You are on page 1of 6

Mga Akdang Pampanitikan Mula sa TIMOG-SILANGANG ASYA

Isang Libo’t Isang Gabi


(One Thousand and One Nights)
Nobela- Saudi Arabia

Isang babaeng mangangalakal ang nakipag-isang dibdib sa isang lalaking mahilig maglakbay sa
buong mundo. Malimit siyang iniwanan nang matagal ng kanyang asawa. Dahil sa katagalan nang di
pag-uwi ng lalaki nakadama siya ng kalungkutan at pagkabagot. Umibig siya sa isang lalaking mas
bata sa kaniya.
Isang araw, isang lalaki ang nagsampa ng reklamo laban sa lalaking kanyang iniibig at
ipinakulong siya. Nang malaman ng babae ang tungkol dito, agad siyang nagbihis ng pinakamaganda
niyang damit at pumunta sa hepe ng pulisya. Bumati siya at sinabi, “Kapatid ko ang lalaking
ipInakulong ninyo, inaway nang hindi naming nakikilala, subalit nagsinungaling ang lalaking tumistigo
laban sa kanya. Nagkakamali kayo sa pagbilanggo sa kanya, wala na akong kasama at wala nang
susuporta sa akin, kaya maawa na kayo, pakawalan nyo siya.”
Nang marinig ng pulis ang kanyang pagmamakaawa, at makita ang kanyang ayos, umibig ito
sa kanya. Sinabi nito, “Pumunta ka sa aking tahanan hanggang sa mailabas ko ang iyong kapatid,
“Ngunit hindi ako pumupunta sa tahanan ng lalaking di ko po kakilala,” sabi ng babae. “Kung ganoon,
hindi ko siya pakakawalan maliban kung sasama ka sa akin at payagan mo akong gawin ang gusto
kong gawin,” sabi ng pulis. Sumagot siya, “Ikaw na lamang ang pumunta sa aking tahanan kahit
maghapon at magdamag kung talagang kinakailangan,” sabi ng babae.
“Saan ang iyong tahanan?” Tanong nito. At itinuro ng babae ang bahay at nagbigay ng oras
para sa pagpunta.
Humingi rin siya ng tulong sa Cadi. “Dyos ko! Cadi! Oo, “sagot nito at siya’y nagpatuloy. Pag-
aralan mo ang kaso ko at gagantimpalaan ka ng Diyos, sinabi nito. Sino ang may kagagawan nito?
Sumagot siya, mayroon akong kapatid, kaisa-isa kong kapatid. Naparito ako dahil sa kanya, sapagkat
ikinulong siya ng pulis at pinaratangan na isang kriminal. Nagsinungaling laban sa kanya at sinabing
ito’y masamang tao, kaya nakikiusap ako, tulungan nyo siya. Nang sulyapan siya ng Cadi, umibig din
ito sa kanya. Pumunta ka sa aking tahanan para makasama ko at sasabihin ko sa pulis na palayain
ang iyong kapatid. Kapag nalaman ko kung magkano ang kabayaran para sa kanyang kalayaan,
babayaran ko ng sarili kong pera upang ako’y mapaligaya mo, sapagkat napakalambing ng iyong
tinig. “At sinabi niya, kung magiging mabait ka sa akin. Sumagot ang Cadi, kung hindi ka papayag,
makaaalis ka na at huwag mo akong sisisihin. Muli siyang sumagot. Kung talagang yan ang gusto
mo, mas maganda pribado sa aking tahanan kaysa sa inyo na maraming katulong ang makaiisturbo
sa atin. Saka isa pa, hindi naman ako masamang babae, subalit kailangan ko lang itong gawin. Saan
ang iyong tahanan? tanong ng Cadi sumagot siya, sa ganitong lugar. Sinabi niya ang takdang araw
at oras ng kanyang pagpunta.
Pumunta rin siya at humingi ng tulong sa Vizier na palayain ang kanyang kapatid sapagkat
lubha niya itong kailangan. Subalit may ibinigay rin itong kondisyon. Payagan mo akong gawin ang
gusto kong gawin sa iyo at papalayain ko ang iyong kapatid. Sumagot siya, kung talagang gusto mo,
doon na lamang sa aming tahanan, tayo lang doon, hindi naman kalayoan ang aking bahay. Para
maayos ko naman ang aking sarili. Saan ang bahay mo? Tanong nito. Sa ganitong lugar. At
nagtakda ang babae ng oras at araw na gaya ng dalawang nauna.
Mula rito ay pumunta siya sa hari. Isinalaysay rin niya ang pangyayari at humingi rin siya ng
tulong upang mapakawalan ang kanyang sinasabing kapatid. Sino ang nagpakulong sa kanya?
tanong nito. Ang hepe ng pulisya, ang kanyang sagot. Nang marinig ng hari ang nakahahabang na
salaysay sa pagkakulong ng kapatid, bumukal sa puso nito ang awa at pagmamahal. Sinabi nito na
sumama sa tinutuluyan at upang tulungan siyang palayain ang kanyang kapatid. Subalit kanyang
sinabi, O mahal na hari, madali lang para sa iyo ang lahat. Wala akong magagawa kapag iyong
ginusto. Subalit malaking karangalan kung pupunta ka sa aking tahanan. Siya’y pumayag. Sinabi ng
babae ang lugar at oras ng kanilang pagtatampo na gaya ng oras sa sinabi niya sa naunang tatlong
lalaki.
Umalis siya pagkatapos at humanap ng isang karpentero at sinabi nito, ipagawa ako ng isang
cabinet na may apat na compartment, magkakapatong, may pinto ang bawat isa at masasaraduhan.
Malaman ko lang kung magkano at babayaran ko. Sumagot ang karpentero, “Apat na dinaryo ang
halaga nito, subalit hindi ko na ito pababayaran kung papayagan mo ako sa aking kahilingan.” Kung
kinakailangan, sagot ng babae. Papayag ako subalit gawin mong lima ang compartment ng cabinet
na ipinagagawa ko sa iyo. At sinabi nito kung kailan ito ihahatid ang cabinet sa kanyang tahanan.
Sinabi ng karpentero, “Mabuti, sige maupo ka na lamang at gagawin ko ngayon din ang iyong
cabinet.” Pagkatapos na magawa, initusan niya ang karpentero na dalhin sa bahay ang cabinet.
Ipinuwesto niya ito sa sala. Pagkatapos, kumuha ng apat na damit at may ibang kulay. Naghanda na
rin siya ng makakain, karne, inumin, prutas, mga bulaklak, at pabango.
Dumating ang araw na ibinigay niya sa lahat hiningian niya ng tulong. Sinuot niya ang kanyang
pinakamahal na damit, naglagay ng adorno sa sarili, nagpabango, at nilagyan ng mamahaling karpet,
at naghintay sa kahit sino ang maunang dumating.
Si Cadi ang unang dumating. Nang makita niya ito, tumayo siya at humalik sa paanan ni Cadi.
Hawak ang kamay, inaya niya itong maupo sa karpet. Nang sisimulan na nito ang kanyang pakay,
sinabi ng babae, “Alisin mo muna ang iyong kasuotan at ang iyong turban. Isuot mo ang dilaw na
roba at bonnet na ito habang inihahanda ko ang makakain at maiinom natin. Pagkatapos, pwede mo
nang gawin ang nais mo.” Isinuot niya ang roba at bonnet, may kumatok sa pinto.” Sino ang
kumatok? “tanong niya. “Ang aking asawa,” ang kanyang tugon. “Ano ang aking gagawin, saan ako
pupunta?” tanong ni Cadi. “Huwag kang matakot,” sabi ng babae. “itatago kita sa cabinet na ito.”
“Gawin mo kung anong dapat,” sinagot ni Cadi. Ipinasok niya ito sa pinakaibabang compartment at
isinara ang pinto. Pumunta siya sa pintuan at tiningnan kung sino ang kumatok. Ang hepe ng pulisya.
Pinatuloy niya ito agad. “Ariin mong iyo ang lugar na ito ako’y iyong alipin. Bumuong araw sa akin ka
kaya’t alisin mo ang iyong suot at ipalit mo ang pulang roba na ito.” Subalit bago nito magawa ang
kanyang pakay, sinabi nito, “Ako’y iyong iyo at walang iisturbo sa atin. Kung mabait kang talaga,
gumawa ka muna ng kautusan na nagpapalaya sa aking kapatid para naman mapanatag ang aking
kalooban.” “Masusunod,” sabi nito. at gumawa na nga ng kautusan ang pulis na nakasaad ang
agarang pagpapalaya sa kanyang kapatid. Nang sisimulan na niya ang kanyang pakay, biglang may
kumatok sa pinto. “Sino iyon?” tanong ng pulis. “Ang aking asawa,” sagot ng babae. “Ano ang
gagawin ko?” ang muli niyang tanong. “Pumasok ka sa cabinet na ito, pag-alis niya saka ka
lumabas.” At ipinasok niya ito sa pangalawang compartment sa ilalim at sinarhan ang pinto.
Samantala ang nangyayari ay naririnig lamang ni Cadi na nasa loob ng compartment ng
cabinet.
Pumunta uli ang babae sa pintuan upang muling tingnan kung sino ang kumatok, si Vizier.
Sinabihan din niya ito na tanggalin ang mabigat na damit at turban at magsuot ng magaan. Isinuot
niya ang bughaw na damit at ang kanyang pulang bonnet at pati na rin ang kanyang robang
gagamitin upang maginhawa sa pagtulog. Nagsimula na ang pakay ni Vizier, nang biglang may
kumatok. Tinanong din niya kung sino ito at sinabi ng babae na ito ay ang kanyang asawa. Nalito ang
lalaki at nagtanong kung ano ang kanyang dapat gawin at sinabi sa kanyang magtago sa loob ng
cabinet sa ikatlong compartment. Tulad ng nauna, isinara rin niya ang pinto ng cabinet.
Pumunta siya sa pinto at pinagbuksan ang kumatok ito ay ang hari. Pagkatapos inimungkahi
nito ang pagpapalit ng damit, maya maya pa nakakapalagayang loob na sila. Sinimulang gawin ng
hari ang kanyang ninanais. Nakiusap ang babae na tumigil na at nangakong paliligayahin niya ito sa
silid pagkatapos sa kanyang sasabihin. “Kahit ano ang iyong kahilingan,” sagot niya. “Alisin ang iyong
roba at turban.” Mahal ang kanyang damit. Nagkakahalaga ito ng isang libong dinaryo. Nang alisin
niya ito, ipinalit ang roba ng nagkakahalaga ng sampung dinaryo lamang. Ang lahat ng kanilang
pinag-uusapan ay naririnig lamang ng tatlong lalaki na nakatago sa compartment ng cabinet subalit
hindi sila makapagsalita. Nang simulan ng hari ang nais niya sa babae sinabi niya, “Mayroon sana
akong ipakikiusap sa iyo.” Habang sila’y nag-uusap, may kumatok sa pintuan. Tinanong nito kung
sino ang kumatok muli niyang sinabi na ito ang kanyang asawa. Sinabi niya ito na paalisin ang asawa
o siya, ang hari, ang magpapaalis dito. Subalit sinabi niya na maging matiyaga. Kaya’t ipinasok niya
ito sa pang-apat na compartment ng cabinet. At isinara ang pinto.
Lumabas siya upang patuluyin ang kumatok, ito ang karpenteto. Tinanong ng babae. “anong
klaseng cabinet ba itong ginawa mo?” “Bakit, anong masama sa ginawa ko?” sumagot siya,
“masyadong makipot ang ibabaw ng compartment.” Pumasok nga ang karpentero sa ikalimang
compartment. At sinaraduhan ito ng babae. Agad niyang dinala ang sulat sa hepe ng pulisya. Agad
namang ipinalaya ang kanyang mangingibig. Hindi nila malaman ang kanilang gagawin.
Napagpasyahan nilang magpakalayo-layo at lumipat ng syudad sapagkat hindi na sila
makapananatili sa lugar na iyon. Gumayak sila at tumakas sakay ang isang kamelyo.
Samantala, nanatili ang limang lalaking nakakulong sa compartment ng cabinet. Sa loob ng
tatlong araw na walang pagkain at walang tubig. Hindi nakatiis ang karpentero, kinatok niya ang
compartment ng hari, kinatok naman ng hari ang compartment ni Vizier, kinatok naman ni Vizier ang
compartment ng pulis at ng pulis sa compartment ni Cadi. Sumigaw ang Cadi na nagsasabing bakit
ba sila nagsasakitan gayong lahat naman sila ay nakakulong. Nagkarinigan silang lima. Napagtanto
nila na sila ay napagkaisahan ng babae. At habang sila-sila ay nagkukwentuhan ng mga pangyayari
nagtataka ang kanilang kapitbahay sapagkat may ingay ay wala naman silang makitang tao sa loob.
Kaya’t napagpasyahan nilang wasakin ang pinto at pasukin ang bahay. Nakita nila ang cabinet na
yari sa kahoy. Nakarinig sila ng nagsasalita kaya’t tinanong nila kung may genie sa loob nito. Sinabi
ng isa na sunugin ang cabinet. Sumigaw ang Cadi na huwag silang sunugin. Nagkunwari siyang
genie, nagsalita ng mensahe galing sa Qur’an. Pinalapit nito ang mga tao sa cabinet.
Lumapit sila sa cabinet at nagsimulang magsalaysay ang mga nakakulong. Tinanong nila kung
sinong may kagagawan ng lahat ng ito. Ikinuwento nila ang lahat-lahat nang nangyari. Nang makita
nila ang kanilang mga hitsura at pananamit, nagtawanan na lamang sila. Lumabas sila ng bahay na
tinakpan ang kanilang mga mukha upang hindi makilala at makaiwas sa tsismis ng mga kapitbahay.

ANG NOBELA AT ANG TUNGGALIANG MAKIKITA RITO


Ang isang nobela ay nagtataglay ng maraming ligaw na tagpo. Ito ay may mahabang kawing
ng panahon at ginagalawan ng maraming mga tauhan. Kung hindi pagtutuonan ng pansin, di gaya ng
maikling kuwento ay hindi ito mabilis na mababasa sa isang upuan lamang.
Ang nobela gayundin ang maikling kuwento ay kakikitaan ng tunggaliang pumupukaw sa
damdamin ng mambabasa. Ang nobela ay hindi magkakaroon ng buhay kung walang tunggalian. Ito
ay isang elementong nakapaloob sa banghay. Ito ay ang labanan sa pagitan ng magkakasalungat sa
puwersa.
1. Panloob o sikolohikal (tao laban sa sarili) – Ito ay uri ng tunggalian ng tao laban sa
kanyang sarili. Masasalamin dito ang dalawang magkasalungat na hangad o pananaw ng
iisang tao.
2. Panlipunan (tao laban sa kapwa tao) – Dito naman ang tao ay laban sa kapwa tao o ang tao
laban sa lipunang kanyang ginagalawan. Ibig sabihin ang kanyang problema o kasawian ay
dulot ng iba o ng bagay na may kaugnayan sa lipunan gaya ng diskriminasyon o iba pang
bagay na tila di-makatarungang nagaganap sa lipunan.
3. Pisikal (tao laban sa kalikasan) – Ang tunggaliang ito ay tumutukoy sa tao laban sa mga
elemento at puwersa ng kalikasan. Ito ay maaring ulan, init, lamig, bagyo, lindol, pagsanog ng
bulkan, at iba pa.

PAHAYAG NA GINAGAMIT SA PAGBIBIGAY NG OPINYON AT MGA WASTONG


GAMIT NG SALITA
Bahagi na ng pang-araw-araw na buhay ang pagbibigay ng opinion sa mga pangyayaring
nagaganap o namamalas sa paligid. Sa pagbibigay ng opinion, makabubuti kung tayo ay may
sapat na kaalaman sa paksang pinag-uusapan upang masusing mapagtimabng-timbang ang mga
bagay-bagay at maging katanggap-tanggap ang ating mga opinion. Narito ang ilang pahayag na
ginagamit sa pagbibigay ng opinyon.

Pagbibigay ng Matatag ng Opinyon


 Buong igting kong sinusoportahan ang…….
 Kumbinsido akong ……….
 Labis akong naninindigan na ……………
 Lubos kong pinaniniwalaan…………

Pagbibigay ng Neutral na Opinyon


 Kung ako ang tatanungin
 Kung hindi ako nagkakamali
 Sa aking pagsusuri
 Sa aking palagay
 Sa aking pananaw
 Sa ganang sarili
 Sa tingin ko
 Sa totoo lang

Sa pagbibigay ng opinyon, mahalagang matutuhan ang wstong gamt ng mga salita upang maging
kapani-paniwala o kahika-hikayat ang pahayag.
Nang at Ng
Ginagamit ang nang sa sumusunod na pagkakataon :
 Bilang pangatnig sa mga pangungusap na hugnayan; ito ay panimula sa sugnay na di
makapag-iisa
Halimbawa : Ang Pilipinas ay lalong nakilala sa buong mundo nang mapili ang
underground River sa Palawan bilang isa sa New Seven Wonders of the World.
 Bilang pang-abay
Halimbawa: Nakatapos nang mabilis sa mga gawain ang mag-anak na
nagtulungan.

 Sa gitna ng dalawang salitang-ugat o dalawang pandiwang inuulit


Halimbawa: Parami nang parami ang mga turistang dumarating sa bansa.
Ginagamit ang ng sa sumusunod na pagkakataon :
 Bilang pananda sa tuwirang layon ng pandiwang palipat
Halimbawa: Ang nanay ay naghanda ng pagkain sa bahay.

 Bilang pagpapakita ng pagmamay-ari ng isang bagay o katangian


Halimbawa: Ang programa ng pamahalaan para sa pamilya ay maganda.

Din/Rin at Daw/ Raw


Ginagamit ang rin at raw sa sumusunod na pagkakataon:
 Kung ang sinusundang salita ay nagtatapos sa patinig at malapatinig na y at w
Halimbawa: Gusto raw niyang mamaya sa Pilipinas.

 Kung ang sinusundang salita ay nagtatapos sa katinig maliban sa y at w.


Halimbawa: Mas mahal daw ang pumunta sa ibang bansa.

Subukin at Subukan
Ginagamit ang subukin kung sumusuri at nagsisiyasayat sa uri,lakas, o kakayahan ng isang
tao o bagay.
Halimbawa: Subukin mo ang husay ng mga Pilipino.

Ginagamit ang subukan kapag gustong malaman kung ano ang ginagawa ng isang tao o
bagay nang palihim.
Halimbawa: Subukan mo kung ano ang ginagawa ng mga pinuno ng bansa kapag
nagtitipon.

Pahirin at Pahiran
Ginagamit ang pahirin kung ang ibig sabihin ay pag-alis ng isang bagay. Ginagamit ang
pahiran kung ang ibig sabihin ay paglalagay ng bagay sa isang lugar o karaniwan ay sa isang
bahagi ng katawan.
Halimbawa: Pahirin mo ang luha sa iyong mata upang mapahiran ng gamot.

Sundin at Sundan
Ginagamit ang sundin kung ang pahayag ay nangangahulugan ng pagsunod sa payo o
pangaral.
Halimbawa: Sundin mo ang payo at utos ng iyong magulang.

Ginagamit ang sundan kung ang pahayag ay nangangahulugan na gayahin o puntahan ang
pinuntahan ng iba.
Halimbawa: Sundan mo ang ginagawa ng iyong magulang upang maging matagumpay
ka rin sa buhay.

Dapat isaalang-alang ang mga sumusunod sa pagpapahayag ng opinyon o pananaw


1. Dapat maging malumanay at maayos sa paglalahad ng opinyon o pananaw.
2. Makinig muna sa nagsasalita. Hayaang patapusin ang nagsasalita bago magbigay ng opinyon.
Mahalaga ang pakikinig upang maging maayos ang pag-uusap at iwasan ang pagiging
mapanghusga.
3. Iwasang pilitin ang kausap na sumang-ayon sa iyong mga opinyon o pananaw.
4. Mas magiging makatotohanan ang iyong opinyon kung magdadagdag ng mga katibayan mula
sa mga pahayag ng kilalang tao, magasin, diyaryo, libro at iba pa.
5. Maging simple sa pagpapahayag.
6. Maging magalang.

You might also like