You are on page 1of 7

ANG MGA BINTANA NG KANILANG MGA KALULUWA

“Sa gitna ng dilim, ako’y nakatanaw ng ilaw na kaypanglaw


Halos di ko makita, tulungan mo akong ituro ang daan
Sapagkat ako’y sabik sa aking sinilangan.”

Di mo aakalaing ang ginintuang tinig na iyun ay nagmumula sa isang dalagita sa gilid ng simbahan ng Sta.
Barbara. Nakaupo siya sa isang bangkito at may hawak na gitara na parang propesyunal na mang-aawit.
Nakasabit naman sa isang tungkod na nakahilig sa pader ang isang maliit na pulang bag na may tatak na
“Pinay’s Grocery”. Katabi ng dalagita ang isang matandang babae na walang ngipin. May tangan itong
bungkos ng sampaguita na halos kasingkulay na rin ng kanyang buhok.

Ang kumakantang dalagita ay balingkinitan at maipagpapalagay na labindalawa o labintatlong taong


gulang. Maayos manamit sa kabila ng hindi maitatangging kahirapan sa buhay. Maamo ang mukha,
dangan nga lamang at agaw-pansin ang kanyang mga mata – animo’y parating nagtatago ang mga itim na
bilog nito.

Bulag ang dalagitang halos ilang taon na ring nanghaharana sa mga taong paroo’t parito sa naturang
bayan.

Pagkatapos niyang kumanta, isang binatilyo ang pumalakpak.

“Ang galing mo talagang kumanta, Lea,” papuri ng kadarating, nakasuot ng school uniform at may sakbit
na bag sa likod, “Kapag sumikat ka, huwag mo kaming kalilimutan ni Nanay Mameng, ha?” sabay mano
sa matandang babae.

“Salamat, Berting, pero napakalayong mangyari nun,” sagot ni Lea. “Isa pa, sikat na singer na ako dito sa
Barbara. At lalong hindi ko iiwan si Nanay,” sabay hagilap sa kamay ng ina.

“Oo nga, ikaw ‘yung star dito sa bayan, hahaha,” hirit ni Berting. “Siyanga pala, ‘Nay Mameng, isasama ko
po muna ulit si Lea. Papasyal lang po kami sa burol.” Ang tinutukoy niyang burol ay makikita sa bandang
hilaga ng bayan. Isang sakay ng pedicab ang layo mula sa simbahan.

“Ay sus, ano pa nga ba, e tuwing ganitong oras naman ay parati mo ‘yang inaaya,” sagot ng matanda
habang nagbibigay ng sukli sa isang aleng bumibili ng sampaguita. “Salamat po, Madam.”

“Basta,” baling ulit kay Berting, “kailangang umuwi kayo bago magdilim.”

“Nay, madilim naman po parati, hihihi,” pagbibiro ni Lea.

Kinuha ni Berting ang tungkod na nakasandal sa pader at iniabot kay Lea. Binitbit ang gitara at ang
pulang bag ay iniabot naman sa matanda.

At naglakad sila papunta sa sakayan ng pedicab. Hindi niya maiwasang humanga sa bulag na kababata
dahil kabisado nito ang mga kanal at basurahan. Pati ang pag-ilag sa bougainvillea na lumagpas na sa
bakod ng bahay ni Mrs. Montero. Kung saan liliko at kung kailan tatawid ng kalsada.
“Ang galing, no? Parang nakakakita ka talaga,” turan ni Berting pagkarating sa burol. Nakaupo sila sa
damuhan.

“Natural, simula pagkabata, dinadaanan na natin ‘yung mga ‘yun. Kumbaga, nakarehistro na sila sa utak
ko,” wika ni Lea at tumayo sa kinauupuan. Naglakad papunta sa isang puno ng acacia nang hindi
gumagamit ng tungkod. “Tingnan mo, kaya kong ituro sa iyo ang bayan natin.”

At itinuro nga ng dalagita isa-isa ang ilang lugar sa kanila. Parang isang maestro ng orchestra na
ikinumpas ang direksyon ng munisipyo at eskwelahang pinapasukan niya. Ang bahay ni Don Simeon na
dating Mayor ng Sta. Barbara. Ang malawak na palayan. Ang palengke at simbahan. Pati ang lugar kung
saan sila nakatira.

Lumapit sa kanya si Berting. Itinaas ang kamay niya hanggang balikat at kinabig pakaliwa. “Iyan naman
ang bagong sports complex ng bayan, diyan na gagawin ‘yung mga liga ng basketbol na dati sa kalsada
lang.”

“Wow, ang laki naman! Tiyak na maraming dadayo diyan.”

Napangiti si Berting sa pagkakasabi ni Lea ng Ang laki naman. Aakalain mong nakikita talaga ang
itinatayong gusali.

Sabagay, ganoon naman talaga ang kababata. Sinusubukang ilarawan ang kanyang paligid. Halimbawa,
ang bahay ni Don Simeon, sasabihin nitong mala-palasyo ang bahay. Ang ilang mga bata, sasabihin nitong
nakakatuwa ang kakulitan, kahit pa minsan ay silang dalawa na ang pinagtatawanan. Si Father Roy,
sasabihin niyang, “Father, parang hindi po tumatanda ang hitsura ninyo.” At ang pari ay gaganti ng kurot
sa pisngi. Pati si Miss Cruz, ang dalagang class adviser niya, alam ni Lea kapag ito ang dumaraan dahil sa
amoy ng pabango sabay bating “Good morning, Miss Cruz, ang ganda ninyo po talaga” at ang guro ay
magbibigay sa kanya ng munting regalo – biscuit o tsokolate.

Ang kawalan ng paningin ay idinaraan sa tamis ng dila.

**************************

Pitong taon pa lang si Berting nang lumipat sila sa Sta. Barbara. Nadestino ang tatay niya sa bayang ito
bilang isang pulis. Ayaw namang magpaiwan ng nanay niya sa Maynila. Maayos nga din naman kaysa
dalawa-tatlong buwan bago niya makita ang ama.

Unang pagsimba nila sa Sta. Barbara nang makita niya ang batang si Lea. Ang bata pa ang nagtitinda ng
sampaguita at ang matanda pa ang kumakanta habang naggigitara sa gilid ng simbahan. Noon pa man,
alam na niyang magiging malapit ito sa kanya.

“Nay, parang hindi po yata patas ang Diyos,” inosenteng turan ni Berting pagkarating ng bahay.

“Naku, anak. Huwag mong sasabihin ‘yan,” at hinaplos ng nanay ang ulo ng anak.

“E, kasi po, bakit iba-ibang paningin ang ibinigay Niya. May isa, may dalawa, tapos kanina sa simbahan,
bulag ang batang nagtitinda ng sampaguita.”
“Berting, ganito yan. Iisa lang ang pagtingin sa atin ng Diyos. Kumbaga, iba-ibang regalo lang ang
ibinibigay Niya sa kanyang mga anak, nasa tao na lang kung paano niya gagamitin ang mga ito,”
paliwanag ng Nanay niya.

“Hindi ko naman kayo maintindihan, Nay. Basta paglaki ko, magdodoktor ako para magamot yung mga
batang may sakit sa mata,” nangangakong turan ni Berting.

Hindi nga naglaon, naging magkaibigan ang dalawang bata. Iyun nga lang, dahil bulag si Lea, hindi ito
nag-aral. Nahirapang makasabay sa mga itinuturo sa klase. Tinutukso rin ng ibang bata dahil sa
kakatwang kalagayan. Kaya nang matutong magbilang, pinatigil na rin ni Nanay Mameng.

Pagkagaling sa eskwela, aayain ni Berting si Lea sa pamamasyal. Paborito nilang tambayan ang burol
kung saan sila magkukuwentuhan at madalas, si Berting ang bangka. Lahat ng ginagawa at
pinupuntahan, detalyadong isinasalaysay sa kaibigan.

Katulad noong magpunta siya sa Enchanted Kingdom. Inilarawan niya ang bawat rides habang kumakain
sila ng pasalubong niyang cotton candy. Kinarga pa niya sa likod ang kababata at nagpatakbo-takbo sa
burol. Ganoon daw ang pakiramdam kapag sakay ng mga rides. Mabilis at nakakatakot pero masaya na
nakakatuwa.

Katulad din noong mag-field trip ang klase nila sa pagawaan ng ice cream. Inaya niya ang kababata sa
bahay nila at binigyan ng ice cream. At para mas makatotohanan, binuksan nila ang pintuan ng
refrigerator habang kumakain. Tapos, ikinuwento kung paano niya naintindihan ang proseso ng paggawa
ng ice cream mula sa mga sangkap at makina pati uniporme ng mga trabahante. Tuwang-tuwa naman si
Lea dahil pakiramdam niya, nakarating na rin siya sa pagawaan ng ice cream. Napagalitan lang sila ng
nanay ni Berting dahil malaki raw ang babayaran sa kuryente dahil sa ginawa nila.

Isa sa pinakamasayang araw para kay Lea ay noong isama sila ng pamilya ni Berting sa bakasyon sa
Matabungkay. Pupunta raw sila ng dagat kaya naman hindi siya masyadong nakatulog bago ang araw na
iyun. Iniisip niya kung ano ang hitsura ng dagat. Sabi ni Berting, para raw isang malaking swimming pool.
E, hindi naman niya alam ang hitsura ng swimming pool. Nagkatawanan tuloy sila.

Kinabukasan, madaling araw sila umalis ng bahay. Alam niya iyun dahil pakiramdam niya, antok na antok
pa siya. Matagal silang nagbiyahe at nagpalipat-lipat ng sasakyan. Dinig niya ang ugong ng traysikel,
ramdam niya ang pagsisiksikan sa dyip at ang pakiramdan ng unang beses na pagsakay ng bus. Mas
mataas at mas maayos ang pagkakaupo. Ninamnam niya ang simoy ng hanging galing sa labas ng bintana
ng bus. Nakulitan din siguro sa kanya si Berting dahil sa mga tanong niya lalo pa nang marinig niyang
“Ate, bili na kayo ng mani.” “Kuya, juice, tubig, baka nauuhaw kayo.” Ibig sabihin, may nagtitinda sa loob
ng sasakyan? Hangang-hanga siya. Sa isip niya, malaking sasakyan ang bus na sinakyan nila. Itatanong pa
sana niya kay Berting kung alin ang mas malaki, bus o eroplano kaya lang naramdaman niyang natutulog
ang katabi. Kaya nga, lalo niyang napatunayan na maaga silang umalis ng Sta. Barbara.

Pagkarating sa beach, hinila kaagad siya ni Berting. Pinaiwan sa kanya ang sapin sa paa. Ramdam na
ramdan niya ang kakaibang lugar na tinatapakan. Malamig at masarap sa paa. Nakakakiliti pala ang
buhangin. Masarap maglakad-lakad.
Nakarating sila sa tabing-dagat. Ganoon pala ang dagat, punong-puno ng tubig. Kahit saan siya bumaling,
nararamdaman niya, ang daming tubig. Pakiramdam niya, nagtatampisaw siya sa isang malaking batya.
Malaking-malaking batya ng tubig.

Matapos magbabad sa dagat, nakaramdam siya ng ginaw. Inaya niyang umahon si Berting na agad
namang pumayag. Kinuha sa tabing-dagat ang tungkod at iniabot sa kanya. Naramdaman niya na iniwan
siya nito.

“LEA, SUBUKAN MONG TUMAKBO!” sigaw sa kanya ng kababata. Sabi na nga ba, iniwan siya ni Berting.
Malayo ang agwat dahil sa lakas ng boses. “BITAWAN MO MUNA ‘YANG TUNGKOD MO!”

“HA, SIGURADO KA? NAKU, PAG NADAPA AKO, HUMANDA KA SA AKIN, BABATUKAN KITA!!!” sigaw din
niya.

“PAG NADAPA KA, E, DI, BUMANGON KA AGAD. ANG MAHALAGA, MARANASAN MONG TUMAKBO SA
DAGAT!”

Nagdadalawang-isip man, binitawan niya rin ang tungkod. Kinakabahan, paano nga kung madapa siya?
Sa kabilang banda, ang pagtakbo ang isa sa pinakamahirap na gawain para sa kanya. Kaya, bahala na, ang
mahalaga, maranasan niyang tumakbo.

Binilisan niya ang mga hakbang. Parang yung tibok ng puso niya. Pabilis nang pabilis. Hindi niya alam
kung diretso ba yung pagtakbo niya. Basta, takbo lang siya nang takbo. Napapahalakhak siya na parang
naiiyak. Halu-halong emosyon. Masarap palang makawala sa tungkod na naging bahagi na ng buhay niya.
Ang sarap. Ang gaan sa pakiramdam. Malaya.

Nang biglang may naapakan siyang matigas na bagay. Nawalan siya ng balanse. Parang nahulog siya mula
sa kasiyahang naramdaman niya kanina habang tumatakbo. Nadapa siya at naramdaman niyang humalik
ang mukha niya sa buhanginan.

“LEA!!!” Sigaw ni Berting na tumatakbo palapit sa kanya. Agad siyang inalalayang tumayo.

“P’we, hindi pala masarap ang buhangin,” sabay dura ng nakaing buhangin at pinipilit tumayo. “Berting,
masakit yung kaliwang paa ko.”

“Naku, nasugatan ka, Lea,” malungkot na wika nito, “Pasensya ka na, a. Dapat pala di na kita pinatakbo.”

“Berting, ano ka ba, ngayon ko lang naranasan ang ganoong pakiramdam. Ang sarap palang tumakbo
nang walang iniiwasan at iniisip na masasagasaan.” Totoo iyun. Ayos lang na masaktan ang paa niya kahit
pa may mainit na likido na lumalabas dito. Alam niya, gagaling naman ang sugat pero ang kasiyahan niya
kanina, hindi niya iyun malilimutan.

Tulad ng inaasahan, napagalitan si Berting ng tatay niya. Napaaga tuloy ang uwi nila. Nahihiya siya kay
Nanay Mameng dahil masyado niyang itinutulak si Lea sa kanyang kakayahan. Umuwi tuloy itong may
benda ang paa.

Habang sakay ng bus pauwi, si Lea naman ang tulog at siya naman ang gising. Iba-ibang tanawin din pala
ang di niya napansin kanina. Ang mga matataas na puno ng niyog, ang mga magsasakang nagtatrabaho
sa palayan at ang mga tindahan sa bus stop. Narinig din niya ang kwentuhan ng nanay niya at ni Nanay
Mameng na nakaupo sa likod nila.

Hindi pala tunay na anak ni Nanay Mameng si Lea. Nakita niya lang daw ito sa taniman ng mga
sampaguita. Nakalagay sa isang kahon at inaamoy-amoy ng mga asong kalye. Pagkakita raw kay Lea,
nagdalawang-isip pa siya kung kukunin dahil malaking responsibilidad ang kapalit nito, lalo pa nga at
kakaiba ang hitsura ng mga mata nito. Pero nanaig naman daw ang awa niya sa bata at nagpasyang
ituring na galing sa kanyang sinapupunan. Wala rin namang umako nang ipagtanong niya sa bayan.

Lalo siyang naawa kay Lea. Tiningnan niya ang kababata na nakasandig sa upuan ng bus. Nakapikit pero
basa ng luha ang mga mata. Hinawakan niya ang kamay nito. At ipinangako niya sa sarili, kahit anong
mangyari, hindi niya iiwan ang kaibigan.

**********************

“Nalalasahan ko ang kulay pula,” Ibinuka ni Lea ang bibig at inilabas ang dila. May isang piraso ng Nips na
binili nila sa Pinay’s Grocery. Kulay pula nga!

Napabilib siya sa sarili dahil siya ang nagturo sa kababata ng iba’t ibang kulay. Minsan tama, minsan mali
ang mga hula nito, pero malaking bagay na may ideya ito sa mga kulay. Ano ba ang hitsura ng kulay na
pula? Sabi niya, katulad ng dugong lumabas sa kanya nang madapa sa buhanginan. Kapag masidhi ang
nararamdaman. Ang asul? Katulad ng malawak na beach. Payapa ang kalooban. Kapag berde, ang
damuhang tambayan. Ang pakiramdam na malapit sa kalikasan. Ang dilaw, ang kulay at init ng araw. Pag
puti, ang kulay ng buhok kapag tumatanda at ang bulaklak ng sampaguita. Mabuti ang tao, maputi ang
kalooban. Parang ikaw, Berting, sabi ni Lea. Ang itim? Katulad ng buhangin, katulad ng buhok niya,
katulad ng gabi kapag nararamdaman na niya ang pagkaantok. Katulad ng mundo ko, hihihi, dugtong ni
Lea na tumatawa pa.

Minsan, dinala niya ang mga krayolang gamit sa eskwela. Tapos, pinagdrowing niya si Lea. Kung anong
mahawakang krayola, iguguhit at ikikiskis sa papel. Siya naman, naglagay ng piring sa mata. Sinubukang
gumuhit nang hindi ginagamit ang paningin. Ang resulta – hindi naman pangit ang gawa nila. Kakaiba nga
lang. Pero, makulay pa rin.

Simula noon, hinabi nila ni Lea ang kani-kanilang kakayahan. Niregaluhan pa niya ito ng isang kahong
krayola at mga papel. Siya naman, nagpaturo ng paggigitara kay Nanay Mameng. Bumuo sila ng
mundong malayo sa karaniwang bata. Malayo sa panunukso ng ilang kapos sa pang-unawa.

*******************

“Ang galing naman, sana makita ko talaga ang mga drowing mo,” panay ang papuri sa kanya ng dalagita.
Nagpaalam kasi siya na pupunta ng Maynila para sa isang paligsahan sa pagguhit. Siya ang kinatawan ng
paaralan nila.

“Gusto mong makita ang mga drowing ko? Huwag kang mag-alala, magdodoktor ako para ayusin natin
‘yang mata mo.”

Lumapit sa kanya si Lea, kinapa ang mukha. Pinag-aaralang maigi ang pisngi, mata, ilong at bibig.
”Di man ako makakita, nakikita ko naman ang busilak at puti mong kalooban.”

Pagkatapos ng pitong taon, nakabalik si Berting sa Maynila. Sa isang sikat na private school ginanap ang
pakontes na sinalihan ng humigit-kumulang na tatlumpung estudyante mula sa iba’t ibang bayan at
paaralan. Ang paksa ng patimpalak, ANG MUNDO SA MATA NG ISANG KABATAAN.

Natapos ang isang oras, halos lahat ng mga kasali ay nakabuo ng kanya-kanyang obra maestra. Iba-ibang
istilo at talagang napakahuhusay. Pagtapat ng mga hurado sa gawa niya, nagtaka sila. Walang mata yung
mga taong iginuhit niya! Tiningnan siya ng mga ito, saka ngumiti. May isa pa ngang tumapik sa kanyang
balikat sabay sabing kahanga-hanga ka, iho.

Umuulan nang magbiyahe sila ni Miss Cruz pabalik ng Sta. Barbara. Kalong niya ang dalawang kahong
pizzang libre ni Miss Cruz. Natutuwa daw siya sa karangalang ibinigay niya sa Sta. Barbara. Habang
nakaupo sa airconditioned na bus, ang dami niyang iniisip. Nag-uunahan ang mga kwentong gusto niyang
ibahagi kay Lea. Ang matataas at magagandang mga gusali. Ang magagarang shopping malls. Ang abala
at nagmamadaling mga tao at sasakyan. Parang ang dami-daming nangyayari sa lansangan. Magulo,
nakakatakot, delikado. Parang parating may nakaambang na peligro.

Samantala, pauwi na rin sina Lea at Nanay Mameng galing sa simbahan. Malakas din ang ulan kaya
sumilong muna sila sa Pinay’s Grocery. Bumili na rin ang matanda ng dalawang itlog para sa hapunan.
Naririnig ni Lea na TV Patrol ang pinanonood ng mga bantay at tambay sa grocery. Tinalasan niya ang
pandinig.

Dalawang bus ng BLTBCo raw ang nagbanggaan sa South Luzon Espressway. 17 ang sugatan, 12 ang
patay. Binasa ng reporter ang listahan ng mga nasawi’t nasugatan.

Napasigaw si Nanay Mameng. Hinagilap ang dalagita at umatungal. Wala na si Berting, anak, wala na ang
kaibigan mo, hikbi at putol-putol na salaysay ng matanda. Napaupo sa gilid si Lea, naupuan pa ang basag
na itlog na nabitawan ng matanda.

Sinuong ng dalawa ang ulan. Nanlulumo nilang binaybay ang daang papunta sa bahay nina Berting.
Patuloy si Lea sa pagkapa ng dinadaanan gamit ang kanyang tungkod. Binabaybay ang mundo niyang
lalong binalot ng kadiliman.

***************************

Makalipas ang ilang buwan. Sa paboritong tambayan nila ni Berting. Kumakantang mag-isa si Lea habang
naggigitara.

“Kung ang buhay ay isang umagang nakangiti

At ikaw ay ang lupang sinusuyo ng bituin.

Naalala niya ang homily ni Father Roy kanina.

“Katulad ni Bartimaeus, marami sa atin ang bulag sa katotohanang tanging Diyos lang ang dapat nating
sandigan. Ang ating pananampalataya ang siyang nagdadala sa atin sa kagalingan ng napapagal na
kaluluwa at nabibigatang katawan. Masdan mo ang iyong kapaligiran, lahat iyan ay patunay ng Kanyang
kadakilaan. At araw-araw ay may himalang nagaganap. Mga pangyayaring nagpapayaman sa buhay at
paglalakbay natin dito sa daigdig.”

Di mo man silip ang langit


Di mo man silip
Ito’y nandirito pa rin.
Isang malaking pagbabago ang nangyari sa buhay niya dulot ng malagim na aksidente. Ipinagkaloob ng
pamilya ni Miss Cruz ang mga mata ng nasawing guro at inoperahan si Lea sa Maynila. Ginastusan iyun
ng buong bayan ng Sta. Barbara sa pangunguna ni Don Simeon.
Kung ang lahat ay may katapusan
Itong paglalakbay ay makakarating din sa paroroonan
At sa iyong paglisan

Ang tanging pabaon ko ay pag-ibig.


Noong tanggalin ang benda sa kanyang mga mata, ipinakita ng mga magulang ni Berting ang isang itim
na portfolio. Isa iyun sa mga una niyang nasilayan, ang mga guhit niya at ng kababata. Pero, may isang
drowing si Berting na pinakanagustuhan niya.

Dalawang kabataan na nakatayo sa puno ng acacia sa burol. Hawig sa kanilang dalawa. Malalaki ang mga
ngiti. At normal ang mga MATA.
Sa pagbuhos ng ulan
Sa haplos ng hangin
Alaala mo ay nakaukit
Sa pisngi ng langit.
Kaya pala, magaan ang kalooban nila sa isa’t isa. Kaya pala, madalas silang tuksuhin kapag magkasama.
Akala naman niya, idinadamay lang si Berting sa panunukso sa kanya. May kapansanan din pala sa mata
si Berting. Duling pala ang kaibigan niya.
Di man umihip ang hangin

Di man umihip

Ika’y nandirito pa rin.

Kung ang lahat ay may katapusan


Itong paglalakbay ay makakarating din sa paroroonan

At sa iyong paglisan

Ang tanging pabaon ko ay pag-ibig.”

At muling tumulo ang luha sa mga bagong bintana ng kanyang kaluluwa.

You might also like