You are on page 1of 6

SH1634

Mga Sitwasyong Pangwika sa Pilipinas

Sitwasyong Pangwika sa Telebisyon


Ang telebisyon ay itinuturing na pinakamakapangyarihang media sa kasalukuyan dahil sa
lawak ng naaabot nito. Sa paglaganap ng cable o satellite connection ay lalong dumami ang
manonood ng telebisyon sapagkat nararating na nito maging ang malalayong pulo ng bansa at mga
Pilipino sa ibang bansa. Ang magandang balita, wikang Pilipino ang nangungunang midyum sa
telebisyon sa ating bansa. Ang halos lahat ng mga palabas sa mga lokal na channel ay gumagamit ng
wikang Filipino at ng iba’t ibang barayti nito. Ito ang wika ng mga teleserye, mga pantanghaling
palabas, mga magazine show, news and public affairs, komentaryo, dokumentaryo, reality TV, at
mga programang pang- edukasyon. May mangilan-ngilang programa sa wikang Ingles, subalit ang
mga ito’y hindi sa mga nangungunang estasyon, kundi sa local na news TV. Ang mga ito ay madalas
inilalagay hindi sa primetime, kundi sa gabi kung kailan tulog na ang nakararami.
Ang pagdami ng palabas na pantelebisyon, partikular ang mga teleserye, telenobela, at mga
pantanghaling programa ay dumarami. Ito ay sinusubaybayan ng milyon-milyong manonood na isa
sa mga malalaking dahilan kung bakit halos lahat ng mamamayan sa bansa ay nakauunawa at
nakapagsasalita ng wikang Filipino. Malakas ang impluwensiya ng mga programang ito na
gumagamit ng wikang Filipino sa mga manunuod. Hindi kasi uso ang mag-subtitle o mag-dub ng
mga palabas sa mga wikang rehiyonal. Ang madalas na eksposyur sa telebisyon ang isang malaking
dahilan kung bakit sinasabing 99% ng mga mamamayan sa Pilipinas ang nakakapagsalita ng
Filipino. Maraming kabataan ang namumulat sa wikang ito bilang kanilang unang wika maging sa
lugar na hindi kabilang sa Katagalugan. Sa mga probinsya, kung saan rehiyonal na wika ang
karaniwang gamit, ay ramdam ang malakas na impluwensiya ng wikang ginagamit sa telebisyon.
Makikita sa mga paskil o babalang nasa paligid ng mga lugar na ito ang paggamit ng wikang Filipino
tulad ng “Bawal Pumarada Rito” o “Bawal Magtapon ng Basura Rito.” Kapag nagtanong ka ng
direksiyon sa wikang Filipino ay sasagutin ka rin ng wikang Filipino. Patunay ang mga ito na habang
dumarami ang manonood ng telebisyon ay lalong lumalakas ang hatak ng midyum na gumagamit
nito sa mga mamamayan saanmang dako ng bansa at maging ng mundo.
Sitwasyong Pangwika sa Radyo at Dyaryo
Katulad ng telebisyon, Filipino rin ang nangungunang wika sa radyo. Ang halos lahat ng
estasyon ng radyo sa AM o FM ay gumagamit ng iba’t ibang barayti nito. May mga programa rin sa
FM tulad ng Morning Rush na gumagamit ng wikang Ingles sa pagbo-broadcast, subalit, mas
nakararami pa rin ang gumagamit ng Filipino. May mga estasyon ng radyo sa probinsiyang may mga
programang gumagamit ng rehiyonal na wika, pero kapag may kinapanayam, sila ay karaniwan sa
wikang Filipino nakikipag-usap.
Sa mga dyaryo naman ay wikang Ingles ang ginagamit sa mga broadsheet at wikang Filipino
sa mga tabloid, maliban sa People’s Journal at Tempo na nakasulat din sa wikang Ingles. Subalit,
tabloid ang mas binibili ng masa o mga karaniwang tao tulad ng mga drayber ng bus at dyip, mga
tindera sa palengke, mga ordinaryong manggagawa, at iba pa dahil sa mas mura at nakasulat sa
wikang higit nilang naiintindihan. Kaya naman masasabing mas malawak ang impluwensya ng mga
babasahing ito sa nakararaming Pilipino. Iyon nga lang, ang antas ng Filipinong ginagamit sa mga
tabloid ay hindi pormal na wikang karaniwang ginagamit sa mga broadsheet. Nagtataglay ito ng
pula, malalaki, at nagsusumigaw na ulo ng mga balita na naglalayong makaakit agad ng mambabasa.
Ang nilalaman ay karaniwan ding sensasyunal at litaw sa mga ito ang mga barayti ng wika kaysa sa
pormal na Filipino.

05 Handout *Property of
STI
SH1634

Sitwasyong Pangwika sa Pelikula


Bagama’t mas maraming banyaga kaysa lokal na pelikula ang naipapalabas sa ating bansa,
ang mga lokal na pelikulang gumagamit ng midyum na Filipino at mga barayti nito ay mainit ding
tinatangkilik ng mga manonood. Katunayan, sa 20 nangungunang pelikulang ipinalabas noong 2014
batay sa kinita, lima (5) sa mga ito ang lokal na tinatampukan din ng mga lokal na artista. Iyon nga
lang, Ingles ang karaniwang pamagat ng mga pelikulang Filipino, tulad ng One More Chance,
Starting Over Again, It Takes a Man and a Woman, Bride for Rent, You’re My Boss, You’re Still the
One, at iba pa. Ang wikang ginagamit ay Filipino, Taglish, at iba pang barayti ng wika.
Hindi na nga maikakailang Filipino ang wika o lingua franca ng telebisyon, radyo, diyaryo,
at pelikula. Maaaring sabihing ang pangunahing layunin ng mga ito sa paggamit ng Filipino bilang
midyum ay upang makaakit nang mas maraming manonood, tagapakinig, o mambabasa na
makauunawa at malilibang sa kanilang palabas, programa, at babasahin upang kumita nang mas
malaki. Subalit, hindi rin mapasusubalian ang katotohanan dahil sa malawak na impluwensiya ng
wikang ginagamit sa mass media at mas maraming mamamayan sa bansa ngayon ang
nakapagsasalita, nakauunawa, at gumagamit sa wikang Filipino. Ito ay isang mabuting senyales para
sa pag-unlad at paglago ng ating wikang pambansa.
Bagama’t laganap na sa mass media, mapapansin pa rin na ang wikang Filipino ay madalas
na ginagamit sa mga programa sa radyo at telebisyon, sa tabloid, at sa pelikula kung saan ang
nananaig na tono ay impormal, at waring hindi gaanong istrikto ang pamantayan ng
propesyunalismo. Sa maraming babasahin at palabas sa Filipino, tila nangingibabaw na layunin ay
manlibang, at lumikha ng ugong at ingay ng kasayahan. Isang pag-asam at hamon para sa mga taong
nasa likod ng mass media at mga taong tumatangkilik nito na hindi lang basta lumaganap ang
Filipino, kundi magamit din ito ng mga nasabing midyum upang higit na maitaas ang antas ng ating
wika.
Sitwasyong Pangwika sa Iba Pang Anyo ng Kulturang Popular
Isa sa mga katangian ng wika ang pagiging malikhain. Sa kasalukuyan ay may iba’t ibang
nauusong paraan ng malikhaing pagpapahayag na gumagamit ng wikang Filipino at mga barayti nito
sa mga sitwasyong tulad ng mga sumusunod:
Fliptop
Ito’y pagtatalong oral na isinasagawa nang pa-rap. Nahahawig ito sa balagtasan dahil ang
mga bersong nira-rap ay magkakatugma; bagama’t sa fliptop ay hindi nakalahad o walang
malinaw na paksang pagtatalunan. Kung ano lang ang paksang sisimulan ng naunang kalahok ay
siyang sasagutin ng kanyang katunggali. Hindi tulad ng balagtasan na gumagamit ng pormal na
wika sa pagtatalo, sa fliptop ay walang nasusulat na iskrip kaya karaniwang ang mga salitang
ibinabato ay hindi pormal at maibibilang sa iba’t ibang barayti ng wika. Pangkaraniwan na ang
paggamit ng mga salitang nanlalait para mas makapuntos sa kalaban.
Laganap ang fliptop sa mga kabataan. Katunayan, may malalaking samahan na silang
nagsasagawa ng mga kompetisyong tinatawag na Battle League. Ang bawat kompetisyong
tinatampukan ng dalawang (2) kalahok ay may tigatlong round at ang panalo ay dinedesisyunan
ng mga hurado. May mga fliptop na isinasagawa sa wikang Ingles, subalit ang karaniwang
paraan ng paglaganap ng fliptop ay sa pamamagitan ng Youtube. Milyon-milyon ang views ng
mga kompetisyong ito. Sa ngayon ay maraming paaralan na rin ang nagsasagawa ng fliptop, lalo
na tuwing sa paggunita ng Linggo ng Wika.

05 Handout *Property of
STI
SH1634

Pick-up Lines
May mga nagsasabing ang pick-up lines ay makabagong bugtong kung saan may tanong na
sinasagot ng isang bagay na madalas maiiugnay sa pag-ibig at iba pang aspeto ng buhay.
Sinasabing nagmula ito sa boladas ng mga binatang nanliligaw na nagnanais magpapansin,
magpakilig, magpangiti, at magpa-ibig sa dalagang nililigawan. Kung may mga salitang angkop
na makapaglalarawan sa pick-up line, masasabing ito’y nakatutuwa, nakapagpapangiti,
nakakikilig, cute, cheesy, at masasabi ring corny. Madalas itong marinig sa usapan ng mga
kabataang magkakaibigan o nagkakaibigan. Makikita rin ito sa Facebook, Twitter, at sa iba pang
social network.
Kailangang ang taong nagbibigay ng pick-up line ay mabilis mag-isip at malikhain para sa
ilang sandali lang ay maiugnay o mai-konekta ang kanyang tanong sa isang nakapagpapakilig na
sagot. “BOOM!” ang sinasabi kapag sakto o maliwanag na maliwanag ang koneksiyon ng
dalawa. Nauso ang pick-up lines dahil sa impluwensiya ni “Boy Pick-up” o Ogie Alcasid sa
programa nilang Bubble Gang na may ganitong segment. Naging matunog ito lalo na nang
gamitin din ni Senadora Miriam Defensor Santiago sa kanyang mga talumpati; at isinulat pa niya
sa aklat na Stupid is Forever, kung saan pinagsama-sama niya ang iba’t ibang pick-up lines,
orihinal man niya o hindi. Naging best seller ang aklat niyang ito, kaya’t ngayo’y mas maraming
tao na ang nagpapalitan ng mga pick-up lines gamit ang wikang Filipino, Taglish, o iba’t iba
pang barayti ng wika.
Hugot Lines
Ang hugot lines na tinatawag ding love lines o love quotes ay isa pang patunay na ang wika
nga ay malikhain. Hugot lines ang tawag sa mga linya ng pag-ibig na nakakikilig, nakatutuwa,
cute, cheesy, o minsa’y nakaiinis. Karaniwang nagmula ito sa linya ng ilang tauhan sa pelikula o
telebisyong nagmarka sa puso’t isipan ng mga manunuod, subalit madalas nakagagawa rin ng
sarili nilang “hugot lines” ang mga tao depende sa damdamin o karanasang pinagdaraanan.
Minsan ang mga ito’y nakasulat sa Filipino, subalit madalas ay Taglish, o pinaghalong Tagalog
at Ingles, ang gamit na salita sa mga ito.
Sitwasyong Pangwika sa Text
Ang pagpapadala at pagtanggap ng SMS (short messaging system) na lalong kilala bilang text
message o text ay isang mahalaganag bahagi ng komunikasyon sa ating bansa. Katunayan, humigit-
kumulang apat na bilyong text ang ipinadadala at natatanggap sa ating bansa araw-araw, kaya naman
tinagurian tayong “Texting Capital of the World”. Higit na itong popular kaysa tumawag sa telepono
dahil may mga pagkakataong mas komportable ang taong magparating ng maiikling mensaheng
nakasulat kaysa sabihin ito nang harapan o sa pamamagitan ng telepono. Sa text nga naman ay hindi
mo nakikita ang ekspresyon ng muka o tono ng boses ng taong tumatanggap ng mensahe. Sa
pagpindot din sa keypad ay mas nabibigyan ng pagkakataon ang taong i-edit ang sarili niya at piliin
ang mas angkop na pahayag o salita kaysa sa kung aktuwal niya itong sinsabi sa harapan man o sa
telepono.
Subalit ano ba ang katangian ng wika sa SMS o text? Ikaw mismo kapag nagte-text ay
malamang na gumagamit ng magkahalong Filipino at Ingles at pinaikling mga salita, hindi ba?
Sa pagbuo ng mensahe sa text, madalas ginagamit ang code switching o pagpapalit-palit ng
Ingles at Filipino sa pagpapahayag. Madalas ding binabago o pinaiikli ang baybay ng mga salita para
mas madali o mas mabilis itong mabuo. Para makatipid sa espasyo at para mapabilis ang pagpindot
sa maliit na keypad ng cellphone, 160 characters (titik, numero, at simbolo) lang ang nilalaman ng
isang padalahan ng mensahe. Walang sinusunod na tuntunin sa pagpapaikli ng salita, gayundin sa
05 Handout *Property of
STI
SH1634

kung

05 Handout *Property of
STI
SH1634

Ingles o Filipino ba ang gamit, basta’t maipadala ang mensahe sa pinakamaikli, pinakamadali, at
kahit paano’y naiintindihang paraan.
Sitwasyong Pangwika sa Social Media at sa Internet
Sa panahong ito ay marahil mabibilang na lang sa daliri ang tao, lalo na ang mga kabataan,
ang wala ni isang social media account tulad ng Facebook, Instagram, Twitter, Pinterest, Tumblr, at
iba pa. Maging mga nakatatanda tulad ng mga lolo at lola ay kabilang na rin sa mga netizen na
umaarangkada ang social life sa pamamagitan ng social media. Marami ang nagtuturing ditong isang
biyaya dahil nagiging daan ito ng pagpapadali ng komunikasyon sa pagitan ng magkakaibigan o mga
mahal sa buhay, lalo na iyong mga malalayo sa isa’t isa o matagal nang hindi nagkikita.
Madaling makabalita sa mga nangyayari sa buhay sa pamamagitan ng mga nakapost na
impormasyon, larawan, at pagpapadala ng pribadong mensahe gamit ang mga ito.
Kumusta naman kaya ang paggamit ng wika sa mga social media sites? Tulad din ng sa text,
karaniwan ang code switching sa pagpapahayag gayundin ang pagpapaikli ng mga salita o paggamit
ng daglat sa mga post at komento rito. Gayunpaman, dahil di tulad ng text o SMS na pribado o iisang
tao lang ang inaasahang makababasa, sa social media ay mapapansing mas pinag-iisipan ang mga
salita o pahayag bago i-post dahil mas maraming tao ang maaaring makabasa nito. Sa post o komento
ay madalas makita ang edited. Ibig sabihin, may binago o inayos ang nag-post o nag-komento
pagkatapos niya mabasa ang isinulat.
Sa Internet, bagama’t marami nang website ang mapagkukunan ng mga impormasyon o
kaalamang nasusulat sa wikang Filipino o Tagalog, ay nananatiling Ingles pa rin ang pangunahing
wika nito. Napakalawak at napakarami kasi ng mga taong konektado sa Internet na umaabot sa
mahigit tatlong bilyon sa buong mundo.
Ano-ano nga ba ang mga babasahin at impormasyong nasusulat sa wikang Filipino sa
Internet? Mababasa rito ang mga dokumentong pampamahalaan tulad ng ating Saligang Batas at mga
kautusang mula sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan. Gayundin ang maraming akdang
pampanitikan, mga awiting nasusulat sa wikang Filipino maging ang mga lumang awiting-bayan na
karaniwang laganap lamang dati sa paraang pasalita, mga resipe, rebuy ng mga pelikulang Tagalog,
mga balita mula sa iba’t ibang pahayag online, diksiyonaryong Filipino, mga impormasyong
pangwika, video ng mga broadcast, at samu’t saring sulatin sa wikang Filipino tulad ng mga blog,
komento, at marami pang iba.
Marami ang mga babasahing nasusulat sa wikang Filipino o wikang Ingles na maaaring hindi
pa nakasasapat sa pangangailangan ng mga mamamayan lalo na ng mga mag-aaral na naghahanap ng
mga impormasyon at babasahing nasusulat sa ating sariling wika. Maaaring sa hinaharap, ikaw na
nagbabasa nito, ay makatulong sa pagpapalaganap ng wikang Filipino sa mundo ng Intenet.
Mahalaga ang pagtutulungan ng bawat isa upang kung anuman ang meron tayo sa kasalukuyan ay
lalong maparami at makatulong nang malaki sa pagpapayaman ng ating wika sa mundong tinatawag
na virtual.
Sitwasyong Pangwika sa Kalakalan
Wikang Ingles ang higit na ginagamit sa mga boardroom ng malalaking kompanya at
korporasyon, lalo na sa mga pagmamay-ari o pinamumuhunan ng mga dayuhan at tinatawag na
multinational companies. Ito rin ang wika sa mga Business Process Outsourcing (BPO) o mga call
center, lalo na iyong mga kompanyang nakabase sa Pilipinas subalit ang sineserbisyuhan ay mga
dayuhang parokyano. Ang mga dokumentong nakasulat tulad ng memo o kautusan, kontrata, at iba
pa ay gumagamit din ng wikang Ingles. Ang mga website ng malalaking mangangalakal na ito ay sa
Ingles
05 Handout *Property of
STI
SH1634

din nakasulat, gayundin ang kanilang press release, lalo na kung ito ay sa mga broadsheet o
magazine nalalathala.
Gayunpaman, nananatiling Filipino at iba’t ibang barayti nito ang wika sa mga pagawaan o
production line, mga mall, mga restaurant, mga pamilihan, mga palengke, at maging sa direct
selling. Ito rin ang wikang ginagamit sa mga patalastas pantelebisyon o panradyo na umaakit sa mga
mamimili upang bilhin ang mga produkto o tangkilikin ang mga serbisyo ng mga mangangalakal.
Mas malawak at mas maraming mamimili kasi naaabot ng mga impormasyong ito kung wikang
nauunawaan ng nakararami ang gagamitin.
Sitwasyong Pangwika sa Pamahalaan
Sa bisa ng Atas Tagapagpaganap Blg. 335, serye ng 1998 na “nagaatas sa lahat ng mga
kagawaran, kawanihan, opisina, ahensya, at instrumentaliti ng pamahalaan na magsagawa ng mga
hakbang na kailangan para sa layuning magamit ang Filipino sa opisyal na mga transaksiyon,
komunikasyon, atkorespondensiya,” naging mas malawak ang paggamit ng wika sa iba’t ibang antas
at sangay ng pamahalaan. Ito ang malaking kontribusyon ni dating Pangulong Cory Aquino sa
paglaganap ng wikang Filipino sa pamahalaan dahil hanggang sa kasalukuyan ay nananatili ang mga
pinasimulan niyang mga inisyatibo sa paggamit ng wika.
Sitwasyong Pangwika sa Edukasyon
Sa mga naunang aralin ay ating nalaman ang kasalukuyang kalagayan ng wikang Filipino sa
mga silid-aralin ayon sa itinatadhana ng K-12 Basic Education Curriculum. Sa mababang paaralan
(K hanggang Grade 3) ay unang wika ang gamit bilang wikang panturo at bilang hiwalay na
asignatura; samantalang ang wikang Filipino at Ingles naman ay itinuturo bilang magkahiwalay na
asignaturang pangwika. Sa mas mataas na antas ay nananatiling bilingguwal, kung saan ginagamit
ang wikang Ingles bilang mga wikang panturo. Marami pa ring tagapagturo ang hindi lubusang
tumatanggap sa pagkakaroon ng batas at pamantayang sinusunod ng mga paaralan, pribado man o
pampubliko. Ito ay nakatutulong nang malaki upang higit na malinang at lumaganap ang unang wika
ng mga mag-aaral, gayundin ang wikang Filipino. Kasabay ng pagkatuto ng wikang Ingles, ito ay
makatutulong sa mga mag-aaral, sila ay higit na makauunawa at makapagpahahalaga sa kanilang
mga paksang pinag- aaralan.

Reference:
Dayag, Alma M. & Del Rosario, M.G. (2016). Pinagyamang Pluma: Komunikasyon at Pananaliksik
sa Wika at Kulturang Pilipino. Quezon City. Phoenix Publishing House.

05 Handout *Property of
STI

You might also like