You are on page 1of 1

Isang Dila ng Kayumanggi

Ngiti, iyak, sigaw. Ang lahat ng ito’y boses ng isang Filipinong makatang nagdiriwang sa bayanihan
ng paraisong walang tinatangi, saan kulay ng tahanan ay hindi kasing asul ng langit, kasing berde ng
paraiso, ito’y ginintuang kayumanggi mula sa halik ng araw sa silangan.

Upang makawala sa mga matatalim na ngipin ng mga dayuhan, pagkainom ng dugo’t pawis ito’y
inialay ng mga matatapang na bayaning hindi kailanman natahimik at napipi upang ibulong sa
kanilang huling hininga ang wikang kanilang pinaglaban at bigyang layang bigkasin sa bagong
hinaharap.

Pagkalikha ng sining ay hindi rin naiiba, ito’y hindi lamang nalilimitahan sa isang dayalekto dahil sa
bawat sulok ng bansa may kanya kanyang kulturang wika na iisa lamang ang nais ihayag. Mga
dayalektong ilang dekada nang ginagamit upang magsanaysay ng kuwento at upang ipasa pa sa
susunod na mga anak ng Bayang Pilipino.

Rinig mula munisipalidad ng Apari hanngang sa mga bayan ng Jolo ang hirang at kinaiya ng mga
katutubo. Tila isang batang nakarinig ng kampana ng sorbetes, musika sa Bayan ang tinig ng
halakhak mula sa mga nagbabayanihan sa mga probinsya’t syudad, ang awit ng mga binata sa
‘Kundiman’ sa gabing payapa, bulungan ng mga mag-aaral tuwing bukang liwayway na may kanya-
kanyang hirayang pangarap, ang mga tunog na ito ay banaag sa pagdaloy ng salitang puno ng
karunungan at kinaadman.

Cebuano, Hiligaynon, o Waray, maaaring wika ng musika ng mga awiting tula sa mga kapilya at
simbahan ng Visayas. Maririnig din bilang harana para sa paralumang aakyatin ng ligaw. Tulad ng
dalagita, ito’y isang dungaw sa kahapon na sasalaminin ng henerasyong kabataan ngayon.

Bisaya, Maguindanaon at Tausug, para sa lungsod ng Mindanao kanilang salita ay tila isang timpla ng
pananabik at pagsamo sa isang nawawalang tahanan na naghahatid ng kakaibang pakiramdam sa
mga ‘salitain’ na hindi basta-bastang papanaw.

Ito ang ingay at awit ng Filipinong sining, tulad ng isang awiting oyayi sa sanggol pag “Ugoy ng
Duyan”, puso ng nasyonalismo sa “Kundiman”, ang pagkasabi ng katapatan sa bayan ng
“Panunumpa sa Watawat”, pagtuklas sa “Mutya ng Pasig” at ang pag-awit sa bandila tuwing Lunes ng
“Marcha Nacional Filipina”.

Ngiti, iyak, sigaw. Ito’y boses ng isang makatang kayumanggi, pinuno ng bayanihan sa paraisong
walang tinatangi, kulay ng tahanan na mayroong asul na langit at berdeng paraiso, ito’y kayumanggi
mula sa halik ng araw.

Sa huli, ang mga kayumanggi ay galing sa iisang sinapupunan; ang Inang Bayan. Sila’y babalik
marahil iisa lamang ang dilang bumibigkas sa kanilang wikang tahanan; ngiti, iyak, sigaw, dila ng
kayumanggi’y ang wika ng sariling Bayan.

You might also like