You are on page 1of 9

Urdaneta City University

One San Vicente West, Urdaneta City, Pangasinan


KOLEHIYO NG PAGKAGURO EDUKASYON AT AGHAM PANTAO
MALIKHAING PAGSULAT

ARALIN IV ANG DULA

Alam mo ba na…

Ang dula ay isang uri ng panitikang ang pinakalayunin ay itanghal sa


tanghalan. Mauunawaan at matutuhan ng isang manunuri ng panitikan ang
ukol sa isang dula sa pamamagitan ng panonood.
Ito ay nag- ugat sa salitang Griyego na ayon sa diksyonaryo, ang
ibig sabihin ay pampanitikang komposisyon na nagkukuwento sa
pamamagitan ng wika at galaw ng mga aktor. Ayon sa mga mananalaysay,
ang dula o drama.
Sa isang dako, ang tunay na drama ayon kay Sebastian ay nagsimula noong mga unang
taon ng pangungupkop ng mga Amerikano. Idinagdag pa ni Tiongson na ang drama ay
binubuo ng tanghalan, iba’t ibang kasuotan, iskrip, “characterization”, at “internal conflict.” Ito
ang pangunahing sangkap ng tunay na drama ayon sa banyagang kahulugan. Sa kabilang
dako, ayon sa mga aklat, ang drama ay drama kahit wala ang mga sangkap na nabanggit. Ito
ang dramang Pilipino. Ayon pa rin kay Tiongson, mimesis ang pangunahing sangkap ng dulang
Pilipino. Ang mimesis ay ang pagbibigay buhay ng aktor sa mga pang-araw-araw na
pangyayari sa buhay ng mga Pilipino. Ito rin ang malaking pagkakaiba ng banyaga sa
Pilipinong dula.
Inilalarawan sa tunay na Pilipinong dula, ang mga pangarap ng bansa. Dito ipinapakita
ang mga katutubong kultura, paniniwala, at tradisyon. Ikinukuwento rin ang paghihirap at
pagpupunyagi sa buhay ng mga katutubong Pilipino. Dito rin mamamalas ang iba’t ibang anyo
ng kanilang pamahalaan at uri ng lipunan. Samakatuwid, ang tunay na dulang Pilipino ay
nagbibigay ng mas malawak na pang-unawa sa kulturang Pilipino at nagbibigay ng kasagutan
sa mga pangangailangan ng mga Pilipino. Higit sa lahat, ito’y nagsisilbing gabay para sa
kabutihan ng mga mamamayang Pilipino.
 Ayon kay Aristotle: Ito ay isang imitasyon o panggagad ng buhay.
 Ayon kay Rubel, ito ay isa sa maraming paraan ng pagkwekwento.
 Ayon kay Sauco, ito ay isang uri ng sining na may layuning magbigay ng makabuluhang
mensahe sa manunuod sa pamamagitan ng kilos ng katawan, dayalogo at ibang
aspekto nito.
 Schiller at Madame De Staele, ito ay isang uri ng akdang may malaking bisa sa diwa at
ugali ng isang bayan.

1
Dulang Pangkasaysayan

I. Panahon ng Katutubo
Karamihan sa panitikan nila’y yaong mga pasalin-dila gaya ng mga bulong, tugmang-
bayan, bugtong, epiko, salawikain at awiting bayan na anyong patula; mga kwentong bayan,
alamat at mito na anyong tuluyan at ang mga katutubong sayaw at ritwal ng mga babaylkan
bilang pinakaunang anyo ng dula sa bansa.
 Mga Katutubong Dula:
 Bikal at Balak - Ang bikal ay maaaring awitin ng dalawang babae o dalawang lalaki.
ang mga mang-aawit ay magkahiwalay na nakaupo sa magkabilang panig ng silid,
habang nasa gitna ang mga manonood. Sa mga berso ng awit ay nagtatalo ang dalawa
at hinahalungkat ang mga kasiraan o kapangitan ng bawat isa. Sa ganitong
pagkakataon, lalong nag-iinit ang pagtatalo dahil ang mga manonood ay may kanya-
kanyang kakampi.
 Bayok at embayoka - Ito’y isang pagtatalong patula ng mga Maranaw na nilalahukan
ng isang lalaki at isang babae na binabayaran ng salapi o kasangkapan pagkatapos ng
palabas. Ang mga kasali rito ay dapat na mahusay sa berso sapagkat ang kunting
pagkakamali sa pagkakamit o pagpili ng salita ay maaaring humantong sa mainitang
sagutan. Sa ganitong pagkakataon, ito ay maaaring maging dahilan ng pag-aaway ng
mga pami-pamilya.
 Kasayatan - Kadalasan, ang bayok ay sinusundan ng isang laro ng panyo na
tinatawag na kasayatan. Ito ay sinasalihan ng mga dalaga’t binata at nahahati sa
dalawang pangkat. Magkahiwalay ang mga babae’t lalaki sa magkabilang dulo ng
tanghalan. Magsisimula ang sayaw pagkatapos ng talumpati ng Sultan ng lugar o dili
kaya’y ng may-ari ng bahay na pinagdarausan ng pagdiriwang. Magkahiwalay ang mga
babae’t lalaki sa magkabilang dulo ng tanghalan. Magsisimula ang sayaw pagkatapos
ng talumpati ng Sultan ng lugar o dili kaya’y ng may-ari ng bahay na pinagdarausan ng
pagdiriwang.
Ang maybahay ay hihingi ng pahintulot na pasimulan na ang sayaw. Ito ay ginagawa sa
pamamagitan ng patula. Pagkatapos sumagot ng mga panauhin ay sisimulan niya ang
pakikipag-usap sa mga binata habang sumasayaw sa paligid ng mga iyon. Ipapatong
niya sa balikat ng isang binata ang isang panyo. Pagkatapos ay tutungo naman siya sa
grupo ng mga babae at ipapatong ang isa pang panyo sa isa sa kanila. Ang sayaw ay
sinasaliwan ng mga instrumentong kudyapi, kulintang, agong at kubing. Ang kanilang
mga kilos ay waring naglalarawan ng kanilang mga ninuno.
 Dallot - Sa mga Ilokano ito’y awit ng pag-ibig. Ang lalaki ay tutula at nagpapahayag ng
pag-ibig at ito’y sasagutin ng babae nang patula. Pagkatapos ay aawitin nila ang tula sa
saliw ng kutibeng, gitara ng mga Ilokano. Ito’y itinatanghal kapag may binyag, kasalan
o handaan. Habang nag-aawitan ang dalaga’t binata ay pinapasa ang oasi, isang uri ng
alak. Kapag ang babae ay tinanggap ang pag-ibig na iniluluhog ay ihahayag at itatakda
ng mga magulang ang kasal.
 Hugas Kalawang - Isang tradisyon ng mga taga-gitnang Luzon. Isinasagawa ito
pagkaraan ng pagtatanim ng palay, ang mga magsasaka ay gumawa ng damara sa

2
tumana o sa taniman. Naghahandog ng premyo ang may-ari ng lupa para sa
pinakamabilis magtanim. Pagkatapos ng pagtatanim, sila ay naghuhugas ng kamay at
susundan ito ng kainan at magkakasayahan habang nagkakantahan, nagsasayawan,
nagkukuwentuhan at nagtutuk-suhan. Ang hugas-kalawang ay nagtataglay rin ng
mimesis sapagkat ang mga gumaganap dito ay mga magsasaka at may-ari ng lupa.
 Daling-Daling - Ang dalling-daliing ay isang tradisyonal na anyo ng dula ng mga
Tausug sa Sulu. Nangangahulugang “Mahal Ko”, ang dalling-dalling ay isang ritwal na
nag-aanyaya sa mga manonood na umawit habang ang magsing-irog ay sumasayaw.
Ang lalaki’t babae ay nagliligawan sa pamamagitan ng pag-awit ng kanilang mga
niloloob. Kadalasan, ang mga manonood ay kumakanta rin nang may himig na
panunudyo.

II. Panahon ng Kastila


Dumating ang mga Kastila sa bansa taglay ang tatlong Gs – GOD, GOLD at GLORY.
Dumating sila na ang pangunahing layunin ay ihasik ang Kristiyanismo, maghanap ng ginto at
upang lalongmapabantog sa pamamagitan ng pagdaragdag ng kanilang nasasakop. Mahahati
ang panitikan sadalawa sa panahong ito: una ay pamaksang pananampalataya at kabutihang-
asal at ang ikalawaay ang panitikang panrebolusyon. Panitikang Pamaksang Pananampalataya
at Kabutihang-asalDahil sa pananampalataya ang pangunahing pakay ng mga Kastila,
karamihan sa mga unangakdang nalikha sa panahong ito ay halos paksang pananampalataya.
Halimbawa sa mga ito ayang mga uri ng dulang senakulo, santa cruzan at tibag; tulang gaya
ng mga pasyong inaawit. Silarin ang nagpakilala ng konseptong maharlika o dugong bughaw
sa mga Pilipino na mababatid samga akdang awit na ang mga pangunahing tauhan ay mga
hari, reyna, prinsipe at prinsesa – isang patunay ang awit na Florante at Laura ni Balagtas at
mga dulang duplo at karagatan.
 Dula sa Panahon ng Kastila:
 Senakulo- Dula Noong Panahon ng mga Espanyol Panlansangan isang dulang
nagsasalaysay ng buhay at kamatayan ng Poong Hesuskristo.
 Tibag- pagsasadula ng paghahanap nina Reyna Elena at Prinsipe Constantino sa krus
na pinagpakuan kay Hesus.Ginaganap ito tuwing Mayo.
 Panunuluyan- prusisyong ginaganap tuwing bisperas ng Pasko. Ito ay tungkol sa
paghahanap ng bahay na matutuluyan ng Mahal na Birhen sa pagsilang kay Hesukristo.
 Panubong-isang mahabang tulang nagpaparangal sa isang may kaarawan o
kapistahan na kung tawagin ay panubong ay ginaganap bilang parangal sa isang
panauhin o may kaarawan.
 Karilyo- dulang ang mga nagsisiganap ay mga tau-tauhang karton. Pinapagalaw ang
mga ito sa pamamagitan ng mga nakataling pising hawak ng mga tao sa itaas ng
tanghalan.Ang mga taong nagsasalita ay nasa likod ng telon. Madilim kung palabasin ito
sapagkat ang nakikita lamang ng mga tao ay kanilang mga anino.
 Moro-moro- itinatanghal sa pinasadyang entablado. Itinatanghal tuwing araw ng pista
ng bayan o ng nayon upang magdulot ng aliw sa tao at lagging ipaalala sa mga ito ang
kabutihan ng relihiyong Kristiyano. Ang mga moro-moro ay may hari’t reyna at mga
mandirigmang kawal. Pinaniniwalaang nag-ugat ito sa sagupaan ng mga Kristiyano at
Pilipinong Muslim noong ika-16 siglo.

3
 Karagatan- uri ng sinaunang panitikang larong patula na kadalasang ginagawa sa
lamayan. Ang paksa ng karagatan ay tungkol sa isang prisesa na nawala ang singsing
sa karagatan. Nagpapasikatan ang mga binata sa kanilang mga husay at talento (na
isinasagawa sa pamamagitan ng pagtula). Kung sino man sa kanila ang makakakuha ng
singsing ay magiging asawa ng prinsesa.
 Duplo- ito ang humalili sa karagatan. Isang paligsahan ng husay sa pagbigkas at
pangangatwiranan patula. Hango sa Bibliya, sa mga sawikain, at mga kasabihan.
Karaniwang nilalaro ito sa paglalamay sa gunita ng isang namatay.
 Saynete- itinuturing na dulang panlibangan nang mga huling taon ng pananakop ng
mga Espanyol. Ito ay paglalahad ng kaugalian ng isang lahi o katutubo, sa kaniyang
pamumuhay, pangingibig, at pakikipagkapwa. Hal. La India Elegante Y El Negrito
Amante ni Francisco Balagtas.
 Sarsuela-isang melodrama o dulang musical na tatatluhing yugto. Ito ay tungkol sap
ag-ibig, paghihiganti, panibugho, pagkasuklam, at iba pang masisidhing damdamin.
Karaniwang nagpapakita ng pang-araw-araw na pamumuhay ng mga Pilipino. Upang
lalong magustuhan ng manonood ay nilalahukan ito ng katatawan na laging
ginagampanan ng mga katulong sa dula. Sinasabing ito ang nagsilbing libangan sa mga
huling taon ng pananakop ng mga Espanyol. Hal. Walang Sugat ni Severino Reyes.

III. Panahon ng mga Amerikano


Ayon sa mga manunulat, ang matatawag na tunay na uri ng dula ay nagsisimula sa
mga unang taon ng pananakop ng mga Amerikano. Bagaman may mga dulang napanood at
pinaglibangan ang mga katutubong Pilipino bago sumapit ang panahong ito, ang mga tunay
na dulang sinasabing nagtataglay ng pinakamalalim na pangarap ng isang bansa,
naglalarawan ng sariling kaugalian, naglalahad ng buhay ng katutubong tulad ng nasa lona at
nagpapakilala ng papupunyagi ng mga tao ng isang bayan upang mabuhay, ay wala noon.
Sa pagpasok ng mga Amerikano, sina Severino Reyes at Hermogenes Ilagan ay nagsimula ng
kilusan laban sa moro-moro at nagpilit na magpakilala sa mga tao ng mga lalong
kapakinabangang matatamo sa sarsuela at tahasang dula. Narito ang ilan sa mga akdang dula
ba nakilala sa panahong ito:
1. Severino Reyes-ang tinagurian “Ama ng Dulang Tagalog,” ang tanyag na may-
akda ng walang kamatayang dulang “Walang Sugat”
2. Aurelio Tolentino- ang ipinagmamalaking mandudula ng mga Kapampangan.
Kabilang sa kaniyang mga dulang isnulat ay ang “Luhang Tagalog” na itinuturing niyang
obra maestra, at ang “Kahapon, Ngayon at Bukas” na siya niyang ikinabilanggo.
3. Hermogenes Ilagan- nagtayo ng isang samahang ‘Companya Ilagan”
nanagtanghal ng maraming dula sa kalagitnaang Luzon.

Nakilala rin si Atang de La Rama bilang Ina ng Sarsuela, Reyna ng Kundiman sa


kaniyang paglabas sa mga sarsuela sa wikang Espanyol tulad ng “Mascota”, “Sueno de un
Vals” at “Marina” at sa edad 15 nga ay lumabas siya sa pelikulang Dalagang Bukid, na
sinundan ng iba pang pelikula katulad ng La Venganza de Don Silvestre, Oriental Blood, Ang
Kiri, at iba pa. Bukod sa pagiging artista at mang-aawit, naging prodyuser din siya sa teatro,

4
manunulat at talent manager. Ilan sa kanyang ginawang dulang pang-teatro ay ang “Anak Ni
Eva”, “Aking Ina”, “Puri at Buhay” at “Bulaklak Ng Kabundukan”.
Hindi lamang sa mga sikat na teatro gaya ng Teatro Libertad at Teatro Zorilla siya
lumalabas, kundi maging sa mga plaza ng iba’t ibang lugar sa kapuluan, mula Luzon hanggang
Visayas at Mindanao, sapagkat naniniwala siya na ang arte ay Sining ay para sa lahat, kaya’t
ipinakilala niya ang sarswela at kundiman sa mga katutubo at maging sa ibang bansa ay
ipinakilala niya ang kulturang Pilipino sa pamamagitan ng kanyang pag-awit ng mga kundiman
sa mga concerts sa iba-ibang siyudad sa mundo gaya ng Hawaii, San Francisco, Los Angeles,
New York City, Hong Kong, Shanghai at Tokyo.
IV. Panahon ng mga Hapon
Nagkaroon ng puwang ang dulang tagalog nang Panahon ng Hapon dahil napinid ang mga
sinehang nagpapalabas ng mga pelikulang Amerikano. Ang mga malalaking sinehan ay ginawa
na lamang tanghalan ng mga dula. Karamihan sa mga dulang pinalabas ay salin sa Tagalog
mula sa Ingles. Ang mga nagsipagsalin ay sina Francisco Soc Rodrigo, Alberto Cacnio, at
Narciso Pimentel. Sila rin ay nagtatag ng isang samahan ng mga mandudulang Pilipino na
pinangalanan nilang “Dramatic Philippines”. Ilan sa mga nagsisulat ay ang sumusunod:

a) Jose Ma. Hernandez- sumulat ng “Panday Pira”


b) Francisco Soc. Rodrigo- sumulat ng “Sa Pula sa Puti”
c) Clodualdo del Mundo- sumulat ng “Bulaga”
d) Julian Cruz Balmaceda- sumulat ng “Sino ba Kayo?” “Dahil sa Anak” at “Higanti
ng Patay”

V. Panahon ng Bagong Lipunan


Nanguna sa pagpapanibagong-buhay ng ating mga sinaunang dula ang naging Unang
Ginang ng bansa na si Gng. Imelda Romualdes Marcos. Binuhay niya ang sarsuela ng mga
Tagalog, Sinakulo, at Embayoka ng mga Muslim na pawing itinaghal sa ipinakumpuning
Metropolitan Theater at ipinatayong Folk Arts Theater at Cultural Center of the Philippines.
Marami ring mga paaralan ang at samahan ang nagtanghal ng naiibang dula. Ang
Mindanao State University ay nagtanghal sa CCP ng isang dulang pinamagatang “Sining
Kambayoka”.
Ang “Tales of Manuvu” ni Bienvenido Lumpera na isang makabago o istilong rock
na operang ballet ay nakadagdag din sa dulang Pilipino noong 1977. Tinampukan ito nina
Celeste Legaspi, Leah Navarro, Haji Alejandro, Boy Camara, Anthony Castelo, Rey Dizon,
Gina Mariano, at iba pa. Isinulat ito ni Bienvinido Lumpera at ang koryograpi ay kay
Alice Reyes.
Maging si Imee Marcos ay nagging artista ng dulaan sa kaniyang pagkakaganap bilang
pangunahing papel sa “Santa Juana ng Koral” at “The Diary of Anne Frank.”
Lalong nakapagpasigla sa dula nang panahong iyon at maging sa kasalukuyang panahon
ang sumusunod na samahang pandulaan:
1. PETA- nina Cecille Guidote at Lino Brocka
2. Repertory Philippines- nina Rebecca Godines at Zenaida Amador
3. UP Repertory-ni Behn Cervantes
4. Teatro Filipino-ni Rolando Tinio

5
Ang Radiyo ay patuloy pa ring tinatangkilik nang panahong ito. Ang kaniyang mag
dutungang dula tulad ng “Si Matar”, “Dahlia”, “Ito ang Palad Ko” “Mr. Lonely,” at iba pa ay
siyang pampalipas oras o libangang pakinggan ng mga wala pang telebisyon. Samantala ang
mga dula sa Telebisyon nang panahong ito ay labis na tinangkilik ng marami ay ang Gulong
ng Palad, Flor De Luna, Anna Liza, at iba pa.
Nagkaroon naman ng taunag pista ng mga Pelikulang Pilipino. Nagsilabas sa panahong ito
hanggang 1979 ang mga pelikulang walang romansa o seks subalit tinangkilik dahil sa
kakaibang kayarian nito tulad ng:
1. “Maynila…Sa mga Kuko ng Liwanag”- Sinulat ni Edgardo Reyes. Isinapelikula
sa direksyon ni Lino Brocka at sa pangunguna ni Bembol Roco.
2. “Minsa’y Isang Gamu-gamo” ang pangunahing bituin dito ay si Nora Aunor.
3. “Ganito Kami Noon… Pano Kayo Ngayon”-pinangunahan nina Christopher De
Leon at Gloria Diaz.
4. “Insiang”-pinangunahan ni Gilda Coronel.
5. “Aguila”-pinangunahan nina Fernando Poe Jr., Jay Ilagan, at Christopher de Leon.

VI.Panahon ng Kasalukuyan
Maririnig na sa kasalukuyan na nakapagpapahayag na ng mga tunay na niloloob nang
walang takot o pangamba ang mga tagapagsalita sa radio o lumalabas sa telebisyon. May ilan
sa mga dulang katatawanang ipinalalabas sa telebisyon ang nagsasadula ng mga nakaraan at
kasalukuyang pangyayari sa ating abnsa. Kabilang sa mga ito ang Chicks to Chicks, Eh Kasi
Babae, Sa Baryo Balimbing, at marami pang iba.
Sa Gawad Palanca ay unang gantimpala ang “Bayan Ko” ni Bienvenido Noriega Jr . na
tumanggap ng Php12,000.00. At ikalawang gantimpala naman ang “Ang mga Tatoo ni
Emmanuel Ressureccion” ni Reynaldo Duque na nakatanggap ng Php7,000.00.

Simbolikong Dula/Drama

 Simbolikong Dula
Estilo ng dulang gumagamit ng mga sagisag o simbolo; isinasagawa sa pamamagitan
ng pagbibigay-sagisag ng mga karakter, kagamitan, kasuotan o maging ng tagpuan.
Halimbawa nito ay ang “Miracle Worker ni Annie Sulliran at The Glass Menagerie ni T.
Williams”.
 Simbolikong Kasuotan
Mga kadamitang kumakatawan o sumasagisag sa mga abstraktong bagay o ideya.
Kadalasan, ginagamit ang mga ito sa mga simbolikong drama o mga dulang alegorikal.
 Simbolismo
Kilusang Panteatrong nagbibigay diin sa mga sagisag o simbolo sa tanghalan; maaring
set o tagpuan na tulad ng mga makikita sa mga dulang Isabelino, mga dula nina
Chekhov, Ibsen at Strinberge; o mga karakter na may sinasagisag na ibang tao tulad ng
mga dula nina Maeterlinck,Yeats, Andreyev, Hauptmann, Synge, O’Casey at O’Neill.
 Simbolistikong Dulaan

6
Dulaang gumagamit ng mga konsepto ng simbolismo.
 Simbolo
Isang makasining na sangkap na ang layunin ay kumatawan sa isang uri ng damdamin,
bagay , paniniwala o kaisipan. Ang makintal ang isang bagay sa isip ng mambabasa o
manunuod upang iyon ay maging ganap na bahagi ng kaniyang pag-unawa o ang
makitanl ang imahen o larawan.
 Sedisyosong Dula
Ang sedisyosong dula o dulang makabayan noong unang bahagi ng panahon ng
pananakop ng mga Amerikano sa Pilipinas. Nang maglatag pa lamang ang mga
patakaran nila sa pananakop, mahigpit at mabisang kakampi ng sambayanan ang
mapangahas na dulaang binansagan ng mga mananakop bilang “Dulang Sedisyoso” sa
paggigiit ng independencia na matagumpay na Nabawi ng Pilipino mula sa kolonisador
na Espanyol. Malaki ang kontribusyon ng mga dula nina Aurelio Tolentino, Juan Abad at
iba pang mapangahas na mandudula upang panatilihing maapoy ang pagmamahal ng
kanilang kababayan sa inang Pilipinas.
 Mga Dula na Palasak sa Pilipinas
Noong huling bahagi ng pananakop ng mga Kastila hanngang sa panahon ng mga
Amerikano, mga political at panlipunang kalagayan tulad ng “Kahapon, Ngayon at
Bukas ni Aurelio Tolentino”.

Mga Dulang Alegorikal O Simbolikong Dula

 REBOLUSYON (1971)
 SAAN SI FELIPE (1972)
 WALANG KATAPUSANG PASYON NI JUAN DELA CRUZ

Pasyong Mahal
Ni:Juan Dela Cruz

Nang mag-alas tres na ng hapon, sumigaw si Hesus, 'Eli, Eli, lema subachthani?'
na ang ibig sabihi'y 'Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?'"" (Mateo 27:48)
I.
Bayan kong birheng tunay
na bininyagang Kristyano nang mabuhay
kalunos-lunos ang sinapit mo
sa hawlang malamig na impyerno.
Sa aming bayan,
walang solusyon sa kahirapan,
kaya para bumaba ang kanilang bilang,
ang mahirap, pinapaslang.
Sa aming paraiso,
walang mahahanap na trabaho,
kaya ang solusyon ng gubyernong pilay,
hulihin ang mga tambay.

7
Sa aming bayan,
binabastos ang kababaihan,
kaya para masolusyonan,
ninonormal ng pangulo ang kababuyan.
Sa aming bayan,
bawat solusyon
ay nasa bunganga ng baril.
II.
Abot langit ang pananampalataya ng aking bayan
sa tuwing ipinaparada ang Nazareno ng Quiapo,
sapagkat, pasan nila ang krus
na pasan ng Poon
sapagkat, tulad ng Poon,
sila'y ipinako sa krus
ng pulis ng Emperador ng Roma
sa utos ng Poncio Pilatong naghuhugas kamay
sa harap ng mga Hudyong bulag.
III.
Lahat ng mga pinaslang sa ami'y
may pitong daan at pitumpu't walong sugat
na iniwan ng pitong daan
at pitumpu't walong hampas ng latigo.
O kaya nama'y hiwa-hiwalay ang katawan.
Lahat ng mga pinapaslang sa ami'y
May koronang tinik sa leeg.
O kaya nama'y plakang
"Pusher, 'wag tularan."
Lahat ng mga pinaslang sa ami'y
ginahasa muna bago patayin.
O kaya nama'y sunog na ang ari.
Lahat ng mga pinapaslang sa ami'y
ipinapako sa krus.
O kaya nama'y ibabalot sa packing tape.
Tunay ngang Kristyano ang aming bayan,
sapagkat naranasan namin
ang lahat ng dinanas ni Hesu Kristo.

8
Sanggunian:
https://books.google.com.ph/books?
id=njG5matJnzoC&pg=PR8&lpg=PR8&dq=dulang+simbolico&source=bl&ots=eqE5zDhETX&si
g=ACfU3U2g8psr5fHlFguRN9uOU6fG43S4zA&hl=en&sa=X&ved=2ahUKEwjp2NSnzobvAhVTNK
YKHe7XAmMQ6AEwDnoECAUQAw#v=onepage&q=dulang%20simbolico&f=false
https://books.google.com.ph/books?
id=oQgxxjMu9FEC&pg=PA625&lpg=PA625&dq=dulang+simbolico&source=bl&ots=zNOM1Bzt
vK&sig=ACfU3U3-de_mabNvM-
59rQH_5q3BmY1vRw&hl=en&sa=X&ved=2ahUKEwjp2NSnzobvAhVTNKYKHe7XAmMQ6AEwDX
oECAYQAw#v=onepage&q=dulang%20simbolico&f=false
https://www.slideshare.net/ladychu08/dula-15515688
https://iamcarlitorobin.wordpress.com/tag/kasaysayan-ng-dula/

Ipinasa ni:
VALDEZ, ROSE THERESE JINTALAN
Ipinasa kay:
Bb. Julie B. Dela Cruz

E245-Malikhaing Pagsulat
BSEDFIL3 BLK I

You might also like