You are on page 1of 10

Sa mga Mag-aaral,

Isang malugod na pagtanggap sa kursong Komunikasyon at


Pananaliksik sa Wika at Kulturang Pilipino. Ang kursong ito ay
napapatungkol sa pag-aaral tungo sa pananaliksik ukol sa kalikasan,
katangian, pag-unlad, gamit at paggamit ng wikang Filipino sa mga
sitwasyong komunikatibo at kultural sa lipunang Pilipino. Ang
paggawa at pagpasa sa mga pangangailangan ng kurso ay siyang
pangunahing susi sa pagpasa ng naturang asignatura. Isa sa tunguhin
ng kurso ang mapalawak ang kaalaman at magkaroon ng sapat na
kakayahan ang bawat mag-aaral sa paggamit ng wikang Filipino
upang makipagsabayan sa globalisasyon.

MGA GURO SA KAGAWARAN NG FILIPINO

Sa modyul na ito, makikita ang mga sumusunod na bahagi:

Sa bahaging ito makikita ang tunguhin ng bawat


LAYUNIN
paksa at gawain na inaasahang matamo ng
bawat mag-aaral.

Sa bahaging ito, tatalakayin ang mga paksa ng


bawat aralin na makatutulong upang maunawaan
NILALAMAN
ang ang mga konsepto at kasanayan na dapat
matamo ng maga-aaral.

Ang bahaging ito ay naglalaman ng mga


PAGTATASA paunang gawain na tatasa sa kaalamang natamo
ng mga mag-aaral.

Ang bahaging ito ay naglalaman ng mga


KARAGDAGANG
karagdagang babasahin, videos at iba pa na
BABASAHIN/PANOORIN
makatutulong sa pag-unawa ng aralin.

Ang bahaging ito ay naglalaman ng mga ginamit


SANGGUNIAN
na babasahin sa pagggawa ng aralin at gawain.

Ang bahaging ito ay naglalaman ng mga


gawaing hahasa at magtataya sa mga
PAGTATAYA
natutuhang konsepto at kasanayan ng mag-aaral.
LAYUNIN
a. Nasusuri ang ilang pananaliksik na pumapaksa sa wika at kulturang Pilipino;
b. Naiisa-sa ang mga hakbang sa pagbuo ng isang makabuluhang pananaliksik;
c. Nagagamit ang mga angkop na salita at pangungusap upang mapag-ugnay-
ugnayang mga ideya sa isang sulatin; at
d. Nakasusulat ng isang panimulang pananaliksik sa mga penomenang kultural
at panlipunan sa bansa.

PANANALIKSIK
(Kahulugan, Layunin at Proseso)

Sa panahon ng modernisasyon at globalisasyon, pananaliksik ang sagot sa


maraming katanungan, sa mga kasalatan gayundin kung ang minimithi’y kaunlaran.
Bunga ng pananaliksik ay pagbabago sa iba’t ibang larangan: industriya, agrikultura,
komersyo, edukasyon at personalidad. (Garcia, et.al.,2012)
Sa kasalukuyan, lahat ng gawain ay konektado sa pananaliksik. Anumang
planong nais isakatuparan ay kailangang pag-aralang maigi bago isagawa. Kung nais
naman ay mataas na antas ng karunungan, mas lalong kailangang manaliksik nang
mas mapalawig pa ang mga dating kaalaman.

A. Kahulugan ng Pananaliksik

1. Ito ay isang pamamaraang sistematiko, pormal at masaklaw na pagsasagawa ng


pagsusuring lohiko at wasto sa pamamagitan ng matiyaga at hindi apuradong pagkuha
ng mga datos sa mga pangunahing maaaring pagkunan, inaayos ang mga ito at
pagkatapos ay sinusulat at iniuulat. (Sauco, 1998)
2. Ang pananaliksik ay isang masistemang pag-aaral ng kahit anong paksa sa layuning
masagutan ang mga katanungang itinatanong ng mananaliksik. (Parel,1973)
3. Ang pananaliksik ay pagtatangka upang makakuha ng mga solusyon sa mga suliranin.
Ito rin ay pangangalap ng mga datos sa isang kontroladong sitwasyon para sa layunin
ng prediksyon at eksplanasyon. (E. Treece at J.W. Trece,1993)
4. Ang pananaliksik ay paraan ng pagtuklas ng mga kasagutan sa mga partikular na
katanungan ng tao tungkol sa kaniyang lipunan o kapaligiran. (Neuman,1997)

Sa madaling sabi, ang pananaliksik ay nagpapalalim at nagpapalawak sa


kaalaman at karanasan ng isang tao, hindi lamang sa paksang kanyang pinag-
aaralan, kundi sa lipunang nagsisilbing konteksto ng kaniyang pananaliksik.

B. Layunin ng Pananaliksik:

Ayon kina Orduñez, et al. (2007), iIan sa mga layunin ng pananaliksik ang mga
sumusunod:
1. Makadiskubre ng bagong kaalaman.
2. Upang maging solusyon sa suliranin.
3. Upang umunlad ang sariling kamalayan sa pali-paligid.
4. Upang makita ang kabisaan ng umiiral o ginagamit na paraan at istratehiya sa
pagkatuto ng mga mag-aaral.
5. Upang mabatid ang lawak ng kaalaman ng mga mag-aaral sa isang tiyak na bagay.
C. Proseso ng Pananaliksik
1. Pamimili at Pagpapaunlad ng Paksa ng Pananaliksik. Bukod sa pamimili ng paksa,
pinapaunlad din ito sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga kaugnay na literatura at
pag-aaral. Kapag masyadong malawak ang paksang nais saliksikin, makakatulong ang
pagbabasa upang makahanap ng ispesipikong anggul at mapaliit ang saklaw nito.
Gabay sa Pagbuo ng Pamagat/Paksa
• S – specific (tiyak, nakatuon sa iisang paksa lamang ang pag-aaral)
• M – measurable (ang pag-aaral ay maaaring sukatin kung natamo o hindi ang nais
na resulta.
• A – attainable (pumili ng isang paksa na kaya mong tapusin sang-ayon sa iyong
kakayahan bilang isang mananaliksik)
• R – relevant (makabuluhan ang pag-aaral at itp makakatulong sa pansariling
kaunlaran at sa lipunang ginagalawan)
• T – time-bound (ang pag-aaral ay kayang tapusin sa naitakdang panahon)
Halimbawa:
Paksa: Paglilibing ng mga Pilipino sa mga Yumao
Nilimitahang Paksa: Ang mga Igorot at ang Paniniwala nila sa Paglilibing ng
mga Yumao
2. Pagdidisenyo ng Pananaliksik. Kailangang matukoy ng mananaliksik ang tiyak na suliranin
upang malapatan ng tiyak na disenyo. Kapag natukoy na ang suliranin at lawak ng
pananaliksik, itatakda ang disenyo at kaukulang pamamaraan kung paanong matatamo
ito. Tutukuyin dito ang mga kalahok o populasyon ng pananaliksik. Maaari ring iakda ang
teoritikal na gabay a konseptwal na balangkas, sakop at delimitasyon ng pag-aaral at
daloy ng pag-aaral.
3. Pangangalap ng datos. Sa bahaging ito, isasagawa ang pakikiipanayam, sarbey,
oberbasyon o pagsusuri ng dokumento depende sa itinakdang pamamaraan ng pag-
aaral.
4. Pagsusuri ng datos. Sa bahaging ito, lumilikha ng bagong kaalaman sa pamamagitan ng
pagsusuri at interpretasyon ng mga datos na nakalap.
5. Pagbabahagi ng pananaliksik. Kailangang ibahagi ang mahahalagang naging konklusyon
na pananaliksik. Ito ay maaaring sa pamamagitan ng paglalathala ng iba’t ibang
publikasyon gaya ng mga refereed journal, libro at iba pang mga lathalain.

Katangian ng Mananaliksik at Etika ng Pananaliksik

A. Mga Katangian ng isang Mananaliksik.


Tunay na mahirap ngang gawain ang pagsulat at pagbuo ng isang sulating pananaliksik
ngunit ito’y tiyak na makabuluhan at mapakikinabangan bilang isang produktong
Intelektuwal. Ang isang mahusay na mananaliksik ay kailangang magtaglay ng mga
sumusunod na katangian:

1. Masipag at Matiyaga. Kailangan ang tiyaga sa walang katapusang paghahanap ng mga


datos na gagamitin sa pananaliksik. Kailangan ang lubos na pasensiya at malawak na pang-
unawa sa mga nakakasalamuhang tabo habang nanganglap ng datos. Mahaaga rin na
may motibasyong pansarili upang kumilos at mag-isip.

2. Maingat. Kinakailangang maingat na maisa-isa ang mga nakalap na datos na may


kaugnayan sa ginagawang sulating pananaliksik. Kailangan din niyang mabigyan ng angkop
na pagkilala ang mga tao, awtor, at iba pa pang panigkunan niya ng mga datos at maingat
niya itong maisama sa kanyang inhandang sulatin.
3. Masistema. Maayos at may Sistema ang kanyang mga hakbangin upang upang walang
makalimutang datos o detalyeng kailangan sa kanyang isinusulat na sulating pananliksik.
4. Mapanuri. Kailangang maging mapanuri sa mga batayan upang mabigyan ng
magkakaibang bigat ang mga datos na nakalap. Kailangang suriing Mabuti ang mga
pangunahing datos at mga pantulong na datos upang maihanay ito nang naayon sa
pangangailangan ng kanyang sulating pananaliksik.
B. Etika ng Pananaliksik
Pananagutan ng isang mananaliksik ang pinakapangunahing pananagutan ng isang
mananaliksik. Ang katapatang ito ay kailagan niyang maipamalas sa pagkilala ng pinagkunan ng
kanyang mga datos at iba pang ideya o impormasyon sa kanyang pananaliksik
(Bernales,et.al,2016).
Ayon sa American Psychological Association (2003) at Center for Social Research Methods
(2006), may mga mahahalagang gabay na dapat sundin ang mga mananaliksik. Narito ang ilan sa
mga prinsipyong iyon:

I. Pagkilala sa pinagmulan ng mga ideya sa pananaliksik. Mahalaga ang pagbanggit at


pagkilala sa iba pang mananaliksik at iskolar an naging tuntungan at pundasyon ng
isinasagawang pananaliksik.
Plagiarism – tahasang paggamit at pangongopya ng mga salita at/o ideya ng walang
kaukulang pagbanggit o pagkilala sa pinagmula nito. Tinukoy ng Plagiarism.Org (2014)
ang iba pang anyo ng plagiarism gaya ng:
a. Pag-angkin sa gawa product o ideya ng iba;
b. Hindi paglagay ng maayos na panipi sa mga siniping pahayag;
c. Pagbibigay ng maling impormasyon sa pinagmulan ng siniping pahayag;
d. Pagpapalit ng mga salita sa katulad na wika o kaya ay pagsasalin ng teksto ngunit
pangongopya sa ideya nang walang sapat na pagkilala; at
e. Ang pangongopya ng napakaraming ideya at pananalita sa isang pinagkunan na
halos bumuo na sa iyong produko, tukuyin mo man o hindi ang pinagmulan ito.
Ano ngayon ang dapat gawin upang maiwasan ito? Humingi ng permiso mula sa may-ari
ng ideya at kilalanin ang kanilang ambag sa pag-unlad ng isinasagawang pag-aaral. Ito
ay sa pamamagitan ng:

Attribution - Pagkilala na ang isang kaisipan ay nagmula sa ibang sanggunian.


Bibliography - Listahan ng mga sangguniang ginamit.
Citation - Isang maikling indikasyon ng pinagmulan ng sanggunian.
Endnotes - Tala sa huling bahagi ng papel na kinikilala ang mga pinaghanguan at
naglalaan ng mga karagdagang sanggunian o impormasyon.
Footnotes- Tala sa babang bahagi ng papel na kinikilala ang mga pinaghanguan at
naglalaan ng mga karagdagang sanggunian o impormasyon.

II. Boluntaryong partisipasyon ng mga kalahok. Kailangang hindi pinipilit ang sinumang
kalahok o repondente sa pagbibigay ng impormasyon o anumang partisipasyon sa
pananaliksik. Kailangang malinaw muna sa kanya ang layunin ng pananaliksik , halaga ng
kaniyang partisipasyon at bigat o inaasahang peligro sa paglahok sa pag-aaral.

III. Kailangang kumpidensiyal at nakakubli ang pagkakakilanlan ng mga kalahok. Anumang


impormasyon na makukuha mula sa mga mananaliksik ay gagamitin lamang sa
kapakinabangan ng pananaliksik. Huwag isapubliko ang pagkakakilanlan ng mga
kalahok lalong-lao na sa mga sensitibong paksa. Kung kailangang isapubliko ang resulta,
magpaalam o hingin ang permiso ng mga pinagmulan ng datos.

IV. Pagbabalik at Paggamit sa Resulta ng Pananaliksik. Ibahagi sa mga kalahok ang


kinalabasan ng pag-aaral. Anumang resulta o produktong bunga ng isinagawang
pananaliksik ay dapat ipaalam sa kinauukulan upang makatulong sa kapakinabangan ng
komunidad o kaugnay na institusyong pinag-aralan.
Maka-Pilipinong Pananaliksik
Ayon kay Propesor Covar (1991), ang maka – Pilipinong pananaliksik ay nahahawig
sa Pilipinolohiya na isang sistematikong pag-aaral na nakasulat sa wikang Filipino o wikang
bernakular sa Pilipinas.

Layunin ng Maka-Pilipinong Pananaliksik

1. Makakalap ng bagong kaalaman sa kaisipang Pilipino, kulturang Pilipno at lipunang Pilipino.


2. Palitawin ang Pagka-Pilipino sa iba’t ibang larangan tulad ng sining, pilosopiya, agham
panlipunan, teknolohiya maging relihiyon.
3. Mapa-unlad at mapadami ang lokal na pag-aaral at maitaguyod ang paggamit ng
wikang Filipino sa iba’t ibang larangan.
4. Mapataas ang kamalayan sa lipunang Pilipino at mapangalagan ang kultura.
Batay kina Carmen E. Santiago at Virgilio Enriquez (1976) dapat na paunlarin ang
paraan ng pananaliksik nang hindi mahiwalay sa katutubong kultura at diwang Pilipino.
Minungkahi nila na sa pagpili ng paksa ay hindi lang dapat nakabatay sa sariling interes ng
mananaliksik bagkus maaaring nakabatay sa interes ng mga kalahok (participants). Kaya,
maigi na kilalaning mabuti ang kalahok upang makakuha ng ideya na maaaring maging
paksa. Dapat isaalang-alang din ang mga pag-aaral kaugnay sa tradisyon at pag-uugaling
Pilipino gaya ng pakikitungo/pakikisalamuha at pakikipagpalagayang loob na nagbibigay
diin sa kulturang Pilipino.

Introduksyon ng Pananaliksik

KABANATA I
Panimula
Ilalahad sa bahaging ito ang mga kaugnay na impormasyong magpapatunay sa kabuluhan
ng isasagawang pag-aral. Gayundin, mababasa dito ang mga suliraning hinahanapan ng
solusyon, kahalagahan ng pag-aaral, at hangganan ng pag-aaral.

Kaligiran ng Pag-aaral
Bahagi ng presentasyon ang kaligirang pangkasaysayan ng paksang napili. Nililinaw dito
ang sanhi ng pagpili ng paksa at ang kahalagahan ng pagsasagawa nito. Binabanggit din sa
bahaging ito ang saklaw ng pag-aaral sa paksa. Mahalaga na maglagay ng mga pananaliksik na
natapos at nasubok na (Kaugnay na Literatura) upang makita ng mambabasa na may sapat na
pinagbabatayan at ebidensiya ang mananaliksik sa napiling pag-aaral.

Halimbawa:
Ang panggagamot ay sangay ng agham panlipunan na tungkol sa pagpapanumbalik ng
kalusugan at pagpapatuloy ng kalusugan at kagalingan (Biggers, 2018). Malayo na ang
nararating ng sistema ng panggagamot bunga na rin ng iba`t ibang modernong kagamitan na
natutuklasan upang malunasan ang isang sakit. Gayunpaman, hindi maikakaila na isa itong
bagay na dapat pagbuhusan ng panahon at lalo`t higit ng salapi dahil sa laki ng halaga na
kakailanganin upang maisakatuparan ang panggamot. Kaya naman, marami pa rin ang
naniniwala sa mga tradisyunal na panggagamot bilang paraan ng pagpapagaling ng maysakit.
May tatlong kinikilalang traditional healers ang Pilipinas: Ang Albularyo (herb doctors), ang
Baylan (mediums), at ang Espiritista (spiritualists). Sa nabanggit, bibigyang pansin ng pag-aaral na
ito ang panggagamot ng mga albularyo. Isa siyang ordinaryong tao na naninirahan sa baryo na
maaaring maging isang magsasaka, o karpintero. Kakaiba ang kapangyarihan sa panggagamot
ng mga albularyo. Kung ang pasyente niya ay isang bata ay maaari niyang gamutin ito sa
pamamagitan nang pagtataboy sa mga espiritung “bumati” sa bata. Nag-aalay lamang siya ng
panalangin at mga pagkain.
Hindi nalalayo sa ibang bayan na katatagpuan ng mga albularyo ang bayan ng Lucena.
Bagamat masasabing malayo-malayo na rin ang nararating ng bayan sa larangan ng komersyo
at teknolohiya, marami pa ring mga kuwento ng panggagamot ng mga albularyo ang
matutunghayan/maririnig dito. Sa mga bara-baranggay nito matatagpuan ang ang mga
kinikilalang albularyo na malaki ang naitutulong sa kalusugan ng mga taong walang kakayanang
komunsulta sa sa mga doktor.
(Hango mula sa: Tabi, tabi po! Isang Pag-aaral sa Panggagamot ng mga Albularyo sa Lunsod
Lucena ni Helen Tolete, 2021)

Paglalahad ng Suliranin o Layunin

Sa bahaging ito ng pananaliksik, inilalagay ang kahalagahan ng paksang pag-aaralan


gayundin ang kaligirang pangkasaysayan. Sa bahaging ito rin inilalagay ang pangkalahatang
suliranin. Itinatala ang mga tanong nadapat na masagot ng pag-aaral.

Halimbawa:
Sa pag-aaral na ito, nais tuklasin ng mananaliksik ang pakikipag-ugnayan ng mga albularyo
sa mga taong naniniwala sa kanila gamit ang wikang partikular lamang sa kanila. Nilalayon nitong
sagutin ang mga sumusunod na katanungan:
1. Ano-ano ang mga katangian ng mga kilalang albularyo batay sa:
1.1 Paraan ng pagkatuto sa panggagamot
1.2. Taon ng panggagamot
2. Ano-ano ang uri ng paggagamot na ginagawa ng mga albularyo?
3. Ano-ano ang mga salitang natatangi lamang o rehistro ng mga salita sa
pangagamot ng mga albularyo?
(Hangomula sa: Tabi, tabi po! Isang Pag-aaral sa Panggagamot ng mga Albularyo sa Lunsod
Lucena ni Helen Tolete, 2021)

Kahalagahan ng Pag-aaral

Tinatalakay sa bahaging ito ang kahalagahan ng buong pag-aaral at kung ano ang
magiging kontribusyon nito sa larangan ng edukasyon at siyensiya. Binabanggit din kung sino ang
makikinabang at ang mga posibleng implikasyon ng pag-aaral na gagawin sa mga taong
tinutukoy na makikinabang.
Halimbawa:
Nananatiling isang hiwaga o misteryo kung paano nga nakikipag-ugnayan ang isang
manggagamot at maysakit sa panggagamot. Gaya rin ng iba pang panlipunang gawain, may
sarili itong gamit ng wika na natatangi lamang sa kanilang larangan. Makakatulong ang pag-
aaral na ito upang ipabatid sa mga mambabasa kung gaano kayaman ang mga tradisyong
umiiral pa rin sa ating lipunan hanggang ngayon. Gayundin, upang magkaroon ng malawak na
kaalaman sa gawaing panggagamot ng mga albularyo.
(Hango mula sa: Tabi, tabi po! Isang Pag-aaral sa Panggagamot ng mga Albularyo sa Lunsod
Lucena ni Helen Tolete, 2021)

Saklaw at Limitasyon
Inilalahad ng mananaliksik sa bahaging ito kung sino ang tagatugon na gagamitin sa
isinagawang pag-aaral, saan at kalian ito gagawin. Ipinaliliwanag din ng mananaliksik ang
limitasyon at hangganan ng kanyang pag-aaral.

Halimbawa:
Tatalakayin sa pag-aaral na ito kung paano nakikipag-ugnayan ang mga albularyo sa
kanilang ginagamot. Sinasaklaw nito kung ano-ano ang mga katangiang dapat taglayin ng isang
albularyo, paraan ng pangagamot at mga salitang ginagamit nila sa gawaing ito. Ang mga
impormasyong tampok sa pananaliksik na ito ay mula sa mga piling albularyo at mga naging
pasyente nila na matatagpuan sa lunsod Lucena.
METODOLOHIYA
Ang metodolohiya ay tumutukoy sa sistematikong paglutas sa mga suliranin/ tanong ng
pananaliksik o mga paraan na ginamit sa pagtitipo at pagsusuri ng datos. Samakatuwid, ito ang
pinakamahalagang bahagi ng pananaliksik na kailangang itakda sa simula pa lamang ng pag-iisip
ng paksa. Narito ang mga karaniwang metodo ng pananaliksik:

a. Deskritibong Pananaliksik. Tumutukoy sa deskritibo o palarawang paglalahad ng mga


katangian ng isang tao, grupo, sitwasyon, bagay, phenomenon, at iba pa na
sinuring/pag-aralan.
b. Pagsusuri Tematiko/Tematikong pag-aaral. Metodo ng pagtukoy, pagsusuri, at pagtala sa
mga tema o pardon ng naratibo sa loob ng isang teksto

Kahulugan ng kwalitatibong Pananaliksik.

Ang kwalitatibong pananaliksik ay isang uri ng pag-aaral na itinuturing na


nonnumerical o non-quantitative. Ang mga datos ay itinatala at binibigyang-
interpretasyon gamit ang nonnumerical na pamamaraan gaya ng open-ended
surveys, panayam, at mga detalyadong deskripsiyon. Ang anyo ng pananaliksik na ito
ay ginagamit upang makakuha ng isang mas malalim na pag-unawa sa agham ng
lipunan gaya ng kultura, pag-uugali ng tao, karanasan, ugali, hangarin, pagganyak, at
iba pa.

KABANATA II
METODOLOHIYA
Ipinapaliwanag ng mananaliksik sa bahaging ito ang disenyo o metodolohiya sa
pagsasagawa ng pananaliksik na maaaring palarawan, historical o kaya’y eksperimental.
Ipinapakita rin dito ang paraan ng pagkuha ng datos gaya ng pagbuo ng talatanungan,
pagsasagawa ng survey, pagmamasid o case study. Nakapaloob sa bahaging ito kung sino ang
target na populasyon at ang mga gagamiting tagatugon sa paksang sinisiyasat, gayundin ang uri
ng estadisdika na angkop sa paksa.
Ang mga sumusunod ay ang mahahalagang bahagi ng kabanatang ito:

Disenyo ng pag-aaral
Ang pamamaraan ng pananaliksik (research design) ay nararapat na ibagay sa layunin ng
pananaliksik. Sa bahaging ito, tinatalakay ang ginamit na paraan ng mananaliksik sa pagsasagawa
ng sulatin. Kasama inilalahad sa bahaging ito ang dahilan ng pagkakapili ng naturang uri o paraan
ng pananaliksik.
Halimbawa:

Ang uri ng panananaliksik na gagamitin ng pag-aaral na ito ay nasa anyong kwalitatibo. Ang
kwalitatibong pananaliksik ay kinapapalooban ng mga uri ng pagsisiyasat na ang layunin ay
malalimang unawain ang pag-uugali at ugnayan ng mga tao at ang dahilan na gumagabay rito na
hindi nakabatay sa pagbibilang at pagsusukat ng datos. Kaugnay nito ang pagkilala ng mga
ginamit na estratihiya sa pagpapangalan ng mga piling kainan sa San Pedro City, Laguna at ang
balbal na antas ng wikang ginamit sa mga kainan na ito.

Ang pamamaraang ginamit sa pag-aaral na ito ay ang case study na pamamaraan na


nakapaloob sa kwalitatibong uri ng pananaliksik, sapagkat ang ganitong disenyo ng pananaliksik ay
naglalayong malalimang unawain ang isang partikular na kaso ng indibidwal, grupo, organisasyon o
kaganapan kaysa magbigay ng pangkalahatang kongklusyon sa iba’t ibang paksa ng pag-aaral.
(Sanggunian: Elipie, M.B. Kabanata III: Paraan ng pananaliksik. Retrived from:
https://www.academia.edu/41982949/KABANATA_III_PARAAN_NG_PANANALIKSIK)

Instrumento ng Pag-aaral
Nakapaloob sa bahaging ito ang mga akmang gagamiting instrumento (tool) ng
mananaliksik upang makakalap ng data na kinakailangan sa pag-aaral gaya ng interview guide,
surveys, mga elektronikong kagamitan at iba pa.
Halimbawa:
Layunin ng pananaliksik na mangalap at kumuha ng datos sa pamamagitan ng
pagsasagawa ng interbyu sa mga napiling kalahok, gagamit ang mga mananaliksik ng rekorder,
papel at talatanungan sa pagkalap ng datos. Isang uri ng semi-istruktural na interbyu ang ihahanda
para sa mga katanungang gagawin sa mga kalahok sapagkat angkop ito sa pangagalap ng
kinakailangang datos. Ang mga tanong na sasagutin ng mga kalahok ay nakabatay sa semi-
structured na uri kung saan maglalaman ito ng mga katanungang masasagot sa pamamagitan ng
pagsasaad ng katanungang open-ended o nakabatay sa sariling kasagutan ng mga kalahok na
walang limitasyon upang mas maging epektibo ang pangangalap ng datos.
(Hango sa bahagi ng pananaliksik ni Elipie, M.B. Kabanata III: Paraan ng pananaliksik. Retrived from:
https://www.academia.edu/41982949/KABANATA_III_PARAAN_NG_PANANALIKSIK)
Lokasyon at Populasyon
Naglalaman ang bahaging ito ng tiyak na bilang ng mga kasangkot sa pag-aaral, tiyak na
lugar, at ang hangganan ng kanyang paksang tatalakayin sa pananaliksik at ang tiyak na
panahong sakop ng pag-aaral.
Mga tanong na dapat sagutin:

1. Sino ang kasangkot sa pag-aaral?


2. Ilan ang kasangkot?
3. Paano sila pipiliin?
Halimbawa:
Ang pag-aaral na ito ay isasagawa sa piling lugar ng San Pedro City, Laguna sa ganap na
ikalawang linggo ng Pebrero na nakatuon sa pagkilala ng mga ginamit na estratehiya sa
pagpapangalan ng mga piling kainan dito at ang balbal na antas ng wika na ginamit sa mga
kainan na ito. Sangkot sa pag-aaral na ito ang sampung may-ari o katiwala ng mga piling kainan sa
San Pedro City, Laguna. Ang pag aaral ay gagamitan ng non-probabilistic na paraan ng pagpili ng
kalahok sa kadahilanang ang mga tagatugong sakot ay pipiliin ayon sa layunin ng pag aaral.
Kaugnay nito, ang pag aaral ay gagamit ng purposive sampling kung saan ang kalahok ay pipiliin
ayon sa kaangkupan at batay sa hangarin ng pananaliksik.
(Hango sa bahagi ng pananaliksik ni Elipie, M.B. Kabanata III: Paraan ng pananaliksik. Retrived from:
https://www.academia.edu/41982949/KABANATA_III_PARAAN_NG_PANANALIKSIK)
Paraan ng pagkalap ng datos
Sa bahaging ito, detalyadong ipaliliwanag ang mga aktuwal na gagamiting paraan sa
pagkalap ng datos-tungo sa pagsagot ng mga tanong ng pananaliksik, tungo sa pagsagot ng mga
tanong ng pananaliksik-gaya ng panayam o interbyu, sarbey, pagsusuri sa mga episodyo, pagsusuri
sa teksto, paghahambing ng teksto, pag-eeksperimento, pagsasagawa ng field work, pagrerebyu sa
mga kaugnay na literature, at iba pa.
Halimbawa:
Upang makamit ang pinakalayunin ng pag-aaral na ito, ang mananaliksik ay nagsagawa ng
mga sumusunod na hakbang; una, sumulat sa namamahala ng paaralan para mapahintulutang
makapagsagawa ng pag-aaral. Ikalawa ay humingi ng pahintulot sa bawat kalahok na
makapagsagawa ng pakikipanayam sa pamamagitan ng personal na pagbibigay ng liham. Ikatlo,
hiningi ng mananaliksik ang oras ng personal na pakikipanayam at FGD ayon sa kanilang sariling
kagustuhan at bakanteng oras o araw. At panghuli, isinagawa ang naturang pamamaraan batay
sa itinakdang oras o araw bilang pagtugon sa kagustuhan ng mga respondente at upang maging
matiwasay ang kalalabasan ng pag-aaral.

Bago isinagawa ang pakikipanayam, nagkaroon muna ng pagtatanong-tanong sa mga


gurong-kalahok ukol sa mga personal na impormasyon ayon sa digring natapos, kurso at medyor at
bilang ng taon sa pagtuturo ng Filipino. Ipinaalam muna sa mga kalahok na ang buong
pakikipanayam ay itatala at ererekord sa pamamagitan ng isang teyp rekorder.
(Hango sa bahagi ng pananaliksik ni Kadatuan, F. Retrieved from:
https://www.scribd.com/document/488066528/Kabanata-3-docx)
Paraan ng pagsusuri ng datos
Ang pagsusuri ng datos ay binubuo ng pagsasaayos, kategorisasyon, at pagsisiyasat ng mga
ebidensiya upang mapatunayan o mapasubalian ang inisyal na mga proposisyon ng pag-aaral. Ito
ay proseso ng pagbibigay ng kaayusan o estruktura sa napakaraming datos na nakolekta sa mga
naunang bahaging pananaliksik (Marshall & Rossmasn,1990).
Halimbawa:
Batay sa nakalap na datos, itinala ang mga kategorya at tema upang matuklasan ang
layunin ng pag-aaral na ito. Sa pag-aanalisa ng mga kasagutan mula sa isasagawang
pakikipanayam at FGD, gagamitin ang proseso ng Tematikong Pagtatasa o Thematic Analysis (Braun
at Clarke, 2006). Matapos maitranskrayb at maberipika ang mga panayam hinango ang mga
makabuluhang pahayag na sumasagot sa mga nabuong katanungan ng pag-aaral na ito at
tumugon sa pangunahing layunin nito. Mula sa mga nahangong makabuluhang pahayag, inihanay
ito at ikinategorya sa mga tema batay sa pagkakatulad ng mga pahayag. Pagkatapos nito,
ikinategorya ito ayon sa tema, binigyang-kahulugan ito ng mananaliksik batay sa iba pang
detalyeng makukuha mula sa kabuuan ng mga panayam.
Hango sa bahagi ng pananaliksik ni Kadatuan, F. Retrieved from:
https://www.scribd.com/document/488066528/Kabanata-3-docx)

MGA KARAGDAGANG BABASAHIN AT PANOORIN


https://quizlet.com/380355567/filipino-flash-cards/
Kabanata 1 ng Pananaliksik
https://www.slideshare.net/NicoleGala/kabanata-1-sa-pananaliksik-suliranin-at-kaligiran
Mga Bahagi at Proseso ng Pananaliksik (youtube)
https://www.youtube.com/watch?v=a7uKqXtWzcw

MGA SANGGUNIAN
Astorga, Eriberto R. 2010. Pagbasa, Pagsulat at Pananaliksik. Midshapers Co.,Inc.
Intramuros Manila

Coronel, Jaybee G. 20202. Komunikasyon at Pananaliksik sa Wika at Kulturang


Pilipino. Quezon City. TechFactors Inc.

De Castro, Imelda P. et. al. 2010. Kritikal na Pagbasa at AkademikongPagsulat


Tungo sa Pananaliksik. UST Publishing House. Espana Maynila

Garcia, Lakandupil C. et.al.2012.Kalatas: Pagbasa at Pagsulat Tungo sa Pananaliksik.


(Bagong Edisyon),16 Concha St. Tinajeros Malabon City: JimcyzyvillePublishing
House
Marquez, Servillano T. et. al. 2011. Pagbasa at Pagsulat Tungo saPananaliksik.
Books Atbp. Publishing Corp. Mandaluyong City
Padua, Gina (atbp.).Balintataw (Komunikasyon at Pananaliksik sa Wika at
kulturang Pilipino). Quezon City: St. Bernadette Publishing House
Corporation. 2017.
Tolete, H. (2021). Tabi, tabi po! Isang Pag-aaral sa Panggagamot ng mga
Albularyo sa Lunsod Lucena. Manuscript submitted for publication

You might also like