Professional Documents
Culture Documents
Marahil, dahil sa kinamulatan paligid na napakamatulain nga, kung kaya’t pati takbo ng
isipan at damdamin ng kahit na isang musmos na Pilipino ay nahuhugis sa pagkamatulain.
Lalo na sa labas ng mga lungsod, doon sa malalayong pook na ang mga tao’y higit na
kapiling ng kalikasan, sa mga lagaslas ng talon at batis, sa mga paghibik ng mga ibon
panggabi at sa matitinis na pag-awit ng mga ibong palipat-lipat sa sanga, sa pagaspas ng
hangin sa mga dahon ng halamang tila nagsasayaw, sa patak ng ulan at nagdudulot ng
sagimsim na dagundong ng kulog ; doon unang sumisinag at nalilinang ang kakayahan ng
tao sa panggagagad sa mga tunog ng kalikasan na sumisibol bilang awit at tula.
Ang sariling tahanan ay siyang lagi nang tanghalan ng isang musmos ng kanyang pag-awit
at pagtula. Sa kaya’y lagi nang nakapaligid ang nagkakatuwaang mga kapatid, Ama at iba,
tiyo at tiya, lolo at lola. Siya’y pinapalakpakan, hinahalakhakan, hinahangaan, tinutugtugan,
ng gitara o bandurya at sa bawat pagkanta niya at pagtula, pasintunado man o pabulul-
bulol, siya’y tila ba lalong minamahal at ipinagmamalaki sa balana.
Sa isang Pilipino ang pagtula o pag-awit ay isa lamang taghoy ng kanyang kaluluwa. Sa
kahirapan ng kanyang buhay ay batid niyang nasa kagandahang ng sining ang pagtakas at
pag-asa. Ang maituturing niyang kabaliwang di niya kayang bigyang-katuparan sa buhay ay
naabot niya; sa Piling ng mga tala at buwan, sa saliw ng patak ng bumubuhos na ulan, sa
bagting ng kanyang gitara na sumasaliw sa kanyang pagkanta at sa paghabi niya ng
mabulaklak na tula, na siyang pinakamabisa niyang tagapagpahayag ng mga tagulaylay ng
kanyang kaisipan at damdamin.