You are on page 1of 4

A.

KAHULUGAN, URI, AT KATANGIAN NG PANUKALANG PROYEKTO

Dahil kritikal ang preparasyon ng isang panukalang proyekto, makabubuting malinaw sa isipan ng nagsasagawa
nito kung ano ang maituturing na panukalang proyekto at kung ano naman ang hindi. Mahalaga ding malaman
niya kung paano ito inihahanda para maging malinaw at mahusay ang pagkakabuo nito. Ayon kay Nebiu
(2002), ang panukalang proyekto ay detalyadong deskripsyon ng isang serye ng mga aktibidad na naglalayong
maresolba ang isang tiyak na problema. Idinagdag pa niya na sa isang panukalang proyekto, makikita ang
detalyadong pagtalakay sa dahilan at pangangailangan sa proyekto (project justification), panahon sa
pagsasagawa ng proyekto (activities and implementation timeline), at kakailanganing resorses (human, material,
and financial resources required).

Hindi maituturing na proyekto ang mga dating aktibidad na nauulit sa eksaktong pamamaraan at periodikong
isinasagawa, ang mga aktibidad na walang depinido at malinaw na layunin, ang mga aktibidad na maaaring
maulit o mailipat kahit saan at sa ano mang oras, at ang mga regular na aktibidad ng organisasyon (Nebiu,
2002). Mahalagang matiyak kung gayon na ang panukala ay hindi isa sa mga nabanggit na ito.

Ang isang panukalang proyekto ay kadalasang nakasulat; minsan ito ay sa anyong oral na presentasyon, o kaya
ay kombinasyon ng mga ito. Maaari itong internal o yaong inihahain sa loob ng kinabibilangang organisasyon,
o eksternal na isang panukala para sa organisasyong di-kinabibilangan ng proponent. Ang isang panukalang
proyekto ay maaaring solicited o unsolicited. Ang isang panukalang proyektong isinagawa dahil may pabatid
ang isang organisasyon sa kanilang pangangailangan ng isang proposal ay tinatawag na solicited proposal,
samantalang kung wala naman at kusa o nagbaka-sakali lamang ang proponent ay maituturing itong unsolicited.
Tinatawag ding invited o imbitado ang solicited, at prospecting ang unsolicited (Lesikar, Pettit, & Flatley,
2000).

Mayroon ding tinatawag na maikli at mahabang panukalang proyekto. Ang isang maikling proyekto ay
mayroon lamang dalawa hanggang 10 pahina na kadalasan ay nasa anyong liham lamang. Samantalang ang
mahabang bersyon ay naglalaman ng mahigit sa sampung pahina. Magkapareho lamang ang nilalaman ng
dalawang uri ng proposal; nagiging elaborated lamang at sumusunod sa isang structured format ang mahabang
bersyon. Ang uri ng panukalang proyekto ay nakadepende sa kahingian ng organisasyon kung ito ay imbitado, o
ng nais ng proponent kung ito ay di-imbitado.

B. MGA TAGUBILIN SA PAGSULAT NG PANUKALANG PROYEKTO

Ayon sa American Red Cross (2006), kapag susulat ng isang panukalang proyekto, allangang gawin ang
sumusunod:

1. Magplano nang maagap. Wala pa ring kasinghalaga ang sapat na oras sa pagpaplano sa isang proyekto.
Kung maagap ang pagpaplano, binibigyang- pagkakatoon ng nagsasagawa nito na makausap ang mga
stakeholder, matalakay ang kanilang pangangailangan, at masuri ang panukalang proyekto nang may sapat na
oras.

2. Gawin ang pagpaplano nang pangkatan. Kung may kasama sa panukala, makabubuting bigyan ng
tungkulin ang bawat isa upang maging kolaboratibo ang paghahanda. Mabibigyan din nito ang bawat isa ng
pagkakataong maging aktibo sa pakikilahok sa bawat gawain sa proseso ng pagpaplano at pagsulat ng
panukalang proyekto.

3. Maging realistiko sa gagawing panukala. Minsan, dahil sa kawalan ng mahusay na pagpaplano, nagiging
di-realistiko ang panukala. Dapat maisalang-alang ng nagpapanukala kung ano lamang ang kakayanin sa loob
ng panahong nakatalaga at kung ano ang posibleng makamit batay sa mga nag-e-exist na resorses. Tandaan na
ang nilalaman ng panukula ay laging SMART (specific, measurable, attainable, realistic, at time-bound).

4. Matuto bilang isang organisasyon. Matuto sa sariling karanasan at sa karanasan ng iba. Kung may
pagkakataong balik-tanawan at suriin ang resulta ng mga naipanukalang proyekto sa organisasyong
paghaharapan ng panukala ay gawin ito. Sa paggawa nito, mas mabibigyan ng ideya ang proponent kung paano
at ano ang mga konsiderasyon ng organisasyon o indibidwal sa pagtugon sa mga naihahaing panukala sa kanila.

5. Maging makatotohanan at tiyak. Huwag maging masaklaw sa mga pahayag sa panukala. Kailangang
maging tiyak sa mga ipinapanukala. Kaakibat ng pagiging tiyak ng mga ito, kailangan ding maging
makatotohan ang bawat elemento ng panukala.
6. Limitahan ang paggamit ng teknikal na jargon. Ang mga teknikal na jargon ay para sa mga teknikal o
espesyalisadong indibidwal. Makabubuti sa isang proposal na naisulat ito sa isang wikang pangkaraniwan at
naiintindihan ng lahat. Huwag dapat ipalagay na naiintindihan ng nagbabasa ng panukala ang lahat ng mga
teknikal jargon na ginamit sa pagsulat.

7. Piliin ang pormat ng panukalang malinaw at madaling basahin. Marahil, hindi lamang iisang proposal
ang naipadala sa organisasyon o sa indibidwal na target ng isang panukala. Kung gayon, makabubuting ang
format napili ay yaong malinaw at madaling basahin. Makatutulong ito ng malaki sa taong nagbibigay
ebalwasyon sa panukala. Mas bibigyang pansin din ang isang panukalang malinaw at madaling maunawaan ang
nilalaman.

8. Alalahanin ang prayoridad ng hihingian ng suportang pinansyal. Maliban sa kawalan ng sapat na


pagpaplano, ang kadalasang dahilan ng di-pag-aproba sa isang proposal ay ang di-magkatugmang prioridad ng
organisasyong pinaglalaanan ng panukala sa mismong panukalang proyekto. Dahil dito, tiyakin na ang layunin
ng panukalang proyekto ay isa sa mga top of the list na prioridad ng hinihingian ng suportang pinasyal o ng
mag-aapruba sa panukala.

9. Gumamit ng mga salitang kilos sa pagsulat ng panukalang proyekto. May kakaibang lakas kung mga
salitang kilos ang gagamitin sa mga pahayag sa panukalang proyekto. Dahil kailangan ng pag-apruba, mas
mabuting may dating maging ang mga salitang gagamitin. Kabilang sa mga salitang kilos na maaaring gamitin
ang simulan, ikumpara, maghandog, mangulo, mag- oraganisa, suportahan, magpakuahulugan, gumawa,
gumamit at iba pa.

Sa pagsaalang-alang sa mga ito, matutulungan kang maghanda ng isang panukalang proyektong may malaking
pagkakataon na mapili o maikonsidera ng pinag-aalukan. Sa pagbibigay halaga sa mga gawaing ito, mas
makatitiyak kang magiging epektibo ang proposal.

C. MGA DAPAT GAWIN BAGO ANG PAGSULAT NG PANUKALANG PROYEKTO

Binalangkas ni Besim Nebiu sa kanyang aklat na Developing Skills of NGOs Project Proposal Writing (2002)
ang mga hakbang na kailangang isagawa ng isang indibidwal o organisasyong nagnanais gumawa ng isang
panukalang proyekto. Ayon sa aklat, kailangan ang:

1. Pag-interbyu sa dati at inaasahang tatanggap ng benepisyo. Sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa dati at


inaasahang benepisyaryo, magkakaroon ng mas malinaw na pagtingin sa aktuwal nilang pangangailangan.
Makatutulong ito upang maging mas tiyak at makatotohanan sa mga detalye ng susulating panukala.
Nagkakaroon din ng mas malalim na pag-unawa sa suliranin kung nakausap ng personal ang mga taong
kaugnay ng proyektong nais gawin.

2. Pagbalik-tanaw sa mga naunang panukalang proyekto. Sa pamamagitan nito, mabibigyang-kamalayan sa


mga naging pagkakamali ng mga nauna nang panukala. Dahil dito, mapabubuti ang susunod na panukalang
gagawin. Sa tulong din ng prosesong ito, malalaman ang mga panukalang proyekto na nabigyan na ng pansin ng
isang granting organization, Kadalasan kasi, ang mga panukalang nauulit lamang ay hindi na binibigyan ng
prioridad sa mga aaprubahang panukala.

3. Pagbalik-tanaw sa mga ulat sa ebalwasyon ng mga proyekto. Mabibigyan ng tamang datos kung titignang
muli ang ebalwasyon ng mga nakalipas na proyekto. Upang hindi magkamali, o malito, balikang muli ang mga
ulat sa mga proyektong iniharap sa oraganisasyong pinagpapanukalaan.

4. Pag-organisa ng mga focus group. Tiyakin lamang na ang mga taong magiging bahagi ng proyekto ay may
pagnanais na makisangkot at mag- ambag. Magiging malaking suliranin kung walang pakikibahagi mula sa
kanila.

5. Pagtingin sa mga datos estadistika. Maging sigurado sa mga datos na ibibigay. Huwag hayaang ibang tao
pa ang makadiskubre sa mga kamalian sa mga estadistika at datos na inilahad. Sikaping ibalida ang ano mang
datos na ginamit sa proposal.

6. Pagkonsulta sa mga eksperto. Mapatataas ang kredibilidad ng panukala kung ikinonsulta ang mga ito sa
mga eksperto. Ang kontribusyon mula sa mga eksperto ay makapagbibigay bigat sa halaga ng panukala.
7. Pagsasagawa ng mga sarbey at iba pa. Mangalap ng preliminaryong impormasyon at datos para ipakita ang
komitment at dedikasyon sa panukalang proyekto. Tiyaking sapat ang mga ito upang mabigyang linaw nito ang
tunguhin ng panukala. Malaking tulong din ang mga prelimaryong datos upang mapabuti ang layunin ng isang
panukalang proyekto.

8. Pagsasagawa ng mga pulong at porum sa komunidad. Makukuha ang kooperasyon ng komunidad kung
mayroong tuwirang pagsasangkot sa kanila.

Bilang paghahanda sa pagsulat ng panukalang proyekto, isagawa ang mga aksyong ito. Mapatatatag nito ang
mga prosesong gagawin at mapahuhusay nito ang mismong proyektong ipinanunukala.

D. PAGSULAT NG PANUKALANG PROYEKTO AT ANG MGA ELEMENTO NITO

Sa panahong naisagawa na ang mga preliminaryong rekwisitos, handa na sa pagsulat ng isang panukalang
proyekto. Sa pagsulat nito, alamin ang mga elementong kasama sa proseso. Sa isang masaklaw na pagtingin,
karaniwang naglalaman ang panukalang proyekto ng pahina ng titulo, pahina ng nilalaman, abstrak, konteksto,
katuwiran ng proyekto, layunin, target na benepisyaryo, implementasyon ng proyekto, badyet, pagmonitor at
ebalwasyon, pag-uulat, pangasiwaan at tauhan, at mga lakip (Nebiu, 2002).

Upang maunawaan ang mga bahaging ito ng isang panukalang proyekto, basahin ang mga deskripsyon ng
bawat bahagi.

I. Titulo ng Proyekto
Ang pahina para sa titulo ay kailangan kung ang proposal ay mas mahaba sa tatlong pahina. Kasama sa
pahinang ito ang titulo ng proyekto, pangalan ng nagpapanukalang organisasyon, lugar at petsa ng preparasyon
ng panukala at ahensyang pinaglalaanan ng panukala.

Tandaan na ang titulo ng proyekto ay dapat na maiksi at tuwiran, at dapat na tumutukoy sa pangunahing
aktibidad o inaasahang resulta ng proyekto.

II. Nilalaman
Idagdag ang pahina ng nilalaman kung ang proposal ay aabot ng 10 0 higit pang pahina. Mahalaga ang
pahinang ito upang madaling mahanap ang mga bahagi ng proposal. Naglalaman ito ng titulo ng bawat seksyon
at ang panimulang pahina ng mga ito.

III. Abstrak
Ito ang huling ginagawa na bahagi ng panukala. Inaasahang makikita sa abstrak ang pagtalakay sa suliranin,
layunin, organisasyon na responsable sa implementasyon, pangunahing aktibidad ng proyekto at ang kabuuang
badyet.

Ginagawa ang abstrak upang magkaroon ng buod ang buong panukala at mabigyan ng masaklaw na pagtingin
ang nagbabasa nito. Tiyaking maikli lamang ang abstrak na ihahanda.

IV. Konteksto
Ang bahaging ito ay naglalaman sa sanligang sosyal, ekonomiko, politikal, at kultural ng panukalang proyekto.
Naglalaman ito ng mga kaugnay na datos mula sa mga pananaliksik na naitala mula sa pagpaplano sa proyekto,
o ng mga datos na nakolekta mula sa iba't ibang mga sors.

V. Katwiran ng Proyekto
Ito ang pinakarasyonal ng proyekto. Nahahati ito sa apat na sub-seksyon

1. Pagpapahayag sa Suliranin. Tinatalakay sa bahaging ito ang tiyak na suliraning pinagtutuunang solusyunan
ng panukala. Bininigyang empasis sa bahaging ito kung papaanong ang isang isyu o sitwasyon ay nagiging
suliranin. Kaugnay nito, panatutunayan din sa bahaging ito kung ano ang pangangailangan ng mga
benepisyaryo batay sa nakitang suliranin.

2. Prayoridad na Pangangailangan. Pinagtutuunan ng bahaging ito ang pagpapaliwanag sa pangangailangan


ng mga target na makikinabang dahil sa pagkakaroon ng suliranin. Ipinaliliwanag din sa bahaging ito kung
paano napagdesisyunan ang mga isasaad na pangangailangan.

3. Interbensyon. Ilalarawan sa bahaging ito ang estratehiyang napili kung papaano sosolusyunan ang suliranin
at gayon din tatalakayin kung papaanong magdadala ng pagbabago ang gagawing hakbang.
4. Mag-iimplementang Organisasyon. Sa bahaging ito, ilalarawan ang kapabilidad ng nagpapanukalang
organisasyon upang tugunan ang suliranin inilahad. Isinasama sa seksyong ito ang mga nakaraang rekord ng
kapasidad sa pagresolba ng mga suliranin. Ihahayag dito kung bakit, sila ang pinakakarapat-dapat upang
pagkatiwalaang solusyunan ang suliranin. Binigbigyang empasis din dito ang ekspertis ng organisasyon o ng
indibidwal na magsasagawa sa proyekto.

VI. Layunin
Ilalahad sa bahaging ito ang masaklaw na layon ng panukalang proyekto. Kaugnay ng layong ito, iisa-isahin din
ang mga tiyak na layuning nais makamit ng panukala.

Tandaan na sa pagbuo ng isang layunin, ikinokonsidera ang mga sumusunod:


1. Dapat isa lamang ang masaklaw na layunin ng panukala;
2. Dapat na konektado ang masaklaw na layunin sa bisyon ng pagpapaunlad o pagpapabuti; at
3. Dapat napatutunayan ang merito ng kontribusyon ng layon sa bisyon.

VII. Target na Benepisyaryo


Ipakikita sa bahaging ito kung sino ang mga makikinabang sa panukalang proyekto at kung paano sila
makikinabang dito. Isasama rito ang detalyadong deskripsyon ng laki at katangian ng mga benepisyaryo. Sa
pagtukoy sa mga katangiang ito, maaaring gamitan ng kriterya tulad ng etnisidad, edad, kasarian, at iba pa.

VIII. Implementasyon ng Proyekto


Ipakikita sa bahaging ito ang iskedyul at alokasyon ng resorses. Mahalagang maipakita rito kung sino ang
gagawa sa mga aktibidad, at kailan at saan ito gagawin. Mahahati sa dalawang sub-seksyon ang bahaging ito:

1. Iskedyul. Ang detalye ng mga plinanong aktibidad ay dapat maipakita. Magagamit ang mga talahanayan at
Gantt Chart sa pagpapakita ng mga ito.

2. Alokasyon. Ipakikita dito ang mga kakailanganin upang isagawa ang mga aktibidad ayon sa iskedyul.
Tinutukoy sa bahaging ito ang iba't ibang kategorya ng gastusin upang magkaroon ng buod ng impormasyon
ukol sa gastusin na kakailanganin para sa pagbabadyet. Halimbawa ng mga aytem sa bahaging ito ang mga
kagamitan, sahod, at mula rito'y maiuugnay ang yunit, bilang, presyo at iba pa.

3. Badyet. Ito ang buod ng mga gastusin at kikitain ng panukalang proyekto. Sa presentasyon nito, maaaring
gumamit ng ano mang format na makapagpapakita ng maliwanag at maayos na daloy ng mga datos na may
kinalaman sa gastusin o expenses, at kita o income. Ipakikita sa magkaibang sub-seksyon ang dalawang
bahaging ito.

4. Pagmonitor at Ebalwasyon. Nakabatay ang ebalwasyon at pagmonitor sa panukalang proyekto sa kung


paano at kailan isasagawa ang mga aktbidad para mamonitor ang pag-unlad ng proyekto; anong metodo ang
gagamitin sa pagmonitor at pag-evaluate; at sino ang magsasagawa ng pagmonitor at ebalwasyon.

5. Pangasiwaan at Tauhan. Naglalaman ito ng maikling deskripsyon ng bawat myembro ng grupo na gumawa
ng panukalang proposal. Kung ano ang tungkuling nakaatang sa bawat myembro ay kailangan ding isama.
Maaaring isama na lamang sa lakip ang curriculum vitae ng mga myembro.

6. Mga Lakip. Ito ang mga karagdagang dokumento o sulatin na kakailanganin upang lalong mapagtibay ang
panukalang proyekto. Isasama rin sa bahaging ito ang ano mang papeles na hihingiin ng organisasyon o
indibidwal kung saan ipinapanukala ang proyekto.

Bagaman hindi istandard ang format na ito, maaaring makagabay ang suhestyon sa mga nagsisimula pa lamang
magsulat ng isang panukalang proyekto. Ang pinakamahalagang tandaan ukol sa format ng isang proposal ay
ang anyo kung saan malinaw na matatalakay ang panukala at ang kahingian, kung mayroon, ng indibidwal o
organisasyon kung saan ihaharap ang panukala.

You might also like