa pakikipag-ugnayan sa kanila. Hindi naman ito naging mahirap dahil maraming
tunog sa Tagalog ang kahawig ng tunog sa Espanyol (San Juan, 1974). Mas praktikal din ito para sa mga
misyoneryong Espanyol dahil naging mas madali para sa kanila ang pag-aralan at gamitin ang wika ng mga katutubo
kaysa ituro sa lahat ang Espanyol. Mas naging tumpak at kapani-paniwala rin ang pangangaral ng relihiyon dahil
sinasabi mismo ito ng mga pari at hindi na pinaraan pa sa isang tagasalin o interpreter (Catacataca at Espiritu,
2005).
Naghanda rin ang mga naunang misyonero ng mga aklat sa gramatika at bokabularyo na ginamit ng kanilang mga
kahalili sa pag-aaral ng wika ng mga katutubo. Ang ilan sa mga ito ay ang mga sumusunod:
• Arte y vocabulario tagalo (1582) ni Padre Juan de Plasencia, isang Pransiskano. Pinayagan itong maging aklat sa
gramatika ng Sinodo del Obispos sa Maynila dahil madali itong gamitin at kaya nitong magbigay ng hustong
kaalaman tungkol sa Tagalog (San Juan, 1974).
• Arte y reglas de la lengua tagala (1610) na isinulat ni Padre Francisco de San Jose (kilala ring Padre Blancas de
San Jose), isang Dominiko, at inilimbag ni Tomas Pinpin, ang unang Pilipinong tagalimbag. Itinuturing ito ng mga
misyonero at iskolar bilang komprehensibong kodipikasyon o resulta ng sistematikong pagsasaayos ng wikang
Tagalog (Rafael, 1993).
• Arte de la lengua yloca (1627) ni Padre Francisco Lopez, isang Agustino. Ito ang unang aklat sa gramatika sa
wikang Ilocano.
• Arte de la lengua bicolana (1754) ni Padre Marcos de Lisboa, isang Pransiskano. Itinuturing itong unang aklat sa
gramatika sa wikang Bikol.
• Vocabulario de la lengua tagala (1860) nina Padre Juan de Noceda at Padre Pedro de Sanlucar, mga Heswita.
Itinuturing itong pinakamahusay na bokabularyong naisulat sa Panahon ng Espanyol (Aguilar, 1994).
• Vocabulario de lengua tagala (1613) ni Padre Pedro de San Buenaventura, isang Agustino
• Compendio de la arte de la lengua tagala (1703) ni Padre Gaspar de San Agustin, isang Agustino
• Arte de la lengua tagala y manual tagalog (1745) ni Padre Sebastian de Totanes, isang Pransiskano
• Gramatica de la lengua de Maguindanao segun se habla en el centro y en la costa sur de la isla de Mindanao
(1892) ni Padre Jacinto Juanmarti, isang Heswita
• Arte de la lengua bisaya-hiligayna de la isla de panay (1894) ni Padre Alonso de Mentrida, isang Agustino
Dahil sa halaga ng wika sa tagumpay ng kolonisasyon, pana-panahong naglabas ang monarkiya ng Espanya
ng mga atas na mamamahala sa wikang gamit sa mga kolonya. Noong 1550, nagpalabas si Haring Carlos I (namuno
1516–1556) ng isang kautusan na nagtatakda ng pagtuturo ng pananampalatayang Katoliko sa wikang Espanyol.
Iniatas din ang pagtuturo ng pagbasa, pagsulat, at mga doktrinang Kristiyano sa mga nais matuto sa paraang madali
at hindi hihingi ng dagdag na bayad. Itinakda rin ang pagtatalaga ng mga guro, gaya ng mga sakristan, upang tuparin
ang mga gawaing ito (Blair at Robertson, 1907).
Sa kabila ng pagnanais ng monarka na mabigyan ng sapat na edukasyon ang mga katutubo at maituro sa kanila ang
Espanyol, nabigo ito dahil sa paghadlang ng mga prayle. Ayon nga sa bayaning si Marcelo H. del Pilar, sinabotahe
ng mga relihiyoso ang programang pangwika at sila ang may kasalanan kung bakit nanatiling mababa ang
kalagayang pang-edukasyon ng Pilipinas. Ito ay dahil natatakot noon ang mga prayle na maging kolonyang Hispano
ang mga Pilipino sa halip na kolonyang monastiko (Catacataca at Espiritu, 2005). Gayunpaman, nanindigan noon
ang mga prayle na ang kahinaan ng mga batas at hindi sila, ang dapat sisihin sa kabiguan ng mga patakarang
pangwika at kalagayang pang-edukasyon. Sinabi pa ng mga prayle na maganda ang layunin ng mga batas pangwika
subalit kapos ang pondo para sa mga guro at sa pagpapatayo ng mga paaralan.
Kung tutuusin, may gumagana nang wika ang mga katutubo bago pa dumating ang mga mananakop. Mahusay na
ang wikang ito kaya minabuti ng mga misyonero na huwag na itong burahin, sa halip ay panatilihin at gamitin sa
kanilang pakikipag-ugnayan sa mga katutubo. Kung may pamanang pangwika man na naiwan ang mga Espanyol sa
mahigit 300 taon nilang pananakop, ang mga ito ay: (1) ang romanisasyon ng silabaryo ng mga wikang ginagamit sa
Pilipinas na nagpapahintulot ng mas madaling komunikasyon ng mga Pilipino sa daigdig na gumagamit na
rin ng sistemang iyon at (2) ang yaman ng bokabularyong Espanyol na nakapasok sa talasalitaan ng mga
katutubong wika sa Pilipinas. Hinadlangan man ng mga misyonero ang ganap na pagkatuto ng mga katutubo ng
wika ng mga Espanyol, naging kapalit naman nito ang pananatiling buhay ng mga lokal na wika sa Pilipinas.
Panahon ng Amerikano
Nang lagdaan ng mga kinatawan mula sa Espanya at Estados Unidos ang Kasunduan sa Paris noong ika-10 ng
Disyembre 1898, na nagkabisa noong ika-11 ng Abril 1899, nailipat ang pamamahala ng Pilipinas mula Espanya
tungo sa Estados Unidos. Noon ay umuusbong pa lamang na superpower ng daigdig ang Estados Unidos.
Inihayag ni Pangulong William McKinley ng Estados Unidos ang magiging bisa sa Pilipinas ng Kasunduan sa Paris
noong ika-21 ng Disyembre 1898 sa pamamagitan ng proklamasyon ng Benevolent Assimilation. Ayon dito,
papasok ang mga Amerikano sa Pilipinas hindi bilang mananakop kundi bilang “kaibigan” na mangangalaga sa
mga tahanan, hanapbuhay, at karapatang pansarili at panrelihiyon ng mga Pilipino. Upang mataya ang
kalagayan ng Pilipinas bilang bagong teritoryong pamamahalaan ng Estados Unidos, nagpadala si Pangulong
McKinley ng dalawang komisyong magsasagawa ng pag-aaral dito. Ang unang komisyon ay binuo noong ika-
20 ng Enero 1899 na pinamunuan ni Dr. Jacob Schurman, pangulo ng Cornell University. Samantala, ang ikalawang
komisyon ay binuo noong ika-16 ng Marso 1900 at pinamunuan naman ito ni William Howard Taft, isang pederal na
hukom sa Ohio.
Dahil pinagkalooban ang ikalawang komisyon ng limitadong kapangyarihang bumuo ng batas at pamahalaan sa
bansa, ipinatupad nito ang Batas Blg. 74 noong ika-21 ng Enero 1901 na nagtatag ng Department of Public
Instruction (ang kasalukuyang Kagawaran ng Edukasyon) na mangangasiwa sa libreng pampublikong
edukasyon sa bansa. Itinatakda rin nito na hangga’t maaari ay Ingles ang gagamiting wikang panturo sa lahat ng
paaralang bayan. Ayon kay Taft, napili ang Ingles na maging opisyal na wika ng Pilipinas dahil ito ang wika ng
silangan, wika ng isang demokratikong institusyon, wika ng kabataang Pilipino na hindi marunong ng Espanyol, at
wika ng puwersang namamahala sa Pilipinas. Sinasabing mas madali ring matutuhan ang Ingles kaysa
Espanyol (Catacataca at Espiritu, 2005). Sang-ayon ito sa naunang ulat ni Kapitan Albert Todd, pansamantalang
pinuno ng pagtuturong publiko sa ilalim ng pamahalaang militar, na nagmungkahi ng mga sumusunod:
2. Dapat magtayo ng mga paaralang pang-industriya na magtuturo ng mga kasanayan sa paggawa kapag may
sapat nang kaalaman sa Ingles ang mga katutubo.
3. Dapat gamiting wikang panturo ang Ingles sa mga paaralan na nasa ilalim ng pamamahala ng mga Amerikano
at gagamitin lamang sa panahon ng transisyon ang mga wikang katutubo o ang Espanyol.
4. Dapat magpadala sa Pilipinas ng sapat na guro sa Ingles na bihasa sa pagtuturo sa elementarya upang
pangunahan ang pagtuturo at magsisimula ito sa malalaking bayan.
5. Dapat magtayo ng isang paaralang normal na huhubog ng mga Pilipino na magiging guro ng Ingles.
Bilang tugon sa mga rekomendasyon ni Kapitan Todd, mahigit 500 gurong Amerikano na lulan ng United States
Army Transport (USAT) Thomas ang dumaong sa Maynila noong ika-23 ng Agosto 1901. Idinestino sila sa mga
lalawigan upang magturo ng Ingles—pangunahin sa mga bata sa umaga at sa mga katutubo (anuman ang edad at
antas panlipunan) sa gabi. Nakipamuhay sa mga Pilipino ang mga naturang guro upang lubos nilang makuha ang
loob ng mga ito. Ginampanan din nila ang iba’t ibang tungkulin—mula sa pagiging paramedikong nagturo ng
modernong paggamot sa mga sakit hanggang sa pagiging karpintero na tumulong sa mga gawaing konstruksiyon
(Catacataca at Espiritu, 2005). Sinuportahan ang mga pagsisikap na ito ng pagpapatayo ng higit na
paaralang pambayan, pagdaragdag ng mga pasilidad pampaaralan, at pag-aangkat ng mga materyales na
panturo mula Estados Unidos na pawang nagpatatag sa pagtuturo ng/sa Ingles.
Samantala, upang lalong maobliga ang mga Pilipino na mag-aral ng Ingles, nagpatupad si Newton W. Gilbert,
pansamantalang gobernador-heneral ng Pilipinas noong 1913, ng isang kautusang tagapagpaganap na nagbigay-
diin sa halaga ng Ingles sa pamahalaan. Nakasaad sa kautusan ang mga sumusunod:
1. Ang mga katitikan ng pulong ng mga sangguniang pambayan at panlalawigan ay dapat nakasulat sa Ingles.
2. Ang lahat ng opisyal na korespondensiya, sa mga naglilingkod man sa pamahalaan o sa mga pribadong
indibidwal, ay dapat nakasulat sa Ingles.
3. Uunahing itaas ang ranggo ng mga indibidwal na may sapat na kasanayan sa Ingles, parehong sa
pasalita at pasulat na komunikasyon.
Pagsapit ng 1928, naiulat na halos lahat ng sangguniang pambayan at panlalawigan ay nakagagamit na ng Ingles.
Masasabing nagpapatunay ito na nagtagumpay ang mga Amerikano sa pagpapalaganap ng kanilang wika
(Catacataca at Espiritu, 2005).