You are on page 1of 2

RESPETO

ni Monica Antoinette Fernandez

Sa mundong puno ng sari-saring opinyon, pakikitungo at pakikipag komunikasyon, ang


pariralang “Respect is Earned Not Given” ay may makabuluhang mensahe. Ang prinsipyong
ito ay naglalahad na ang respeto ay hindi sapilitang kinukuha o hinihingi. Sa halip, ito ay
dapat linangin sa papamagitan ng kilos, pananalita at pag-uugali.

Alam niyo ba na ang pagkakaroon ng access sa malinis na tubig ay isa sa mga pangunahing
pangangailangan ng tao? Ngunit hindi lahat ay tinatamasa ito. Maihahalintulad ito sa
respeto. Ang pagbibigay ng respeto ay isa sa pinakabasikong gawain na kayang gawin ng
bawat isa, , ngunit hindi lahat ay ginagawa ito.

Ang pagpapakita ng respeto ay isa sa pinakamahalagang bagay sa ating buhay. Sa


pamamagitan nito, ipinapakita natin ang ating pag-unawa sa karanasan, damdamin, at
pananaw ng iba. Ito'y nagreresulta sa mas mahusay na pakikipag-ugnayan sa ating kapwa,
mga kaibigan at pamilya. Ang respeto rin ang bumubuhay at nagpapatibay sa ating
komunidad at lipunan, sapagkat ito ang pundasyon ng magandang ugnayan sa iba't ibang
sektor ng lipunan.

Hindi lamang ito nakikita sa pamamagitan ng kilos; naipakikita rin ito sa pamamagitan ng
ating mga salita. "Mano po", "Opo", "Sige po". Ang simpleng paggamit ng “po” at “opo” ay
nagpapahiwatig ng respeto para sa mga mas nakatatanda. Ang paggamit naman ng salitang
“please” o “thank you” ay nagpapakita rin ng pagkilala at pasasalamat sa tulong na
ibinibigay nila. Ang paggalang ay nagbibigay-daan upang maging makatarungan tayo at
pantay-pantay na tingnan ang lahat. Ito'y paalala na lahat tayo, kahit ano pa ang kasarian,
relihiyon, kultura o estado sa buhay, ay nararapat na respetuhin sapagkat ang pag respeto
sa kapwa ay nagdudulot ng pagkakaisa, kapayapaan, at pag-unlad ng kultura ng
pagkakaunawaan. Hindi lamang ito isang pribilehiyo ngunit ito ay isa ring responsibilidad
ng bawat isa sa atin.
Sa ating pang araw-araw na buhay, mahalagang isaisip natin ang kahalagahan nito at
panatilhin sa lahat ng aspeto. Sa pamamagitan ng pagsunod at pagsasabuhay sa
prinsipyong ito, pinahahalagahan natin ang dangal ng ating kapwa tao at naglalaganap
tayo ng pag-asa para sa mas magandang kinabukasan ng bawat isa.

You might also like