You are on page 1of 9

Nobenaryo para sa Kapistahan ni San Pedro Calungsod

March 24 – April 1, 2020 | Kapistahan – April 2, 2020

Diocese of Malolos – Commission on Youth

Paunang Salita

Si San Pedro Calungsod ay isang Pilipinong migrante, karpintero, sakristan at misyonerong katekistang Katoliko na
naging martir kasama si Beato Padre Diego Luis de San Vitores. Sinasabing pinanganak si San Pedro noong taong
1654 sa Visayas. Maaari umanong nag-aral siya sa isang eskwelahang pag-aari ng mga Heswita (isang orden ng
Simbahang Katoliko) kung saan siya natuto ng katesismo at pagsasalita ng Espanyol. Noong siya ay 14 na taong
gulang, isa siya sa mga napiling katekista upang samahan ang mga Heswita sa kanilang ebanghelikal na misyon sa
Mariana Islands.

Maraming pagsubok na hinarap sina San Pedro at kanyang mga kasamahan. Ilan sa mga ito ang masusukal na
gubat at matataas na bundok ng Mariana Islands. Isama na rin ang palagiang pagbagyo rito. Higit sa lahat,
matinding pagsubok ang tangka sa kanilang mga buhay sapagkat sila ay nagpapalaganap ng paniniwalang bago sa
mga taong kanilang nakasalamuha roon.

Nasa Guam sila noong taong 1672 upang magpalaganap ng Salita ng Diyos sa mga Chamorro (ang tawag sa mga
tao roon). Itinuturong isang Tsino na nagngangalang Choco ang umano’y naging dahilan upang masira ang
pangalan ng mga Heswita at kanilang mga kasamang katekista. Noong Abril 2, 1672 ay napadpad si San Pedro at
ang kanyang kasamahang pari na si Beato Padre Diego Luis de San Vitores sa Tumon, Guam. Nang malaman nilang
kakapanganak lamang ng asawa ni Matapang, ang pinuno ng lugar na iyon, nagpunta agad sila upang mabinyagan
ang sanggol. Ngunit dahil naniwala si Mata’pang sa mga ikinalat ng nabanggit na Tsino ay hindi nya sila pinayagan.

Sa pagpupursigi nina San Pedro ay lalong nagalit si Mata’pang, at sa kanyang pagkagalit ay napasigaw siya na galit
siya sa Diyos at ayaw na n’ya sa mga itinuturo ng mga Kristiyano. Tinawag ni Mata’pang ang isang katutubong
nagngangalang Hirao upang magpatulong sa kanyang maitim na plano. Nang malaman ni Mata’pang na bininyagan
ang kanyang anak habang siya ay wala, mas lalo siyang nagalit. Binato ni Mata’pang ng sibat si San Pedro
Calungsod ngunit kanya itong nailagan. Sinasabing may pagkakataon na siyang tumakas ngunit hindi niya nais
iwanang magisa si Beato Padre Diego Luis de San Vitores sa kamay ng mga galit na katutubo. Kalauna’y tinamaan
ng sibat si San Pedro Calungsod sa pagsasanggalang kay Beato Padre Diego. Habang nakasalampak sa lapag si San
Pedro ay pinatay siya ni Hirao sa pamamagitan ng paghiwa ng machete sa kanyang ulo. Sinunod din nilang pinatay
si Beato Padre Diego Luis de San Vitores. Ang kanilang mga labi ay itinapon sa dagat. Siya ay nagbuwis ng buhay
para sa pananampalataya noong Abril 2, 1672, araw ng Sabado bago ang Linggo ng Palaspas sa Pagpapakasakit ng
Panginoon ng taong iyon. Dahil dito ipinagdiriwang ang paggunita sa kanya tuwing ika-2 ng Abril. Sa tuwing
papatak ang araw na ito sa loob ng Semana Santa o Octava ng Muling Pagkabuhay ng Panginoon, kung kalian hindi
maaaring gawin ang paggunita sa Banal, ginaganap ang paggunita sa banal na ito ng Sabado bago ang Linggo ng
Palaspas sa Pagpapakasakit ng Panginoon o Sabado sa Ikalimang Linggo ng Kuwaresma.

Si Padre Diego ay itinanghal ni Papa Juan Pablo II bilang Beato noong ika-6 ng Oktubre, 1985 at si San Pedro
Calunsod naman noong ika-5 ng Marso, 2000. Si San Pedro Calungsod ay itinanghal na Santo ni Papa Benedicto XVI
noong ika-21 ng Oktubre, 2012 kasama ang iba pang mga bagong Santo.

1|P age
Pambungad na Panalangin

(Maaaring lumuhod)

Sa tanda ng Krus, + ipag-adya mo kami + sa lahat ng masama + O Panginoon naming Diyos.

Sa ngalan ng Ama, + at ng Anak at ng Espiritu Santo. Amen.

O Panginoong Hesukristo, nakaluhod kami sa iyong harapan upang sambahin ka, papurihan at pasalamatan dahil sa
walang hanggang pag-ibig na ipinakita mo sa aming makasalanan sa pamamagitan ng iyong mapagkumbabang
pagkakatawang tao, na mapait mong pagpapakasakit at malasap na kamatayan sa Krus. Sa iyong mga sugat, kami
ay naghilom, sa iyong kamatayan, kami’y iyong binuhay na muli. Patawarin mo kami na hindi namin sinuklian ang
iyong pag-ibig. Sa iyong paghihirap, iniwan mo sa amin ang isang halimbawa upang makasunod kami sa iyong mga
yapak. Ang buhay ng Iyong kabataang martir at aming kapatid na si San Pedro Calungsod ay nagpapatunay na
kami’y maaaring sumunod sa iyo kahit na hanggang sa kamatayan. Pagindapatin mo ang ginaganap naming
pagsisiyam na ito sa paggunita sa kanya. Sa tulong niya, sisikapin naming buhay na tagapagpatunay ng iyong pag-
ibig sa matiyagang pagsasabalikat namin sa pang-araw-araw na pagsubok at walang pag-iimbot na pagtulong sa
aming kapwa, upang matapos naming makiisa sa iyong mapagligtas na pagpapakasakit dito sa lupa makibahagi rin
naman kami sa kaluwalhatian ng Iyong pagkabuhay sa wakas ng panahon at ibigin ka ng walang hanggan sa langit,
kung saan nabubuhay ka’t naghahari kasama ng Ama at ng Espiritu Santo, iisang Diyos, magpasawalang hanggan.
Amen.

Panalangin sa Araw- Araw

O San Pedro Calungsod, kapuri-puring anak ng Kabisayaan, lumuluhog kami sa iyo, na ngayo’y nagtatamasa ng
kaluwalhatian ng langit, na iyong nakamit sa pagsunod mo sa Panginoong Hesukristo hanggang sa Krus, Ibinigay ka
ng Diyos sa amin bilang huwaran ng isang tunay na Kristiyano; bilang kamanlalakbay patungo sa langit na kaharian,
at bilang katuwang sa gitna ng aming mga paghihirap. Angkinin mo ang aming mga alalahanin at mga mabubuting
hangarin at ipamagitan mo kami sa harap ng luklukan ng Awa at Biyaya, nang tulad mo, maging kapwa
mamamayan din kami ng mga banal doon sa kalangitan. Amen

Panalangin sa Bawat Araw

Unang Araw: Kaalaman sa Pananampalataya


“Ayon sa kagandahang-loob ng Diyos, magpatuloy kayo sa paglago sa kabutihan at sa pagkakilala sa ating Panginoon at
Tagapagligtas na si Hesukristo.” (2Pedro 3:18)
“Huwag kayong patangay sa sari-sari at kakaibang turo.” ( Hebrero 13:9)

O San Pedro Calungsod, ang iyong pananampalataya ay lalong naging matatag habang buo at tiyaga mong
tinutuklas ang mga katotohanan ng ating Pananampalatayang Katoliko. Pinili ka at isinama ni Beato Padre Diego
Luis de San Vitores bilang isa sa mga maaasahang katuwang sa ubod layong mga isla ng Marianas, upang tulungan
siya sa pagtuturo ng pananampalataya sa mga Chamorros.

2|P age
O banal na katekista, marami sa amin ang naligaw at tinalikuran ang tunay na pananampalataya na tinanggap
namin sa sakramento ng binyag dahil sa kakapusan ng aming kaalaman tungkol dito. Pag-alabin mo ang aming
mithiin na basahin at pag-aralan ang aming Katesismong Katoliko sa tuwina. Maunawaan nawa namin na ang
ganitong gawain ay hindi lamang para sa mga bata, bagkus ay isang pananagutan ng bawat Kristiyano, upang tulad
mo, maging matatag din ang aming pananampalataya. Samahan mo kami ngayon habang aming pinagdarasal ang
Sto. Papa, mga Obispo, mga pari, at mga katekista na tinagubilinan ng Diyos ng gampanin na ipaliwanag sa amin
ang pananampalataya, nang sa gayon sila ay maging tapat at totoo kay Kristo, na mananatili ngayon, tulad ng
kahapon at magpatuloy magpasawalang hanggan.

Ama Namin, Aba Ginoong Maria, Papuri.

(MGA PAGSAMO AT PANGWAKAS NA PANALANGIN: Pahina 7-8)


(Dasalin ang Oratio Emperata bago ang Pangwakas na Panalangin)

Ikalawang Araw: Pagsasabuhay ng Pananampalataya


Patay ang pananampalatayang hiwalay sa gawa. ( Santiago 2:26)
Higit na mapalad ang nakikinig sa salita ng Diyos at tumutupad nito. ( Lukas 11:28)

O San Pedro Calungsod, walang anumang natagpuang kasulatan tungkol sa pagbibinyag sa iyo, o tungkol sa iyong
pangangaral, subalit batid namin na ikaw ay isang Kristiyano, hindi lamang dahil sa iyong pangalang Kritiyano,
kundi lalo’t higit dahil sa iyong tapat at buong pusong pagbibigay ng sarili sa paglilingkod sa misyon sa Marianas.
Ang iyong mga kasamang misyonero ay nagpatunay sa iyong banal na pamumuhay at tinagurian ka nilang
mabuting Katoliko. Ito ang mga patunay ng iyong pagiging binyagan.

O tunay na anak ng Simbahan, marami sa amin ang mga Kristiyano lamang sa katawagan, ngunit hindi sa mga
gawain. Tulungan mo kaming isabuhay ang aming pananampalataya sa isip, sa salita at sa gawa, upang tulad mo
maging tunay kaming mga tagasunod ni Hesukristo at maging karapat-dapat sa katawagang mga Kristiyano.
Samahan mo kami ngayon sa aming pananalangin para sa mga pinuno sa buong mundo upang humabi sila ng mga
batas at bumuo ng mga programang naaayon sa mga prinsipyong Kristiyano para sa ikabubuti ng buong
sangkatauhan at para sa kalayaang maisabuhay ang relihiyong Kristiyano.

Ama Namin, Aba Ginoong Maria, Papuri.

(MGA PAGSAMO AT PANGWAKAS NA PANALANGIN: Pahina 7-8)


(Dasalin ang Oratio Emperata bago ang Pangwakas na Panalangin)

Ikatlong Araw: Pagpapahayag ng Pananampalataya


Kaya, humayo kayo at gawin ninyong alagad ko ang lahat ng bansa. Bautismuhan ninyo sila *…+, at turuang sumunod sa lahat
ng ipinag-utos ko sa inyo. ( Mateo 28: 19-20)

O San Pedro Calungsod, ang biyaya ng pananampalataya na ipinagkaloob sa iyo ng Diyos ay hindi nasayang.
Bagamat isang kabataan, iniwan mo ang iyong minamahal na pamilya at bayan upang maglingkod sa misyon sa
Marianas. Sa kabila ng mahirap na buhay at nakaambang pag-uusig, hindi mo tinalikdan ang pagmimisyon.

3|P age
O batang misyonero, hatian mo kami sa iyong sigasig na ipalaganap ang Mabuting Balita upang kahit na lamang sa
aming pangkaraniwan na pananalita at mga gawa sa araw-araw, makilala ng aming kapwa si Hesukristo at manalig
sa Kanya na aming Panginoon. Maakit nawa ng iyong halimbawa ang mga kabataan upang gamitin nila ang
kanilang lakas at galling sa pagbabahagi ng kanilang pananampalatayang Kristiyano sa kapwa. Tulungan mo silang
mga tinawag ng Panginoon sa pagpapari o sa buhay relihiyoso na magbigay ng buong sarili sa Diyos at sa kapwa sa
kanilang pagtugon sa tawag ng Panginoon at manatiling tapat sa kanilang bokasyon para sa pagpapalaganap ng
Pananampalataya. Samahan mo kami ngayon sa pananalangin para sa pagtitiyaga at pagtatagumpay ng lahat ng
misyonero ng Simbahan.

Ama Namin, Aba Ginoong Maria, Papuri.

(MGA PAGSAMO AT PANGWAKAS NA PANALANGIN: Pahina 7-8)


(Dasalin ang Oratio Emperata bago ang Pangwakas na Panalangin)

Ika-apat na Araw: Pagiging Aba sa Espiritu

Mapalad ang mga aba na wala nang inaasahan kundi ang Diyos, sapagkat makakasama sila sa kanyang kaharian. (Mateo 5:3)

O San Pedro Calungsod, habang naririto ka pa sa daigdig, ginamit mo ang mga bagay na inialok sa iyo ng inang
bayan at minahal mo ang iyong pamilya at mga kaibigan. Ngunit hindi mo hinayaan na alipinin ang iyong puso ng
alinmang bagay kahit na ito ay may kabutihang taglay. Kaya’t naging handa kang talikuran ang lahat ng ito nang
ikaw ay tawagin para maging mapagbigay at umibig ng higit sa paglilingkod sa Diyos at sa kapwa. Sa mahirap na
pagmimisyon sa Marianas, isinalalay mo ang iyong sarili sa mapagmahal na pangangalaga ng Diyos at nakamtam
mo ang kaharian ng langit.

O aba sa espiritu, ikaw ay larawan ng isang taong tunay na malaya. Tulungan mo kaming makalaya sa tanikala ng
pagiging gahaman na umaalipin sa amin at humahadlang para kami ay makapaglingkod sa Diyos at sa aming
kapwa. Makaiwas nawa kami sa pagkainggit sa paghahangad sa kapangyarihan, kayamanan, kagandahan ng buhay
at kakayanan ng iba. Turuan mo kaming maging mapagbigay tulad mo, magtiwala sa mapagmahal na pagkalinga ng
Diyos at hangarin ang tunay na yaman at kabutihan na mananatili hanggang sa wakas, na dili’t walang iba kundi
ang kayamanan ng langit. Samahan mo kami ngayon sa pagdalangin para sa mga may sakit, mga dukha, mga inaapi
at lahat ng nangangailangan ng pagkalinga. Mailawit nawa namin sa kanila ang aming kamay ng pagtulong.

Ama Namin, Aba Ginoong Maria, Papuri.

(MGA PAGSAMO AT PANGWAKAS NA PANALANGIN: Pahina 7-8)


(Dasalin ang Oratio Emperata bago ang Pangwakas na Panalangin)

Ikalimang Araw: Paghahatid ng Kapayapaan


Mapalad ang mga gumagawa ng daan sa ikapagkakasundo, sapagkat sila’y ituturing ng Diyos na mga anak niya. (Mateo 5:9)

O San Pedro Calungsod, tumulong kang payapain ang mga nagdirigmaang katutubo sa Marianas. At noong ang
buhay mo ay nasa panganib sa pag-uusig, hindi ka man lamang nagdala ng anumang sandata bilang pananggalang.
Nang ikaw ay sibatin hindi ka man lang gumanti kahit na madali mong talunin ang iyong katunggali. Lahat ng ito ay
patunay na iyong pagmamahal at pagiging maibigin sa kapayapaan.

4|P age
O daan ng kapayapaan ng Diyos, tunghayan mo ng may habag ang aming mga puso, ang aming mga mag-anak, ang
aming lipunan, ang aming bansa at ang lahat ng mga tao sa daigdig na kung saan ang pagkamuhi at digmaan ay
nagbabadyang mamayani. Tulungan mo kaming magpakababa at matutong mapagpatawad. Ituro mo sa amin ang
landas ng kapayapaan upang maging karapat-dapat kami sa tawag na mga anak ng Diyos. Samahan mo kami sa
aming pananalangin para sa kapayapaang tanging ang Diyos lamang ang makapagbibigay sa daigdig.

Ama Namin, Aba Ginoong Maria, Papuri.

(MGA PAGSAMO AT PANGWAKAS NA PANALANGIN: Pahina 7-8)


(Dasalin ang Oratio Emperata bago ang Pangwakas na Panalangin)

Ika-anim na Araw: Pananalangin sa Tuwina


Magpuyat kayo at manalangin upang huwag kayong madaig ng tukso. Ang Espiritu’y nakahanda ngunit mahina ang laman.
( Mateo 26:41)

O San Pedro Calungsod habang ang iba sa mga kasama mo sa misyon ay natuksong talikuran ang
pananampalataya, ikaw ay nanatiling matatag at nagtagumpay na harapin ang mga hirap at pasakit na dulot ng
demonyo sa pamamagitan ng lagi mong pakikiisa sa Diyos sa pananalangin.

O mabuting kawal ng Diyos, lagi mo kaming paalalahanan na ang lakas namin laban sa tukso ng kaaway ay
nakasalig sa buhay ng pananalangin. Ipagsanggalang mo kami sa aming pakikihimok sa kapangyarihan ng masama
na humihikayat sa amin na magkasala, upang kasama ka, maging matagumpay rin kaming kawal ni Kristo. Turuan
mo kaming manalangin ng may pagtitiwala sa mapagkalingang paggabay ng Diyos at tanggapin namin sa lahat ng
pagkakataon ang Kanyang kalooban. Samahan mo kami sa pananalangin para maging matatag ang mga nasa
monasteryo sa kanilang buhay panalangin, at para sa lahat ng mag-anak, upang magkaroon sila ng panahon sa
pananalangin araw- araw nang sila ay manatili sa pagkakaisa at pag-iibigan.

Ama Namin, Aba Ginoong Maria, Papuri.

(MGA PAGSAMO AT PANGWAKAS NA PANALANGIN: Pahina 7-8)


(Dasalin ang Oratio Emperata bago ang Pangwakas na Panalangin)

Ikapitong Araw: Pagiging Tunay na Kaibigan


Ang may takot sa Panginoo’y makatatagpo ng tapat na kaibigan. (Ecclesiastico 6:17)
Walang pag-ibig na hihigit pa sa pag-ibig ng isang taong nag-aalay ng kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan.
( Juan 15:13)

O San Pedro Calungsod, sa iyong matibay na pananalig at malalim na pag-ibig sa Panginoon ang nagdulot na
maging tapat ka sa iyong kaibigang si Beato Padre Diego Luis de San Vitores, sa kabila ng hirap at panganib ng
pagmimisyon sa Marianas. Sa harap ng masaklap na kamatayan, hindi mo siya ipinagkanulo o tinalikdan man lang
kung paanong hindi mo rin tinatatuwa si Hesus o tinalikuran ang pananampalataya sa gitna ng pag-uusig. Bagkus,
nanatili ka sa tabi ng butihing pari kaagapay niya hanggang sa iyong huling hininga.

O kaibigang tunay ni Beato Padre Diego Luis, tulungan mo kaming maging tapat sa aming mga kaibigan at hangarin
lamang ang kanilang kabutihan. Turuan mong mahalin namin sila kung paanong minamahal ni Kristo ang bawat isa

5|P age
sa kanila. Ipagsanggalang at ipag-adya mo kami sa mga huwad na kaibigan, na ang tanging hangad ay ang kanilang
sariling kapakinabangan at sirain ang aming buhay, upang hindi kami maligaw sa landas ng tunay na kagalakan.
Samahan mo kami sa aming pananalangin para sa kabanalan ng mga taong may alitan, para sa kaaliwan ng mga
naulila at nalulumbay at para maipagsanggalang ang mga kabataan sa mga huwad na pagkakaibigan.

Ama Namin, Aba Ginoong Maria, Papuri.

(MGA PAGSAMO AT PANGWAKAS NA PANALANGIN: Pahina 7-8)


(Dasalin ang Oratio Emperata bago ang Pangwakas na Panalangin)

Ikawalong Araw: Pagtalikod sa Kasalanan


Makipagkasundo kayo sa Diyos. (2 Cor. 5:20)

O San Pedro Calungsod, ang nakaambang kamatayan ay hindi nakapigil sa iyo na ipagpatuloy ang iyong misyon na
ipalaganap ang pananampalatayang Kristiyano sa mga isla ng Marianas. Bagkus, humugot ka ng lakas sa pagiging
handa lagi para harapin ang Panginoong Hukom sa paglapit mo tuwina sa Sakramento ng Pagkukumpisal.

O pusong munti at dalisay, maunawaan nawa namin na ang kasalanan ang tunay na dahilan ng aming pagkabalisa
at kalungkutan. Turuan mong kilalanin namin ang aming mga kasalanan at para rito’y humingi ng kapatawaran.
Gabayan mo kami na lagi kaming lumapit sa banal na awa at pagpapatawad ng Diyos sa Banal na Sakramento ng
Pagkukumpisal. Makapagbayad-puri nawa kami para sa ikabubuti ng aming mga kaluluwa. Taglay ang pusong
dinalisay, makibahagi nawa kami sa iyong kagalakang mukhaang makaharap ang Diyos sa buhay na walang
hanggan. Samahan mo kami ngayon sa pananalangin para sa pagbabalik-loob ng mga makasalanan.

Ama Namin, Aba Ginoong Maria, Papuri.

(MGA PAGSAMO AT PANGWAKAS NA PANALANGIN: Pahina 7-8)


(Dasalin ang Oratio Emperata bago ang Pangwakas na Panalangin)

Ikasiyam na Araw: Pagbubuwis ng Buhay para sa Pananampalataya


At ipapapatay ang ilan sa inyo. Kapopootan kayo ng lahat dahil sa akin. (Lukas 21:17-17)
Mapalad ang mga pinag-uusig dahil sa kanilang pagsunod sa kalooban ng ng Diyos, sapagkat makakasama sila sa kanyang
kaharian. (Mateo 5:10)

O San Pedro Calungsod, pagkatapos ng apat na taong matapat na pagsunod sa yapak ng ating Panginoong
Hesukristo sa pamamagitan ng buong pusong paglilingkod sa Diyos at sa kapwa, sa mahirap na pagmimisyon sa
Marianas, narating mo sa wakas ang rurok ng kalbaryo ng pagpapakasakit. Ang iyong pagtanggap sa Panginoon sa
Banal na Sakripisyo ng Misa ay nagbunga dahil ikaw ay naging ang iyong tinatanggap: ang kaaya-ayang sakripisyo
sa Diyos. Ang pagkamuhi sa pananampalataya ng mga taong ayaw manalig ay ipinataw sa iyo. Subalit ang
maraming nakalalasong sibat at matutulis na punyal ay hindi nanaig sa matibay mong pagmamahal sa Diyos.
Matatag mong pinangatawanan ang iyong sinasampalatayanan sa harap ng nakatatakot na kamatayan hanggang
iyong mapagwagian ang dahon ng pagiging Martir at korona ng buhay na walang hanggan.

O pinagpalang binata! O bayani ng panananampalataya! Bagamat ang biyaya ng pagigigng martir ay inilaan lamang
sa iilan, tulungan mo kaming maging saksi sa pananampalatayang Kristiyano habang tinatanggap namin at

6|P age
pinapasan ang mga pasakit sa araw-araw na pamumuhay dahil sa pagmamahal namin sa Panginoong Hesukristo.
Turuan mo kaming maging tapat at nananatili sa pananampalataya hanggang kamatayan. Panghawakan nawa
namin na ang Banal na pakikinabang sa Panginoon sa Banal na Eukaristiya ay mag-aalis ng takot sa kamatayan dahil
sa tiyak din ang aming pagkabuhay sa huling araw. At sa oras ng aming kamatayan, huwag mo kaming talikdan
hanggang marating namin ang walang
hanggang Kaharian na ipinangako sa mga matapat na sumunod kay Kristo. Samahan kami ngayon sa pananalangin
para sa mga pinag-uusig dahil sa pananampalatayang Kristiyano, para sa biyaya ng pananatili sa pananampalataya
ng mga nasa bingit ng kamatayan, at para sa walang hanggang kapayapaan ng mga nauna nang namayapa.

Ama Namin, Aba Ginoong Maria, Papuri.

(MGA PAGSAMO AT PANGWAKAS NA PANALANGIN: Pahina 7-8)


(Dasalin ang Oratio Emperata bago ang Pangwakas na Panalangin)

MGA PAGSAMO

Tugon: O San Pedro Calungsod, ipanalangin mo kami.

N: Kami na iyong kasama dito sa lupa ay tumatawag sa iyo. (Tugon)

N: Nawa’y tulad mo, matutunan naming mahalin ang Diyos at ang aming kapwa. (Tugon)

N: Nawa’y tulad mo, maging masigasig kaming matutunan at maipaglaban ang katotohanan ng
pananamapalatayang Katoliko na sa ami’y itinuturo ng Banal na Inang Simbahan. (Tugon)

N: Nawa’y tulad mo, mapagsumikapan naming maisabuhay nang may katapangan ang pananampalatayang aming
tinanggap sa Sakramento ng Binyag. (Tugon)

N: Nawa’y tulad mo maging masigasig kami sa pagbabahagi ng pananampalatayang Kristiyano sa aming kapwa.
(Tugon)

N: Nawa’y tulad mo maging handa kaming ibahagi ang buhay at talento sa paglilingkod ng may pag-ibig sa aming
simbahan. (Tugon)

N: Nawa’y tulad mo, mapagyaman namin ang aming kakayahan upang mapaglingkuran ng ganap ang aming
sambayanan. (Tugon)

N: Nawa’y tulad mo, manatiling payak ang aming mga puso at kalooban upang hindi magumon sa makamundong
bagay upang ang mga pangangailangan ay aming matugunan. (Tugon)

N: Nawa’y tulad mo makaharap namin ang mga pagsubok sa buhay sa pamamagitan ng pag-ibig sa Diyos. (Tugon)

N: Nawa’y tulad mo, manatili kaming tapat sa aming panalangin upang kami ay mai-adya sa mga dumarating na
tukso. (Tugon)

N: Nawa’y tulad mo, mapanatili naming busilak ang aming puso at banal ang aming katawan bilang tahanan ng
Espiritu Santo. (Tugon)

N: Nawa’y tulad mo, mapagsisihan namin ang mga nagawang pagkakasala at matanggap ng buong galak

7|P age
ang Sakramento ng pagbabalik-loob sa pag-ibig ng Diyos. (Tugon)

N: Nawa’y tulad mo, matutunan naming patawarin ang mga taong nakapanakit ng aming damdamin. (Tugon)

N: Nawa’y tulad mo, maging daan kami ng kapayapaan ng Diyos sa aming kapwa. (Tugon)

N: Nawa’y tulad mo, manatili kaming tapat sa mga taong


itinuturing naming kaibigan. (Tugon)

N: Nawa’y tulad mo, mapanatili namin ang aming debosyon sa Mahal na Inang si Maria. (Tugon)

N: nawa’y tulad mo, maparangalan namin ang aming Panginoong Jesukristo sa Banal na Eukaristiya. (Tugon)

N: Nawa’y tulad mo, matanggap namin at maisabuhay ng may pag-ibig ang kalooban ng Diyos para sa amin.
(Tugon)

N: Nawa’y tulad mo, maging kaisa kami ng mga banal sa kalangitan. (Tugon)

Ipanalangin mo kami San Pedro Calungsod,

Nang kami’y maging karapat dapat sa mga pangako ni Hesukristo na aming Panginoon!

(Katahimikan para sa pansariling intensiyon)

Pangwakas na Panalangin sa Araw-araw

Ama naming makapangyarihan, Ika’y pinararangalan ng Iyong mga Banal. Nawa’y Iyo pong dinggin ang aming mga
panalangin sa pamamagitan ng martir na si San Pedro Calungsod. Inyo pong gabayan at ingatan ang Simbahang
dito sa lupa ay patuloy na naglalakbay. Inyo pong ipagkaloob sa aming bayan at sa lahat ng mga bansa ang tunay
na kapayapaan. Pagkalooban po ninyo ng pagpapala ang lahat ng pamilya. Panatiliin Ninyo po kaming
nagmamahalan at nagkakaisa. Inyo pong basbasan at ipag-adya na ang lahat ng kabataan ay hindi maligaw ng
landas. Tulungan ninyo po silang lumago sa pananampalataya, pag-asa at pagmamahal. Nawa’y maibalik sa inyong
pag-ibig ang mga pusong nawalay. Nawa ay makaramdam ng pagkalinga at kagalingan ang mga may sakit at
nalulumbay. Nawa’y tanggapin sa kalangitan ang mga kapatid naming sumakabilang buhay.

Pinasasalamatan po namin Kayo sa mga biyayang ipinagkaloob ninyo sa amin sa pamamagitan ni San Pedro
Calungsod. Umaasa po kami na kung dumating ang panahong ang aming katawan ay tuluyan nang mamahinga,
kami’y Iyong pagkakalooban ng biyaya ng buhay na walang hanggan, upang aming makapiling ang lahat ng Iyong
Banal sa kalangitan, at nang sa gayon ay aming makasama si San Pedro Calungsod sa pagbibigay ng papuri sa Iyong
ngalan, ngayon at magpasawalang hanggan. Amen.

Sa ngalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo. Amen

8|P age
Panalangin para sa araw ng Kapistahan ni San Pedro Calungsod

I. Pambungad na Panalangin sa (Pahina 2)

II. Pagbasa ng Mabuting Balita sa araw ng Kapistahan (Jn. 8:51-59)


-maiksing katahimikan para pagnilayan ang binasang Mabuting Balita.

III. Panalangin para kay sa San Pedro Calungsod

O San Pedro Calungsod, mag-aaral, katekista, batang migrante, misyonero, tapat na kaibigan, martir, pumukaw sa
amin sa pamamagitan ng iyong katapatan sa oras ng kagipitan, ng iyong tapang sa pagtuturo sa pananampalataya
sa gitna ng poot, at ng iyong pag-ibig sa pagpapadanak ng iyong dugo para sa kapakanan ng Ebanghelyo.

Gawin mong ang aming mga problema ay maging iyo (dito mailakip ang inyong kahilingan), at mamagitan ka para
sa amin sa harap ng trono ng awa at grasya upang, upang maranasan namin ang tulong ng langit, nawa'y
mahikayat kami na mabuhay at ipahayag ang Ebanghelyo dito sa lupa. Amen.

San Pedro Calungsod, ipanalangin mo kami.

IV. Ama Namin, Aba Ginoong Maria, Papuri.

V. Oratio Emperata

VI. Pangwakas na Panalangin (Pahina 7-8)

9|P age

You might also like