You are on page 1of 4

Panimulang Pag-aaral ng Panitikan

ANO ANG PANITIKAN?


 Nanggaling ang salitang panitikan sa unlaping pang- na nagiging pan- kapag ang kasunod na salitang
ugat ay nagsisimula sa mga titik na d, l, r, s, at t; sa salitang ugat na titik o letra na nawawala ang simula
sa pagkakasunod sa unlaping pan- at sa hulaping -an.
 Dito nabuo ang salitang panitikan na nangangahulugan sa Ingles na literature at sa Kastila ay literatura
na batay sa Latin na litera na ang kahulugan ay letra o titik.

Ayon kay Bro. Azarias sa kanyang Pilosopiya ng Literatura, ang panitikan ay pagpapahayag ng
mga damdamin ng tao hinggil sa mga bagay-bagay sa daigdig, sa pamumuhay, sa lipunan, at
pamahalaan, at kaugnayan ng kaluluwa sa Bathalang Lumikha.

Webster- anumang bagay raw na naisasatik basta may kaugnayan sa pag-iisip at damdamin ng tao
maging ito'y totoo, kathang isip o bungang tulog lamang ay maaring tawaging panitikan.
Maria Ramos- kasaysayan ng kaluluwa ng mga mamamayan.Nasasalamin ang mga layunin, damdamin,
panaginip, pag-asa, hinaing at guni-guni ng mga mamamayan na nasusulat o binabanggit sa maganda, makulay,
makahulugan, matalinghaga at masining na mga pahayag.
Atienza, Ramos, Zalazar at Nozal na "Panitikang Pilipino"- ang tunay na panitikan ay walang kamatayan
nagpapahayag ng damdamin ng tao bilang ganti niya sa kanyang pang-araw-araw na pagsusumikap upang
mabuhay at lumigaya sa kanyang kapaligiran.
Ang pangkalahatang uri ng panitikan ay ang tuluyan at patula.
Mga akdang tuluyan ay yaong mga nasusulat sa karaniwang takbo ng pangungusap.

Ang Panitikan at Kasaysayan


Matalik na magkaugnay ang panitikan at kasaysayan. Sa pagtatalakay ng kasaysayan ng isang lahi,
tiyak na kasama rito ang damdamin, saloobin, kaugalian, o tradisyon ng lahing ito. At ang lahat ng ito kapag
naisatitik at tunay na mga nangyayari ay makatotohanang panitikan. Samakatwid, bahagi ng panitikan ang
kasaysayan.
Ang panitikan at kasaysayan ay mayroon ding pagkakaiba. Ang panitikan ay maaaring ikhang-isip o
bungang-isip lamang o mga pangyayaring hubad sa katotohanan na naisatala, samantalang ang kasaysayan
ay pawang mga pangyayaring tunay na naganap- may pinangyarihan, may sanhi ng pangyayari, at panahon

Mga Paraan Ng pagpapahayag


Pasulat man o pasalita, tuluyan man o patula, ang anumang panitikan ay maaaring talakayin sa apat
na paraan ng pagpapahayag ng panitikan.
1. Pagsasalaysay – ito’y isang uri ng pagpapahayag na nagsasalaysay ng isang karanasan. Halimbawa:
“Isang Karanasang Hindi Ko Malilimutan.”
2. Paglalahad- ito’y isang paraang nagbibigay katuturan sa isang ideya o konsepto. Nagmumungkahi rin
ito ng paraan ng paggawa ng isang bagay, tumatalakay rin ito sa suliranin, nagbibigay dahilan,
nagpapayo ng mga kalutasan. Halimbawa: “Ano Ang Panikan?”
3. Paglalarawan – Pinapaksa sa panitikan ang paglalarawan ng isang tao, kaisipan, tanawin, pangyayari,
bagong kagamitan, mga kilos, gawi, kalagayan ng panahon, mga suliranin, mga kalakasan at kahinaan
ng mga bagay at anumang mapakinabang na paksain na maaring ginamit ang karaniwang pananalita o
patalinghaga. Ito ay nagpakikilala sa yamang taglay sa isipan ng isang manunulat .
4. Pangangatwriran- Sa paraang ito, maipakilala ang layunin ng panitikan na manghimok o manghihikayat
sa anumang uring kaalaman, paniniwala, prinsipiyo, pamamaraan at anumang maaring makatutulong sa
pag-iwas ng tao sa anumang kapahamakan. Maraming paraan na ginagamit ang paraang ito sa iba’t
ibang anyo ng panitikan—sa tula, sa kuwento, sa sanaysay, sa dula , sa nobela at iba pang panulat.

Bakit dapat pag-aralan ang Panitikan


1. Upang makilala ang kalinangang Pilipino, malaman ang ating minanang yaman ng kaisipan at taglay na
katalinuhan ng lahing ating pinagmulan.
2. Upang matalos natin na tayo’y may marangal at dakilang tradisyon na nagsilbing patnubay sa mga
impluwensya ng ibang mga kabihasnang nanggaling sa iba’t ibang mga bansa.
3. Upang mabatid natin ang mga kaisipan sa ating panitikan at makapagsanay upang maiwasto ang mga
ito.
4. Upang malaman ang ating mga kagalingan sa pagsulat at mapagsikapang ito ay mapagbuti at
mapaunlad.
5. Bilang mga Pilipinong mapagmahal at mapagmalasakit sa ating sariling kultura ay dapat nating pag-
aralan an gating panitikan. Tayo higit kanino man ang dapat magpahalaga sa sariling atin.

Mga Kalagayang Nakapangyayari sa Panitikan


May mga mahahalagang bagay na nakapangyayari sa panitikan ito ay ang mga sumusunod:
1. Ang klima- ang init o lamig ng panahon, ang bagyo, unos, baha, at ulan ay malaki ang nagagawa sa
kaisipan at damdamin ng manunulat.
2. Ang hanapbuhay o gawaing pang araw-araw ng tao- nagpapasok ng mga salita o kuro kuro sa wika
at panitikan ng isang lahi ang tungkulin, hanapbuhay, o gawaing pang araw-araw ng mga tao.
3. Ang pook o tinitirahan- Malaki ang nagagawa nito sa isipan at damdamin ng tao. Kung ang pook na
kinatitirahan ng mga tao ay may magandang tanawin, mga halaman, maaliwalas, sagana sa kabukiran,
madagat at mabundok, ang mga ito’y siyang magiging paksa ng panitikan ng mga taong nagnanasang
sumulat.
4. Lipunan at pulitika- Nasasalamin sa panitikan ng isang lahi ang sistema ng pamahalaan, ang ideolohiya
at ugaling panlipunan, at gayun din ang kultura ng ma tao.
5. Edukasyon at pananampalataya- Kung busog ang isipan, dala ng malawak na edukasyong natutuhan,
ang mag ito’y mababakas sa panitikan ng lahi. Ang pananampalataya ay pinapaksa rin ng mga makata at
manunulat.

Pangkalahatang uri ng Panitikan


Ang pangkalahatang uri ng panitikan ay ang tuluyan at patula. Ang mga akdang tuluyan ay yaong mga
nasusulat sa karaniwang takbo ng pangungusap, samantalang ang patula ay yaong mga pahayag na may sukat
o bilang ng mga pantig, taludtod, at saknong.

Mga uri ng mga akdang tuluyan


1. Alamat – Ito ay mga salaysaying na lihis sa katotohanan. Tinutukoy rito ang pinagmulan ng mga bagay-
bagay sa mundo.
2. Anekdota – Kinapapalooban ng kakatwang pangyayari sa buhay ng tao na kapupulutan ng aral.
3. Nobela o Kathambuhay – Isang mahabang kwento na nahahati sa kabanata na bunga ng malikhaing
pag-iisip.

Mga Akdang Patula


Ang pagsulat ng tula ay naiiba sa ibang sangay ng panitikan sapagkat dito ay nangangailangan ng
masusing pagpili ng salita, pagbilang ng pantig, at paghahanap ng magkatugmang mga salita upang maipadama
ang isang damdamin o kaisipang nais ipahayag ng isang manunulat.

Ayon kay Julian Cruz Balmaceda, “ang tula ay isang kaisipan na naglalarawan ng kagandahan at
kariktan na natitipon sa isang kaisipan upang maangkin ang karapatan na matawag na tula”.
Ayon naman kay Inigo Ed Regalado, “ang tula ay kagandahang, diwa, katas, larawan at kabuuang
tonong kariktang makikita sa silong ng alinmang langit.”

Mga uri ng Tulang Pasalaysay


1. Epiko- ang mga epiko ay nagsasalaysay ng mga kabayanihang halos hindi mapaniwalaan
sapagkat nauukol sa mga kababalaghan.
2. Awit at Korido- ang mga ito’y may mga paksang hango sa pangyayaring tungkol sa
pagkamaginoo at pakikipagsapalaran, at ang mga tauhan ay mga hari’t reyna, prinsipe’t prinsesa. Ang dalawang
ito ay nagkakaisa sa kaharian. Ang awit ay may sukat na labindalawang pantig (12) at inaawit nang mabagal sa
saliw ng gititara at bandurya, samantalang ang korido’y may sukat na walong pantig (8) at binibigkas sa kumpas
ng martsa.
Mga Tula ng Damdamin o Tulang Liriko
Ang mga uring ito ay nagpapahayag ng damdaming maaaring sarili ng sumulat o ng ibang tao o kaya’y
likha ng maharaya o mapangaraping guni-guni ng makata na batay sa isang karanasan. Karaniwang maikli, likas
at madaling maunawaan ang mga ito.
1. Awiting Bayan- Ang karaniwang paksa ng uring ito ay pag-ibig, kawalang pag-asa o
pamimighati, pangamba, kaligayahan pag-asa at kalungkutan.
2. Soneto- Isang tulang may labing-apat na taludtod hinggil sa damdamin, kaisipan at pananaw sa
buhay ng tao, may malinaw na kabatiran ng likas na pagkatao. Sa kabuuan, ito’y naghahatid ng aral sa
mambabasa.
3. Elehiya- nagpapahayag ng damdamin o guniguni tungkol sa kamatayan o kaya’y tula ng
pananangis lalo na sa pagunita ng isang yumao.

Tulang Dula o Pantanghalan


Ang tulang dula o tulang pantanghalan pantanghalan ay kahit anumang drama na sinulat bilang isang
berso para wikain.At ang dula ay isinasagawa sa tanghalan kaya ito ay tinawag na dulang pantanghalan.
1. Komedya- ang layunin nito ay gawing kawili-wili ang panonood sa pamamagitan ng mga ginagawa ng
pangunahing tauhan. Ang wakas nito ay masaya.
2. Melodrama- ito ay karaniwang ginagamit sa lahat ng mga dulang musical, kasama ang opera. Ang
angkap ng uring ito ng dula ay malungkot ngunit nagiging kasiya siya sa katapusan para sa pangunahing
tauhan.

Mga tulang Patnigan


Tulang Patnigan- ang tulang patnigan ay isang uri ng pagtatalong patula na ginagamitan ng
pangagatwiran at matalas na pag-iisip.
1. Karagatan- ito ay batay sa isang alamat ng singsing ng isang prinsesa sa inihulog niya sa dagat
sa hangarin nitong mapangasawa ang kasintahang mahirap. Hinamon niya ang mga binatang may gusto sa
kaniya na sisirin ang singsing sa dagat at ang makakuha’y papakasalan niya.

Panahon Bago Dumating ang mga Kastila


Bago pa man dumating ang mga Kastila sa ating kapuluan, at maging ang iba pang mandarayuhan, ang
ating mga ninuno ay may sarili ng panitikang nagtataglay ng kasaysayahan ng lahi.
Panitikan nag nagpapahiwatig ng tunay na pagkalahi natin. Nagsisilbi itong wika ng Pilipino na
nagbubunyag ng panlipunan at panlahing kaugalian ng ating pang araw-araw na buhay, na nababakas sa mga
kuwentong bayan, alamat, epiko, kantahing bayan, kasabihan, bugtong, palaisipan, sinaunang dula, at maikling
kuwento.
Mayroon na rin ang ating ninuno ng sariling baybayin o alpabetong kaiba sa kasalukuyang ginagamit na
dinala ng mga Kastila. Ito ay ang alibata ang abakadang kahawig ng Malayo-Polinesyo na unang ginamit ng
ating mga ninuno.
Anumang talang pampanitikan ay sinunog lahat ng mga naturang pari sa paniniwalang ang mga iyon ay
likha ng diyablo. Maliban sa katwirang iyon, nabuo sa kanilang sarili na magiging sagabal ang mga talang nakuha
nila sa madaling pagpapalaganap ng pananampalatayang katoliko.
Subalit mayroong mga talang di parin nasunog. Kabilang sa mga ito ay ang mga kantahing bayan na
siya namang magpapatunay ng pagkakaroon natin ng sariling kalinangan. Mabilis itong nagpasalin-salin sa bibig
ng mga katutubong mamamayan hanggang dumating ang mga panlibangan na nagkaroon ng interes na
ipalimbag ang mga napulot na talang pampanitikan ng matatandang Pilipino.
Ang mga ninuno natin ay gumamit ng biyas ng kawayan, talukap ng bunga ng niyog, dahon at balat ng
mga punong kahoy bilang sulatan. Ang mga panulat ay matutulis na kawayan o kahoy, matutulis na bato at
bakal. Kahit na ang bumbong na pansalok n inumin ay tinalaaan nila ng mahahalagang pangyayari sa buhay.
Pinatunayan ng mga Kastilang nanakop sa Pilipinas na ating ating mga ninuno ay talagang mahilig sa
mga tula, awit, kuwento, bugtong at palaisipan na magpahanggang ngayon ay nagduduot pa sa atin ng
kasiyahan at nagiging tagapagbadya sa salinlahi ng tunay na kalingan at kultura ng ating lahi.

Mga bahagi ng Panitikang Pilipino bago dumating ang mga Kastila


Alamat –ito ay uri ng panitikang tuluyan, na ang karaniwang paksa ay nagsasalaysay ng pinagmulan ng
isang bagay, pook, kalagayan o katawagan.
Kuwentong Bayan- mga salaysay hinggil sa mga likhang-isip na mga tauhan na kumakatawan sa mga
uri ng mamamayan, katulad ng matandang hari, isang marunong na lalaki, o kaya sa isang hangal na babae.
Karaniwang kaugnay ang kuwentong-bayan ng isang tiyak na pook o rehiyon ng isang bansa o lupain.
Epiko- tumatalakay sa mga kabayanihan at pakikipagtunggali ng isang tao o mga tao laban sa mga
kaaway na halos hindi mapaniwalaan dahil may mga tagpuang makababalaghan at di-kapani-paniwala.
Awiting Bayan- ito ay isa sa matatandang uri ng panitikang Filipino na lumitaw bago dumating ang mga
Kastila. Ito’y mga naglalarawan ng kalingan ng ating tinakdang panahon. Karamihan sa mga ito ay may
labindalawang pantig.
Kundiman –awit ng pag-ibig
Kumintang o Tagumpay- awit ng pandigma
Dalit o Imno- awit sa Diyos Diyosan ng mga Bisaya
Oyayi o Hele- awit sa pagpapatulog ng bata
Diona- awit sa kasal
Suliranin- Awit ng mga manggagawa
Talindaw- Awit sa pamamangka

Mga Karunungang Bayan


Ang Karunungang Bayan ay tumutukoy sa isang uri ng panitikang idinadaan sa maraming paraan ng
pagsagot o pag-iisip ng sagot sa hindi pangkaraniwang tanong.
Ang mga salawikain o kasabihan, sawikain, bugtong, at palaisipan ay kasama sa kabang-yaman ng
karunungang bayan ng ating mga ninuno bago pa man dumating ang mga Kastila sa Pilipinas.
Salawikain- ito’y nakaugalian nang sabihin at nagsisilbing batas at tuntunin ng kagandahang asal ng ating mga
ninuno. Ayon sa iba, ito’y parang parabulang patalinhaga at nagbibigay ng aral lalo na sa mga kabataan.

Mga halimbawa:
1. Huwag gawin sa iba ang ayaw mong gawin sa iyo.
2. Kung ano ang puno, siya ang bunga.
3. Aanhin pa ang damo kung patay na ang kabayo.
4. Ang maniwala sa sabi-sabi ay walang bait sa sarili.
5. Hamak mang basahan. May panahong kailangan.

Sawikain- ito ay mga kasabihang walagang natatagong kahulugan.


Halimbawa:
1. Nasa Diyos an gawa, nasa tao ang gawa.
2. Ang tunay na kaibigan, sa gipit nasusubukan.
3. Daig ng maagap ang taong masipag.
4. Ang taong matiisin, nakakamit ang mithiin.
5. Sa pagsisikap ay nakasalalay ang pagtatagumpay sa buhay.

Bugtong- Ito ay isang palaisipan o talinghaga na may nakatagong kahulugan. Ang bugtong ay Isang
pangungusap na patanong nahumihingi ng kasagutan. Ang mga bugtong ay kadalasang patungkol sa pag-
uugali, kaisipan, pang-araw-araw na buhay at katutubong paligid ng mga Pilipino.

Palaisipan- ay isang suliranin o uri ng bugtong na sinusubok ang katalinuhan ng lumulutas nito.
Halimbawa:
Palaisipan: May isang bola sa mesa. Tinakpan ito ng sombrero. Paano makukuha ang bola nang di manlang
nagagalaw ang sombrero?
Sagot: Butas ang tutok ng sombrero

You might also like