You are on page 1of 7

Pamantasang Pampamahalaan ng Benguet

PAARALANG GRADWADO
La Trinidad, Benguet

Panggitnang Pagsusulit
Sosyolingguwistikang Filipino

Pangalan : LIVED, WENDELL A.

Panuto: Sagutin ang mga tanong. (20 puntos bawat bilang)

1. Tawag sa pangkat etnikong iyong kinabibilangan at ipaliwanag ang


katawagan sa pangalan ng iyong pangkat.
ILOKANO
Sa wikang Ilokano, ang salitang ugat na “loco” ay mula sa salitang
“locong” o “lusong” na ngangangahulugang “kapatagan.” Ang
pagdaragdag ng unlaping “I”- na nangangahulugang “inhabitants of
(tirahan ng mga)”- sa salitang “loco” ay magreresulta ng deskripsiyon na
“tirahan ng mga taga- kapatagan,” na tumutukoy sa Ilocos at nang
lumaon ay tinatawag ng mga Ilocano ang mga pangkat-etnikong
naninirahan dito (Savellano, 2009).
Kung gayon, ang mga Ilokano ay itinuturing na “mga naninirahan
sa kapatagan” upang makilala na kaiba sila sa mga taong naninirahan sa
mas matataas na lugar (upland) partikular ang mga bulubunduking
bahagi ng Cordillera.
Ang mga Ilokano bilang isa sa mga pangunahing pangkat etniko sa
bansa ay naninirahan sa makitid na lupain sa hilagang-kanlurang dulo
ng Luzon sa pagitan ng bundok ng Cordillera sa silangan at ang South
China Sea sa kanluran. Mapaghamon ang kapaligiran at lokasyon kung
saan naninirahan ang mga Ilokano dahilan upang maging masipag
(nagaget) at matipid (nakirmet) sa lahat ng pagkakataon.
2. Sa pangkat etnikong iyong kinabibilangan, magbigay ng dalawang
salitang tatak ng inyong pagkakakilanlan at ipaliwanag.

a) Kannawidan

Gaya rin ng ibang lugar, maliban sa mga sikat na pagkain, mga lugar,
pasyalan at iba pa, ang isa rin sa tunay na nakapagbbigay identidad o
pagkakakilanlan ng isang pangkat etniko ay ang kanilang kapistahan na
kung saan itinatampok kung anong kultura mayroon ang lugar na ito.

Hindi na ako lalayo pa sa kung anong mayroon kaming mga Ilokano,


partikular na sa lalawigang aking kinabibilangan- Ilocos Sur- ang
Kannawidan festival. Ang salitang kannawidan ay mula sa salitang ugat
na “tawid” (mana) na kung tutumbasan sa Filipino ay “kinagawaing
kultura.” Isa ito sa pinakamainam na gawain upang muling buhayin at
paigtingin ang kinagisnang kultura at tradisyon ng mga Ilokano. Dahil
dito, taon-taon mula huling linggo ng Enero hanggang unang linggo ng
Pebrero ipinagdiriwang ang selebarsyon ng Kannawidan. Sa naging pag-
aaral nina Romo et al. (2018), natuklasan nila na ang selebrasyon ng
Kannawidan ay tunay na mayaman sa kultura at ang pagpapakita ng
tunay na pagtuon ng pansin ng mga Ilokano sa preserbasyon, promosyon
sa kinagawaing kultura, mapa-sining, historical at intelektuwal ay tunay
na nagpapakita ng pagpapahalaga ng sariling pagkakakilanlan.

Kung gayon, dahil sa naging matunog na rin ito (kagaya ng ilang mga
pagdiriwang ng ibang pangkat etniko) nakikita kong isa ito sa tatak
naming mga Ilokano sa lalawigan ng Ilocos Sur. Lalo pa itong nakilala
nang pausbungin ng nasabing festival ang One Town One Product (OTOP)
ng bawat bayan. Maging ako ay taon-taon kong inaabangan ang mga
itinatampok na produkto ng bawat bayan na nagrerepresenta rin ng
aming sari-sariling pagkakakilanlan.

b) Kinakirmet (Kuripot)

Gaya ng aking naging tugon sa maikling pagsusulit, isa na siguro sa


pinakasikat na bansag sa mga Ilokano ay ang pagiging “kuripot.” Ito na
ang isa sa mga salitang tumatak na sa pagkakakilanlan namin bilang mga
Ilokano. Iba’t ibang pagpapakahulugan ng mga Ilokano sa katangiang ito
dahil kung tutuusin ay maari ding kinasalimetmet (matipid) lamang ang
kahulugan nito. Ngunit kung pakatitignan nang malaliman ang pilosopiya
ng salitang ito at sa kontekto nito sa mga Ilokano ay ibang-iba sa
persepsiyon ng ibang tao. Saksi ako sa kaparaanang ito ng aking mga
magulang upang ma-budget nang mabuti ang aming pera para sa aming
mga pangangailangan at kung paano ang magtipid upang may magamit
pagdating ng matinding pangangailangan. Sa madaling sabi, ang
kinakirmet ay isang gawaing positibo para sa kapakanan din ng tao.
Tinuturuan ng mga magulang ang kanilang mga anak na ang bawat bagay
ay tunay na pinaghihirapan at nangangailangan ng pagsasakripisyo.

3. Maikling deskripsyon sa kalagayan ng iyong katutubong wika sa


paggamit ng mga matatanda at mga kabataan.

Buhay na buhay pa rin ang katutubong wika (Iluko/Ilokano) sa


amin batay sa aking obserbasyon. Ang pagkakaroon ng iba’t ibang wikain
(diyalekto) ng aming katutubong wika ang lubos na nagpayabong dito.
Kapansing-pansin pa rin sa mga kabataan ang kanilang punto (ayug)
kung saan sila nanggaling (etnisidad). Ito ay dulot ng impluwensiya ng
mga mas nakatatanda dahil ito ang wikang kinalakhan, itinuro ng mga
magulang at wika ng tahanan. Kung may nagsasalita man ng Filipino o
Inggles, agad mapapansin na siya ay Ilokano dahil nga sa ‘di maalis-alis
na punto. Maliban na lamang ang mga galing Hawai’i, na pilit man ang
pag-i-Ilokano, ngunit ikinalulugod pa rin nilang magsalita ng Ilokano.
Sa pangkalahatan, hanggat naipamamana ang wikang katutubo
(Ilokano) ay hindi ito maglalaho o mawawala. Ang mga terminolohiya ng
mga matatanda, mga gawi at pamamaraan ng kanilang pananalita ay
namamana at tinutulran pa rin ng mga kabataan lalong-lalo na ang mga
pangaral sa buhay. Gayunpaman, mayroon pa ring pangit o negatibong
dulot ng impluwensiya ng mga nakatatanda sa wika ng isang bata
hanggang sa ito’y lumaki. Pansin ko lang ang pagiging palamura
(managrasaw) at palasumpa (managilunëd) ng mga Ilokano. Kaya,
parang naging likas na ito na kapag ikaw ay Ilokano (hindi naman
nilalahat) ay hindi nawawala ang mga ito na lumalabas sa bibig sa pang-
araw-araw na pamumuhay. At ito rin ang madalas matunghayan sa mga
palabas (zarzuela) bilang bahagi ng pagpapatawa sa mga nanonood
bilang bahagi ng ‘samtoy’ (saomi ditoy).

4. Ilahad ang sitwasyon ng diglossia sa iyong lokalidad.

Sa kasalukuyan, dahil sa pagkakaroon ng pagbabagong kaparaanan


ng pagtuturo at pagkatuto dahil sa epektong dala pa rin ng pandemiya,
ang lahat ng mga mag-aaral ay nasa kani-kanila nang tahanan nag-aaral.
Ang mga magulang ang nagsisilbing mga guro sa kani-kanilang mga anak.
Kung gayon, malaki ang epekto sa pagkatuto at komprehensiyon ng bata
ang wika ng tahanan (ginagamit ng magulang na siya na ngayong
nagtuturo) sa kung anong wika ang ginamit ng paarala sa paghahatid ng
karunungan (na maaari ding hindi maintindihan ng mga magulang).
Hindi naman maikaiila na karamihan ng mga mag-aaral sa ating bansa ay
nag-aaral sa pampublikong paaralan at kung pagtutuunan ko ng pansin
ang aking lokalidad ay iilan lamang talaga ang nag-aaral sa pampribado
na mas inaasahang nakagagamit ng iba pang wika dahil sa impluwensiya
ng mga magulang. Sabihin na nating ang dalawang batang ito na
magkaiba ang kinalakhang wika. Ang unang bata (nag-aaral sa
pampublikong paaralan) na ang kinagisang wika (L1) ay Ilokano at
mahirap pa niyang matutuhan ang kanyang L2 (wikang Filipino o iba
pang wika). Samantalang nakatawid na agad ang batang nag-aaral sa
pampribado dahil ang wikang kinagisnan niya ay maaring ang L2 na ng
naunang bata.
Sa madaling sabi, ang diglossia sa aming lokalidad ay tunay na
nararanasan ng bawat mag-aaral. Itinuturo sa kanila (lalo na sa pasulat)
ang wikang hindi naman nila ginagamit sa kanilang tahanan kung kaya’t
hindi ito nananatili at agad-agad nakalilimutan. Nasa low variety diglossia
ang lebel sa aming komunidad dahil nakatuon lang kami sa
komunikasyon- upang magkaintindihan. Gayunpaman, sa mga pormal na
pagtitipon ay nakagagamit pa rin naman ng high variety ngunit kailangan
pa rin itong makiangkop sa kung sino ang tagapakinig.
Kung susuriin at sa pangkalahatan, ang pagkakaroon ng dalawang
varayti ng wikang ginagamit sa aming lokalidad (diyalekto/ wikain) ay
hindi naman gaano nakaaapekto sa aming komunikasyon. Maaring ang
isa sa mga dahilan nito ay sanay na kami sa mga terminolohiya at
naiintindihan naman kung ano ang nais ipahayag ng bawat isa sa amin.
Naging likas na siguro sa amin ang pangangapa sa konteksto ng mga salita
at kung ano ang ibig sabihin ng mga ito. At siyempre dahil nasa iisang
lugar at kinagisnang kultura, kahit pa ilang varayti ng wika ang aming
gamitin, tiyak magkakaunawaan pa rin kami dahil sa kamalayan namin
sa aming pagkakakilanlan.

5. Maglahad ng sariling pananaw sa epekto ng pagiging


multilingguwalismo ng ating bansa sa larangan ng edukasyon.
Nakasusunod at lamang ng ating bansa ang pagiging
multilingguwal kung ang pag-ususapan ay ang international relations na
tunay naman talagang tumutugon sa mga pangangailngan sa edukasyon.
Lalo na ngayong ang buong mundo ay nangangapa sa paghahanap ng
pinakamainam na mga pamamaraan at estratehiya sa pagtugon sa
pedagohiya. Ang mga pananaliksik mula sa ibang bansa na mabilis lang
nating maunawaan dahil nasusulat ito sa Inggles (itinuturing na isa sa
pinakagamiting wika sa mundo) ay lubos na makatutulong. Ang usaping
pangwika (pagiging multilingguwal ng isang bansa) ay matagal nang isyu
sa ating bansa. Kung babalikan naman talaga ang kasaysayan ay malaki
ang impluwensiya ng mga sumakop sa atin lalong –lalo na ang mga
Amerikano na nagpakilala sa atin ng pormal na edukasyon. Kung gayon,
sapagkat sa mga Amerikano nagsimula ang pagpapahalaga sa edukasyon
at naitanim na pag-uugali ng mga Filipino ang ‘kaisipang kolonyal’ na
hanggang ngayon ay nasa gawi at kilos pa rin ng nakararami ay hindi
talaga mapipigilan ang pagkilala at pagkahumaling natin sa iba pang wika
lalong-lalo na ang Inggles.

Lagi’t laging ang sinasabi ng ilan ay ganito: “Bakit ang Japan,


monolingguwal naman sila, napakaunlad na bansa. Samantalang tayo
dito sa Pilipinas na multilungguwal, hindi naman tayo umuunlad?” Sa
tuwing naririnig ko ang tanong na ito ay agad namumutawi sa aking
isipan ang agam-agam na kung nasa wika nga ba ang susi sa pag-unlad ng
bayan, sa pagpapabuti sa sektor ng edukasiyon o baka naman nasa tao
lang talaga ito at kung gaano niya binibigyang importansiya ang kanyang
edukasyon. Mainam pa ring balikan na Inggles nga ang isa sa mga opisyal
ng wika ng ating bansa, maliban sa Filipino. Sa tingin ko ay nagampanan
naman ng mga wikang ito ang pangangailangan ng tao. Mula sa personal
na pangangailangan (L1), pambansang pangangailangan (L2- wikang
Filipino) at internasyonal na pangangailangan (iba pang L2- Inggles).
Kung gayon, nasa tao pa rin kung paano nito mapauunlad ang kanyang
sarili upang maging isang kapaki-pakinabang na indibiduwal sa kanyang
lipunan.

Mga sanggunian:

Romo, N. et al. (2018). Kannawidan Festival: It’s Effect to Merchants.


International Journal of Scientific & Engineering Research Volume 9,
Issue 9Retrieved from www.IJSE.com on October 8, 2020

Savellano, D. (2017). Ilocos Sur: An Almanac. Senicua Publications

You might also like