You are on page 1of 1

CARAEL

Lingid sa kaalaman ng marami, ang Barangay Carael ay kilala sa Pagkakaroon ng malalaking punong kahoy na
kung tawagin ay “Carael” na nakapagbibigay ng malawak na lilim dahil sa taglay nitong lapad. Ayon sa mga
kuwento, ito rin ang sadyang dahilan kung bakit napiling manirahan dito ng isang mag-asawang biniyayaan ng
siyam na anak. Ang mag-anak ay nagtayo ng bahay at sumilong sa malalapad na dahon ng punong ito. Hindi
lumaon, ang pamilya ng siyam na magkakapatid ay sa gilid na rin ng puno nanirahan hanggang sa tuluyan na
itong maging isang ganap na pamayanan. Ang mga angkan ng mga Dumangas, Dilag, Dedicatoria, Diez,
Domacena, Evangelista, Dimasacupan, Magsanop at Blanco ang mga unang nanirahan dito. Ang barangay na
ito ay dating nabibilang na sityo ng Barangay Batonlapoc. Malayo sa dati nitong pagkakakilanlan, ang Carael na
hitik sa mayayabong na punong kahoy at malalawak na luntiang palayan, inilalarawan ito ngayon bilang
mabuhanging baryo matapos ang pagputok ng Bulkang Pinatubo at makaraang masalanta ng pagbaha dulot ng
paghagupit ng Bagyong Kiko taong 2009. Sa barangay na ito matatagpuan ang kaunaunahang crematorium sa
buong lalawigan, ang Zambales Crematorium and Columbarium. Narito rin ang pinakabagong pampublikong
sementeryo sa Botolan. Sa pagkaing lokal, isa ang Barangay Carael sa mga lugar kung saan matatagpuan ang
pinakamasarap na luto ng ibat ibang klaseng bibingka. Hindi lamang ang mga nabanggit ang maipagmamalaki
ng barangay, ito ay kilala din dahil sa kanilang mahuhusay na mamamayan at isa na dito si Atty. Noel S. Ferrer
na naging Provincial Attorney sa lalawigan ng Zambales (2007-2010). Siya rin ay naitalaga bilang Tagasuri ng
Philippine Councilors League (PCL) at Presidente ng PCL Zambales (2013-2016). Nahalal din siya bilang
Bokal ng Lalawigan (2016-2019). Sa kasalukuyan, ang barangay ay pinamumunuan ni Ana Lisa Dumangas
Docuyanan- Jaring.

You might also like