You are on page 1of 17

Republic of the Philippines

PHILIPPINE STATE COLLEGE OF AERONAUTICS


INSTITUTE OF LIBERAL ARTS AND SCIENCES
Piccio Garden, Villamor, Pasay City

KULTURANG
POPULAR NG
PILIPINAS
MODYUL NG PAGKATUTO

Larawan: https://www.pngitem.com/middle/TRTwTTb_clipart-
philippines-vector-png-transparent-png/

Inihanda ni:

LUIGI REGINALD B. RESOLES


Guro ng Agham Panlipunan
MODYUL 1
INTRODUKSYON SA
KULTURANG PILIPINO
Itinakdang Oras: Anim (6) na Oras
Ikalawa hanggang Ikatlong Linggo

Layunin ng Pagkatuto:

• Natukoy na kongkreto ang batayang kahulugan ng kultura bilang isang


konspeptong panlipunan.
• Naihambing ang pinagkaiba ng mga batayang Konsepto, Elemento Katangian,
mga Sangkap Pananaw/Perspektibo, Kategorya, at Simbolo.
• Natalakay at napapahalagahan ang Elemento, Epekto at kulturang Popular.
• Nakagagawa ng Poster na nagpapakita sa pagmamhal sa kultura.

Layunin sa Paksa ng Pagkatuto:

• Magpakita ng sinsererong interes na mag-aral at matututo sa paksa ng


Kulturang Popular ng Pilipinas.
• Matutunan ang kultura at kulturang popular ng Pilipinas upang maiugnay ang
kanilang mga sarili sa paksang ito.
• Makilala ang iba’t ibang saklaw na katangian ng kultura.
• Masimulan na matutong gumalang at rumespeto sa ibang kulturang
pagpapahalaga at kulturang paniniwala ng iba’t ibang lahi ng mga tao na
naninirahan sa iba’t ibang rehiyon at bansa.

Talaan ng mga Nilalaman Pahina Bilang ng Oras

Layunin 2 10 minuto

Panimula: Ano ang Kultura 3-4 15 minuto

Ano ang Kulturang Popular sa Pilipinas 4-5 30 minuto

Ang Katangian ng Kultura 5-8 40 minuto

Mga Elemento at Sangkap ng Kultura 8-10 40 minuto

Iba’t Ibang Pananaw at Perspektibo ng Kultura 10-12 45 minuto

Simbolo ng Kultura 12-13 30 minuto

Iba’t Ibang Uri ng Dipyusyon sa Kultura 13 30 minuto

Mga Gawain 14-16


• Gawain 1 30 minuto
• Gawain 2 30 minuto
• Gawain 3 60 minuto

Mga Sanggunian 17

2
Ano ang Kultura?
Isinalin mula sa New World Encyclopedia

Ang kultura ay hinango mula sa salitang Latin na colere (tirhan,


pagyamanin at parangalan), na sa pangkalahatan ay tumutukoy sa mga istruktura
ng aktibidad ng mga tao at mga simbolikong istruktura na nagbibigay ng
kahalagahan ng naturang aktibidad. Ang iba`t ibang kahulugan ng "kultura" ay
sumasalamin ng iba't ibang mga teoretikal na oryentasyon para sa pag-unawa, o
pamantayan para sa pagpapahalaga at aktibidad ng tao. Karaniwang ginagamit ng
mga antropologo ang salitang "kultura" upang tukuyin ang unibersal na kakayahan
ng tao na maiuri, maitala, at maiparating ang kanilang mga karanasan sa
simbolikong pamamaraan.

Ang mga pagkaing


Pilipino ay
manipestasyon ng
mayaman at
natatanging kultura
na matatagpuan
lamang sa Pilipinas.
(Larawan mula sa The
New York Times)

Ang lipunan at kultura ay magkatulad na mga konsepto, ngunit ang kanilang


mga saklaw ay magkakaiba. Ang lipunan ay tumutukoy sa magkakaugnay na
pamayanan, habang ang kultura naman ay tumutukoy sa pangkalahatang
katangian ng isang pamayanan. Ang sibilisasyon din ay may malapit na koneksyon
sa kultura, na kadalasan ay ginagamit din bilang kasingkahulugan ng kultura. Ito
ay dahil ang sibilisasyon at kultura ay magkakaibang aspeto ng isang entidad. Ang
sibilisasyon ay maaaring tingnan bilang panlabas kaanyuan, at kultura bilang
panloob na katangian ng isang lipunan. Samakatuwid, ang sibilisasyon ay
ipinahayag sa mga katangiang pisikal, tulad ng paggawa ng mga kasangkapan,
agrikultura, teknolohiya, at iba pa habang ang kultura ay tumutukoy sa mga
pamantayang panlipunan at pamantayan ng pag-uugali, mga tradisyon,
pagpapahalaga, at paniniwala at kaugalian sa relihiyon na pinanghahawakan ng
mga miyembro ng isang lipunan. Gayunpaman, ang kultura ay naipapakita rin sa
pamamagitan ng sining pati na rin sa mga istrukturang panlipunan at mga
institusyon ng lipunan.

3
Mga Uri ng Kultura
Kung muling aalalahanin, ang kultura ay binigyang pagpapakahulugan
bilang mga simbolo, wika, paniniwala, at mga kasangkapan na bahagi ng
anumang lipunan. Kagaya ng ipinahihiwatig ng kahulugan na ito, mayroong
dalawang pangunahing mga sangkap ng kultura: mga ideya at simbolo sa isang
banda at mga kasangkapan (mga materyal na bagay) sa kabilang banda. Ang
unang uri, na tinawag na kulturang di-materyal na kilala rin bilang simbolikong
kultura, ay nagsasama ng mga paniniwala, simbolo, at wika na tumutukoy sa
isang lipunan. Ang ikalawang uri, na tinatawag na kulturang materyal, ay
nagsasama ng lahat ng mga pisikal na bagay ng lipunan, tulad ng mga pisikal na
kasangkapan at teknolohiya, damit, kagamitan sa pagluluto at pagkain, at
paraan ng transportasyon.

MATERYAL DI MATERYAL
• Kasangkapan • Edukasyon
• Pananamit • Kaugalian
• Tirahan • Sistema ng Pamamahala
• Pagkain • Paniniwala
• Relihiyon
• Agham at Sining
• Pananalita

Kulturang Popular ng Pilipinas


Isinalin mula sa akda ni AJ Garchitorena/ Columbia University

“Ang pagbuo ng isang kultura ay dapat magsimula sa isang pundasyon,


at ang pundasyon na iyon ay kinakailangan na kulturang nagmula sa mga
mamamayang Pilipino kung ito ay maaaring maihiwalay sa mga impluwensya
ng mga kolonisador.”

Ang kulturang popular, ayon sa Pambansang Alagad ng Sining para sa


Panitikan na si Bienvenido Lumbera sa kanyang aklat na Revaluation: Essays on
Philippine Literature, Theatre and Popular Culture (1984), ay lubos na naiiba
sa kulturang katutubo at kulturang nasyonalista ng mga Pilipino. Sa madaling
sabi, ang kulturang katutubo ay ang paraan ng pamumuhay sa isang lugar sa
isang tukoy na oras at inilalarawan ang mga kasanayan ng mga tao, at kung
paano sila namumuhay nang naaayon sa kalikasan. Ang kulturang nasyonalista
naman ay ang kulturang nilikha sa pamamagitan ng paglaban ng mga Pilipino
sa pamahalaang kolonyal. Ang dalawang ito ay naiiba sa kulturang popular na
maaaring balikan at tukuyin kahit na sa panahon ng Hispanisasyon ng Pilipinas.

Ayon kay Lumbera, ang kulturang popular sa Pilipinas ay nilikha at


ginamit ng mga Espanyol sa mga katutubong Pilipino o Indio sa pamamagitan
ng dula at panitikan upang makuha ang loob at puso ng mga katutubo.

4
Ang kolonyal na pinagmulan ng kulturang popular na matatagpuan sa
Pilipinas ay maaaring matukoy sa pamamagitan ng pagtingin sa pag-usbong ng
panitikang Pilipino. Ang permanenteng pamayanan na itinatag ng Espanya ay
nagbigay daan sa unti-unting pagpapalit ang katutubong kultura patungo sa
kulturang nakatuon sa tradisyong Kristiyano at Europeo. Ang mga anak ng
katutubong nabibilang sa mataas na uri na napasailalim sa pagtuturo ng mga
misyonero ay naging pangunahing pangkat ng mga intelektuwal na tinawag na
'ladinos', dahil sila ay naging instrumento "sa pagdadala sa katutubong wika ng
mga gawang pampanitikang na magiging instrumento para sa "pagpapayapa ng
mga katutubo". Ang mga anyo ng sikat na teatro at panitikan tulad ng "pasyon,
senakulo, at korido ay tiniyak ang pagtanggap at pagkalat ng Kristiyanismo,
gayundin epekto ng komedya at awit para sa monarkiya." Ang kulturang popular
sa panahong iyon ay nilikha ng pamahalaang kolonyal, sa tulong ng mga lokal na
ilustrado, upang itaguyod ang interes ng Simbahan at ng Estado.
Gayunpaman, noong nakita na ng mga katutubong ilustrado ang mga
epekto ng kulturang popular at ang paggana nito bilang isang propaganda, hindi
nagtagal ay gumamit na sila ng sandata laban sa Espanya. Noong ika-19 na siglo,
sa pamamagitan ng kilusang Propaganda, ang mga katutubong ilustrado ay
gumamit ng parehong anyo ng kulturang popular upang “mapahina ang
kapangyarihan ng mga mapang-abusong prayle at tipunin ang mga Pilipino upang
wakasan ang pamamahala ng mga Espanyol“. Isang halimbawa ay ang gawa ni
Marcelo H. del Pilar nang baguhin niya ang mga letra sa mga dasal na 'Aba,
Ginoong Maria' at 'Ama Namin’ bilang isang uri ng pasaring laban sa mga
mapang-abusong prayleng Espanyol.
Ang pagdating ng mga Amerikano ay nagdala ng modernong anyo ng
kulturang popular sa Pilipinas. Ang higit na malayang patakaran hinggil sa
palimbagan, radyo, telebisyon at pelikula, ay nagbigay ng mas mabilis na
sirkulasyon sa kulturang popular na hatid ng mga Amerikano. Hindi lamang sa
pamamagitan ng mga anyo na ito ngunit pati na rin sa bagong medya noon,
tulad ng mga pelikula. Ang mga pelikulang Hollywood ay nagkaroon monopoly sa
Pilipinas dahil na rin sa kawalan ng mga pelikula sa Europa dahil sa pagsiklab ng
Unang Digmaang Pandaigdig.
Sa simula pa lamang, ang mga edukadong Pilipino ay nagkaroon na ng mga
agam-agam sa mass media dahil sa komersyalisasyon o bulgarisasyon ng sining.
Ayon kay Lumbera, napansin ng mga edukadong Pilipino na ang popular na
panitikan na ginawang kalakal na para sa mga mamamayan ay nagiging isang
banta sa mga mas seryosong likhang sining sapagkat ang mga manunulat at mga
palimbagan ay mas nagiging interesado sa kita kaysa sa kahalagahan ng
magandang sining. Sinabi niya rin na ang popular na kultura ay hindi nilikha ng
mga mamamayan, bagkus, ito ay kulturang nilikha ng mga naghaharing-uri o
mga edukadong bahagi ng lipunan para sa kapakinabangan nila, at para sa
pagtangkilik ng mga mamamayan.
Kung susumahin ang pananaw ni Lumbera, “ang kulturang popular ay
makapangyarihan, ang sinomang may hawak ng kapangyarihan na ito upang
magmanipula ng mga kaisipan ay siyang muling sisingilin ng mga ito oras na
malaman ng mga nalinlang ang kakayahan nito bilang isang kasangkapang
pulitikal.

5
Katangian ng Kultura
Isinalin mula sa Palomar College

Upang higit na maintindihan ang kultura, mainam na suriing maigi ang


mga katangian nito. Sa bahaging ito, tutuklasin natin ang mga katangian ng
kultura kasama na ang mga limitasyon nito.
 Ang Kultura ay isang Adaptibong Mekanismo
Ang mga sinaunang tao ay nagmula sa tropikal na bahagi ng Afrika, 2.5
milyong taon na ang nakararaan. Magmula noon, matagumpay na naging tahanan
ng sangkatauhan ang lahat ng rehiyon sa daigdig. Gayunpaman, ang ating mga
katawan ay nananatiling angkop lamang para sa mas maiinit na klima. Hindi
natin kakayaning mabuhay sa mas malalamig na klima nang walang kaalamang
kultural at teknolohikal. Naging posible para sa ating mga ninuno na mabuhay sa
mga nagyeyelong klima dahil sa mga kasuotang pangginaw, pagkakatuklas sa
apoy, at sa mas mahusay na pamamaraan ng pangangaso. Kultura ang naging
dahilan kung bakit sa nakalipas na 10,000 taon ay lumago ang populasyon ng
mga tao mula 10 milyon hanggang 7 bilyon.

Ang matagumpay na
teknolohiyang kultural ang
nagbigay posibilidad sa mga
taong umangkop sa mas
malalamig na mga klima.

 Ang Kultura ay Natututunan


Ang kultura ay natutunan galing sa kagawian, pagpapahalaga,
panuntunan, at iba pang elemento ng kultura sa loob ng isang lipunan. Ito ay
naisasalin sa simula nang tayo ay matututong umintindi at kumilala ng mga
bagay na berbal at di-berbal na komunikasyon gaya sa ekspresyon ng mga mukha
sa mga taong ating nakakaharap habang tayo ay lumalaki at umuunlad bilang
isang tao. Ang pagkatuto nating bumigkas at bumuo ng mga salita bilang
pangunahing daluyan ng komunikasyon ang wika o diyalektong gamit at
kinalahikan.

Ang pagtuturo ng magulang sa


kanyang anak bumasa ay isang
pamamaraan ng pagsasalin ng
kultura sa pamamagitan ng
pagtuturo. (Larawan hango sa
https://www.calcalist.co.il/local/a
rticles/0,7340,L-3725251,00.html)

Ang kultura ay maaaring makuha at matutunan ng miyembro ng lipunan


mula sa apat ng panlipunang institusyon, ang pamilya bilang batayang unit, ang
paaralan, ang simbahan at medya o social media.

6
 Ang Kultura ay Nagtatakda ng mga Maaari at Hindi Maaaring Gawin
Ang kultura ay nagtatakda ng mga patakarang panlipunan sa maaaring
gawin at hindi maaaring gawin ng mga kasapi nito. Idinidikta rin ng kultura kung
paano gagampanan ng isang tao ang papel nito sa lipunan kagaya ng asawa,
anak, at iba pa. Kadalasan, ang mga panuntunan tungkol sa katanggap-tanggap
na mga gawain ay flexible o maaaring maiba depende sa sitwasyon. Halimbawa,
sa Hilagang Amerika, idinidikta ng kultura na ang tao ay dapat magbihis ayon sa
kasarian, ngunit binibigyang laya ang mga ito na bumagay sa sitwasyon. Sa mga
kanlurang sibilisasyon ay mabilis ring nagbabago ang kultura patungkol sa mga
aspetong sosyal na maaaring kontrobersyal at iligal sa ibang kultura, kagaya ng
same-sex marriage, dekriminalisasyon sa paggamit ng droga, at marami pang
iba.

Maraming mga lipunan


sa kanluran ang
tumatanggap na sa
karapatan ng mga
taong magkaparehas ng
kasarian na maikasal.
(Larawan mula sa
Britannica)

Gayunpaman, may mga kultura ring mahigpit pagdating sa pagsunod sa


pamantayan na itinakda ng kultura. Ang mga konserbatibong kulturang ito ay
matatagpuan din sa mga relihiyosong lipunan. Halimbawa, ang mga gampanin ng
mga kalalakihan at mga kababaihan ay lubhang limitado sa istriktong
interpretasyon ng lipunang Muslim, Kristiyano, Hudyo, o Hindu.

Ang mga konserbatibong


kababaihan sa Gitnang
Silangan. Sila ay nakasuot ng
mga konserbatibong
pananamit na naaayon sa
pamantayan ng lipunan na
kanilang ginagalawan.
(Larawan mula sa Australian
Broadcasting Corporation)

7
 Ang Kultura ay Konektado
Maliit na ang tsansa na may mga lipunan pa rin na hindi pa konektado sa
modernong mundo. Kahit na ang mga maliliit na tribo ay unti-unti nang
niyayakap ang globalisasyon ng kultura. Sa nakalipas na isandaang taon, ang
mga malalayong tribo at lipunan sa kabundukan ng New Guinea at kaloob-looban
ng Amazon sa Timog Amerika ay naging kabahagi na ng mas malawak na
kulturang pandaigdig. Ang mga miyembro ng mga nasabing tribo at lipunan ay
bumibili na rin ng mga makabagong kasangkapan kagaya ng radyo, telebisyon,
kasangkapan sa bahay, at iba pa. Dahil sa hindi maiiwasang penomena na ito,
maraming mga katutubong kultura ang unti-unti nang napapalitan. Sa panahon
ngayon, halos lahat ng mga lipunan sa daigdig ay naiimpluwensyahan na ng
kultura ng mga bansang mas dominante.

Sa kasalukuyan, ang
mga katutubong
Australyano ay
gumagamit na rin ng
mga makabagong
kasuotan. (Larawan mula
sa Shutterstock)

Mga Elemento at Sangkap


ng Kultura
Isinalin mula sa Howard Community College

Sa mga unang bahagi ng modyul na ito, binigyang kahulugan ang kultura


bilang mga simbolo, wika, paniniwala, at kasangkapan na kabahagi ng isang
lipunan. Sa bahaging ito ay tatalakayin naman ang mga elemento at sangkap ng
kultura na matatagpuan sa isang lipunan.
 Simbolo
Ang lahat ng kultura ay puno ng mga simbolo, o mga bagay na may
pagpapakahulugan na kadalasan ay pumupukaw sa atensyon at emosyon ng mga
tao. Ang ilang uri ng mga simbolo ay ginagamit din bilang komunikasyong di-
berbal, habang ang ibang simbolo naman ay mga materyal na kasangkapan.
 Di-Berbal
Isang karaniwang halimbawa ng di-berbal na simbolo ay ang pakikipag-
kamay. Kadalasan, ang pakikipag-kamay ay sumisimbolo sa pakikipagkaibigan at
ginagamit bilang pagbati. Marahil lahat ng mga lipunan sa daigdig ay may mga di-
berbal na simbolo, na ginagamitan ng anumang bahagi ng katawan, upang
magpahiwatig ng mga partikular na ideya at emosyon. Gayunpaman, may mga
magkahalintulad na simbolo na may magkaibang kahulugan sa ibang lipunan
(Axtel, 1998). Sa Estados Unidos, halimbawa, ang paggamit ng “thumbs up” ay
nangangahulugang maayos lamang ang lahat, habang sa Australya, ito ay opensibo
na katumbas ng pagtaas ng gitnang daliri. Sa ilang bahagi ng Gitnang Silangan at
Asya, hindi katanggap-tanggap ang paggamit ng kaliwang kamay sa pagkain,
sapagkat para sa kanila, ang kamay ay ginagamit lamang kapag nagtutungo sa
palikuran.

8
 Berbal (Wika)

Marahil ang pinakamahalagang simbolo ng ating kultura ay ang wika. Sa


Ingles, ang salitang chair ay nangangahulugang isang kasangkapan na ating
inuupuan. Sa Filipino, ang salitang upuan ay tumutukoy rin sa kahalintulad na
bagay. Hangga’t nagkakasundo tayo sa pagbibigay kahulugan sa mga salitang ito,
ang pakikibahagi sa lipunan ay nagiging posible.
Gaano nga bang kalawak ang impluwensya ng wika sa ating pag-iisip? Ang
tanyag ngunit kontrobersyal na Sapir-Whorf hypothesis, na hango sa pangalan ng
dalawang antropologo na sina Edward Sapir at Benjamin Lee Whorf, ay
ipinagpapalagay na hindi madaling mauunawaan ng mga tao ang mga bagay o
konsepto kung ang kanilang wika ay hindi nagtataglay ng mga salita para dito
(Whorf, 1956). Ipinaliwanag nila na ang wika ay itinuturong istruktura. Dahil dito,
nagbibigay impluwensya ang wika sa paraan ng ating pag-unawa sa daigdig.
Halimbawa, ang Estados Unidos ay maraming magkaugnay na salita para sa
salitang “kiss” (hal. buss, peck, smack, smooch at soul) samantalang para sa mga
Hapon, kissu lamang ang gamit nilang salita upang bigyang kahulugan
makabagong konsepto na ito.

 Pamantayan
Ang mga kultura ay may malaking pagkakaiba sa kanilang mga pamantayan
sa pagkilos. May dalawang uri ng pamantayan sa kultura, pormal at di-pormal.
Ang mga pormal na pamantayan ay tumutukoy sa mga pamantayang may legal
na batayan gaya ng mga batas at ordinansa. Sa Pilipinas, ito ay tumutukoy sa
konstitusyon, mga batas republika, batas trapiko, kasama na rin dito ang mga
batas na umiiral sa mga kolehiyo at unibersidad. Ang mga di-pormal na
pamantayan naman ay tumutukoy sa mga kaugalian at tradisyon gaya ng
pagmamano at pagsagot sa mga nakatatanda gamit ang po at opo. Kahit na mas
mahalaga ang mga pormal na pamantayan kaysa sa mga di-pormal na
pamantayan, malaki pa rin ang impluwensya nito sa ating pag-uugali at kilos.
Ang tamang pagkilos sa harap ng hapag-kainan ay isang magandang halimbawa
ng di-pormal na pamantayan na walang legal na batayan ngunit may mabigat na
impluwensya sa ating pagkilos.

Ang pagdadasal bago


kumain ay isa sa
maraming pamantayang
di-pormal na binibigyang
halaga sa kulturang
Pilipino. (Larawan mula sa
Shutterstock)

9
 Ritwal
Ang iba’t ibang mga kultura ay mayroong kanya-kanyang mga ritwal, o
mga nakaugaliang pamamaraan at seremonya na kadalasan ay nagbibigay hudyat
sa panibagong yugto sa buhay ng isang tao. Dahil dito, ang mga ritwal ay
parehong sumasalamin at naglilipat ng pamantayan ng isang kultura mula sa
isang henerasyon patungo sa susunod. Ang seremonya ng pagtatapos sa mga
kolehiyo at unibersidad ay isa sa mga pamilyar na halimbawa ng mga nasabing
ritwal. Sa maraming lipunan, kaagapay ang ritwal sa pagtatakda ng gender role
sa isang tao. Halimbawa, ang mga kababaihan sa iba’t ibang kultura sa mundo
ay dumadaan sa mga seremonya na nagmamarka na sila ay mga dalaga na. Sa
lipunang Bemba ng Zambia, ang mga batang babae ay sumasailalim sa ritwal na
kung tawagin ay chisungu, kung saan sila ay nag-aaral ng mga awitin, sayaw, at
sikretong mga salita na sila lamang ang nakaaalam (Maybury-Lewis, 1998). Sa
Pilipinas naman, ang pagtutuli sa mga kalalakihan ay sumisimbolo sa kanilang
transisyon sa pagkabinata.

Bahagi na ng kulturang
Pilipino ang pagtutuli sa
mga lalaki sa panahon ng
tag-init. Ang ritwal na
ito ay sumisimbolo sa
kanilang transisyon mula
pagkabata patungo sa
pagkabinata. (Larawan
mula sa ABS-CBN News)

Pananaw at Perspektibo
ng Kultura
Isinalin mula sa mga piling akda

Dahil sa yaman at pagkakaiba-iba ng mga kultura, maraming mga pananaw


at perspektibo ang umusbong mula rito. Ang mga sumusunod ay nagpapakita at
naglalarawan ng iba’t ibang pananaw at perspektibo ng kultura.
 Kultural na Relatibismo
Ang kultural na relatibismo ay ang pananaw na ang mga pamantayang
etikal at sosyal ay sumasalamin sa kontekstong kultural ng kulturang pinagkunan
nito. Ipinagpapalagay ng mga tagasunod ng kultural na relatibismo na dahil ang
mga kultura ay hindi magkakaparehas, ang pamantayang moral ng ibang lipunan
ay hindi dapat husgahan gamit ang perspektibo ng ibang kultura.

10
 Kulturang Nakabibigla (Culture Shock)
Ang culture shock ay tumutukoy sa pakiramdam na hindi maipaliwanag,
nakalilito o nakagugulat na nararanasan ng mga taong nangibang bansa o
nakararanas ng bagong kultura o paligid. Ang paninibagong ito ay normal at
bunga ng pagiging hindi pamilyar sa bagong kultura o kapaligiran.
Ang culture shock ay maaaring maganap sa paglipat ng isang tao sa ibang
lungsod o bansa, kagaya ng pagreretiro sa ibayong dagat. Nangyayari din ito
tuwing nagbabakasyon, nasa business travel o nag-aaral sa ibang bansa.
Halimbawa, ang mga dayuhang mag-aaral ay maaaring makaranas ng culture
shock dahil sa hindi pamilyar na pagkain, lokal na tradisyon, at wika.

Para sa mga Pilipino, ang balut ay isa


sa mga pangkaraniwang pagkain na
kadalasan ay matatagpuan sa mga
lansangan ngunit nagdudulot ng
culture shock sa mga dayuhan na
makasasaksi nito sa unang
pagkakataon. (Larawan mula sa
Pinterest)

 Etnosentrismo
Ang etnosentrismo ay tumutukoy sa pagkiling sa isang kultura o pangkat-
etniko–- sadya man o hindi-- kung saan ang isang indibidwal ay malalim na
pagpabor sa kanyang kultura at ginagamit ang pananaw na ito bilang ideyal na
batayan sa paghusga sa kultura ng iba. Ang makitid na pananaw na ito ay
kadalasang nagreresulta sa: (1) kawalang-kakayahang umunawa ng kulturang iba
sa kultura ng nasabing indibidwal at (2) panghuhusga nang walang batayan at
paniniwala na higit na nakatataas ang kultura ng nasabing indibidwal kumpara
sa kultura ng ibang mga lipunan. Dahil dito, ang etnosentrismo ay kadalasang
kaakibat din mapaminsalang sosyal na pananaw, gaya nang ultranasyonalismo,
tribalismo, rasismo, seksismo, at diskriminasyon sa may mga kapansanan.
 Senosentrismo
Ang senosentrismo ay tumutukoy sa pagkiling ng isang tao sa mga
produkto, estilo o ideya ng isang banyagang kultura. Dahil sa globalisasyon,
lumalawak ang kaalaman ng isang tao sa materyal at di-materyal na kultura na
matatagpuan sa iba’t ibang panig ng daigdig. Ang kaalaman na ito ang
nagbibigay buhay sa senosentrismo dahil sa paniniwalang higit na nakatataas
ang mga produkto at gawi ng mga dayuhang kultura.
 Sub-Kultura (Sub-Culture)
Ang sub-kultura ay tumutukoy sa kulturang natatangi sa isang grupo, lalo
na sa mga grupo na ang interes at kagustuhan ay naiiba sa kalakhan ng lipunang
ginagalawan nila. Halimbawa, ang sub-kultura ng mga Pilipinong nabibilang sa
mataas na uring pang-ekonomiko ay ibang-iba sa sub-kultura na matatagpuan sa
mga Pilipinong nabibilang sa mababang uring pang-ekonomiko.

11
 Kontra-Kultura
Ang kontra-kultura ay isang sosyo-politikal na salitang tumutukoy sa
pagtaliwas sa dominante o laganap na ideyolohiya. Ang salitang ito ay umusbong
noong dekada ‘60 bilang paghikayat sa mga kabataan na itakwil ang sistema na
sa kanilang pananaw ay mapaniil. Nang umusbong ito sa Estados Unidos, ang
kontra-kultura ay unang ginamit laban sa rasismo, pagsuporta ng mga
unibersidad at kolehiyo sa Digmaan sa Vietnam. Mula rito, ang iba’t ibang
pamamaraan ng pagpapakita ng suporta sa kontra-kultura ay dumami pa. Sa
Pilipinas, ang kontra-kultura ay tumatalakay sa maraming isyung panlipunan
kagaya ng pang-aabuso sa ilalim ng Batas Militar, ang panghihimasok ng
Simbahang Katoliko sa usaping reproductive health at karapatan ng LGBT
community, gayundin ang maraming isyung politikal, na para sa mga taga-
suporta ng kontra-kultura, ay hindi makatarungan.

Mga Simbolo ng Kultura


Isinalin mula sa mga piling akda

Dahil na rin sa sari-saring uri ng mga tao at kultura, umusbong na rin mula
rito ang iba’t ibang simbolo ng kultura. Sa bahaging ito, bibigyan ng
pagpapakahulugan ang mga piling simbolo ng kultura.
 Kultura ng Kahirapan
Ang kultura ng kahirapan ay isang teorya na binuo ni Oscar Lewis sa
kanyang aklat na Five Families: Mexican Case Studies in the Culture of Poverty
(1959). Ayon sa kanya, ang pamumuhay sa ilalim ng kultura ng kahirapan ay
magdudulot ng panibagong kultura o sub-kultura na umaayon sa kondisyong ito.
Ang kulturang ito ay nakasentro sa malalim na pakiramdam ng kawalang-
kakayahan, pagkamaliit at kawalang-kapangyarihan. Dagdag pa ni Lewis, ang
mga indibidwal na nabubuhay sa ilalim ng kultura ng kahirapan ay kulang sa
karunungang historikal kung kaya wala rin silang kaalaman upang sugpuin ang
kanilang kahirapan sa pamamagitan ng kolektibong pagkilos, at tumutuon na
lamang sa kanilang mga personal na problema.
 Kultura ng Karangyaan
Ang kultura ng karangyaan ay tumutukoy sa pamamaraan ng mga
mayayaman na ipakita sa mundo ang kanilang karangyaan at kayamanan.
Kadalasan, ang kayamanang ito ay naipakikita sa pamamagitan ng pagbili ng
mga mamahaling kagamitan.
 Kultura ng Korapsyon
Ang kultura ng korapsyon ay tumutukoy sa pagtanggap ng lipunan sa mga
tiwaling gawain. Kahit na matunog na isyu sa telebisyon ang sunod-sunod na
imbestigasyon ng Senado sa mga isyu ng katiwalian, karamihan sa mga ito ay
hindi na umaabot sa balita dahil nagiging normal na ito sa mata ng lipunan.
Halimbawa, kadalasan ay nagiging katanggap-tanggap ang pagbibigay ng suhol
upang mapabilis ang pakikipag-transaksyon sa mga tanggapan ng pamahalaan.
Ang mikro-korupsyon na ito ang isang halimbawa kung bakit patuloy na umiiral
ang korupsyon-- sapagkat may kulturang nagpapanatili sa buhay nito.

12
 Kultura ng Pananahimik
Ang kultura ng pananahimik ay tumutukoy sa epekto ng ibang aspeto ng
kultura sa mga indibidwal, medya o mamamahayag. Ang pananahimik na ito ay
nag-uugat sa matinding pagkatakot na masangkot o mapagbintangan sa isang
alanganing sitwasyon. Halimbawa, normal para sa isang testigo ng isang krimen na
manahimik na lamang kaysa tumestigo laban sa isang pinaghihinalaang kriminal
dahil sa takot na masangkot o hindi kaya ay malagay sa alanganin ang kanyang
buhay.
 Kultura ng Pagkamanhid
Ang kultura ng pagkamanhid ay tumutukoy sa paghina ng pagkakaisa sa
lipunan na kadalasan ay dahil sa paglaganap ng mga sakit ng lipunan o social ills.
Halimbawa, sa mga mahihirap na lipunan, ang mga pulubi sa lansangan ay isang
normal na lamang na tanawin. Ang normalisasyon ng kahirapan at kawalang-
kapangyarihan ang nagtutulak para sa maraming tao na maging manhid sa isyung
panlipunang ito.

Dipyusyon sa Kultura
Isinalin mula sa study.com

Ang dipyusyon sa kultura ay tumutukoy sa pagkalat ng mga nauusong aspeto


ng kultura sa maraming lugar. Ang mga paniniwala at gawain ay naibabahagi at
naililipat sa pagitan ng mga tao. Maraming mga kaugaliang kultural ang
naipapakalat nang dahil dito. Ang mga sumusunod ay ang uri ng dipyusyon sa
kultura:
 Nakahahawang Dipyusyon
Ang mga nauusong TikTok Dance Challenges ay isang magandang halimbawa
ng nakahahawang dipyusyon kung saan ang isang nauusong gawain ay naisasalin sa
pagitan ng mga tao mula sa isang orihinal na pinagmulan patungo sa mas marami
pang iba, kahalintulad sa pagkalat ng isang nakahahawang sakit. Kahit na ang
salitang viral videos ay nagmumula sa ideya ng pagkalat ng isang sakit, sapagkat
kagaya ng sakit, ang nakakahawang dipyusyon ay kumakalat sa pamamagitan ng
kontak at interaksyon.
 Hirarkikal na Dipyusyon
Isa pang halimbawa ng dipyusyon ay ang hirarkikal na dipyusyon. Ito ay
tumutukoy sa pagkalat ng mga nauusong gawain mula sa isang bahagi o segment ng
lipunan patungo sa iba. Halimbawa, ang hip hop culture ay umusbong mula sa mga
lungsod, ngunit ngayon ay kalat na ito sa iba’t ibang rehiyon kasama na ang mga
kanayunan. Hirarkikal din ang pamamaraan ng pagkalat ng balita, mula sa mga
opisyal ng pamahalaan, patungo sa mga mamamahayag at mamamayan.
 Stimulus na Dipyusyon
Ang stimulus na dipyusyon ay tumutukoy sa pagkalat ng mga nauusong
gawain, ngunit nababago ng mga gumagaya nito. Halimbawa, ang yoga ay nauuso
sa Estados Unidos bilang isang uri ng meditasyon o ehersisyo, samantalang sa lugar
na pinagmulan nito, bukod sa meditasyon, ginagamit din ito sa kontekstong pang-
relihiyon.
 Relokasyong Dipyusyon
Ang relokasyong dipyusyon ay tumutukoy sa pagkalat ng mga nauusong
kultural na gawain sa pamamagitan ng paglipat ng mga orihinal na tagapagdala nito
sa ibang lugar. Halimbawa, ang pagkalat ng mga Chinatown sa bawat ng sulok ng
mundo ang naging dahilan sa pagkakakilala sa kultura at pagkaing Tsino.

13
MODYUL 1
MGA GAWAIN

Panunumpa ng Katapatan

“Mahigpit na ipinagbabawal ng Institusyon at ng Kolehiyo ang anumang


uri ng pandaraya tulad ng pangongopya sa kaklase o pagkuha ng sagot sa
internet. Ang sinomang mapatunayan na lumabag sa panuntunang ito ay
may karampatang parusa na igagawad, sang-ayon sa mga patakarang
ipinatutupad ng PhilSCA.”

___________________________
Pangalan at Lagda ng Mag-aaral

GAWAIN 1
Panuto: Sagutin ang mga sumusunod na tanong.

1. Ano ang pinagkaiba ng tradisyon, pilosopiya, pananaw, at paniniwala?


Ipaliwanag gamit ang sariling pagkakaunawa.

2. Magbigay ng tig-limang halimbawa ng mga sumusunod: tradisyon, kultura,


simbolo. Gamitin ang talahanayan sa ibaba.

TRADISYON KULTURA SIMBOLO

14
GAWAIN 2
Panuto: Tingnan ang larawan sa ibaba at sagutan ang mga sumusunod na
tanong.

1. Ilarawan ang nagaganap sa larawan gamit ang ilang pangungusap.

2. Paano mo maiko-konekta ang aralin tungkol sa kultural na relatibismo sa


larawan sa itaas?

3. Sa iyong palagay, katanggap-tanggap ba sa kulturang Pilipino na gumamit ng


kamay sa pagkain sa kahit anong okasyon? Ipaliwanag ang iyong sagot.

15
GAWAIN 3
Panuto: Gumawa ng poster na nagpapaliwanag sa kahalagahan ng paglilinang sa
katutubong kultura sa harap ng globalisasyon. Pagkatapos nito, sumulat ng isang
talata na nagpapaliwanag ng iyong gawa.

PAMANTAYAN SA PAGMAMARKA
Pamantayan Layunin Natamong
Puntos
Nilalaman Naipapakita at naipaliwanag nang
maayos ang ugnayan ng lahat ng
konsepto sa poggawa ng poster.
Kaangkupan ng Maliwanag at angkop ang mensahe
Konsepto sa paglalarawan ng konsepto.
Pagkamalikhain Gumamit ng tamang kombinasyon
ng kulay upang maipahayag ang
konsepto at mensahe.
Kabuuang Malinis at maayos ang kabuuang
Presentasyon presentasyon.
Orihinalidad Orihinal ang ideya sa paggawa ng
poster
5- Mahusay
4- Lubhang Kasiya-siya
3- Kasiya-siya Kabuuang Puntos
2 at 1- Pagbutihin pa 16

16
Mga Sanggunian

17

You might also like