You are on page 1of 8

PANAYAM DR. ISAGANI R.

CRUZ (binasa sa DLSU Manila noong Nobyembre 13, 2008)

PAGDADALUMAT-SALITA: Kung Bakit Hindi na Hikain ang Wika ng Teorya sa Wikang Filipino
ni Prof. Rhoderick V. Nuncio, Ph.D.
Departamento ng Filipino
Kolehiyo ng Malalayang Sining
Pamantasang De La Salle-Maynila

Nais kong buwagin ang matagal nang paniniwala na walang kakayahan ang ating wika—ang
wikang Filipino—na magamit sa larangan ng pagteteorya. Hindi pa raw ganap na intelektwalisado ang
wikang ito sa iba’t ibang larangang pang-akademya (liban na lamang daw sa panitikan) kung kaya’t
nananatiling lingua franca pa lamang ito sa kalye. Ganyan ba kababaw ang tingin natin sa wikang Filipino?
O dili kaya’y ganyan ang tingin nating nasa akademya sa wika ng mamamayan natin? Sa isang maliit na
pulong na dinaluhan ko, talagang tingin ng iba na kapag ituturo ang isang aralin (na nakasanayan na sa
Ingles) sa Filipino ay nagmumukhang mababaw daw. Sa isang pulong din, binatikos at tinarget ng
pagmamaliit ang kurikulum ng Araling Filipino dahil wala pa raw corpus ng pag-aaral tungkol sa Midya at
Pagtuturo. Marami silang puna, lalong-lalo na ang hindi naman gumagamit ng Filipino kesyo Ingles at
Ingles pa rin ang wika ng teorya, wika ng akademya, wika ng pagtuturo, ang wika ng gahum. Iyon ang akala
nila. Hindi ko na bubusisiin kung anu-ano ang dahilan kung bakit tayo ganito, at sila’y ganoon, dahil
matagal nang debate ang “kababawan ng wikang Filipino”. Sa akin lamang, gusto kong manindigan at
sabihin at gawin na ang wika ng teorya ay nakasalalay ngayon sa wikang Filipino katulad ng paniniwala ni
Dr. Isagani Cruz. Nasa wikang Filipino, sa palagay ko, ang hinaharap ng teorya sa mundo. Sa wika natin
mabubuo ang teoryang titingalain ng buong mundo sa darating na dantaon. (2003: 146) Ang papel na ito
ay nagsimula sa mga hamong ibinabato sa atin ni Dr. Isagani R. Cruz. Kung ang mga hamong iyon ay mga
bato, sa dami ng mga matatapang na hamon niya tungkol sa isyu ng wika, pagtuturo, kritika at literatura,
siguradong puro pasa na tayo. Pero ang punto niya: gusto lang niya tayong gisingin! Akala natin magaling
lang magdikonstrak ng texto si Isagani R. Cruz, subalit ang totoo’y tayo ang gusto niyang distrungkahin,
idikonstrak, windangin. Ito ang bitbit ko ngayong inspirasyon dahil kung wala ang aklat na Bukod na Bukod
(bukod pa sa iba pa niyang kritikal at pilosopikal na mga akda), ang teksto’t texto ng kanyang kritika, ang
textong si Isagani R. Cruz at ang kritikong si Isagani R. Cruz, hindi mabubuo ang dalumat ko. Hindi magiging
matibay ang paninindigan ko. Tatlong sanaysay ni IRC ang magiging batayan sa panayam na ito: una, “Kung
Bakit Mas Dato Gid ang Wikang Filipino Kaysa Wikang Langyaw”; ikalawa, “Kung Bakit Hinihika ang Wika
sa Kritika”; ikatlo’t huli, “Ang Wika bilang Ideolohiya o ang Wika ng Teorya bilang Teorya ng Wika”. Hindi
ko nais rebyuhin ang tatlong sanaysay na ito, bagkus magsisilbing pananda at tagapag-usad ang mga ito
upang palitawin ko ang aking mga argumento.

Unang argumento: Naniniwala ako na may kakayahan ang wikang Filipino na magamit ito sa
pagdadalumat upang higit na mapayabong ang karunungang Filipino at Araling Filipino.

Ayon kay IRC, “Hangarin kong ipakita na mas mayaman ang ating wika kaysa sa banyagang wika
dahil mas marami tayong salitang maitutumbas sa konseptong langyaw” (2003: 84). Karugtong nito ang
paglalagom ng kanyang sanaysay: “Sa madaling salita, maraming salita tayong maaaring gamitin para pag-
ibahin ang iba’t ibang kahulugan ng iisang salitang langyaw” (93). Maraming nabigay na mga halimbawa
si IRC sa sanaysay na ito: kritika, teorya, kritisismo, pamumuna, panunuri, kasaysayang pampanitikan,
buwis, daigdig at mundo. Ngunit ihahaylayt ko lang ang isang salita: teorya. Ang teorya na galing sa literary
theory o theory ay ang “pag-aaral sa pangkalahatang isyung bumabalot sa literatura, sining, at kultura,
tulad ng papel ng literatura sa mundo, kung maaari ngang matuklasan ang kahulugan ng isang likhang
panliteratura, o ang relasyon ng literatura sa wika” (92). Ang teorya ay isang salitang langyaw na inangkop
sa baybay Filipino. Ngunit kung susundin ang premis ni IRC, mas angkop at mas wastong gamitin ang
salitang “dalumat”. Mula sa etymology ng theory: Gk. theoria “contemplation, speculation, a looking at,
things looked at,” from theorein “to consider, speculate, look at,” from theoros “spectator,” from thea “a
view” + horan “to see.” (http://www.etymonline.com/index.php?term=theory) Kay Panganiban (1973)
ang salitang “dalumat” ay kasingkahulugan ng “paglilirip” at “panghihiraya”. Sa Ingles na kahulugan, ayon
kay Panganiban (1973), ganito ang ibig sabihin: very deep thought, abstract conception. Ang dinadalumat
ay salita na may implikasyong abstrakto at pilosopikal. Ginagamit ang salita hindi sa payak na paraan
bagkus sa mataas na antas ng pag-iisip. Sa ganitong paliwanag, samakatuwid, ginagamit ang salita bilang
konsepto sa larangan ng pagteteorya. Humihiwalay sa lexical o diksyunaryong kahulugan lamang ang salita
at nililirip ito sa antas ng interpretasyon. Ang kahulugan mismo ng panghihiraya ay upang maging
malikhain ang isang palaisip o teorista sa kognitibong konstruksyon ng kabuluhan, kahulugan at
kakanyahan ng salita bilang dalumat. Kung kaya’t pumapasok dito ang lisensiya ng isang iskolar o teorista
na bumuo ng bagong salita sa dinadalumat na teorya. Kung susuriin natin ang teorya batay sa etymology
nito, nakatutok lamang ito tulad ng dalumat sa paglilirip o abstraktong konseptwalisasyon. Ikalawa,
ipinapahiwatig nito ang distansiya ng teorista bilang tagamasid, tagatanghod, tagasipat. Subalit, wala rito
ang kapangyarihan ng haraya at paghihiraya na nakasahog sa konotasyon ng salitang dalumat.
Samakatuwid, kung nagdadalumat ang isang palaisip, nakakapit sa isip niya ang paglilirip, pagsisid sa
kailaliman ng kahulugan/penomenon at paghihiraya nito. Ibig sabihin dahil sa imahinasyon, tagakatha’t
tagasuri siya sa pagdadalumat. Hindi lamang textual ito bagkus, visual din ang saklaw ng pagdadalumat.
Visual din naman ang ipinapahiwatig ng teorya ngunit palabas ito, nakatanaw ito. Sa dalumat, sasabihin
kong, internal ito’t nasasakop na ang pagtanaw sa labas, dahil hiniharaya na ito sa kognitibong pagtakbo
ng isip, sa loob, sa ating kamalayan. Siyempre pa kailangang linawin din kung anong kontexto nakatali ang
kahulugan ng teorya dahil sa ngayon maraming kahulugan ito batay sa anumang disiplinang (siyensya,
agham panlipunan o humanidades) sumususo rito.

Ikalawang argumento: Hindi na bansot ang ating wika, hindi na kulang-kulang ang ating vocubularyo
para sa talastasang teoretikal. Hindi na totoong kailangan pa nating maghintay ng isandaang taon
para maintelektuwalisa ang wikang ito.

Ang Pagdalumat-Salita

Sa anumang binubuong teorya, mahalaga at makapangyarihan ang wika. Bukod sa pagtingin na


ang wika ay representasyon ng mundo ayon sa mga nominalista, ang wika rin ay isang instrumento na
maaaring makapagpabago ng isipan ng mga tao at sa pagtagal ng panahon ng kilos ng tao. Subalit, mas
tututukan ng panayam na ito ang gamit ng wika bilang “wika ng teorya” (Cruz, 2003: 134). Mas tatalab
ang hamon sa intelektuwalisasyon ng wikang Filipino kung gagamitin ang wikang ito sa teoretikal o
pilosopikal na larangan ng mga iskolar. Ibig sabihin, nararapat na sa wikang Filipino nag-iisip nang analitikal
at kritikal at sa wikang Filipino ito naipapahayag. Ganito rin ang paniniwala ng ibang iskolar (Cruz 2003,
Lumbera 2000, Salazar 2000, Covar 1998, Atienza 1996, Enriquez 1992, Torres-Yu) na sila mismong
nagtangka’t nagtagumpay sa masinop at mataas na paggamit ng Filipino sa akademya. Sa ginawang
paglilinaw ni I R. Cruz (2003: 134-135) sa Critical Practice ni Belsey (1980), lumitaw ang apat na
konsiderasyong ito. Ayon kay Cruz, maaari nating:

1. …linawin ang bagong konsepto na nais ipaliwanag ng teorista;


2. …ituro ang mga bagong salita, kung mayroon man, na nilikha ng teorista para maipaliwanag ang
kanyang bagong konsepto;
3. …ipaliwanag kung ano ang mga bagong palagay na naghahari sa diskors ng teorista, kung ano
samakatwid ang kanyang nais ipalit sa kababawan; at
4. …kung aling mga palagay na kasama sa kababawan ang binabatikos ng diskors, hindi lamang ng
nilalaman nito kundi pati na ang estilo o estratehiya ng pagsulat nito.

Isang punto lang naman ang hindi ako sang-ayon, ang salin ng “common-sense” bilang “kababawan”. Ang
wika ay isang ideolohiya, wika ni IRC (131). Sa tingin ko, ito ang diskurso ng balana. At dahil sinabing
nakasahog ang kababawan sa wika, dahil wika ang kongkretong manifestasyon nito, magiging
kontradiksyon ang pagwaksi sa kababawan o common sense upang linangin ang wika ng teorya sa wikang
Filipino at pagdadalumat-salita. Dalawa ang paliwanag ko rito: Una, ang common-sense, ang balon ng
kaalaman at kamalayan ng mga tao upang sila’y kumilos at makipagdiskurso sa pang-araw-araw nilang
buhay. Ito ang kasangkapan nila sa pag-unawa ng mga ordinaryo at maski mga komplikadong bagay-bagay
sa buhay nila. Dito nanggagaling ang sumatotal ng makabuluhang pagkilos nila batay sa nabuong
paniniwala at hinuha bunsod ng pagdanas o karanasan nila. Common-sense na umiyak tayo sa palabas na
madrama. Siyempre dahil common-sense nga ito. Tumawa kung talagang nakatatawa. Magdala ng payong
kung makulimlim ang langit. Sa normal at normatibong takbo ng buhay natin, napakahalaga ng
pagkakaroon nito. Di nga ba’t ang kulang sa ganito’y nababansagang mahina ang pag-iisip. Natatanging
kaloob sa atin ito dahil ito ang dahilan kung bakit nagbreakdown ang mga riserts tungkol sa Artificial
Intelligence dahil ang kaya lang iproseso ng kompyuter o computational system ang impormasyon ngunit
hindi ang common-sense na tulad sa isang tao. Ikalawa, ang gusto kong sabihin ay ganito. Mahalaga ang
balanang pananaw dahil nakasandig dito ang pagdadalumat. Totoo ngang sa artikulasyon at presentasyon
ng dalumat/teorya pinahihirap ng mga teorista/palaisip ang kanilang isinusulat, dahil common-sense din
naman, para mag-isip ang babasa nito at lalo pang paghusayan ang pag-unawa rito. Ika nga’y winiwindang
tayo para ang hindi obvious ang lumabas, kundi ang iba pang maaaring kahulugan. Kung kaya’t ang
function ng pagdadalumat ay hindi para idikonstrak ang balanang pananaw, kundi bukod pa sana sa
pagkakaroon ng ganitong pananaw, mabuksan ang iba pang posibilidad ng pag-unawa. Hindi maaaring
maging kababawan ang common-sense dahil sa halos lahat ng pagkakataon, ito ang nakalitaw at
nakalutang sa inaaakala nilang paraan ng pag-unawa sa praktikal na pamumuhay nila. Ang tungkulin ng
teorista’t palaisip ay palawakin pa ang palaisipan ng buhay at realidad. Para sa karaniwang tao hadlang
nga ang balanang pananaw para usisain pa ang ibang kaisipan at palaisipan. Ito rin ang kapangyarihan ng
wika at ito nga ang layunin ng panayam kung bakit kailangang nasa wikang Filipino ang pagdadalumat
dahil sa wikang balana manggagaling ang dalumat. Nakasanayan na kasi na ang wikang Filipino ay wika
lamang sa komunikasyon ng mga karaniwang tao, wika ng midya at showbiz, at wika lamang sa
kababawan. Subalit kailangang maging wika ito ng ating diwa, sa mataas na antas ng pag-iisip ng mga
Filipino. Hindi rin naman inosente ang wika ng teorya. Ang lahat ng wika ay may pinagbubukalang
ideolohiya. Ang wika ng teorista/palaisip ay nagpapahiwatig ng posisyon ng kapangyarihan. Ika nga’y
bunga ito ng social capital ayon kay Bourdieu na taglay ng isang nakapag-aral, titulado, at kahit paano
mataas ang katayuan sa buhay kumpara sa iba. Kung kaya’t dahil dito, natural din na magkaiba talaga ang
kayarian ng wika ng balana at wika ng akademya. Tunghayan natin kung ano ang pagdadalumat-salita.
Ang pagtatangkang teoretikal, alinsunod sa paglikha ng bagong salita at katuturan nito, ay tatawaging
pagdadalumat-salita. Ano ang pagdadalumat salita? Tinatawag na dalumat-salita ang paggamit ng wika
sa mataas na antas ng pagteteorya batay sa masusi, masinop, kritikal at analitikal na paggamit ng mga
salitang kumakatawan ng mga ideya at kaalamang nagiging konsepto sa malalimang pag-uuri’t
paggamit nito. Tinitingnan sa paraang ito ang ugnayan ng salitang ugat at ang varyasyon ng mga
pagbabanghay ng salita na nagluluwal ng sanga-sangang kahulugan (Nuncio at Morales-Nuncio 2004:
167).

Ganito ang ilang paraan ng pagdadalumat-salita ng ilang kritiko, teorista, at palaisip sa iba’t ibang
disiplina.
1. Pag-imbento/pagkatha ng mga bagong salita/konsepto: Pilipinolohiya ni Covar, Pantayong Pananaw ni
Zeus Salazar, Pamathalaan ni Consolacion Alaras, Sarilaysay ni Rosario Torres-Yu.
2. Pagsasalin at pagdaragdag ng kahulugan: kritika, anda, at gahum ni IRC, loob at labas
3. Pag-aangkop/rekontekstuwalisasyon: Sikolohiyang Pilipino ni Virgilio Enriquez, kasaysayan bilang
“salaysay na may saysay” at “pag-uulat sa sarili”; Dating bilang pagdadalumat sa estetikang Filipino ni
Lumbera. Dagdag pa natin ang naging ilang kontribusyon ko sa pagdadalumat-salita. Kaakuhan-pag-ako
ng sarili (ako) sa kanyang pagkatao, pagkakakilanlan Pantawang pananaw-kapangyarihan ng tawa na
tumuligsa at mang-uyam sa mga nasa kapangyarihan; ang tawa bilang kritika Sangandiwa (kasama ang
aking asawa sa pagkatha nito)-kalikasan ng Araling Filipino bilang multidisiplinari ang lapit, multikultural
at multilinggwal ang mga konsiderasyon sa pag-aaral nito. Pagsasanga-sanga ng mga talastasang
pangkalinangan sa loob at labas ng bansa na may lalim at lawak. Kaisahan ito ng pagkakaiba-iba ng diwa
at kabuuan din ng maramihang pakikisangkot tungo sa mapanaklaw at malawakang kapilipinuhan ng
sarili’t bansa (2004: 167).

Ikatlong argumeto: Nasa atin mismong kalinangan o kultura, sa balanang pananaw, at makaFilipinong
diskurso sa tulong ng ating wika ang pagbubukulan ng wika ng dalumat/teorya natin.

Sa bahaging ito, nais kong talakayin ang pagdadalumat-salita ng “sanghiyang” upang ipakita sa
inyo ang detalye at kabuluhan nito sa kasalukuyang panahon, sa penomenon ng internet. Sisimulan ko ito
sa hambingan ng morpolohiya at pagdadalumat-salita. Maaaring sabihin na magkahawig ang morpolohiya
at ang pagdadalumat-salita. Ang morpolohiya ay isang sangay ng pag-aaral sa linggwistiks. Ayon kina
Santiago at Tiangco (1991) pag-aaral ito sa mga morpema ng isang wika at ng pagsasama-sama ng mga ito
upang makabuo ng salita. Ang bawat salita ay maaaring binubuo ng salitang-ugat at ng mga panlapi.
Binanggit din nina Santiago at Tiangco (1991:108) na ang panlapi bilang yunit ng salita ay tinatawag ding
“di malayang mga morpema”, sapagkat walang sariling katuturan ang mga salitang ito kung hindi
idudugtong o ilalapi sa ibang mga yunit salita na tinatawag bilang mga morpema. Katulad halimbawa ng
salitang magbasa; binubuo ito ng dalawang yunit morperma: mag+ (unlapi, unang yunit morpema) at basa
(salitang ugat, ikalawang yunit morpema). Ang mag+ ay hindi nakakatayong-sariling salita (sa ponolohiya,
ponema ito na tinatawag ding pantig), walang sariling katuturan kung hindi ilalapi sa ibang salita. Sa
ganitong mabusising pagtanaw sa wika, bubuksan ang binubuong pagteteorya sa wika. Magkahawig man
sa proseso, hindi magkatulad sa maraming bagay ang morpolohiya at pagdadalumat-salita. Pansinin ang
talahanayan sa ibaba:

Morpolohiya Pagdadalumat-salita
Tipo/kinabibilangang pag-aaral linggwistik metalinggwistik

Tipo ng palabuuan ng salita denotatibo / konkreto konotatibo/abstrakto/teoretikal

Uri ng pag-unawa linggwistiko pilosopikal

Pagpapakahulugan gramatikal diskursibo


Talahanayan 1.1
Pagkakaiba ng Morpolohiya at Pagdalumat-salita

Ang pag-unawa sa salita sa morpolohikal na istruktura ay linggwistikong nakabatay sa


kumbensyonal na pamantayan. Ibig sabihin higit nang alam ng nakararami ang salita at kahulugan nito.
Samantala, ang isang katangian ng dalumat-salita ay hindi ito matatagpuan sa anumang diksyunaryo, dahil
nga sa bagong mga salita-konsepto ito at dahil arbitraryo itong nilikha ayon sa pangangailangang
teoretikal. Sa pagpapakahulugan sa natural na wika, ibig sabihi’y wikang ginagamit ng nakararami sa
komunidad ng gumagamit (nagwiwika) nito, hinuhugot ang kahulugan sa istruktural-gramatikal na
kaayusan ng salita. Ang pagpapalagay na walang sariling kahulugan ang pantig o unlaping mag+ ay nabuo
bilang mga koda o batas sa pag-aaral ng wika. Samantala sa dalumat-salita, diskursibo ang
pagpapakahulugan, hindi natatali sa istruktura ng wika o sa mga batas nito lamang ang pagpapakahulugan,
bagkus winawari ito batay sa partikular at kabuuang signifikasyon nito sa ibang usapin. Imbis na textual
(panloob-suri sa wika), intertextual (panlabas-suri) ang nagiging hantungan ng pagdadalumat-salita. Ang
panloob-suri ay tinatawag na linggwistikong analisis, samantalang ang panlabas-suri’y diskors analisis
(Tannen 1993, Fairclough 1995, Van Dijk 1997, Georgakopoulou at Goutsos 1997). Kultural
(Kontextualisasyon at Konseptuwalisasyon) Madalas sabihin ng mga iskolar na magkatambal ang wika at
kalinangan. Sa isang banda, tama ito sa dahilang binubuhay ng bawat isa ang isa’t isa. Nasa kalinangan
mismo mahihinuha ang konteksto ng wika, kung papaano binibigyang lalim at salaysay ang salita sa
partikular na gamit, at ang wika sa kabuuang signifikasyon nito. Hindi masalimuot na relasyon ito. Ika nga’y
kung gusto mong matutunan ang isang buhay na banyagang wika o lokal na wika, nangangailangang
mamalagi sa sisidlan nitong kalinangan. Kailangang makibagay, makibahay at makipamuhay. Sa fanksyonal
na pagtingin, ang wika ang ginagamit para sa transmisyon ng kultura, para manatiling buhay ito. Ang wika
sa isang kalinangan o kultura ay kumbensyonal na ginagamit at nauunawaan. Napag-alaman at alam ito
ng mga kabahagi ng kulturang iyon dahil na rin sa mahabang panahong paggamit nito at dahil sa
nakasahog ito sa aktibong ritwalisasyon ng kultura. Ibig sabihin nito, ang wika’y ritwal na praktika at
praktika ng ritwal sa nasabing kalinangan. At sa kaligiran nitong mga kalinangan na may iba pang wika,
nabubuhay pang lalo ito, lumalaganap at nagiging tampulan ng kuryosidad at higit pang pag-aaral. Ang
salitang sanghiyang ay hindi nalalayo sa ganitong pagpapalagay. Sa kultural na kahulugan nito, ang
sanghiyang ay isang ritwal-sayaw sa Alfonso, Cavite. Kilala ito bilang sayaw sa apoy ng mga naninirahang
may taimtim na pagtanaw sa bisa ng mapagkalingang kapangyarihan ng ritmo, ritwal at paniniwala. Ritmo
ito dahil sa pisikal na pakikilahok ito ng buong katawan na sinasabayan ng chant habang nagsasayaw.
Ritwal ito sa dahilang isinasagawa ito ng isang pamayanan sa ilang makabuluhang gawain tulad ng
pagpapagaling ng sakit, pag-aalay sa Kataas-taasan, at pakikipagkapatiran. Sa ganitong tradisyonal na
ritwal, isang grupo ng pesanteng nakapaa ay umaapak sa nagbabagang uling, na wari’t nasa kalagayan ng
kapayapaan at hindi nakakaramdaman ng init/sunog, at walang pagpapaliwanag ng kanilang ritwal sa
pamamagitan ng kahit anong sakit; sa katunayan, sila’y tila naiiba ang kamalayan sa pagkakatiwala nila sa
kanya, ang tagalikha ng apoy at kaluluwa (Azurin 1995: 91). Sinasabi ng mga experto na nagkakaroon ng
altered-state of consciousness ang mga lumalahok sa ganitong gawain. Parang isang trance ang
nagaganap, na pakiwari’y humihiwalay ang isipan sa katawan o hindi namamalayan ng katawan ang sakit
at pagbabago rito habang pumapaloob sa ganitong saysikal na kondisyon ng pag-iisip o pagtutok ng isip
sa isang bagay, kamalayan, at kalagayan. Ganito ang naging obsebasyon ni Jaime Bulatao, isang kilalang
clinical psychologist: …Kapag nasa trance na sila, magsasayaw sila sa ibabaw ng nagbabagang uling,
pabalik-balik na nakapaa sa loob ng sampung minuto. Pagkatapos ng seremonya, sampung minuto pa ang
dasal-pasasalamat, bago sila manumbalik mula sa trance. Tiningnan ko ang kanilang mga paa. Walang
sugat/sunog. Buong-buo ang kanilang malay sa katatapos nilang sayaw, ngunit mayroong pakiramdam ng
matinding saya habang nagsasayaw sila…(sa Azurin 1995: 92). Ito ang kontextual na kahulugan ng
sanghiyang batay sa kultural na sandigan nito. Kumbaga’y kailangang ilatag ito dahil ang mga elemento’t
karanasan ay magiging pundasyon sa mga susunod na hakbang sa pag-aaral na ito, lalong-lalo na sa
pagdadalumat-salita nito. May mangilan-ngilang pag-aaral na rin ang tumutok sa sanghiyang, kina Austria
at Calairo (2000) tinawag nila itong sahiyang at dinala ang diskurso nito sa ibang level: sa pagsulat ng
kasaysayan ng Cavite. Hinambing nila ang elemento’t karanasan ng sanghiyang sa iba’t ibang diskursong
pangkasaysayan ng Cavite. Sa pag-aaral na ito dadalhin din sa ibang diskurso ang salita/konseptong
sanghiyang. Dadalhin ito sa mundo ng internet. Dekontextualisasyon Sa ganitong pag-aangkat sa ibang
usapin ng salita/konseptong sanghiyang, huhugutin ito mula sa pinagbukalang kontexto, sa kultural na
katuturan nito at ipapalagay ito bilang bukas na signos/senyal na maaaring unawain sa ibang larangan.
Hindi titingnan ang sanghiyang sa puntadebista ng folk religion, na unang binasa ng ilang antropologo at
sikolohista tulad nina Azurin at Bulatao. Paglalaruin ang mga salita/konsepto kaugnay ng dalumat ng
sanghiyang bilang malikhaing operasyon ng kognitibong kakayahan ng teorista. Sasahugan ito ng
kritikal/analitikal na operasyon ng isip upang maging kapanabayang lapit sa malikhaing bisa sa teoretikal
na larangan. Higit sa lahat titingnan ito sa ubod ng katuturan nito bilang makabuluhang gawain, bilang
penomenon at bilang diskurso. Pananatilihin ang mga elementong ritwal at ritmo ngunit babaguhin ang
huling kategorya ng paniniwala bilang “functional” at hindi sa konotasyong relihiyoso, sa halip sa bagong
basa nito: isang cybernetic na relasyon na kung saan pumapasok sa ibang estado ng kamalayan at
pananaw ang GNI. Sa ganitong lapit nagkakaroon ng pagpapabago sa galaw, kilos at pananaw ng mga
gumagamit ng internet. Sa kabuuan ang dekontextualisasyon ay pagbabago ng dulog, pagpapalit ng
pansipat, at pagtanaw sa ibang paradaym, sa ibang tunguhing teoretikal. Sa ganitong paraan magiging
buhay ang ating mga salita hindi lamang ng talastasang pang-araw-araw, bagkus ng talastasang
makabuluhan sa ating binubuong karunungang Filipino. Rekontextualisasyon at Rekonseptuwalisasyon
Mula sa pagwawari sa kultural na gamit at pagiging malay sa mawawalang kontexto, ibang lapit at dulog
ang siyang magpapaangat nito sa ibang level ng usapin o diskurso. Nabanggit na ang tinutukoy na ibang
level o diskurso ay ang diskurso at penomenon ng internet. Papaano pumapasok ang rekontextualisasyon
at rekonseptuwalisasyon ng sanghiyang sa kontexto ng internet? Ano ang dulog at paradaym upang
mawari, mabuo at maunawaan ito? Bakit kailangan ang rekontextualisasyon? Anu-ano ang iba’t ibang
kahulugan at/o pagdadalumat salita ng sanghiyang? Diskurso Rekonseptuwalisasyon (Dalumat-salita)
Rekonstextualisasyon Metadiskurso (pagdidiskurso sa diskurso ng internet at mga pananaw ukol dito)
Pagsanghiyang Pagtatahi sa diskurso ng postmodernong diskurso, modernong kondisyon sa gitna ng
bulusok ng praktis sa Teknolohiya ng Impormasyon at Komunikasyon (TIK) o Information &
Communication Technology (ICT) Penomenon ng kompyuter, internet at tao Pagkahiyang, “Hiyang” Datos
sa kasaysayan at mga gumagamit ng internet. Pagtalakay sa iba’t ibang digri ng paggamit ng konsepto ng
“hiyang” tungkol sa relasyon ng tao at kompyuter Cybernetic, ang isyu ng kaakuhan (identity) at
pamayanan (community) Kasanghiyang [Ka(i)sanghiyang] Problematisasyon sa relasyong cybernetic:
dualismong external sa mundo ng internet at kabuuang pumapaloob sa mundo ng internet Adiksyon sa
Online game at diskurso ng kaakuhan at pamayanan hinggil dito Sanghiyang Ritmo, ritwal, paniniwala at
pagkahiyang sa mundo ng online game at sa internet mismo Talahanayan 1.2

Rekonseptuwalisasyon ng Sanghiyang Teoretikal na Lapit/Lapat

Sa ganitong punto ipapasok ang binubuong teorya, una ang sanghiyang bilang lapit, at ikalawa,
bilang lapat. Isang pagdulog, pananaw-pananaliksik o paradaym ang lapit. Ito ang nagbibigay sukat sa sipat
o pagtingin sa gagawing paliwanag at interpretasyon sa mga datos ng pananaliksik na ito. Samantala, ang
sanghiyang bilang lapat ay nangangahulugang frame o kuwadro. Ito ang nagbibigay hugis sa ginagawang
pagsusuri, ito ang banghay ng analisis. Kung kaya’t may mga modelo, iskima, at dayagram upang matuntun
ang direksyon ng pagteteorya sa madawag na diskurso at praktis ng internet, gayundin, upang
maunawaan nang lubos ang binubuong diskurso at teorya o mga teorya sa pag-aaral na ito. Tatalakayin
isa-isa ang mga ito. Linggwistiko semantikong pagsipat Sa mga taga-Alfonso, ang salitang sanghiyang ay
isang buong termino kung uunawain mula sa kanilang lokal na pananaw. Hindi tinitingnan ang salitang ito
sa kasaysayan ng pagkabuo ng salita, kundi tinitingnan sa kultural na pinagmulan nito. Kalinangang-bayan
ang bumabalot na kontexto sa pinagmulan ng salita, na kung saan ang salita ay hindi nagiging salita
lamang, bagkus winawari ito batay sa makabuluhang gawaing nakakabit sa salitang iyon. Kung kaya’t kina
Austria at Calairo (2000), ang sahiyang o sanghiyang ay “base sa lumang alamat”. Ayon sa alamat may
ilang mga bata ang nahatulang mamatay. Inutos ng hari na sunugin sila. Ngunit dala ng matindi at
masidhing pananampalataya kay Bathala, sila’y nakaligtas. Hindi sila nasunog! Manghang-manghang
pinanuod ng hari at ng lahat ng mga saksi ang mga bata habang nagsasayaw sa galak ng mga ito sa ibabaw
ng mga maiinit na baga. Itong “sayaw sa kagalakan” na ito ang siyang inaalala ng mga mananayaw ng
sahiyang sa pamamagitan ng ritwal na paglalakad sa mga buhay na baga (Austria at Calairo 2000: 2).
Subalit, sa pagtatangkang teoretikal sisikaping banghayin at baybayin ang mayamang diwang nakapaloob
sa salita/termino/konseptong sanghiyang. Sa rekontextualisasyong ito hindi na ito yaong kumbensyonal
na salitang nakatali sa kultural nitong kontexto, kundi magiging isang konstrak—teoretikal na konstrak.

Sa pagdadalumat-salita ng sanghiyang, binubuo ito ng dalawang salita: (1) sang+, at (2) hiyang.
Kung wawariin, lumalabas na “isang hiyang” ang katuturan nito. Batay sa masusing paghihimay ng salita,
maaari nating banghayin pa nang lubos ang konstrak na ito: Banghay ng salita
Kahulugan/Rekontextualisasyon sang+ Panlapi [isa+ng]: pambuo ng pangngalan at nagsasaad ng kabuuan
(UP Diksyunaryo) hiyang 1. Pang-uri: anumang bagay na akma, angkop o lapat (UP Diksyunaryo) 2. adj.
suited, compatible, agreeing (as medicine, food, company, etc.) / Syn. Bagay, agpang, akma, tama, tapat
(Panganiban 1973) sanghiyang: 1. mundo o kabuuan ng anumang karanasan at kamalayan na may
kaangkupan/kaakmaan ang dalawa o higit pang mga bagay, tao, at kalagayan sa isa’t isa. 2. pakiramdam
sa karanasang nilalapatan ng kaginhawaan at kaangkupan na nag-uugnay sa tao, bagay, konsepto,
diskurso Talahanayan 1.3 Pagbabanghay ng salita/konseptong sanghiyang

May apat na level na maaaring dalumatin sa digri ng pagpapakahulugan sa salitang hiyang batay
sa iba’t ibang gamit nito sa isang (a) tipikal, at (b) teoretikal na diskurso:

A. Tipikal na talastasan (kumbensyonal na gamit ng salitang hiyang) Unang level: may kinalaman
sa relasyong tao at bagay (hal. “Hiyang ako sa shampoo na ‘yan.”) Ikalawang level: relasyon ng tao sa tao
(“Magkahiyang kami , kaya nga’t magpapakasal na kami sa Mayo?”) [mula sa varyasyon ng gamit sa
Tesauro ni Panganiban 1973] Teoretikal na diskurso (kinonstrak na gamit sa antas ng pagteteorya) Ikatlong
level: relasyon ng tao sa konsepto, diskurso at praktis (“Hiyang akong mag-internet.” “Hiyang ang mga
kapitalista sa diskurso ng globalisasyon.”) Ikaapat na level: relasyon ng diskurso sa konsepto, iba pang
diskurso, at praktis na tumatalakay sa isang kabuuan o malakihang pananaw. (“Magsanghiyang ang
postmodernismo at usapin ng multikulturalismo.” “Ang sanghiyang ng modernong kalagayan at praktis ng
ICT sa bansa ay madaling nararamdaman ng mga nasa middle class.”) Talahanayan 1.4 Tipikal at Teoretikal
na Diskurso ng hiyang/sanghiyang Eskima ng Sanghiyang at Paglalapat nito sa Buong Pag-aaral
Metadiskurso Pagsanghiyang Ideolohiya at Diskurso (ideational at interpersonal) Ritmo Ideolohiya Ritwal
Paniniwala • Modernidad/postmodernidad (intelektuwal) • Globalisasyon (politikal-ekonomiya) •
Cyberkulturang popular (kultural) • Teknolohiya ng impormasyon at komunikasyon
(praktikal/instrumental) (pook at panahon) interpersonal ideational Dalumat Paradaym (relasyon ng tao,
kompyuter at internet) Komunikasyon hiyang isang hiyang (sanghiyang) ka-isang-hiyang (kasanghiyang)
sanghiyang Makina Extensyon Cybernetic intrapersonal interpersonal intertextual Praktika (Penomenon)
Konsepto ng Kaakuhan at Pamayanan/Samahan Mga Implikasyon Intrapersonal Blogging Interpersonal
(dalawahan) Chat Interpersonal (networking) Friendster Interpersonal (pamayanan/ samahan)
Layadimasupil Pinoyexchange Intertextual (hybrid) Online game (Ragnarok) Kaakuhan (maximum)
Kaakuhan (maximum) Kaakuhan (maximum) Pamayanan (minimum) Kaakuhan (minimum) Pamayanan
(maximum) Kaakuhan (maximum) Pamayanan (maximum) Konklusyon ng pag-aaral Kongklusyon Sa
kasalukuyang literatura ng pag-aaral sa internet na nakasulat sa Ingles, wala pang salitang naimbento
upang saklawin ang penomenon ng relasyon ng tao, kompyuter at tao. Pinag-aaralan nila ito sa larang na
computer mediated communication. Tanging sa pagitan ng tao at kompyuter sila may bansag, ang
cybernetic relationship. Ngunit sa pangyayaring mga tao mismo ang magkakaugnay sa internet na
pinapagitnaan ng iskrin ng kompyuter at ng virtual na mundo ng internet, wala pa silang salita para rito.
Individuated pa ang katawagan nila batay sa ispesipikong feature at gamit ng internet: users, online game
addicts, chatters, surfers, bloggers. Sa wikang Filipino pa lamang, ang sanghiyang, ang may malawak at
makabuluhang pakahulugan sa ugnayan ng mga tao sa cyberspace. At sa aking palagay, kung dadalumatin
natin ang ating sariling wika, ang ating sariling mga salita, matutuklasan natin ang kaugnayan natin sa
ating kalinangan, kinapopookan at kapwa. At upang dagdagan ang pangarap ni IRC: ang mga
salita/dalumat naman natin ang isasalin at isasama sa mga antolohiya sa kritika, teorya at pilosopiya. Sila
naman ang mamimilipit sa pagbigkas ng ating mga salita, at sila naman ang pagkakamot ng ulo kung paano
ito isasalin o kung pananatilihin ba ang naturang salita. Naniniwala akong darating din sila sa ganyang
punto. Kailangan lamang maging malikhain at kritikal tayo sa pagdadalumat, lalong higit kung nakatapak
lagi tayo sa lupa at sa ating tinubuang lupa. Maraming salamat po!

Sanggunian:

Nuncio, Rhoderick V. “PAGDADALUMAT-SALITA: Kung Bakit Hindi na Hikain ang Wika ng Teorya sa Wikang
Filipino.” Kritikasatabibi, Wordpress, Disyembre 6, 2009,
https://kritikasatabitabi.wordpress.com/2009/12/06/pagdalumat-salita-tungo-sa-pagteteoryang-
filipino/

You might also like