You are on page 1of 11

HALAGANG MORAL

Hango sa mga Nota ni Padre Roque J. Ferriols, S.J.

Pamantasan ng Ateneo de Manila

Mga kategorya ng importansya

Sa kalawakan na ating malaytao hindi natin napapansin ang bawat bagay o pangyayari. Iilan lamang ang
tumatawag sa ating pansin. Itong katangiang "nakatatawag ng pansin" ay pangangalanan nating
importansya.

Madalas ang importansya ng ating kapaligiran ay ayon sa kalagayan na ating malaytao. Sa "kalagayan ng
malaytao" sinasakop ko ang mga kombi-kombinasyon ng hilig, damdamin, paninindigan at ang mga
naisisilang na oryentasyon. May mga sari-saring oryentasyon ng ating malaytao na ginagawang kapansin-
pansin o hindi kapansin pansin ang iba't ibang bagay. Halimbawa, kung nakatuon ang aking pagmamalay
sa paghahanap sa isang kahon sa kwartong ito, malamang hindi ko mapupuna ang mga papel at libro, o
kung ano ang matatanaw sa bintana. . .pero punang puna ko ang mga kahon at uusisain ko pa ang bawat
isa. Sa oryentasyon na iyon, mga kahon ang may importansya.

Kung ako naman ay nasa oryentasyon na itinuturing kong ako lamang ang tunay na batayan ng lahat;
kung tinatanaw ko ang aking sarili bilang pinag-iikutan ng buong daigdig, marahil mapapansin ko lamang
ang bawat tao bilang kasangkapan ko, taga-bigay aliw, halimbawa, o isang makapagpapalaganap sa aking
poder sa politika, o utusan na taga-tupad sa aking bilin nang huwag na akong mapagod. Baka ang
mapapansin ko lamang sa pagkain ay kung masarap o hindi. At baka ang inuusisa ko lamang sa sinasabi
ng mga tao ay kung pinupuri nila ako o hindi. Sa ganitong oryentasyon, nakakulong ako sa aking sariling
isip at damdamin. Lahat ng hindi-ako ay nakikita ko sa kulay ng ako at napapansin ko lamang ayon sa
kanilang relasyon sa aking mga ninanais o tinatanggihan. Tatawagin nating purong suhetibo ang
importansyang ito.

Meron naman ibang importansya na tumatawag sa ating pansin kapag tayo'y nasa oryentasyon na
pinapanuod natin ang buhay at kinikilatis natin ang mga linalang ayon sa kanilang kaugnayan sa pagka-
tunay-na-tao ng isang tao: kung ang pagkaugnay ay nakabubuti o nakasasama sa kanyang katauhan, kung
nakabubuo o nakasisira. Sa ganitong oryentasyon, makikita ko marahil na kumain ng malabis ay
nakasisira, kumain ng sapat ay nakabubuti. Ituturing kong mabuti sa matang tumanaw sa malalayong
bulubundukin upang makapahinga. Matatauhan ako na mabuting gumawa ng makatarungan sapagkat sa
ganyang gawain ay lalong mabubuo ang aking katauhan. Ituturing kong mabuting magmabait sa kapuwa,
sapagkat ang magmalupit ay nakawawasak lamang sa aking sarili. Tatawagin nating obhetibong mabuti
sa tao ang importansyang ito.
Kung nilalampasan naman ng tao ang kanyang mapusok na kahiligang gawing ikutan ng lahat ang
kanyang sarili, at kung lalampasan din niya iyong atitud ng tagapanuod na tumatayo sa labas ng mga
bagay at inaanalisis palagi ang mga kaugnayan, halimbawa, ng x sa y, ng p sa q . . . kung lalampasan niya
ang mga oryentasyong ito, maaring mangyari na pumasok siya sa isang pagkabukas ng kalooban na ang
iniintindi ay hindi basta ako, ni hindi pagwalang-bahala sa ako. . .ang tinutukoy ay isang pagbukas ng loob
na lumalampas sa mismong paglampas sa sarili at nalilimutan ang mismong pagkalimut sa sarili. Ito ang
ikatlong oryentasyon, ang oryentasyon ng pagbubukas-loob. Dito, maaring mangyari na ibang uri ng
pagtawag ng pansin, ibang uri ng importansya, ang tatalab sa kanya.

Sa oryentasyon ng pagbubukas-loob, makatatawag pa rin ng pansin, halimbawa, ang pagkain, ngunit,


hindi lamang bilang masarap at nagbibigay kalusugan, kundi bilang isang linalang, isang meron na
maraming nibel sa pagmemeron, na karapatdapat galangin bilang itong espesyal na meron na ito. At
ganyan din ang magiging pagtawag ng pansin ng anomang meron: itong ito, bukod tangi. . .kahit na itong
maliit na batong ito na ganito ang tigas at kulubot. . .o itong ahas na ito na ganito ang kulay at ganyan
ang pag-usad. At kahit na sinong tao. Sa oryentasyon na ito, posibleng matawag ang pansin ng tao sa
pagkabukod-tangi pala ng bawat kapuwa. Alam na taong nakakapansin nito, na hindi kaya ninoman na
masusing alamin ang pagka-espesyal ng bawat kapuwa, ngunit, kikikiling niya ang loob, pinagsisikapan
niyang matauhan. Kay iba pala ng bawat tao! Itong importansyang nakatatawag ng pansin sa
oryentasyon ng pagbubukas-loob ay papangalanan nating halaga. At kapag ang nakatatawag ng pansin ay
ang mismong meron na tigib sa kayamanan na umiiral sa maraming nibel, tatawagin nating halagang
ontolohiko.

Maari naman na ang tumatawag sa pansin ng pagbubukas-loob ay ang isang uring pagsinag ng meron.
Halimbawa, ang hugis at kulay ng bulubundukin, ang himig ng tugtugin. . .may mga sandali na kulay at
hugis at huni ay nararanasan bilang pag-apaw ng meron at sasabihin ng tao na nagagandahan siya. Hindi
nawawala ang aliw sa pandinig, ang pahinga at aliw sa mata, ngunit, lahat ay napapansin bilang kabuoan
ng pagsinag ng meron. Matatawag ang importansyang ito na halagang estetiko.

Maari naman na ang tumatawag ng pansin ay purong kaisipan. Halimbawa, isang teorem sa matematika
o isang teorya ng mga palaisip sa istorya o sosyolohya o ekonomya o kung ano. Ang ubod ng galing ng
mga kaisipan na isinisilang, iniipon at pinagagalaw, ay makagigising sa paggalang at paghanga sa idea.
Matatawag itong halagang intelektwal.

Marami ang mga posibleng mararanasan bilang halaga. At hindi pa tayo nakakaabot ang ating pagtalakay
sa halagang moral na siyang talagang layunin ng pagmumuni-muning ito. Ngunit, makatutulong ang
lingunin sandali at pagmuni-munihan ang mga halagang nakita na. At isang katagiang lilitaw ay ito: ang
halaga ay hindi lamang tumatawag sa pansin, kundi tumatawag. Ang talagang tinatawag ay ang tao, ang
buong tao, sa lahat ng nibel ng kanyang katauhan.
Paglabas sa sarili, pag-iral sa kaloob-looban ng sarili

Papaano nagaganap ang naturang pagtawag sa tao? Halimbawa, sa halagang estetiko ng bulubunduking
iyan, ang tumatawag sa akin ay hindi isang halimbawa ng konsepto ng kagandahan, kundi isang itong ito
na, sa kanyang pagmemeron, ay sumisinag sa aking sariling meron. Hindi ko ito masisilayan kung
magkukulong ako sa aking sarili o magkukubli sa isang analisis ng kagandahan.

Upang madama ko ang tawag ng bulubunduking iyan, kailangan kong lumabas sa aking sarili. Ang halaga
ay tawag ng meron at pinalalabas ang tao sa kanyang sarili. Isang uring paglabas na hindi napupuna ng
lumalabas, sapagkat ang tinutuonan niya ay ang meron sa kanyang pagka-halaga. Isang uri ng paglabas
sa sarili na, sa isang kabalintunaan, may isang ring matindi at tumitinding pag-iral sa kaloob-looban ng
sarili. Pati ito'y di pansin sapagkat ang tinutuonan ng pansin ay palagi ang meron bilang halaga.

Kung ang meron bilang halaga lamang ang tinutuonan, papaanong mapupuna ng tao na lumbalabas siya
sa sarili at sabay umiiral ng mas matindi sa kaloob-looban ng sarili? Ito'y mapupuna sa analisis
pagkatapos ng aktwal na pagdinig at pagtugon sa halaga.

Ang lugar ng analisis

May isang taong nakinig sa isang analisis ng paglangoy. Sinulat niya sa kanyang notbuk at umuwing
kontento sa kanyang sarili. Mula noon habang buhay niyang inaakala na alam niya kung ano ang
lumangoy, sapagkat sa kanyang utak ay palaging nag-uugnayan ang mga x, y, p, q ng paglangoy.

May ibang tao naman na nakinig at habang nakikinig ay inilalagda sa alaala. Tapus ay lumundag siya sa
tubig upang isagawa ang narinig. Umuwi siyang hindi kontento sapagkat ang daming tubig na nalunok
niya at may pumasok pa sa kanyang ilong. Ngunit, sa mahabang panahon ng walang awang pagsisikap na
isagawa ang nasa analisis, natuto siyang maglangoy. Naranasan niya na ang analisis ay gabay na kailangan
ng tao, lalo na sa panahon ng kadiliman kapag humihina ang loob niya. Ngunit, sa wakas, mas buhay ang
isip na gumagawa at paggawang nag-iisip, kaysa sa isip na basta't nanunuod at nag-aanalisis.

Ganyan lilinaw sa gumagawang nag-iisip, ang lugar ng analisis sa etika.


Kusang loob

Nakita na natin na tinatawag ng halaga ang tao na lumabas sa sarili at sabay matinding umiral sa kaloob-
looban ng sarili. Kaya't ang buong galaw ng buhay halaga ay nagaganap sa kalooban. Ngayon, hindi
maaring umiral ang halaga sa kalooban kung hindi nagkukusang loob ang tao.

Sa mga linalang sa sansinukob, ang bawat isa ay may sariling pagkusa. Kusang nahuhulog ang bola kapag
nabitiwan. Kusang umaapaw ang ilog kapag naulanan ng malabis. Ang bubuyog ay kusang gumagawa ng
pulut-pukyutan. Pagkusa ng ibon ang lumipad. At pagtahol sa di kilala ay pagkusa naman ng aso.

At may pagkusa pati ang tao. May sinabi si x at nainis ka na lamang. At nagalit ka na lamang noong nakita
mo ang ginagawa ni y. Sa mga kilus at salita ni z ay napatawa ka na lamang. Ang pagkusa ay di alumanang
umapaw sa iyong damdamin at nainis, napagalit, napatawa ka na lamang. Ngunit, dumating ang
kaibigang ginagalang mo at kusang loob mong pinigilan ang iyong inis, galit, tawa.

Kung ganoon, pagpigil yata sa pagkusa ang pagkusang loob? Oo at hindi. Ang pagkusang loob ay taos na
pag-alisto sa mabuti at totoo; at malayang paghubog ng mga sariling pasya, ayon sa mabuti at totoo. At
batay dito, maaring mangyari na mapiligilan ang pagkusa, maari namang mangyari na lalong lalalim at
titibay ang pagkusa.

Sabihin natin na naglakbay ang isang tao sa isang landas na malayo at mahirap upang dalawin ang isang
kaibigan. Pagdating niya, baka niya sabihin: "Hindi sapilitan akong pumarito, kundi kusang loob." Ang ibig
sabihin ay: hindi bilang pakitang tao o dala ng pag-asa na baka mapakinabangan niya, kundi sa isang
malayang pagbukas ng sarili upang idulot ang sariling loob sa kaibigan at tanggapin naman ang kalooban
ng kaibigan. Kaya't ang pagkusang loob ay hindi isang pagtanggi, kundi isang taos at malayang pagbigay-
pagtanggap na ibinubukal ng tao mula sa kanyang kagandahang loob.

Ngayon, ang kilus ng halaga ay magaganap lamang sa larangan ng kusang loob. Ang kaloobang hindi
alisto sa halaga ay hindi maririnig ang tawag nito. At ang taong hindi handang magbigay-tanggap loob ay
hindi makatutugon. Maari tayong magsapilitan o magpanggap o magpakitang tao na sa halaga tayo
kumikilos, ngunit, talagang nabubuhay ang halaga sa kusang loob lamang.
Meron

Ang halaga ay hindi hiwalay sa meron. Ang mismong meron ay halaga. Tinatawag na halagang ontolohiko
ang mismong pagka-talagang-totoo, pagka-talagang-nangyayari ng anoman. At ang mga halaga na
binigyan natin ng ibang pangalan ay mismong meron din. . .sa ganito o ganoong aspekto. Napakasiksik at
napakayaman ng meron kaya't hindi natin kayang mapansin ang lahat ng aspekto ng sabay sabay. Kaya't
kung ang talab sa akin ng meron ay para bagang umaapaw, sumisinag, nagdudulot ng tuwa, sasabihin
kong nagagandahan ako. Halagang estetiko ang tumatawag at tinutugunan. Ngunit, nararanasan ko ito sa
meron. itong bulubunduking ito, itong araw na ngayo'y lumulubog at kinukulayan ang papawirin, itong
gitarang itong nanginginig sa musika at pinanginginig ang kahanginan. . .mga meron na ito ang
tumatawag at tinutugunan, hindi isang idea o teorya ng kagandahan.

Ngunit, sa halagang intelektwal, hindi ba't purong idea ang tumatawag at hinahangaan? Oo. . .ngunit
meron pa rin ang hinahangaan. Sapagkat walang purong idea kung walang taong nag-iisip. Ang
hinahangaan talaga sa halagang intelektwal ay ang kilus ng utak nitong taong ito. Ang tumatawag sa akin
na humanga ay ang pag-uutak nitong taong ito na nagsulat nitong librong ito sa matematika; at ang pag-
uutak pa ng isa pang taong iyan na naglalahad ngayon sa kanyang inimbentong teorya. At tinutugunan at
hinahangaan ko rin ang buong pumapaligid at kinabababaran na sangkameronan ng siyang
pinaghahangoan ng lahat ng pag-iidea at pagteteorya.

Halagang moral

Nakaupo sa hukuman ang isang huwes. Sa harapan niya ay isang mahirap at isang mayaman. Meron
silang alitan ukol sa batas. Malamang may isang nibel ng kanyang kamalayan na ang mga kaisipang
gumagalaw ay ganito: Sa anong hatol kaya lalo akong magkakakwarta? Anong hatol kaya ang
makapagbibigay sa akin g mabuting ngalan at puri sa madla? Ano kaya ang sasabihin ni a o b kung ang
ihahatol ko ay p o q? Ngunit, sa kalaliman ng kanyang loob, ay baka ginigising niya ang kanyang
katutubong pagkikiling sa katotohanan, at sa nibel ng pagkukusang loob ay nagpapakaalisto siyang
tanggapin sa sarili ang katotohanan at ibigay ang sarili sa katotohanan. . .upang siya'y magpasakop sa
katarungan. Sa nibel na iyan ang tawag na naririnig niya ay: ituon mo ang iyong buong katauhan sa
pagtimbang sa ebidensya sa harapan ng batas at, kung ano ang totoo at katarungan, iyon ang sundin mo.
May isang taong may panghabang panahon na kaibigan. Buong buo ang tiwala ng kanyang kaibigan sa
kanya. Lahat pati kwarta't ari-arian, pati pamilya, ay itinitiwala sa kanya ng kanyang kaibigan. Marahil
may nibel ng kanyang pagmamalay na kinagagalawan ng mga kaisipang gaya ng: Kay tanga nitong taong
ito. Kung anu-anong pagsasamantala ang nagawa ko na sana sa kanya. Wala siyang kakayahang
maghinala at ang galing ko namang magbalatkayo. Kung hindi ko pa siya nililinlang hangga ngayon, ito ay
sapagkat ako ay maginoo, mabait at malawak ang kalooban. Ngunit, sa nibel ng kusang loob, ng kanyang
tunay at tapat na katauhan, naririnig niya ang meron ng kanyang kaibigan bilang dignidad, bilang biyaya,
bilang sagrado. Kaya't ang mismong meron ng kanyang kaibigan ay tawag sa kanya na kailangang
tugunan ng galang, katapatan, pagmamahal. Hindi bilang pagyuko ng mataas sa mababa, kundi bilang
simpleng pagtupad sa totoo, pagbigkas at pagsagawa sa meron.

Dalawang halimbawa iyan ng halagang moral, at hindi mahirap kilalanin na karanasan nga ng tawag ng
halaga ang nakasangkot dito. Ang tawag ng halagang moral ay maaring tanggihan, huwag punahin, ng
taong pumapasyang humiwalay sa kanyang kusang loob. Ngunit, sa pagbabalik loob mararanasan ang
halagang moral bilang tawag na tanggapin ang halaga sa sarili at ibigay ang sarili sa halaga, sa meron, sa
totoo. At nararanasan din ang halagang moral bilang tawag na pinalalampas ang tao sa sarili at sabay
pinalalalim ang kanyang pagkilus sa kanyang kaloob-looban. Kaya't parang magkatumbas ang istruktura
ng pagdanas sa mga ibang halagang nakita na natin.

May pagka-pareho nga ang halagang moral sa mga ibang halaga, ngunit, ibang iba pa rin.

Pagka-seryoso

Unang una, may kakaibang pagka-seryoso ang halagang moral. Sa mismong paglabag, lumilitaw ang
pagkaiba. Ang hindi pagpansin sa ganda ng lumulubog na araw ay nasa ibang di hamak na larangan sa
hindi paggalang sa karapatan ng inaapi. Ang hindi paghanga sa isang teorem sa matematika ay hindi
paipapantay sa hindi paggalang sa pagkasagrado ng kapwatao. Mapapalitan ang mga ibang halaga,
ngunit hindi mapapalitan ang halagang mora. Masasabi ng tao: Hindi ko masakyan ang pintura ni Picasso,
pero nagagandahan ako sa pintura ni Amorsolo. Ngunit, paglapastangan sa sangkatauhan kung may
magsasabi: Hindi ko masakyan ang maging makatarungan sa mahihirap, pero mabait ako sa mga aso.
Tatanggapin ng taong matino kung may hihiling sa kanya: Ipagpaumanhin po ninyo, hindi ko mahangaan
ang inyong teorya at napakakomplikado po ng mga idea para sa akin. Ngunit, pagtanggi sa sangkatauhan
kung may magssasabi: Ipagpaumanhin mo ako't sinamantala ko ang aking kaibigan, sapagkat hindi ko
istrok itong pananatiling tapat.

Ang halagang moral, sa kanyang kakaibang pagka-seryoso, ay hindi maaring palitan o ipagpaumanhin
kaninoman. Nararapat sa bawat tao na buong pagsisikap niyang dinggin at tugonan ang halagang moral.
Maaring bulag at bingi ang tao sa mga ibang halaga. Halimbawa, hindi pangkalahatan ang talino sa
pintura o sa musika o sa matematika. Ngunit, sa halagang moral, bukal sa taong maging mulat at alisto.
Kung nagbibingi-bingihan.

Bukod-tanging tawag sa taong malaya

Ang tawag ng halagang moral ay tumatalab sa kaloob-looban ng taong malaya. Ang walang kalayaan ay
hindi mapasasagot, sapagkat hindi makasagot. Ang lahat ng ginagawa niya ay hindi niya maiwasang
gawin. Ngunit, hawak ng malaya ang kanyang sarili; kaya niyang umoo o humindi; kaya't kailangan niyang
sumagot. Ang tawag ng halagang moral ay nararanasan ng tao bilang pananagutan.

Sa halagang moral, totoong totoo ang nakita na natin sa mga ibang halaga: na tinatawag ang taong
limutin ang sarili at limutin pati ang pagkalimut sa sarili. Sa ganitong pagka-ibayo masasabi niya: :Ang
bawat tao ay hindi-ako; at ako'y hindi-siya; at sa kanyang pagkahindi-ako, ako pa rin siya; at sa aking
pagkahindi-siya, siya pa rin ako." Ngunit, hindi niya sinasabi ito sapagkat buhos na buhos siya sa
pagsasagawa nito. Itong pagsasagawang ito ang pinagmumulan ng pakikisama, ng komunidad. Ito ang
abot tanaw na pinagsisilangan ng pagmumulat na kailangan ng taong sumagot ukol sa kanyang pagtupad
o hindi pagtupad sa tawag ng halagang moral. Ito ang sinaunang pagtuklas ng tao na ang buhay niya ay
pananagutan.

Kahit na ang taong hindi naniniwala sa Diyos ay kayang madama ang kanyang pananagutan: "Kailangan
kong sumagot." At sa kanyang pagtataka: "Kanino ako sasagot?" Baka isipin niya, "Sa aking kapuwa." At
sa kanyang pagmumuni-muni'y baka matauhan siya: "Ang aking kapuwa ay kasing buti ko, kasing sama,
kasing tibay, kasing dupok. Hindi sa akin siya sasagot. Hindi sa kanya ako sasagot.: At baka sa yugtong
ito'y matuklasan niya ang Maykapal.

Galing din sa pagkamalaya ng tao na kapag tinanggihan niya ang halagang moral at ang kanyang
pananagutan ukol sa halagang moral, may pagkawasak sa sarili na nagaganap. Sapagkat ang kalayaan ay
hindi lamang pagka-maaring-piliin-ang-a-o-b. Hindi totoo na, sapagkat kaya ng taong pagpilian ang a o b,
a man o b ang piliin niya, buong buo pa rin ang katauhan niya. Kung may halagang moral na nasasangkot,
ang pagtanggi sa halaga ay may pinapasok na "pagkawala sa kondisyon" ng mismong pagkatao.
Sumasulpot ang isang hidwaan na inilalaban ng tao sa kanyang sarili, sapagkat sinubukan niyang
magpakasarili sa pamamag-itan ng pagtanggi sa sarili. Iyan ang maaring matuklasan ng tao kapag masusi
niyang pagmuni-munihan ang kanyang buhay: na ang pagtanggi sa halagang moral ay pagtanggi sa sarili.
Nasa ating poder kung a o b ang piliin natin; wala sa ating kung ano ang magiging bunga ng ating
ginawang pagpili...lalo na kung halagang moral ang nakasangkot.
Larangan ng parusa at gantimpala

Delikado ang katagang "parusa" at "gantimpala". Baka ang naaalala ay isang magulang o titser o pulis na
istrikto at galitin at palaging nagbabanta na pahihirapan niya ang sinumang lumalabag sa batas. Hindi
ganyan ang tinuutukoy dito.

May larangan ng parusa at gantimpala na nasasakot sa halagang moral. Halimbawa, iyong nabasa natin
sa peryodiko itong buwan na ito. Na may taong may baril na pumasok sa isang eskuwelahan at
pinagpuputukan ang mga bata. At iyong mga taong pumunta sa isang baryo at may pinagpapatay na mga
lalaki at nilapastangan na mga babae. Dito nakikita natin agad na kung may gumawa ng ganyan, hindi
dapat magpatuloy ang buhay na parang walang nangyari. Sa mismong meron ng aktong tumanggi sa
halagang moral, nakikita natin ang pagka-dapat-parusahan.

At sa mismong meron din na gawaing tumutupad sa halagang moral, may nadaramang buhay,
kapayapaan, pagtitindi ng pagkatao. At natatanaw natin sa taong gumagawa, ang pagka-dapat-hangaan,
pagka-dapat-purihin.

Pinapasan sa likod ng gumagawa

Ngunit ang mismong gumagawa ay hindi nakikita ang kanyang pagka-dapat-hangaan-at-purihin. Kung
may isang taong naglalakbay sa kabundukan at meron siyang natagpuang kapuwa taong sugatan at
hubab sapagkat hinoldap ng mga tulisan; at kung ang taong ito'y nagmalasakit sa sugatan, iniligtas at
inalagaan, ito'y sapagkat naririnig niya na meron ang meron ng kanyang kapuwa tao bilang sagrado,
bilang, biyaya na pananagutan niyang buhayin. Ang dignidad ng kanyang kapuwa ang kanyang iniintindi.
Tayong mga nakikibalita, tayo ang nakakapansin, at ang iniintindi, ang kanyang pagka-dapat-hangaan-at-
purihin. Pinapasan niya ito sa kanyang likod. Hindi niya nakikita. Tayo ang nakakakita. Kung ibig niyang
makita na siya'y dapat hangaan at purihin, kailangan niyang pilipitin ang kanyang liig upang makita niya
ang kanyang pinapasan. Sa pagpipilipit na ito, hindi na niya mapupuna ang pagkasagrado ng kanyang
kapuwa. . .at mawawala ang kanyang pagka-dapat-hangaan-at-purihin.
Inaapi, umaapi

Kasabihan ni Sokrates na ang pagwawasak sa kanyang sarili na ginaganap ng taong umaapi ay daig pa
ang pagwawasak na ginagawa niya sa taong inaapi niya. Kaya't mas mabuting maapi kaysa umapi.

Hindi nito ibig sabihin na dapat huwag labanan ang umaapi. Dapat labanan ang umaapi. Ang itinuturo ng
kasabihan ay: na ang lumalaban sa umaapi ay dapat huwag malimutan na tao ang nilalabanan niya. At
ang tao, mabuti man siya o masama, ay tao pa rin, at sagrado pa rin. Maaring mangyari na dapat siyang
labanan, o baka parusahan pa, sa buong kabagsikan ng katarungan; ngunit, nasa katarungan rin na dapat
huwag mawala ang pagtanaw sa dignidad ng kanyang katauhan.

Ang kanyang katauhan ay tawag pa rin sa akin na galangin siya. Kaya't ang paglaban sa kanyang pag-aapi
ay hindi dapat gawin sa pamamag-itan rin ng pag-aapi sa kanya. Kung ganoon ang gagawin ko, tinulad ko
na rin siya't winasak ko na rin ang aking sarili. . .at ni hindi ko natulungan ang mga inapi niya. . .at ni hindi
ko siya natulungan.

Ang tawag na hindi humihinto

At kung hindi tumutugon sa tawag ng halagang moral ang tao? Nawawasak siya pero hindi nawawasak
ang halagang moral. Kung itinuring kong kasangkapan ang isang tao, winasak ko ang katauhan ko, pero
patuloy pa rin ang tawag sa akin na galangin siya. Hindi niya kailangang magsalita. Ang mismong meron
ng kanyang pagkatao ay tawag sa akin: galangin mo ako.

Kung hindi ko pinansin ang tawag sa akin ng isang sitwasyong hindi makatarungan, na gawin ko ang
magagawa ko. . .kaya't lalong lumubha ang sitwasyon. . .may nawasak sa akin, pero hindi nawasak ang
pagtawag ng sitwasyon, patuloy pa rin ang tawag sa akin. Maraming nasisira sa pagtanggi sa tawag ng
halagang moral, pero hindi nasisira ang mismong pagtawag. At kung patuloy akong hindi nakikinig,
maaring magkaroon ng ibang katangian ang pagtawag. Maaring maririnig ko ngayon ang tawag, bilang
pagbintang sa akin o bilang tawag sa pagbabalik loob o bilang tawag na muling buoin ang wasak.

Ang tawag bilang pagdanas sa Maykapal


Marahil, sa ating pagmumuni-muni ukol sa tawag ng halaga, sumagi sa ating alala ang ukol sa tawag ng
konsensya.

Ano ba ang konsensya? Sa aking nakikita, may dalawang kalabisan na kung minsa'y kinahuhulugan natin
ukol sa konsensya.

Iyong una ay itinuturing na ang aking konsensya ay isang boses sa aking kalooban na tiyak na tiyak na
tama at wasto at katotohanan. Impalible. Kung sa bagay, boses talaga ng Diyos. Hindi ko na kailangang
kilatisin, at walang makatutulong sa akin sa pagbasa sa aking konsensya sapagkat Diyos talaga ang
nagpapaalam sa akin sa malinaw na pagpapaalam. At kung may magtanong sa akin kung batay sa ano ko
dinesisyon ang isang bagay, hindi ko kailangang sagutin sapagkat wala siyang karapatan magtanong.

Sa palagay ko, ang karamihan sa atin ay may mga naaalalang pagkakataon na akala natin na sinusundan
natin ang isang wastong konsensya. . .at pagkatapus ay natauhan tayo na nagkamali tayo; at natauhan
tayo na sa konsensya'y kailangan ang matinong pangingilatis; kaya't kailangan din ang matinong pag-
uunawa, matinong damdamin at kalooban. . .upang ang pagkilatis ay humantong sa matinong
pagdedesisyon.

At dito'y baka tayo mahulog naman sa baliktad na kalabisan. Baka isipin natin na ang konsensya ay isa
lamang proseso ng pag-iisip. Baka manindigan ako na kung meron akong matinong pag-uunawa at
ginamit ko ito sa isang disiplinadong kalooban at damdamin, tiyak na wasto ang magiging pagkilatis at
desisyon.

Totoo nga na kailangan kong gawin ang lahat nito; kailangan kong gamitin ang lahat ng mga kakayahang
makatao ng disiplina at katinuhan. Ngunit, kung nagawa na ang lahat. . .o mas ayon sa katotohanan,
habang ginagawa pa natin itong katinuhan na kailangan nating gawin. . .may ibang presensya na
nagpadarama sa tao. Ang konsensya ay hindi lamang proseso ng isip, o teorya at impormasyon ukol sa
etika. Ang konsensya ay udyok sa liwanag ng isip, pagbigay loob sa pagsagawa, utos sa kalooban: tupdin
mo ang wasto; gawin mo ang mabuti. Dito yata natatauhan tayo na ang tawag ng halagang moral ay
tawag ng Puon na Siya pala ang mismong Halaga. Dito yata natatauhan tayo na ang bawat tawag ng
halagang moral ay tawag ng Maykapal, na ang bawat aspekto ng halagang moral na nararanasan natin ay
isang aspekto ng halagang moral na nararanasan natin ay isang aspekto ng pagtulad sa Halaga na halaga,
Meron na meron.

Kaya pala tinatawag tayo sa isang paglabas sa sarili na lumalampas sa lahat ng paglabas sa sarili. . .sa
isang paglimut sa sarili na nalilimutan ang paglimut sa sarili. . .kaysa sa anomang kaya nating akalain.
TALASANGGUNIAN

Covey, Stephen R. 1994. First Things First. New York: Simon and Schuster, Inc.

Ferriols S.J., Roque J. 1991. Pambungad sa Metapisika. Quezon City: Office of Research and Publications.

Gadamer, Hans-Georg. 1984. Truth and Method. 2d revised ed. Translated by Joel Weinsheimer and
Donald G. Marshall. New York: Continuum Publishing Company.

Jürgen Habermas. 1996. Between facts and norms: Contribution to a discourse theory of law and
democracy. Translated by William Rehg. Cambridge, Massachusetts: MIT Press.

Ibana, Rainier R. A. 1996. Pagpapahalagang Moral: Mga Unang Hakbang. Quezon City: Sublime Paralytic
Publications.

Mercado, Leonardo N. 1979. Elements of Filipino Ethics. Tacloban City: Divine Word University
Publications.

Reyes, Ramon Castillo. 1989. Ground and Norm of Morality: Ethics for College Students. Quezon City:
Ateneo de Manila University Press.

You might also like