You are on page 1of 6

Ang Maikling Kuwento at Dula sa Bawat Panahon FL 391: Pampanitikang

Genre ng Pilipinas

ANG MAKULAY NA MUNDO NG DULA: PAGDALUMAT SA KASAYSAYAN

I. PANIMULA
Ang dula ay isang uri ng panitikang ang pinakalayunin ay itanghal sa tanghalan.
Mauunawaan at matutuhan ng isang manunuri ng panitikan ang ukol sa isang dula sa
pamamagitan ng panonood.
Ito ay nag- ugat sa salitang Griyego na ayon sa diksyonaryo, ang ibig sabihin ay
pampanitikang komposisyon na nagkukuwento sa pamamagitan ng wika at galaw ng
mga aktor. Ayon sa mga mananalaysay, ang dula o drama.
Sa isang dako, ang tunay na drama ayon kay Sebastian ay nagsimula noong mga
unang taon ng pangungupkop ng mga Amerikano. Idinagdag pa ni Tiongson na ang
drama ay binubuo ng tanghalan, iba’t ibang kasuotan, iskrip, “characterization”, at
“internal conflict.” Ito ang pangunahing sangkap ng tunay na drama ayon sa banyagang
kahulugan. Sa kabilang dako, ayon sa mga aklat, ang drama ay drama kahit wala ang
mga sangkap na nabanggit. Ito ang dramang Pilipino. Ayon pa rin kay Tiongson,
mimesis ang pangunahing sangkap ng dulang Pilipino. Ang mimesis ay ang pagbibigay
buhay ng aktor sa mga pang-araw-araw na pangyayari sa buhay ng mga Pilipino. Ito rin
ang malaking pagkakaiba ng banyaga sa Pilipinong dula.
Inilalarawan sa tunay na Pilipinong dula, ang mga pangarap ng bansa. Dito
ipinapakita ang mga katutubong kultura, paniniwala, at tradisyon. Ikinukuwento rin ang
paghihirap at pagpupunyagi sa buhay ng mga katutubong Pilipino. Dito rin mamamalas
ang iba’t ibang anyo ng kanilang pamahalaan at uri ng lipunan. Samakatuwid, ang tunay
na dulang Pilipino ay nagbibigay ng mas malawak na pang-unawa sa kulturang Pilipino
at nagbibigay ng kasagutan sa mga pangangailangan ng mga Pilipino. Higit sa lahat,
ito’y nagsisilbing gabay para sa kabutihan ng mga mamamayang Pilipino.

II. ANG DULA SA IBA’T IBANG PANAHON

A. Panahon ng mga Katutubo


Ang kasaysayan ng dulang Pilipino ay isinilang sa lipunan ng mga katututbong
Pilipino bago pa dumating ang mga dayuhang mananakop. Ayon kay Casanova, ang
mga katutubo’y likas na mahiligin sa mga awit, sayaw at tula na siyang pinag-ugatan ng
mga unang anyo ng dula. Ang mga unang awitin ay nasa anyo ng tula. Ang mga
katutubo rin ay mayaman sa epikong bayan na kalimita’y isinasalaysay sa
pamammagitan ng pag-awit. Ang mga awit, sayaw, at ritwal ay karaniwang ginaganap
para sa pagdiriwang ng kaarawan, binyag, pagtutuli, ligawan, kasalan, kamatayan,
pakikipagdigmaan, kasawian, pananagumpay, pagtatanim, pag-aani, pangingisda, atbp.
Bago dumating ang mga dayuhang mananakop, ay mayroon ng ilang anyo ng dula ang
mga katutubong pilipino.

MGA KATUTUBONG DULA


1. Bikal at Balak- Ang bikal ay maaaring awitin ng dalawang babae o dalawang lalaki.
ang mga mang-aawit ay magkahiwalay na nakaupo sa magkabilang panig ng silid,
habang nasa gitna ang mga manonood. Sa mga berso ng awit ay nagtatalo ang
dalawa at hinahalungkat ang mga kasiraan o kapangitan ng bawat isa. Sa ganitong
pagkakataon, lalong nag-iinit ang pagtatalo dahil ang mga manonood ay may kanya-
kanyang kakampi.
Ang balak naman ay ang pagsusuyuan ng isang dalaga’t binata sa
pamamagitan ng awit na umiindayog at matalinghaga. May mga pagkakataong
gumagamit ang dalawa ng kudyapi. Sa pamamagitan ng tugtugin ng kudyapi ay
naipararating ng bawat isa ang kani-kanilang niloloob at damdamin.
2. Bayok o Embayoka- Ito’y isang pagtatalong patula ng mga Maranaw na nilalahukan
ng isang lalaki at isang babae na binabayaran ng salapi o kasangkapan pagkatapos
ng palabas. Ang mga kasali rito ay dapat na mahusay sa berso sapagkat ang kunting
pagkakamali sa pagkakamit o pagpili ng salita ay maaaring humantong sa mainitang
sagutan. Sa ganitong pagkakataon, ito ay maaaring maging dahilan ng pag-aaway ng
Ang Maikling Kuwento at Dula sa Bawat Panahon FL 391: Pampanitikang
Genre ng Pilipinas
mga pami-pamilya.
3. Kasayatan-Kadalasan, ang bayok ay sinusundan ng isang laro ng panyo na
tinatawag na kasayatan. Ito ay sinasalihan ng mga dalaga’t binata at nahahati sa
dalawang pangkat. Magkahiwalay ang mga babae’t lalaki sa magkabilang dulo ng
tanghalan. Magsisimula ang sayaw pagkatapos ng talumpati ng Sultan ng lugar o dili
kaya’y ng may-ari ng bahay na pinagdarausan ng pagdiriwang. Magkahiwalay ang
mga babae’t lalaki sa magkabilang dulo ng tanghalan. Magsisimula ang sayaw
pagkatapos ng talumpati ng Sultan ng lugar o dili kaya’y ng may-ari ng bahay na
pinagdarausan ng pagdiriwang.
Ang maybahay ay hihingi ng pahintulot na pasimulan na ang sayaw. Ito ay
ginagawa sa pamamagitan ng patula. Pagkatapos sumagot ng mga panauhin ay
sisimulan niya ang pakikipag-usap sa mga binata habang sumasayaw sa paligid ng
mga iyon. Ipapatong niya sa balikat ng isang binata ang isang panyo. Pagkatapos ay
tutungo naman siya sa grupo ng mga babae at ipapatong ang isa pang panyo sa isa
sa kanila. Ang sayaw ay sinasaliwan ng mga instrumentong kudyapi, kulintang, agong
at kubing. Ang kanilang mga kilos ay waring naglalarawan ng kanilang mga ninuno.
4. Dallot- Sa mga Ilokano ito’y awit ng pag-ibig. Ang lalaki ay tutula at
nagpapahayag ng pag-ibig at ito’y sasagutin ng babae nang patula. Pagkatapos ay
aawitin nila ang tula sa saliw ng kutibeng, gitara ng mga Ilokano. Ito’y itinatanghal
kapag may binyag, kasalan o handaan.
Habang nag-aawitan ang dalaga’t binata ay pinapasa ang oasi, isang uri ng
alak. Kapag ang babae ay tinanggap ang pag-ibig na iniluluhog ay ihahayag at
itatakda ng mga magulang ang kasal.
Ang pagbabayo ng palay ay mahalagang bahagi habang itinatakda ang kasal.
Ito ay ginagawa sa saliw ng awit na Pamulinawen habang ang mga tao’y
nagsasayawan.
Gayundin, ang pagbibigay ng datos (dowry) ay bahagi ng kasalan.
5. Dung-Aw-Ang tradisyong Dung-aw ng mga Ilokano ay isang tulang panambitan
na binibigkas sa piling ng bangkay ng anak, asawa o magulang. Ang berso ay
nagsasalaysay ng paghihinagpis ng naulila at paghingi ng kapatawaran sa nagawang
kasalanan o pagkakamali sa namatay.
Ang mga sumusunod ay halimbawa ng Dung-aw na sipi sa aklat nina Natividad,
Simbulan at Academia.

Ako’y kaawaan o aking kapatid


ako’y kaawaan o aking asawa
ikaw namatay o aking kapatid
ikaw namatay o aking asawa
ano ang natira’t sa akin naiwan
sa abang buhay kong walang kapalaran?
Ang lahat sa akin ay nakalilimot
pagkat parang sanggol sa iyo umiirog
ang mga mata ko pugto sa luha
ang abang puso ko babad sa luha.

6. Hugas-Kalawang-Isang tradisyon ng mga taga-gitnang Luzon. Isinasagawa ito


pagkaraan ng pagtatanim ng palay, ang mga magsasaka ay gumawa ng damara sa
tumana o sa taniman. Naghahandog ng premyo ang may-ari ng lupa para sa
pinakamabilis magtanim. Pagkatapos ng pagtatanim, sila ay naghuhugas ng kamay at
susundan ito ng kainan at magkakasayahan habang nagkakantahan, nagsasayawan,
nagkukuwentuhan at nagtutuk-suhan.Ang hugas-kalawang ay nagtataglay rin ng
mimesis sapagkat ang mga gumaganap dito ay mga magsasaka at may-ari ng lupa.
7. Dalling-Dalling- Ang dalling-daliing ay isang tradisyonal na anyo ng dula ng mga
Tausug sa Sulu. Nangangahulugang “Mahal Ko”, ang dalling-dalling ay isang ritwal na
nag-aanyaya sa mga manonood na umawit habang ang magsing-irog ay sumasayaw.
Ang lalaki’t babae ay nagliligawan sa pamamagitan ng pag-awit ng kanilang mga
niloloob. Kadalasan, ang mga manonood ay kumakanta rin nang may himig na
panunudyo.
Ang Maikling Kuwento at Dula sa Bawat Panahon FL 391: Pampanitikang
Genre ng Pilipinas

B. Panahon ng Pananakop ng mga Espanyol (1565-1872)


Dumating ang mga Kastila sa bansa taglay ang tatlong 3Gs. Dumating sila na ang
pangunahing layunin ay ihasik ang Kristiyanismo, maghanap ng ginto at upang lalong
mapabantog sa pamamagitan ng pagdaragdag ng kanilang nasasakop. Napakaraming
dulang panlibangan ang ginanap ng ating mga kalahi noong panahon ng kastila. Halos
lahat ng mga dulang ito ay patula. Narito ang mga sumusunod:
1. Tibag- ipinapakita at ipinapaalala sa dulang ito ang paghahanap ni Sta. Elena sa
kinamatayang krus ni Hesus sa pamamagitan ng pagtitibag ng bunduk-bundukan.
2. Lagaylay- sa mga Pilarenos ng Sorsogon, isang pagkakataon at pagtitipon-tipon
kung buwan ng Mayo ang pagtatanghal na ito. Abril pa lamang ay namimili na si
Kikay, ang anak ng sakristan mayos ng mga dalagang sasali rito para sa panata na
ginagawa dahil sa pagkakasakit o sa isang pabor na nais makamtan. Layunin
nitong magbigay paggalang, papuri, at pag-aalay ng pagmamahal sa mahal na krus
na nakuha ni Santa Elena sa bundok na tinibag.
3. Panunuluyan - prusisyong ginaganap tuwing bisperas ng Pasko. Ito ay tungkol sa
paghahanap ng bahay na matutuluyan ng Mahal na Birhen sa pagsilang kay Hesukristo.
4. Panubong-isang mahabang tulang nagpaparangal sa isang may kaarawan o
kapistahan na kung tawagin ay panubong ay ginaganap bilang parangal sa isang
panauhin o may kaarawan.
5. Karilyo- dulang ang mga nagsisiganap ay mga tau-tauhang karton. Pinapagalaw ang mga
ito sa pamamagitan ng mga nakataling pising hawak ng mga tao sa itaas ng tanghalan.Ang
mga taong nagsasalita ay nasa likod ng telon. Madilim kung palabasin ito sapagkat ang
nakikita lamang ng mga tao ay kanilang mga anino.
6. Moro-moro- itinatanghal sa pinasadyang entablado. Itinatanghal tuwing araw ng
pista ng bayan o ng nayon upang magdulot ng aliw sa tao at lagging ipaalala sa
mga ito ang kabutihan ng relihiyong Kristiyano. Ang mga moro-moro ay may hari’t
reyna at mga mandirigmang kawal. Pinaniniwalaang nag-ugat ito sa sagupaan ng
mga Kristiyano at Pilipinong Muslim noong ika-16 siglo.
7. Karagatan- uri ng sinaunang panitikang larong patula na kadalasang ginagawa sa
lamayan. Ang paksa ng karagatan ay tungkol sa isang prisesa na nawala ang
singsing sa karagatan. Nagpapasikatan ang mga binata sa kanilang mga husay at
talento (na isinasagawa sa pamamagitan ng pagtula). Kung sino man sa kanila ang
makakakuha ng singsing ay magiging asawa ng prinsesa.
8. Duplo- ito ang humalili sa karagatan. Isang paligsahan ng husay sa pagbigkas at
pangangatwiranan patula. Hango sa Bibliya, sa mga sawikain, at mga kasabihan.
Karaniwang nilalaro ito sa paglalamay sa gunita ng isang namatay.
9. Saynete- itinuturing na dulang panlibangan nang mga huling taon ng pananakop ng
mga Espanyol. Ito ay paglalahad ng kaugalian ng isang lahi o katutubo, sa kaniyang
pamumuhay, pangingibig, at pakikipagkapwa. Hal. La India Elegante Y El Negrito
Amante ni Francisco Balagtas.
10.Sarsuela-isang melodrama o dulang musical na tatatluhing yugto. Ito ay tungkol
sap ag-ibig, paghihiganti, panibugho, pagkasuklam, at iba pang masisidhing
damdamin. Karaniwang nagpapakita ng pang-araw-araw na pamumuhay ng mga
Pilipino. Upang lalong magustuhan ng manonood ay nilalahukan ito ng katatawan
na laging ginagampanan ng mga katulong sa dula. Sinasabing ito ang nagsilbing
libangan sa mga huling taon ng pananakop ng mga Espanyol. Hal. Walang Sugat ni
Severino Reyes.

C. Panahon ng Pagbabagong Isip (Propaganda) at Himagsikan (1872)


Nagising pagkatapos nang higit sa tatlong daang taong pagkahimlay ang mga
natutulog na damdamin ng mga Pilipino nang isangkot sa digmaan sa Cavite ang
tatlong paring sin Gomez, Burgos, at Zamorra at patayin sa pamamagitan ng garrote
nang walang matibay na katibayan ng pagkakasala. Dahil ditto nabuo ang Kilusang
Propaganda na binubuo ng pangkat ng mga intelektwal sa gitnang uri tulad nina Jose
Rizal, Marcelo H. Del Pilar, Graciano Lopez Jaena, Antonio Luna, Mariano Ponce, Jose
Ma. Panganiban, Pedro Paterno at iba pa.
Ang Maikling Kuwento at Dula sa Bawat Panahon FL 391: Pampanitikang
Genre ng Pilipinas
Ilan sa mga dulang naisulat sa panahong ito ay ang mga sumusunod:
1. “El Consejo De Los Dioses” (Ang Kapulungan ng mga Bathala) ni Jose Rizal- Ito ay
isang dulang pantanghalang nagpapahayag ng paghanga kay Cervantes.
2. Pagpugot kay Longino ni Mariano Ponce- isang dulang tagalog na itinaghal sa
liwasan ng Malolos, Bulacan.

D. Panahon ng mga Amerikano (1898)


Ayon sa mga manunulat, ang matatawag na tunay na uri ng dula ay nagsisimula
sa mga unang taon ng pananakop ng mga Amerikano. Bagaman may mga dulang
napanood at pinaglibangan ang mga katutubong Pilipino bago sumapit ang panahong
ito, ang mga tunay na dulang sinasabing nagtataglay ng pinakamalalim na pangarap ng
isang bansa, naglalarawan ng sariling kaugalian, naglalahad ng buhay ng katutubong
tulad ng nasa lona at nagpapakilala ng papupunyagi ng mga tao ng isang bayan upang
mabuhay, ay wala noon.
Sa pagpasok ng mga Amerikano, sina Severino Reyes at Hermogenes Ilagan ay
nagsimula ng kilusan laban sa moro-moro at nagpilit na magpakilala sa mga tao ng
mga lalong kapakinabangang matatamo sa sarsuela at tahasang dula. Narito ang ilan
sa mga akdang dula ba nakilala sa panahong ito:
1. Severino Reyes-ang tinagurian “Ama ng Dulang Tagalog,” ang tanyag na may-akda
ng walang kamatayang dulang “Walang Sugat”
2. Aurelio Tolentino- ang ipinagmamalaking mandudula ng mga Kapampangan.
Kabilang sa kaniyang mga dulang isnulat ay ang “Luhang Tagalog” na itinuturing
niyang obra maestra, at ang “Kahapon, Ngayon at Bukas” na siya niyang
ikinabilanggo.
3. Hermogenes Ilagan- nagtayo ng isang samahang ‘Companya Ilagan” na nagtanghal
ng maraming dula sa kalagitnaang Luzon.

Nakilala rin si Atang de La Rama bilang Ina ng Sarsuela, Reyna ng Kundiman sa


kaniyang paglabas sa mga sarsuela sa wikang Espanyol tulad ng “Mascota”, “Sueno de
un Vals” at “Marina” at sa edad 15 nga ay lumabas siya sa pelikulang Dalagang Bukid,
na sinundan ng iba pang pelikula katulad ng La Venganza de Don Silvestre, Oriental
Blood, Ang Kiri, at iba pa. Bukod sa pagiging artista at mang-aawit, naging prodyuser din
siya sa teatro, manunulat at talent manager. Ilan sa kanyang ginawang dulang pang-
teatro ay ang “Anak Ni Eva”, “Aking Ina”, “Puri at Buhay” at “Bulaklak Ng Kabundukan”.
Hindi lamang sa mga sikat na teatro gaya ng Teatro Libertad at Teatro Zorilla
siya lumalabas, kundi maging sa mga plaza ng iba’t ibang lugar sa kapuluan, mula
Luzon hanggang Visayas at Mindanao, sapagkat naniniwala siya na ang arte ay Sining
ay para sa lahat, kaya’t ipinakilala niya ang sarswela at kundiman sa mga katutubo at
maging sa ibang bansa ay ipinakilala niya ang kulturang Pilipino sa pamamagitan ng
kanyang pag-awit ng mga kundiman sa mga concerts sa iba-ibang siyudad sa mundo
gaya ng Hawaii, San Francisco, Los Angeles, New York City, Hong Kong, Shanghai at
Tokyo.

E. Panahon ng mga Hapon (1941-1945)


Nagkaroon ng puwang ang dulang tagalog nang Panahon ng Hapon dahil napinid ang
mga sinehang nagpapalabas ng mga pelikulang Amerikano. Ang mga malalaking
sinehan ay ginawa na lamang tanghalan ng mga dula. Karamihan sa mga dulang
pinalabas ay salin sa Tagalog mula sa Ingles. Ang mga nagsipagsalin ay sina Francisco
Soc Rodrigo, Alberto Cacnio, at Narciso Pimentel. Sila rin ay nagtatag ng isang samahan
ng mga mandudulang Pilipino na pinangalanan nilang “Dramatic Philippines”. Ilan sa
mga nagsisulat ay ang sumusunod:
1. Jose Ma. Hernandez- sumulat ng “Panday Pira”
2. Francisco Soc. Rodrigo- sumulat ng “Sa Pula sa Puti”
3. Clodualdo del Mundo- sumulat ng “Bulaga”
4. Julian Cruz Balmaceda- sumulat ng “Sino ba Kayo?,” “Dahil sa Anak” at
“Higanti ng Patay”

F. Panahon ng Isinauling Kalayaan (1946)


Ang Maikling Kuwento at Dula sa Bawat Panahon FL 391: Pampanitikang
Genre ng Pilipinas
Muling sumigla ang panitik ng mga Pilipino sa panahong ito. Ang halos nagging
paksa ng mga akda ay tungkol sa kalupitan ng mga Hapon, ang kahirapan ng
pamumuhay sa ilalim ng pamamahala ng mga Hapon, ang kabayanihan ng mga gerilya
at iba pa.
Inilunsad sa panahong ito ang Timpalak-Palanca o Palanca Memorial Awards for
Literature na siyang nagpasigla sa ating mga manunulat sa Pilipino. Ang ilan sa mga
akda at manunulat na nakilala rito ay ang “Hulyo 4, 1954 A.D.” ni Dionisio Salazar ang
kauna-unahang nagwagi sa larangan ng pagsulat ng dula. Ang dulang ito ay naglalahad
ng pagsasagawa ng isang mapanganib at madugong misyon ng Hukbong Mapagpalaya
ng Bayan (HMB) na ibagsak ang pamahalaang Pilipino noong panahon ni Pangulong
Magsaysay.

G. Panahon ng Aktibismo (1970-1972)


Nagsimulang mapanood ang mga pelikulang malalaswa na nakasisira sa
kaugaliang silanganin-ang tinatawag na mga Pelikulang Bomba. Dito rin dumagsa
ang mag komiks at iba pang babasahin na ang mga larawang iginuhit at walang mga
saplot sa katawan.

H. Panahon ng Bagong Lipunan (Ika-21 ng Setyembre 1972)


Nanguna sa pagpapanibagong-buhay ng ating mga sinaunang dula ang naging
Unang Ginang ng bansa na si Gng. Imelda Romualdes Marcos. Binuhay niya ang
sarsuela ng mga Tagalog, Sinakulo, at Embayoka ng mga Muslim na pawing
itinaghal sa ipinakumpuning Metropolitan Theater at ipinatayong Folk Arts Theater
at Cultural Center of the Philippines.
Marami ring mga paaralan ang at samahan ang nagtanghal ng naiibang dula.
Ang Mindanao State University ay nagtanghal sa CCP ng isang dulang
pinamagatang “Sining Kambayoka”.
Ang “Tales of Manuvu” ni Bienvenido Lumpera na isang makabago o istilong
rock na operang ballet ay nakadagdag din sa dulang Pilipino noong 1977.
Tinampukan ito nina Celeste Legaspi, Leah Navarro, Haji Alejandro, Boy Camara,
Anthony Castelo, Rey Dizon, Gina Mariano, at iba pa. Isinulat ito ni Bienvinido
Lumpera at ang koryograpi ay kay Alice Reyes.
Maging si Imee Marcos ay nagging artista ng dulaan sa kaniyang pagkakaganap
bilang pangunahing papel sa “Santa Juana ng Koral” at “The Diary of Anne Frank.”
Lalong nakapagpasigla sa dula nang panahong iyon at maging sa kasalukuyang
panahon ang sumusunod na samahang pandulaan:
1. PETA- nina Cecille Guidote at Lino Brocka
2. Repertory Philippines- nina Rebecca Godines at Zenaida Amador
3. UP Repertory-ni Behn Cervantes
4. Teatro Filipino-ni Rolando Tinio

Ang Radiyo ay patuloy pa ring tinatangkilik nang panahong ito. Ang kaniyang mag
dutungang dula tulad ng “Si Matar”, “Dahlia”, “Ito ang Palad Ko” “Mr. Lonely,” at iba pa ay
siyang pampalipas oras o libangang pakinggan ng mga wala pang telebisyon.
Samantala ang mga dula sa Telebisyon nang panahong ito ay labis na tinangkilik ng
marami ay ang Gulong ng Palad, Flor De Luna, Anna Liza, at iba pa.
Nagkaroon naman ng taunag pista ng mga Pelikulang Pilipino. Nagsilabas sa
panahong ito hanggang 1979 ang mga pelikulang walang romansa o seks subalit
tinangkilik dahil sa kakaibang kayarian nito tulad ng:
1. “Maynila…Sa mga Kuko ng Liwanag”- Sinulat ni Edgardo Reyes. Isinapelikula
sa direksyon ni Lino Brocka at sa pangunguna ni Bembol Roco.
2. “Minsa’y Isang Gamu-gamo” ang pangunahing bituin dito ay si Nora Aunor.
3. “Ganito Kami Noon… Pano Kayo Ngayon”-pinangunahan nina Christopher De
Leon at Gloria Diaz.
4. “Insiang”-pinangunahan ni Gilda Coronel.
5. “Aguila”-pinangunahan nina Fernando Poe Jr., Jay Ilagan, at Christopher de
Leon.
Ang Maikling Kuwento at Dula sa Bawat Panahon FL 391: Pampanitikang
Genre ng Pilipinas

I. Panahon ng Ikatlong Republika


Nagpatuloy pa rin ang pagdiriwang ng taunang Pista ng mga Pelikulang Filipino nang
panahong ito.
Lalong di napigil ang pagkagiliw ng mga tao sa mga pelikulang nahihinggil sa sex.
Kaya naman sinamantala ng mga ganitong uri kahit na ito ay nakapagpapababa sa
moralidad ng mga Pilipino.
Sa larangan ng dula, tanging ang unang gantimpala noong 1983 ang dula ni Reanto O.
Villanueva na pinamagatang “Ang Huling Gabi sa Magondon”

J. Panahon ng Kasalukuyan
Maririnig na sa kasalukuyan na nakapagpapahayag na ng mga tunay na niloloob
nang walang takot o pangamba ang mga tagapagsalita sa radio o lumalabas sa
telebisyon. May ilan sa mga dulang katatawanang ipinalalabas sa telebisyon ang
nagsasadula ng mga nakaraan at kasalukuyang pangyayari sa ating abnsa. Kabilang sa
mga ito ang Chicks to Chicks, Eh Kasi Babae, Sa Baryo Balimbing, at marami pang iba.
Sa Gawad Palanca ay unang gantimpala ang “Bayan Ko” ni Bienvenido Noriega Jr.
na tumanggap ng Php12,000.00. At ikalawang gantimpala naman ang “Ang mga Tatoo
ni Emmanuel Ressureccion” ni Reynaldo Duque na nakatanggap ng Php7,000.00

III. PAGLALAHAT
Ang dula sa ating bansa ay kasintanda ng kasaysayan ng Pilipinas. Bahagi na ito ng
ating tradisyon. Mga tradisyong nagbibigay ng katauhan sa mga Pilipino. Sa paglipas ng
mga taon, nagbabago ang anyo ng mga dulang Pilipino. Ngunit iisa ang layunin ng mga
mandudula: ang aliwin ang mga mamamayang Pilipino at higit sa lahat, bigyang buhay
ang mga pangyayari sa buhay Pilipino.
Lahat ng itinatanghal na dula ay naaayon sa isang nakasulat na dula na tinatawag
na iskrip. Ang iskrip ng isang dula ay iskrip lamang at hindi dula, sapagkat ang tunay na
dula ay yaong pinanonood na sa isang tanghalan na pinaghahandaan at batay sa isang
iskrip.

SANGGUNIAN
1. Casanova, Arthur P. “Kasaysayan at Pagunlad ng Dulaang Pilipino”. Rex Printing
Co. Maynila: 1984.
2. Santiago, M. et al. “Panitikang Filipino: Kasaysayan at Pag-unlad: National Book
Store. Manila:2006.
3. Sebastian, Federico B. “Ang Dulang Tagalog”. Bede’s Publishing House. Queson
City: 1951.
4. Sauco, Consolacion P. at Salazar, Dionisio S. “Sulyap sa Dulang Tagalog”.
National Bookstores. Manila:1987.
5. Tiongson, Nicanor G. “Dulaan”. Sentrong Pangkultura ng Pilipinas. Philippines:
1989.
6. Tiongson, Nicanor G. “What is Drama?” PETA. Philippines: 1983
7. Arrogante, Jose A. 1991. MAPANURING PAG-AARAL NG PANITIIKANG FILIPINO.
Manila City: National Book Store, Inc.

8. Belvez, Paz M. et. al. 1994. WIKA AT PANITIKAN. Quezon City: Rex Printing
Company, Inc.
9. Kahayon, Alicia H. at Celia A. Zulueta. 2000. PHILIPPINE LITERATURE Through
The Years. Mandaluyong City: National Book Store

You might also like