Bawat isa sa atin ay may natatanging paraan ng pamumuhay na nagpapahayag
ng ating pagkatao at kung sino tayo bilang mga indibidwal. Ang ating mga desisyon at aksyon sa buhay ay batay sa ating sariling mga halaga, paniniwala, at karanasan dulot sa impluwensiya ng sarili at ng lipunan – ito ang ibig sabihin ng kultura. Sa pamamagitan ng pagsusuri ng mga iba’t ibang konsepto tungo sa pamumuhay at pagkatao sa sarili, mas makikilala pa natin ang ating sarili na may kaugnayan sa kultura. Sa kultural na katangian ng tao, may mamumuhay sa paraang polychromic at monochromic sa mga gawaing pang-araw-araw. Kung tatanungin niyo ako kung ako ba ay polychromic o monochromic – ito ay nakakadepende talaga sa mga gawain. Ang layunin lamang para sa akin ay hindi lamang upang mapadali ang mga gawain kundi pati na rin upang masisiguradong maayos ang pagkagawa o proseso nito. Halimbawa, maaaring pagsasabayin ang gawaing bahay (katulad ng paglalaba, paghuhugas ng plato, at paglilinis ng palikuran) at pakikinig ng musika dahil nakakamit ko ang layuning mapadali dahil sa pagganyak at mapaayos ang proseso sa mga gagawin. Gayunpaman, hindi posibleng gawin ang mga gawaing bahay o mga takdang aralin nang sabay-sabay dahil nangangailangan ito ng kani-kanilang oras upang makakamit ang mga layunin sa pamamagitan ng pag-iskedyul o paggawa ng to-do list. Sa katangiang komunikatibo ay maaaring panlipunang o personal na saklaw. Ang panlipunang saklaw na ayon kay Hofstede ay nahahati sa dalawang katangian: individualist at collectivist. Kadalasan kong makikita sa aking lipunan ang pagbibigay- kahalagahan sa damdamin at kaugalian para sa kapakanan ng ibang lipunan kagaya ng pagbibigay ng mga pangangailangan, pagmamalasakit, at pagiging magiliw sa mga panauhin. Kung kaya’t masasabi kong nabibilang ang aking lipunan sa pagiging collectivist. Gayunpaman, hindi naman tayo perpekto sa mundong ito, kaya makikita pa rin sa aking lipunan ang pagiging individualistic, lalo na pagdating sa pakikitungo sa ibang taong may hindi kaaya-ayang ugali. Madalas na pinaprangka ang kanilang ugali na nagreresulta sa tunggalian o huwag na lang ito pansinin para sa kapakanan ng aking lipunan. Sa aspetong personal na ayon kay Triands ay nahahati sa dalawang katangiang komunikatibo – allocentric at idiocentric. Maituturing ko ang aking sarili bilang isang idiocentric dahil mas nakatuon ako sa sariling interes at pangangailangan. Halimbawa, mas binibigyang-halaga ko ang self-study lalo na sa hatinggabi upang mas makatutok ako sa mga gawaing pang-akademiko. Pagdating naman sa mga problema ay mas mabuti na ikimkim ko ito kaysa sa ibabahagi sa iba upang mas makapagmuni-muni ako sa aking sarili at saka hindi na ako makakaabala sa kanila. Sa tingin ko, hindi lamang ito nagpapahiwatig ng independensiya, kundi mas binibigyang-diin rin ang aking pagkakakilanlan tungo sa kaunlaran ng sariling potensyal. Sa mga bihirang pagkakataon, itinuturing ko din ang aking sarili bilang allocentric lalong-lalong sa mga kaibigan kong nais magbabahagi ng kanilang problema. Kaya sinisigurado kong makikinig ako sa kanila at magbibigay ng payo na nanggaling sa aking karanasan at pagmumuni-muni. Dito, may kahalagahan ito sa kapakanan sa isa’t isa tungo sa kapayapaan. Kultura ang siyang naglararawan sa ating pamumuhay. Mula sa pagdidiriwang hanggang sa kaayusan at disiplina, nagbibigay-halaga ito sa pagbuo ng ating pagkakakilanlan. Sa pamamagitan ng kultura, lumalalim ang pag-uunawa ko sa aking buong pagkatao at natutuklas ko kung paano ako mabubuhay dulot ng katangian, pananaw at halagang sumasaloob sa aking pagkatao.