Dahil kritikal ang preparasyon ng isang panukalang proyekto,
makabubuting malinaw sa isipan ng nagsasagawa nito kung ano ang maituturing na panukalang proyekto at kung ano naman ang hindi. Mahalaga ding malaman niya kung paano ito inihahanda para maging malinaw at mahusay ang pagkakabuo nito.
Ayon kay Nebiu (2002), ang panukalang proyekto ay detalyadong
deskripsyon ng isang serye ng mga aktibidad na naglalayong maresolba ang isang tiyak na problema. Idinagdag pa niya na sa isang panukalang proyekto, makikita ang detalyadong pagtalakay sa dahilan at pangangailangan sa proyekto (project justification), panahon sa pagsasagawa ng proyekto (activities and implementation timeline), at kakailanganing resorses (human, material, and financial resources required). Hindi maituturing na proyekto ang mga dating aktibidad na nauulit sa eksaktong pamamaraan at periodikong isinasagawa, ang mga aktibidad na walang depinido at malinaw na layunin, ang mga aktibidad na maaaring maulit o mailipat kahit saan at sa ano mang oras, at ang mga regular na aktibidad ng organisasyon (Nebiu, 2002).
Mahalagang matiyak kung gayon na ang panukala ay hindi isa sa mga
nabanggit na ito. Ang isang panukalang proyekto ay kadalasang nakasulat; minsan ito ay sa anyong oral na presentasyon, o kaya ay kombinasyon ng mga ito. Maaari itong internal o yaong inihahain sa loob ng kinabibilangang organisasyon, o eksternal na isang panukala para sa organisasyong di-kinabibilangan ng proponent. Ang isang panukalang proyekto ay maaaring solicited o unsolicited. Ang isang panukalang proyektong isinagawa dahil may pabatid ang isang organisasyon sa kanilang pangangailangan ng isang proposal ay tinatawag na solicited proposal, samantalang kung wala naman at kusa o nagbaka-sakali lamang ang proponent ay maituturing itong unsolicited. Tinatawag ding invited o imbitado ang solicited, at prospecting ang unsolicited (Lesikar, Pettit, & Flatley, 2000). Mayroon ding tinatawag na maikli at mahabang panukalang proyekto. Ang isang maikling proyekto ay mayroon lamang dalawa hanggang 10 pahina na kadalasan ay nasa anyong liham lamang.
Samantalang ang mahabang bersyon ay naglalaman ng mahigit sa
sampung pahina. Samantalang ang mahabang syon ay naglalaman ng mahigit sa sampung pahina. Magkapareho lamang ang nilalaman ng dalawang uri ng proposal; nagiging elaborated lamang at musunod sa isang structured format ang mahabang bersyon. Ang uri ng ukalang proyekto ay nakadepende sa kahingian ng organisasyon kung ito mbitado, o ng nais ng proponent kung ito ay di-imbitado.
MGA TAGUBILIN SA PAGSULAT NG PANUKALANG
PROYEKTO
Ayon sa American Red Cross (2006), kapag susulat ng isang panukalang
proyekto, kailangang gawin ang sumusunod:
1. Magplano nang maagap. Wala pa ring kasinghalaga ang sapat na oras
sa pagpaplano sa isang proyekto. Kung maagap ang pagpaplano, binibigyang pagkakatoon ng nagsasagawa nito na makausap ang mga stakeholder, matalakay ang kanilang pangangailangan, at masuri ang panukalang proyekto nang may sapat na oras.
2. Gawin ang pagpaplano nang pangkatan. Kung may kasama sa
panukala, makabubuting bigyan ng tungkulin ang bawat isa upang maging kolaboratibo ang paghahanda. Mabibigyan din nito ang bawat isa ng pagkakataong maging aktibo sa pakikilahok sa bawat gawain sa proseso ng pagpaplano at pagsulat ng panukalang proyekto.
3. Maging realistiko sa gagawing panukala. Minsan, dahil sa kawalan ng
mahusay na pagpaplano, nagiging di-realistiko ang panukala. Dapat maisalang-alang ng nagpapanukala kung ano lamang ang kakayanin sa loob ng panahong nakatalaga at kung ano ang posibleng makamit batay sa mga nag-e-exist na resorses. Tandaan na ang nilalaman ng panukula ay laging SMART (specific, measurable, attainable, realistic, at time-bound).
4. Matuto bilang isang organisasyon. Matuto sa sariling karanasan at sa
karanasan ng iba. Kung may pagkakataong balik-tanawan at suriin ang resulta ng mga naipanukalang proyekto sa organisasyong paghaharapan ng panukala ay gawin ito. Sa paggawa nito, mas mabibigyan ng ideya ang proponent kung paano at ano ang mga konsiderasyon ng organisasyon o indibidwal sa pagtugon sa mga naihahaing panukala sa kanila.
5. Maging makatotohanan at tiyak. Huwag maging masaklaw sa mga
pahayag sa panukala. Kailangang maging tiyak sa mga ipinapanukala. Kaakibat ng pagiging tiyak ng mga ito, kailangan ding maging makatotohan ang bawat elemento ng panukala.
6. Limitahan ang paggamit ng teknikal na jargon. Ang mga teknikal na
jargon ay para sa mga teknikal o espesyalisadong indibidwal. Makabubuti sa isang proposal na naisulat ito sa isang wikang pangkaraniwan at naiintindihan ng lahat. Huwag dapat ipalagay na naiintindihan ng nagbabasa ng panukala ang lahat ng mga teknikal jargon na ginamit sa pagsulat. 7. Piliin ang pormat ng panukalang malinaw at madaling basahin. Marahil, hindi lamang iisang proposal ang naipadala sa organisasyon o sa indibidwal na target ng isang panukala. Kung gayon, makabubuting ang format na napili ay yaong malinaw at madaling basahin. Makatutulong ito ng malaki sa taong nagbibigay ebalwasyon sa panukala. Mas bibigyang pansin din ang isang panukalang malinaw at madaling maunawaan ang nilalaman.
8. Alalahanin ang prayoridad ng hihingian ng suportang pinansyal.
Maliban sa kawalan ng sapat na pagpaplano, ang kadalasang dahilan ng di-pag-aproba sa isang proposal ay ang di-magkatugmang prioridad ng organisasyong pinaglalaanan ng panukala sa mismong panukalang proyekto. Dahil dito, tiyakin na ang layunin ng panukalang proyekto ay isa sa mga top of the list na prioridad ng hinihingian ng suportang pinasyal o ng mag-aapruba sa panukala.
9. Gumamit ng mga salitang kilos sa pagsulat ng panukalang proyekto.
May kakaibang lakas kung mga salitang kilos ang gagamitin sa mga pahayag sa panukalang proyekto. Dahil kailangan ng pag-apruba, mas mabuting may dating maging ang mga salitang gagamitin. Kabilang sa mga salitang kilos na maaaring gamitin ang simulan, ikumpara, maghandog, mangulo, mag oraganisa, suportahan, magpakuahulugan, gumawa, gumamit at iba pa.
Sa pagsaalang-alang sa mga ito, matutulungan kang maghanda ng
isang panukalang proyektong may malaking pagkakataon na mapili o maikonsidera ng pinag-aalukan. Sa pagbibigay halaga sa mga gawaing ito, mas makatitiyak kang magiging epektibo ang proposal. MGA DAPAT GAWIN BAGO ANG PAGSULAT NG PANUKALANG PROYEKTO
Binalangkas ni Besim Nebiu sa kanyang aklat na Developing Skills of
NGOs Project Proposal Writing (2002) ang mga hakbang na kailangang isagawa ng isang indibidwal o organisasyong nagnanais gumawa ng isang panukalang proyekto. Ayon sa aklat, kailangan ang:
1. Pag-interbyu sa dati at inaasahang tatanggap ng benepisyo. Sa
pamamagitan ng pakikipag-usap sa dati at inaasahang benepisyaryo, magkakaroon ng malinaw pagtingin sa aktuwal nilang pangangailangan. Makatutulong ito upang maging mas tiyak at makatotohanan sa mga detalye ng susulating panukala. Nagkakaroon din ng mas malalim na pag-unawa sa suliranin kung nakausap ng personal ang mga taong kaugnay ng proyektong nais gawin.
2. Pagbalik-tanaw sa mga naunang panukalang proyekto. Sa
pamamagitan nito, mabibigyang-kamalayan sa mga naging pagkakamali ng mga nauna nang panukala. Dahil dito, mapabubuti ang susunod na panukalang gagawin. Sa tulong din ng prosesong ito, malalaman ang mga panukalang proyekto na nabigyan na ng pansin ng isang granting organization. Kadalasan kasi, ang mga panukalang nauulit lamang ay hindi na binibigyan ng prioridad sa mga aaprubahang panukala.
3. Pagbalik-tanaw sa mga ulat sa ebalwasyon ng mga proyekto.
Mabibigyan ng tamang datos kung titignang muli ang ebalwasyon ng mga nakalipas na proyekto. Upang hindi magkamali, o malito, balikang muli ang mga ulat sa mga proyektong iniharap sa oraganisasyong pinagpapanukalaan. 4. Pag-organisa ng mga focus group. Tiyakin lamang na ang mga taong magiging bahagi ng proyekto ay may pagnanais na makisangkot at mag ambag. Magiging malaking suliranin kung walang pakikibahagi mula sa kanila.
5. Pagtingin sa mga datos estadistika. Maging sigurado sa mga datos na
ibibigay. Huwag hayaang ibang tao pa ang makadiskubre sa mga kamalian sa mga estadistika at datos na inilahad. Sikaping ibalida ang ano mang datos na ginamit sa proposal.
6. Pagkonsulta sa mga eksperto. Mapatataas ang kredibilidad ng
panukala kung ikinonsulta ang mga ito sa mga eksperto. Ang kontribusyon mula sa mga eksperto ay makapagbibigay bigat sa halaga ng panukala.
7. Pagsasagawa ng mga sarbey at iba pa. Mangalap ng preliminaryong
impormasyon at datos para ipakita ang komitment at dedikasyon sa panukalang proyekto. Tiyaking sapat ang mga ito upang mabigyang linaw nito ang tunguhin ng panukala. Malaking tulong din ang mga prelimaryong datos upang mapabuti ang layunin ng isang upang mapabuti ang layunin ng isang panukalang proyekto.
8. Pagsasagawa ng mga pulong at porum sa komunidad. Makukuha ang
kooperasyon ng komunidad kung mayroong tuwirang pagsasangkot sa kanila.
Bilang paghahanda sa pagsulat ng panukalang proyekto, isagawa ang
mga aksyong ito. Mapatatatag nito ang mga prosesong gagawin at mapahuhusay nito ang mismong proyektong ipinanunukala.