You are on page 1of 28

 

 Treasury of Storybooks

………………………………………
This story book is a product of the National Competition on Storybook Writing 2022 of
the Department of Education.
 
Pursuant to the Intellectual Property Code of the Philippines, no copyright shall subsist
in this work of Government of the Philippines. However, prior approval of the Department of
Education shall be necessary for exploitation of such work for profit. DepEd may, among
other things, impose as a condition the payment of royalties. No prior approval or conditions
shall be required for the use for any purpose of statutes, rules and regulations, and speeches,
lectures, sermons, addresses, and dissertations, pronounced, read or rendered in courts of
justice, before administrative agencies, in collaborative assemblies and in meetings of public
character.
 
For the purpose of citation, the following is recommended.

DEVELOPMENT TEAM
“W ow! Ang ganda ng mga tanawin sa aming
bakuran. Namumulaklak na ang mga halaman sa
hardin,” wika ni Aling Bebang na bagong gising.
Agad niyang nilapitan ang mga halaman at kinausap
na para bang itinuturing niyang kaibigan. “Ang ganda
ninyong pagmasdan. Aalagan ko kayo araw-araw,”
sambit niya.
Isang araw, maagang namalengke si Aling Bebang
at iniwan niyang tulog ang kaniyang anak na si Mika.
Nang nakaalis na siya, biglang nagsalita si Bukadkad.
“Mga halaman, maaari na kayong kumilos at
magkuwentuhan” utos ni Bukadkad, ang diwata ng
mga bulaklak. Ngunit ilang sandali ay nagising si
Mika kaya napatigil sa pagsasalita ang mga ito.
Napansin ni Mika na nawawala ang kaniyang tsinelas
kaya lumabas siya at hinanap niya ito.
“Bakit nawawala na naman ang aking tsinelas?
Siguro tinangay na naman ng aso,” tanong ni Mika.
Naghanap siya ng ilang minuto at nakita niya ang
kaniyang tsinelas sa gitna ng mga halaman. Malalago
ang mga halaman kaya nahirapan siyang kunin ito.
Kumuha siya ng panungkit ngunit nabigo siyang
makuha ang kaniyang tsinelas.
“Ano ba naman itong mga halaman ni Inay.
Puputulin ko na nga,” inis na inis na sinambit ni Mika.
Kumuha siya ng itak at pinutol ang ilan sa mga ito.
“Huwag! Maawa ka sa amin,” pakiusap ni Bukadkad.
Napatigil si Mika dahil sa tinig na kanyang narinig
ngunit itinuloy niya parin ang pagputol sa mga
halaman. Nakuha niya ang kanyang tsinelas ngunit
umiiyak ang mga halamang kanyang pinutol.
Pagkalipas ng ilang minuto, dumating si Aling
Bebang galing sa palengke at napansin niyang naputol
ang ilan sa mga halaman niya. “Naku! Kawawa
naman kayo. Sino ang gumawa sa inyo nito?” tanong
niya. Agad siyang pumasok sa kanilang bahay at
tinanong ang kanyang anak. “Anak, kilala mo ba kung
sino ang pumutol sa aking mga halaman?”
“Pasensiya, aking ina. Ibig ko lang pong makuha ang
aking tsinelas kaya pinutol ko po ang ilan sa mga ito,”
sagot ni Mika.
“Anak, hindi maganda ang pumutol ng mga
halaman dahil may buhay rin sila gaya nating mga tao.
Pinuputol lang natin sila kung ikinabubuti nila ito,”
paalala ni Aling Bebang sa kanyang anak. “Halika’t
tulungan mo akong buhatin ang mga pinamili kong
pasô at diligan ang iyong mga halamang pinutol.”
Pakiusap pa niya at napilitang sumunod si Mika.
Pagsapit ng gabi, mahimbing ang tulog ni Mika at
lumipad si Bukadkad patungo sa kanyang higaan.
Inilipad at dinala ng diwata si Mika sa mundo ng
kahalamanan sa pamamagitan ng panaginip. Nakita ni
Mika ang mga namumulaklak at umiiyak na mga
halamang kanyang pinutol. Humihingi ng tulong ang
mga ito. Nagtataka ang bata sa kanyang mga nakita
dahil nakapagsasalita ang mga halaman.
Kinaumagahan, maagang ginising ni Aling Bebang
si Mika. “Anak, sumisikat na ang araw. Bumangon ka
na diyan at mag-aalmusal na tayo,” wika ni Aling
Bebang. Bumangon na si Mika mula sa kanyang higaan
at bigla niyang naalala ang kaniyang panaginip ngunit
hindi niya ito binigyan ng halaga. “Anak, tulungan mo
akong magtanim mamaya pagkatapos nating kumain,”
pakiusap ni Aling Bebang sa kanyang anak.
Nang matapos mag-almusal ang mag-ina at
nakapagpahinga, nagpalit na sila ng damit na pantanim at
kinuha nila ang mga pasô para tamnan ng halaman.
Napansin ni Aling bebang na kulang ang pasô kaya
nagpaalam siya sa kanyang anak para bumili sa palengke.
Itinuro niya kay Mika kung ano ang mga dapat gawin.
Nang matapos na ni Mika na tamnan ang mga pasô,
nakita niya ang kanyang mga kalaro at iniwan ang mga
bagong tanim na halaman sa tirik na araw kaya sila ay
nalanta. Umiiyak ang mga halaman at nagalit si
Bukadkad sa bata. “Dapat na nating turuan ng leksiyon
ang batang iyan! Hindi niya tayo binibigyan ng halaga,”
pagalit na wika ni Bukadkad.
Pagkalipas ng ilang oras, dumating na si Aling
Bebang sa kanilang tahanan at napansin niya ang mga
bagong tanim na halamang nalanta. “Mika! nasaan ka
anak? Bakit mo hinayaan ang mga halaman na nalanta?”
galit na tanong ni Aling Bebang at biglang dumating si
Mika na galing sa kaniyang mga kalaro. “Ina,
nakipaglaro ako sa kapitbahay. Paumanhin po!” sagot
niya. “Anak, ilang beses ko bang sasabihin sa’yo na
alagaan mo ang mga ito dahil may buhay din sila kagaya
natin,” wika ng ina. Isinilong ng mag-ina ang mga
bagong tanim na halaman at diniligan ang mga ito.
Ipinaliwanag ni Aling Bebang kay Mika ang
kahalagahan ng mga halaman at inituro niya kung
papaano alagaan ang mga ito.
Kinaumagahan, masaya ang gising ni Aling
Bebang dahil namumulaklak na ang ilan sa mga
halaman niya. Ngunit napansin niya ang kakaibang
bulaklak sa gitna ng mga halaman. Namumukadkad
ito kapag natatamaan ng sikat ng araw. Nilapitan niya
ito at sinabing “Wow! napakaganda naman ng
bulaklak na ito.”
Napansin din ni Mika ang kakaibang bulaklak kaya
nilapitan niya ito. “Ang ganda mo naman bulaklak.
Bagay ka sa aking tainga kaya pipitasin na kita,” sambit
niya. “Kapag ako’y iyong pinitas, tainga mo’y magiging
dahon,” babala ni Bukadkad. Narinig ni Mika ang sinabi
ng diwata ngunit hindi niya ito binigyan ng pansin.
Tuluyan ngang pinitas ni Mika ang bulaklak at isinabit
ito sa kanyang tainga. “Nararapat ngang mabigyan ka
ng parusa. Pagsapit ng gabi, ang tainga mo’y magiging
dahon,” galit na wika ng diwata.
Pagsapit ng gabi, Napatingin sa salamin si Mika at
napansin niyang unti-unting nagbabago ang bulaklak na
isinabit niya sa kaniyang tainga. May hiwagang
nagaganap sa kaniyang sarili at naging dahon ang
kaniyang tainga. Humahagolgol sa pag-iyak si Mika at
nagulat sa nangyari. “Anak, anong nangyari sa iyong
tainga?” alalang- alalang tanong ni Aling Bebang sa
kaniyang anak. “Inay, yung bulaklak na isinabit ko sa
aking tainga ay nawala ngunit naging
dahoon naman na ang aking tainga!”
sagot ni Mika.
Agad nilang pinuntahan ang kakaibang bulaklak sa
gitna ng mga halaman at nagulat si Mika dahil naroon
na ang bulaklak. Lumaki ito at kumikinang sa ganda.
“Inay, pinitas ko iyan kanina. Bakit nariyan na
naman?” gulat na tanong ni Mika. Biglang may
lumabas na diwata sa gitna ng bulaklak at sinabing
“Ako si Bukadkad, ang diwata ng mga bulaklak. Kaya
naging ganiyan ang iyong tainga dahil hindi mo
binibigyan ng halaga ang mga halaman. Binalaan na
kita noon pero hindi mo ako
pinakinggan,” wika ng diwata.
“Patawarin mo ako diwatang Bukadkad.
Ipinapangako ko na papahalagahan ko na kayo,”
pakiusap ni Mika. “Naaalala mo pa ba ang iyong
panaginip? Doon kita dadalhin at iyong aalagaan ang
mga halamang naputol at bubuhayin,” saad ng diwata.
Pumayag si Mika na sumama kay Bukadkad at naiwan
si Aling Bebang na nagtataka sa pangyayari.
Sa mundo ng kahalamanan, napansin ni Mika
ang mga naputol at nalantang mga halaman. Nakita
rin niya ang kanyang mga dating kalaro. “Iyan ang
mga halamang iyong bubuhayin. Ang mga batang
ito ay kagaya mo ring hindi pinapahalagahan ang
mga halaman,” wika ni Bukadkad.
Kinaumagahan, masayang nagtungo sa hardin ang
mga bata. Naalala ni Mika ang itinuro ng kaniyang ina
kung papaano alagaan ang mga halaman. Kaya inayos
nila ang mga nabuwal na halaman at diniligan ang mga
naputol na halaman nang may pagmamahal.
Kinakausap din nila ang mga ito na para nilang
kaibigan. Masayang pinagmasdan ng diwata ang mga
bata sa hardin.
Pagkalipas ng ilang araw, napansin ng Diwata na
unti-unti nang nabubuhay ang mga inaalagaang
halaman ng mga bata, kaya natuwa siya. “Ako’y
nagagalak sapagkat kayo’y natuto na ring magmahal
sa mga halaman. Ibabalik ko na sa dating anyo ang
inyong mga tainga at bukas na bukas din, ibabalik ko
na kayo sa inyong mundo,” pangakong wika ni
Bukadkad.
Kinabukasan, maligayang nagbalik ang mga bata
sa kani-kanilang tahanan. Agad niyakap ni Mika ang
kanyang ina at tinanaw niya ang mga malalagong
halaman. “Inay, pinapangako ko na simula ngayon,
katuwang n’yo na ako sa pag-aalaga ng mga
halaman,” wika nito habang kayakap ang ina.
Mula noon, si Mika na ang nag-aalaga ng mga
halaman at kinakausap niya rin ang mga ito na para
niyang kaibigan. Tinuturuan niya rin ang kaniyang
ibang kalaro kung papaano pahalagahan ang mga
halaman. Si Bukadkad ay nanatili ang kanyang
kinang sa gitna ng mga halaman at nagagalak siya sa
pagbabago ng mga bata lalong-lalo na si Mika.

You might also like