You are on page 1of 14

1

Pakikitagpo sa Banal
Roque J. Ferriols, SJ

Damdamin
May mga damdamin na basta’t ginigising tayo sa kalagayan ng ating katawan: na ito’y
mainit, malamig, basa, tuyô. Parang may mga bisang “hindi-ako,” “nasa labas ko,” na
dumarating sa akin. Sikat ng araw, halimbawa, o pagpatak ng ulan. At kapag nakatalab na ang
mga bisang ito sa aking katawan, umiiba ang kalagayan nito. Nararamdaman ko na mainit ako o
basa ako.
May mga damdamin naman na may tinatanggap at sabay tinutunguhan. Natutuwa
ako sa pagdalaw nina Juan at Juana. Tinatanggap ko ang kanilang pagdalaw. Nadarama ko
nga ang tuwa sa aking katawan. Ngunit ang tinutuonan ng karanasan ay hindi ang aking katawan,
kundi mismong sina Juan at Juana: nakakatuwa na dumalaw sila. Masasabi ko na ang katawan
ko ay nananatili sa sarili at nadarama ang sarili habang lumalabas din sa sarili at nadarama sina
Juan at Juana. At nadarama sila bilang tuwa.
Nakikiramdam ako. At sapagkat nakikiramdam ako, nasasangkot ang aking malalim na
sarili sa pakikipagkapuwa sa kapuwa-tao. Kapag pinagmamasdan natin ito ay masasabi natin
na, sa ganyang damdamin, ay tinatanggap natin ang ating kapuwa “mula sa labas, ” ngunit
nagpapatalab tayo sa kanya hanggang sa kaloob-looban; at sabay, sa damdamin ding iyon,
ay tumutugon at tumutungo sa kanya ang ating malalim na kalooban. Kaya’t siya ang
nagbigay-balangkas sa ating damdamin. Halos masasabi na ang ating damdamin ay kasing hugis
niya, kasing kolor, kasing amoy, bumabalangkas sa kanyang tiis at ligaya, sa buong
naaabot-damdam ng paghilig sa kanya ng ating katauhan. Halos masasabi, ngunit halos lamang.
Sapagkat kung mas lumalalim ang pagkilala ng tao sa tao, mas natatauhan ang tao na ang
kapuwa ay gaya ng sarili: napakalalim, hindi lubusang matatarok. Ngunit may tunay pa rin na
pagkilala. Kaya’t nagkakasabay ang tahimik at mapanatag na pagkilala at ang hindi maaring
tumahimik at pumanatag na paghahanap, pag-uunat, pagsisikap makaabot.
Ang damdamin na may tinutunguhan ay nagmumula sa dumaramdam, at sabay
tinatanggap mula sa tinutunguhan. Kung iniibig mo ang isang tao, ang iyong damdamin ay
tumutungo sa kanya, at siya ang nagbibigay balangkas sa iyong damdamin, sa buong
naabot-damdam ng paghilig sa kanya ng iyong katauhan.
Ang iyong nadaramang pag-ibig ay nagmumula sa iyo, sa pagbaling ng iyong kalooban:
pagbaling na isang uri ring pagsuko. Hinayaan mong mahila ng pagakit ang iyong kalooban.
Kaya’t madalas sabihin: “Nahuhulog ang kanyang loob kay kung sino.” Sa simula ang paghulog
ng loob ay maaring walang isip, gaya ng pagkusa ng isang tanim na tumutubo. Kaya’t madalas
sabihin: “Tinubuan sya ng pag-ibig.” Pagkatapos, maaring mamalayan ang pagkahulog ng loob,
timbangin, angkinin … gawing kusang-loob. At kapag ginawa nang kusang-loob ang
pagibig ay maari nang sabihin: “Pinapatubo niya ang pag-ibig.” At habang lahat nito ay
nagaganap sa iyong kalooban, nadarama mo rin na may hawig diyan na nagaganap sa
2

kanyang kalooban. Kalooban at kalooban ay nakikipagtagpo. Dumaramdam at


nakikiramdam.

Maka-penomenolohiko
Ang damdamin na hindi lamang nagpapamalay sa kalagayan ng katawan kundi may
pinagmumulan at may tinutunguhan, kung kaya’t ang tinutunguhan ay nagbibigay-balangkas sa
malay-tao…ang ganyang damdamin ay maaring pagmasdan, masusing tuonan ng pagsusuri.
Iyan ang kagagawa natin ukol sa tuwa sa pagtanggap sa mga dumalaw at ukol sa pag-ibig.
Iyan ang gagawin natin ukol sa balangkas ng malay-tao ng tao sa nakikipagtagpo sa banal.
Ang metodo ng magmasid sa balangkas ng malay-tao ay madalas tawaging
penomenolohiya. Ang penomenolohiya ni Edmund Husserl ay isang pino at masalimuot na
patakaran na nagsisimula sa paglagay ng meron “sa loob ng panaklong.” Ang metodong
ginagamit dito ay hindi pinapanaklong ang meron bagkus sinisikap na palaging kumilos
na babád sa meron. At ang pagmamasid dito ay hindi iyong teknikal na pagmasid ni Husserl
kundi iyon lamang masusing pagtanaw ng karaniwang tao. Kaya’t ang ginagamit dito ay di
bagay tawaging penomenolohiya. Baka matatawag na maka-penomenolohiko.
Pagmamasdan natin ang damdaming relihiyoso; suriin natin ang balangkas ng malay-tao
na nakikipagtagpo sa banal at mahal. Gagamitin natin ang dalawang katagang ito sa kahulugan
na alam nating lahat kahit na hindi binibigyan ng depinisyon. Ang tinutukoy ay “banal”
sa: “Magalang ang kilos sa simbahan palibhasa’y banal na lugar.” O “Kahit na iba ang
iyong relihiyon kailangan na galangin mo ang moske sapagkat iyon ay banal na lugar.” At
“mahal” naman sa: “Papasok tayo sa katahimikan at magpapakataimtim sa panalangin sapagkat
ngayon ay mahal na araw.” Sa karaniwang paggamit ng dalawang katagang iyan, may sapat
na kalinawan kaya’t kahit na hindi dinedepinisyo ay hindi mapagkakamalan kung ano ang
tinatalakay. At hindi natin bibigyan ng depinisyo na maglalagay ng mababagsik na
hangganan, upang manatiling bukas ang talakayan sa tuluyang pagpapalalim at pagpapalawak,
sa tuluyang pagtuklas.
Sapat din na malinaw ang karaniwang paggamit upang masabi natin na pareho ang buod
na kahulugan ng dalawang kataga. Ngunit sa “banal” ay binibigyan diin ang pagkalampas sa tao
ng nakikipagtagpo sa tao. Sa “mahal” naman ang dinidiin ay ang pag-ibig. Sa susunod na
talakayan, pag-uusapan ang pakikipagtagpo sa banal at ang pakikipagtagpo sa mahal …
parehong karanasan ang tinutukoy.

Personal at impersonal
May interpretasyon na ang pakikipagtagpo sa banal ay impersonal. Ibig sabihin na
kapag makapagtagpo ang tao at ang banal, nakikipagtagpo ang tao sa isang higit sa kanya, sa
isang kagalang-galang na dakila … na hindi nakakaunawa sa tao, hindi kayang umibig, hindi
3

talagang mulat sa tao, hindi maaring makiusap sa tao o kausapin ng tao. Napakadakila ng
banal upang magpakaabala pa sa napahamak na tao.
May pilosopiya naman na naninindigan sa interpretasyon na ang banal ay personal.
Ang ibig sabihin ay: na ang banal ay higit sa tao, kagalang-galang, dakila … at nakakaunawa,
umiibig, nakikiusap at kinakausap … at mahalaga sa kanya ang tao, mahalaga sa kanya kung ano
ang ginagawa ng tao o kung ano ang nangyayari sa tao.
Maaring sabihin ng naninindigan na impersonal ang banal na kapag umakyat siya sa
mataas na bundok at natatanaw niya ang malawak na kapatagan sa ibaba na umuunat hanggang
sa dagat, at ang dagat naman na umuunat hanggang langit, habang ang langit naman ay umaakyat
at, mula sa itaas, ay sinusubukan siya … siya’y nanliliit na nadarama niya ang walang-
hangganan na dakila. May pagharap at pagdanas. Walang pakikipagkapuwa. At hindi itinuturing
na kailangan o mahalaga o tunay o posible ang pakikipagkapuwa. Walang inaangkin na
pagsasagutan ng kalooban ng tao at ang ubod ng lalim na panloob ng banal.
Kapag gumagawa ng maka-penomenolohikong pagmasid sa damdaming relihiyoso
ang tumatayo sa impersonal na interpretasyon, hindi niya papansinin kung sakaling may
sumulpot na katangiang personal. O kung hindi niya naiwasang pansinin, ituturing niyang
walang kinalaman sa buod ng karanasang relihiyoso. Ang anomang katangiang personal ay
ituturing na lihis sa karanasan: “sumisipot sa gilid,” epinomenon, ika nga.
At sapagkat itinuturing niyang epinomenon ang personal na katangian, parang malinaw
sa kanya na ang impersonal ay unibersal: na ang katangiang impersonal ay parehong
umiiral pati sa buod ng karanasan na tinatawag na personal. Ang kaibhan lamang ay:
tinapalan ng ilang katangiang personal, pero walang pagkakaiba talaga sa buod ng karanasan.
Ngunit hindi ganyan ang nangyayari. Sa personal na pakikitagpo sa banal ang buong
karanasan, mula sa pinakamalalim na buod hanggang sa pinakamababaw na aspekto, ay nagiging
pakikipagkapuwa, pakikipagsagutan sa ka looban.
Kapag ang nabiyayaan ng pakikipagtagpong personal sa banal ay umaakyat sa mataas na
bundok at natatanaw niya ang malawak na kapatagan sa ibaba na umuunat hanggang sa dagat, at
ang dagat naman na umuunat hanggang langit, habang ang langit naman ay umaakyat at, mula sa
itaas, ay sinusukuban siya … dumarating lahat ito sa kanya bilang salita sa kanya ng banal o
kaya katahimikan ng banal. Palagi siyang nakikinig sa salita o sa katahimikan ng banal.
Kapag siya’y nanliliit, ito’y sapagkat nadarama niya ang paglapit sa kanya ng walanghangganan
na pagkalinga at pagbibigay-halaga. Ang bawat pagharap at pagdanas sa banal ay natatablan ng
pakikipagkapuwa sa kanya. Araw-araw na pangyayari ang pakikipagsagutan ng kalooban ng
tao at ng ubod ng lalim na kalooban ng banal. Pangyayari na kung minsan kaluwalhatian
kung minsan konsumisyon, pero palagi pa ring pangyayari.
Unang larawan: nakatayo ang isang tanyag na tao sa pintuan. Hindi niya ako pinapansin.
Nagtataka ako kung sino o kung ano siya. Ikalawang larawan: Isang taong tanyag ay sumilip sa
silid. Bago ako makapagtaka kung sino o kung ano siya, nakita niya ako’t pumasok. Kinamayan
ako, kinausap, nakipagkaibigan. Hindi ko masasabi na ang ikalawang larawan ay parehung-
4

pareho sa nauna liban lamang sa ilang nasa gilid na detalye. Ang buod at kabuoan ng ikalawang
karanasan ay tahasang iba sa nauna. At hindi katotohanan kung sasabihin ko na kailangan
ko lamang bawasan ng ilang detalye iyong ikalawa upang magkapareho na ang dalawa.
Iya’y malabong larawan ng banal bilang impersonal at personal. Hindi maaring sakupin
iyong dalawang karanasan sa loob ng isang konseptong unibersal, palibhasa’y tahasang
magkaiba. Sa mula’t mula pa’y kailangang paliwanagin ng tumatalakay kung alin sa dalawang
uring karanasan ang kanyang tinatalakay. Kaya’t sa simula pa’y maliwanag kong inaangkin na
ang tinatalakay ko sa aklat na ito’y ang karanasan ng personal na pakikipagtagpo sa banal. Sa
mula’t mula pa pinasya kong talakayin ang pakikipagtagpo ng tao sa banal na personal na
tumatawag at tumutugon sa tao.
At hindi ito isang pagpasyang walang dahilan. Maraming tao: Hudyo o Kristiano o
Muslim; mga Hindu sa tradisyong Bhakti: pati mga Budista na sa teorya ay tinutukoy na
may relihiyong impersonal, pero hindi naman palaging impersonal sa aktuwal na
pagsasabuhay ng kanilang paggalang sa banal … ang mga taong ito ay mga milyun-milyon, at
gumagalaw ang kanilang pananampalataya’t pakikipagtagpo sa banal sa loob ng larangang
personal. Hindi ako nagpapanggap na tatalakayin ko ang buong kayamanan ng larangang
ito. Ibig ko lamang pagsikapan, kahit papaano, na gumalaw sa loob ng larangang ito.
At bukod pa sa dahilan na milyun-milyon ang mga mapagmamasdan na may
personal na paniniwala sa personal na banal, meron din mga pilosopikong batayan ang
paninindigan na ang paglapit sa banal ay paglapit sa tahasang meron, at kailangan na ang
tahasang meron ay personal. Tatalakayin natin ito sa susunod na yugto.

Tao sa tao
Makikita natin sa mga susunod na yugto na ang mahal at banal ay ang
Panginoong Diyos, ang ubod na meron na personal sa kanyang kaganapan. Kaya’t masasabi na
natin ngayon pa na ang pakikipagtagpo ng tao sa banal ay malalim na kahiwagaan na hindi
makokonsepto ni malalarawan. Ngunit mahihiwatigan mula sa malayo. Mula sa ating masusing
pagtanaw sa personal na pakikipagtagpo ng tao sa tao ay susubukan nating pumulot ng ilang
pahiwatig. Baka sa pamamagitan ng maingat na pagsusuri sa pakikipagtagpo ng tao sa tao’y
makahango tayo ng kaunting liwanag ukol sa pakikipagtagpo ng tao sa banal.
Sabihin natin na nasa supermarket ka. Nakakita ka ng dalawang taong hindi mo
kilala, ngunit nagsalita sila sa iyo. Sabihin natin na humiling sila ng tulong upang
mahanap nila ang gusto nilang bilhin. Noong natulungan mo na sila’y tuluyan silang
nagpakilala. Si Juan at si Juana pala sila. Dito nagsimula ang inyong pagkikipagkaibigan. Kahit
na mahaba ang dadaloy na panahon, maaalala pa ninyo palagi na ito ang inyong unang
pakikipagtagpo.
Ano ba ang pakikipagtagpo? Masasabi yata na sa simula’y dapat nasa parehong lugar ang
nakikipagtagpo. Totoo ito, pero hindi ito ang lahat. Maraming ibang taong nasa supermarket, at
hindi naman kayo nakipagtapo. Maraming ibang okasyon na may humingi ng tulong sa iyo,
5

tinulungan mo, nagpasalamat sila, pero hindi kayo tuluyang nakipagtagpo. Ngunit, kay Juan at
Juana, may nangyari. Mula sa kanila, tungo sa iyo. Mula sa iyo, tungo sa kanila. Nakipagkapuwa
kayo. Nasa parehong lugar ang katawan at nagsasagutan ang diwa. Gamitin natin ang isang
lumang salita: Sumasaiyo sila. Sumasakanila ikaw. Pagsasa … lumang uring pananalita, pero
sariwa pa rin ang pangyayari. May katagang Latin na katumbas niyan: praesens. Ens:
nagmemeron. Prae: sa harapan. Ang unang kahulugan ay para bagang pagsasaparehong-lugar
lamang ng mga katawan ang tinutukoy. Ngunit, sa paggamit ay may mas malalim na kahulugan
na tumubo: Pakikipagtagpo ng kalooban sa kalooban. Praesens: sumasa … Praesentia: pagsasa
… Sa mga talakayin natin, kung minsan gagamitin ko ang sinaunang Pilipino, kung minsan
naman iyong sinaunang Latin, sa pormang “presensiya.”

Pagsasa-isa’t-isa
Kapag malalim at matibay ang pakikipagtagpo ng tao sa tao, palagian ang kanilang
pagsasa-isa’t-isa. Ang pakikipagkapuwa-kalooban ng mag-asawa, na matibay ang katapatan
sa isa’t-isa, ay masasabing umiiral maghapon at magdamamag. Masasabi ring palagian ang
pakikipagkapuwa-presensiya ng matatalik na kaibigan.
Nandirito ka sa harap ko. Katawan mo at katawan ko sa parehong lugar. Ngunit
kagagaling mo lamang sa eyrport. Nagpaalam ka sa iyong kaibigan. Ang presensiya mo
ngayo’y nasa eroplano, nakikipagkapuwa sa iyong kabigan na nagpapaabrod. Sumasakanya
ka sa isang lalim at tindi na hindi na natatali sa panahon at lugar. Nandirito ka sa
harapan ko, sa oras at lugar na ito. Nagpepresensiya ka sa anomang saan at kailan na
kinaroroonan ng iyong kaibigan.
Ngunit, at ito ay kabalintunaan, sa inyong hindi pagkakatali sa lugar at panahon, sa
lugar at panahon ka rin nakaugat. Ikaw ay sumasakaibigan mo bilang nasa eroplano ngayon.
Maaalala mo sina Juan at Juana bilang nakilala mo sa supermarket. At kapag may
nagtatrabaho sa malayong abrod upang matulungan ang kanyang pamilya, sumasakanila siya
palagi kahit na hiwalay sila sa saan at kailan. Diwa sa diwa lagi siyang sumasakanyang-pamilya.
Ngunit masakit niyang inaasam na muli silang magkaisa sa lugar at panahon: sabay diwa sa
diwa’t katawan sa katawan. Katawan na hanap sa katawan, nagkakamayan, nagyayakapan.
Ang pagpresensiya ay nagaganap sa alaala, sa isip, sa paglalarawan at sa damdamin.
Ngunit mas malalim kaysa sa lahat niyan ang pinanggagalingan. May isang pagbaling, pag-
ugnay ng sarili, taós na pagtaya ng sarili. May pagsasakapuwa na nililikha sa mismong
pagmemeron ng sarili, na bumabago sa mismong balangkas ng sarili. At hindi lamang
pagtungo sa sariling presensiya sa kapuwa, kundi pagtanggap din ng tumutugon sa presensiyang
nanggagaling sa kapuwa.
Ang kilos ng presensiya ay lapit-layô. Kung mas tumitindi ang pakikipagkapuwa,
kung mas naglalapitan, nagtatalaban ang loob, mas natatauhan na ang kapuwa ay may kalaliman
na sagrado, may hiwaga na hindi maaring ariin ninoman. Kaya’t may nagaganap na magalang na
pag-urong, mapitagang paglayô. Ngunit, kung mas gumagalang, kung mas namimitagan ang tao
6

sa kapuwa ay lalo siyang natatauhan na ubod ng magaling at mahalaga ang hiwaga ng kapuwa,
kaya’t lalo siyang naaakit at lalo siyang napapalapit.
Ang lapit-layô ng pakikipagtagpo ay lumilikha ng isang abot-tanaw ng mga malay-
tao na magkaugnay, isang abot-tanaw na matatawag na lugar ng diwa, isang uring tahanan
ng sarili ng mga nakikipagtagpo. Kaya’t masasabi ni Chesterton sa kanyang asawa: “At ika’y
naging tahanan, lumilipad na tahanan na palagi kong mauuwian.” At masasabi naman ni Robert
Frost: “Tahanan ay uwian na, kung kailangan mong pumunta, kailangan ka nilang tanggapin.” Sa
salita ng mga makata’y natutulungan tayong mamulatan na ang mga nakikipagtagpuan ay
lumilikha ng maliit na sansinukob sa loob ng sansinukob. Sa mga gulo ng malaking
sansinukob, may maliit na sansinukob na palagi nilang mauuwian, kaya’t sumasariwa at
sumusulong ang buhay.
At kanilang nagigisnan na may lar ô sa mundo. 1 Hindi larô ng taong palaging
humahanap ng libangan upang mapawi ang kanyang pagkabagot sa buhay. Hindi rin larô ng
batang laki sa layaw na nagdadabog kapag may medyo nakakainis sa kanya. Higit sa lahat,
hindi laro ng paligsahan, mabangis na labanan na hindi 1. [ Sa buong usapan ukol sa larô, malaki
ang utang ko kay Hugo Rahner, S.J. Man at Play , isinalin mula sa German nina Brian
Battershaw at Edward Quinn (New York: Herder and Herder, 1972). Kailangan din isali ang
Prefasyo na sinulat ni Walter J. Ong, S.J.] hihinto hangga’t hindi lubusang natalo iyong isa at
nanalo iyong isa. Ang tinutukoy dito ay isang ligaya, isang pag-apaw ng tuwa na ang
talagang totoo ay talaga ngang totoo. Larô ng mga batang nagsitatakbuhan at nasisirko-sirko sa
damuhan. O larô ng mga batang ngumingiti sa apoy, kapag sa taglamig ay nakahanap sila sa
wakas ng kanilang mapagdadarangan. O ng mga batang nagsisigaw kapag sa mabagsik na
tagtuyô ay biglang umulan. Larô ng mga bata na natutuwa na ang meron ay meron. Ang larong
ito na nakilala nila noong sila’y bata, at muling nagigisnan ng matatanda, habang
tinatawid nila ang lapit-layô ng konsumisyon-ligaya ng pakikipagkapuwa. Baka matuklasan
nila na ang larong ito ay hindi talaga nawala kailanman; at may tunay, mas matibay, mas seryoso
kaysa sa inaakala nila.

Tao sa banal
Napuna na natin na ang pakikipagtagpo ng tao sa banal ay isang kahiwagaan na hindi
makokonsepto ni malalarawan, ngunit mapapahiwatig pa rin kahit na mula sa malayo. Nasabi na
rin natin na mula sa masusing pagtanaw sa pakikipagtagpo ng tao sa tao ay susubukan natin
kung makakahango tayo ng ilang pahiwatig, ng kaunti man lamang liwanag, ukol sa
pakikipagtagpo ng tao sa banal. Kahit na papaano’y naganap na natin ang pagtanaw sa
pakikipagtagpo ng tao sa tao. At ngayon ay kailangan tanungin: Wasto ba itong paggamit
sa mga natanaw natin ukol sa pakikipagtagpo ng tao sa tao upang lalo nating maunawaan ang
pakikipagtagpo ng tao sa banal?
Ano ba ang batayan nitong paggamit ng tao-satao bilang larawan o pahiwatig ukol sa tao-
sa-banal? Ang batayan ay: na madalas, kung sa bagay, sa kadalasan, ang banal ay
lumalapit sa tao sa loob mismo ng pagsisikap ng taong makipagtagpo sa tao. Ito ang nararanasan
7

ng maraming tao, na iba-iba ang relihiyon, ngunit nagkakaisa sa pagsisikap galangin ang
kapuwa: na sa pakikipagkapuwa-tao ay tumutubo ang paniniwala sa banal. Na sa iba’t ibang
paraan, sa mismong pagsisikap na manatiling tapat sa kanilang kapuwa ay natutuklasan nila na
nakikipagtagpo sa kanila ang banal. Sumasakanila ang banal at nabubuhay sila sa presensiya n g
banal.
Ang pagsisikap manatiling tapat sa kapuwa ay landas ng tigib sa pagkadapa, pagkasira ng
loob, mga tentasyon na talikdan ang kapuwa, mga panahon ng dilim na parang lahat ay
kahangalan. Sa lahat nito, nakadarama ang nagsisikap, na meron sumasakanya na
umuudyok, tumatawag, nagbibigay-loob. Nagbibigayloob na mahalaga ang sarili, mahalaga
ang kapuwa. Ngunit hindi ito nararanasan sa porma na parang multo. Hindi presensiya na
mahihipo, ngunit presensiya pa rin. Mas matibay kaysa sa anomang nadaramang presensiya.
Kung minsan parang nadaramang hindi nadarama pero tunay na tunay.
Kung ang mambabasa ay nakaranas at nakaangkin ng ganito sa kanyang buhay,
mauunawaan niya na simpleng katotohanan lamang na hindi nga masasabi … pero
nagkakaintindihan pa rin ang mga may paniniwala kapag nakikiusap sila sa isa’t isa tungkol dito.
At lalo na kapag sila’y nasa katahimikan ng paniniwalang ito. Alam nila na hindi totoo ang
interpretasyon ng ilang pilosopo na ang pinaniniwalaan ng mga may paniniwala ay isang
basta’t inimbento nila upang maaliw sila sa dilim ng buhay o sapagkat takot silang
humarap sa daigdig na walang pag-asa. Alam ng naniniwala na ang kanyang inaasahan ay
hindi niya inimbento, bagkus tinawag siya sa hindi niya inaakala.

Mysterium
Sa pagsisikap ng taong tanggapin ang tawag ng banal, tumugon dito, at ikabuhay
ito, mararanasan niya na hawig pero ibang-iba pa rin ang pakikipagtagpo sa kapuwa-tao at ang
pakikipagtagpo sa banal. Hawig sapagkat may pagharap sa hiwagang nakikipagkapuwa. Ngunit
ubod ng pagkakaiba sapagkat kung hiwaga ang taong sumasaakin, hiwaga ng lahat ng mga
hiwagang walang-hanggan ang banal na sumasaakin nang may lalim. Nararanasan ang kapuwa-
tao bilang marupok kagaya ko. Ang banal ay nararanasan bilang mayhawak at may pag-aalaga sa
lahatlahat hanggang sa hindi ko alam at lampas sa di ko alam. Kaya’t itong ubod na iba sa akin
na sumasaakin pa rin, lumalapit at nakikiugnay sa akin, ay bagay itukoy sa pamamagitan ng
kataga na ipapaalala sa akin ang kanyang tahasang pagkadakila. Kaya’t gagamitin natin, tulad ni
Rudolf Otto, ang katagang mysterium . 2 [Inangkin ko at dinagdagan ang terminolohiya ni
Rudolf Otto sa kanyang Das Heilige (Ang Banal, sa bersiyong Ingles: The Idea of the Holy).
Mapapansin din sa mismong paggamit na may kaibhan sa aking pangangahulugan.]

Mysterium tremendum et fascinosum


Kapag lumapit ang tao sa kapuwa-tao, nakikipagtagpo siya sa sagradong kalaliman
na hindi maaring ariin ninoman. Kaya’t ang nananabik niyang paglapit ay kasabay ng magalang
na pag-urong. 2.
8

Sa paglapit naman ng banal sa tao, parang naapawan at nalulunod ang tao sa presensiya
ng kalaliman na siyang may-ari ng lahat lahat, umaangkin at nag-aalaga sa lahat lahat. Magalang
at mapitagan na gustong umurong ng tao, ngunit alam niyang hindi niya mauurungan ang
presensiyang sumasakop sa lahat, kaya’t siya ay natatakot. Natatakot siya sa kalaliman na
tumatalab at pumapaligid sa kanya. Hindi gaya ng takot ng taong nasa panganib sa bulkan o sa
baha. Hindi rin gaya ng takot ko kung sakaling may kaaway na handa nang lusubin ang aking
tahanan. Ang mga takot na iyan ay gustong makatakas, makaligtas sa kinatatakutan. Ang taong
kinatatagpo ng banal ay nanginginig nga sa takot, ngunit sa kalooblooban niya’y di niya nais
tumakas bagkus tahimik at buong pananabik niyang tinatanggap ang di-mabigkas na pag-akit
ng banal. Ibig niyang mababad sa presensiya ng banal. Sapagkat nanginginig ang tao,
masasabing nakikitagpo siya sa mysterium tremendum . Sa kanyang tahimik at sabik na
pagtanggap, nakikitagpo siya sa mysterium fascinosum .

Mysterium familiare
Sa pakikipagtagpo ng banal sa tao, ang tao’y naninirahan sa isang daigdig na
nanginginig siya sa takot habang nananabik siya sa di-mabigkas na pag-akit. Ngunit sa
nakalilitong nginig-pananabik na ito, simpleng-simpleng nagpapalitan ng salita ang tao at ang
banal. Sumasa-isa’t-isa. Nakikita ito, halimbawa, sa pakikipagtawaran ni Abraham kay
Yahweh upang sana’y maligtas ang Sodom. O sa kahilingan ni Moises kay Yahweh: Makita
sana kita. At sa tugon ni Yahweh na likod lamang ang ipapakita niya. Ngunit hindi lamang ang
mga dakilang tao ang nakikipag-usap sa banal. Ang umaapaw at tumatalab at pumapaligid
na mysterium ay nakikiusap kaninoman. Sa totoo lang, lahat ay dakila sa kanya. Kaya’t
sa walang-tigil na usapan ng tao at ng banal ay natatauhan ang tao na tahanan niya at
uwian ang mismong banal. Ang banal ay tahanan na kailanman at saanman ay mauuwian ng
tao. Marahil matatawag nating mysterium familiare ang banal, palibhasa’y nararanasan natin
siya bilang sukdulan ng anomang nararanasang ginhawa sa mga pamilya ng tao. Sumasalahat,
nagpepresensiya sa lahat ang banal, kaya’t ngayon ang buong malaking sansinukob na paunat
nang paunat sa kalawakan ay maaring maranasan ng tao bilang kanyang bukod-tangi at sariling
maliit na tahanan.
Makikita ang familiare, halimbawa, sa tradisyong Hindu ng Bhakti na ang buod ay ang
katapatan ng tao sa Panginoon. Ang katangian ng ganitong pamumuhay ay inilalahad,
halimbawa, sa Bhagavad Gita (Awit ng Panginoon). Ang bida ng awit ay si Arjuna, isang
bantog na mandirigma. Ang uri ng kanyang paglaban ay mula sa karwahe na yari sa bronse at
hinihila ng dalawang kabayo. Pinakamatalik na kaibigan ng ganitong mandirigma ang
nagmamaneho sa kanyang karwahe. Sapagkat nararamdaman ng nagmamaneho sa mismong
mga ugat ng kanyang katawan, kung ano ang kilos ng karwahe na kailangan ng among
mandirigma. Tungkulin niyang madama kaagad kung ano ito at kaagad isagawa: bilis, bagal, at
tigil; sugod, ilag, at lansi.
Ang istorya ng tula ay nagsisimula sa malawak na parang ng Kurukshetra. Naghaharapan
at nakahandang magsagupaan ang dalawang hukbo. Pero nalulungkot si Arjuna sapagkat
ayaw niyang magpadanak ng dugo. Ayaw niyang patagusin ang kanyang armas sa malulusog
9

na katawan ng kanyang kalaban, na dugo at laman rin niya. Ang nagmamaneho ng


kanyang karwahe ay siyang nagbibigay-loob sa kanya. Pinapaalala sa kanya na hindi siya
talagang papatay, sapagkat ang mga namamatay ay nabubuhay pa rin nang walang-hanggan.
Ngunit ang buod ng talumpati ng nagmamaneho ay ito: Na ang bawat tao ay may
gawaing nakatakda sa kanya, may dharma. At ang dharma ni Arjuna ay lumaban sapagkat
itinalaga sa kanya ng Panginoon na siya’y maging mandirigma. 3 [Marahil magtataka tayo na
palaging dala ni Gandhi ang aklat ng Gita. Mandirigmang marahas ang binibigyan-loob ng Gita.
Si Gandhi naman ay manlalabang di-marahas. Lakas-loob niyang tinatanggihan ang anomang
karahasan. Ngunit, kung pagmamasdan natin, ating makikita na ang inspirasyon ng Gita para kay
Gandhi ay hindi iyong itinuturo ng awit ukol sa marahas na digmaan, kundi iyong itinuturo ukol
sa pananatiling tapat, pagsisikap at pagtitiyaga, alang-alang sa Panginoon.]
Ang Panginoon ay may bukod-tanging pagtanaw sa bawat tao. Kaya’t utang ng taong
maging tapat na lingkod ng Panginoon. Kailangan niyang pakinggan araw-araw ang
Panginoon, umupo nang matatag at tahimik, at manatiling walang galaw na “parang apoy ng
kandila sa isang pook na walang hangin,” upang makarating sa kanya ang tinig ng Panginoon.
Ang pagtalaga ng Panginoon ng bukod-tanging dharma sa bawat tao ay pagdulot niya ng
bukod-tanging pag-ibig sa bawat tao. Kaya’t utang na loob ng taong tupdin ang kanyang dharma.
Kahit na pag-alay lamang ng bulaklak ang iyong dharma, napakadakilang bagay kapag
tinupad mo. At “lalong mabuting tupdin nang hindi magaling ang iyong dharma, kaysa
tupdin nang magaling ang dharma ng iba.” 3.
Sa wakas nagpakita kay Arjuna ang kanyang tagamaneho sa anyo ng taong higante na
may libu-libong paa’t kamay at libu-libong mata: tanda ng pagkahindi-matarok ng
kadakilaan at katapatan ng Panginoon. Ang tagamanehong kasama niya araw-araw ay siya
rin palang Panginoon niya. Ang di-matarok na dakila ay siya rin palang kaibigan. Ang banal
at ang tao’y taimtim na nagtatalaban sa kanilang pagkakaibigan.
Makikita rin ang familiare sa liturhiya ng mahal na araw ng mga Rusong
Ortodokso, batay sa paglalahad ni Boris Pasternak. Sa kanyang nobelang Doctor Zhivago ,
ibinabahagi ng isang babae ang kanyang mga pagmumuni-muni ukol sa liturhiya: 4 [Boris
Pasternak, Doctor Zhivago . Iningles nina Marx Hayward at Manya Harari (New York:
Ballantine, 1982), pp. 415-416.]
“Palagi akong nagtataka, bakit kaya binabanggit si Maria Magdalena sa mismong simula
ng mahal na araw. Bagung-bago pa mamatay at mabu hay na mag-uli si Kristo. Hindi ko alam
kung bakit. Ngunit nararapa t yata na sa sandali ng kanyang pagpapaalam sa buhay at ilang araw
lamang ba go siya mabuhay muli ay magkaroon ng paalala kung papaano talaga ang bu hay.
Makinig ka. Ganito ginaganap ang paalala. Matindi at tunay ang damdamin. Walang
pagdududa’t tahasan ang pananalita … Hinihiling niya sa Panginoon: “Kalagin mo ang aking
utang, kinakalag ko ang aking buhok .” Ang ibig sabihin: “Kung papaano kong nilulugay ang
aking buhok. Pakawala in mo ako sa aking mga pagkakasala.” Maari bang maging mas buhay,
mas nadarama, ang pagbigkas sa pagsisisi, ang uhaw sa kapatawaran?
10

Sa pagpapatuloy ng liturhiya sa araw ring iyon mas madetalye an g talata . . . Muling


nadarama, nakakatakot, ang kanyang pagtatalikod sa kanyang nakaraan. Sinasabi niya na gabi-
gabi’t nasusunog ang kanyang la man dahil sa kanyang mga dati at di-mabagong pag-uugali.
“Sapagkat sa aki n, ang gabi ay pagliliyab ng libog, ang madilim at walang buwan na pan anabik
ng kasalanan.” Hinihiling niya na tanggapin ni Kristo ang luha ng kanyang pagbabalik-loob, na
tumalab kay Kristo ang kataimtiman ng kanya ng pagbubuntong-hiling, upang mapunasan ng
kanyang buhok ang kalin islinisang paa ni Kristo. Pinapaalala niya kay Kristo na nagkubli si
Eba sa umaagos na alon ng kanyang buhok noong namangha siya sa takot a t hiya sa paraiso.
“Ipinahintulot mong mahalikan ko ang iyong malilinis na paa, at madiligan ng aking luha at
mapunasan ng buhok na umaalon mula s a aking ulo at nagbigay ng silong at kanlungan kay Eba,
noong natatakot siya, sa simoy ng dapit-hapon sa paraiso.” At pagkuwa’y napapabulalas si ya:
“Sino ang makatatarok sa karamihan ng aking mga pagkakasala o sa kalaliman ng iyong awa?
Anong taimtim na pakikipagkapuwa, anong pagkapant ay ng Diyos at buhay, ng Diyos at
linalang, ng Diyos at babae! ”4

Mysterium ludens
May pag-apaw ng ligaya sa pakikipagtagpo ng tao sa tao, kung kaya’t ang ating
pagkakaibigan ay nagiging isang larô. Meron ngang pagkakataon para sa larong paligsahan
o labanan, ngunit hindi iyan ang tinutukoy dito, kundi ang lar ô na basta’t ligaya ng tao
sa tao. Sapagkat ang tao ay malaya, palaging may posibilidad ng pagtataksil, ngunit,
sapagkat ang tao ay malaya, palagi ring may posibilidad ng pananatiling tapat, sa gitna ng
mga pag-aalinlangan at pagbabaliktad ng buhay. At palaging may mga tao na natatauhan na
bahagi ng pananabik ng kalayaan ang pagbuklod ng sarili sa kapuwa; kaya’t humuhubog sila ng
matibay na pagkabuklod ng tao sa tao. At ang lumalabas ay isang uring sayaw ng kalooban sa
kalooban. Kaya’t maaring mangyari na natutuwa ka sapagkat, sa kabila ng mga hirap at
konsumisyon ng pakikipagkapuwa, ikaw ay ikaw pa rin, at ako ay ako pa rin. Iya’y larong
dalisay na pinagbabatayan ng lahat ng laro. Purong tuwâ na ang meron ay meron, purong pag-
apaw ng kaligayahan na meron ang mga nagmemeron.
Ang presensiya ng banal sa sansinukob ay maaring madama ng tao bilang bisa na
palaging lumalalang at natutuwa sa kanyang pamamahagi ng kanyang meron sa kanyang
nilalalang. Ang kanyang meron ay maari niyang ibahagi sa dimabilang na mga paraan, ngunit
ang kanyang meron ay hindi nababawasan, hindi humihina, kundi palaging meron na meron.
Siya ay palaging siya, at buong-lugod na pinamemeron niya ang mga hindi-siya. Itong walang-
hintong pagbabahagi ay hindi nababawasan, ay pag-apaw ng tuwâ , at pagbabahagi ng tuwâ …
larô. Kapag sumasatao ang bisa ng banal na naglalarô, lumiligaya rin ang tao at nakikiisa sa
larong banal. Natatauhan siya at nagigising ang kanyang sariling mapaglikhang paglalarô.
Nararanasan niya ang banal bilang hiwagang naglalaro at nakikilaro, mysterium ludens .
Iyan ay medyo nasulyapan ni Aurobindo noong sinabi nya:
11

“Kaya’t Daigdig ay larô ng Ina ng mga nilalang na napilitang hub ugin nang walang-
hinto, ang kanyang sarili, sa walang-bilang na mga anyo, at sabik makaranas ng walang-humpay
na pagbuhos sa sarili.
At kung tititigan natin ang Iral-Daigdig sa kanyang kaugnayan s a lugod-sarili ng
walang-hanggang umiiral, maari nating ituring, ilarawan, at ipatotoo, bilang Ligaya … ang laro.
Ligaya ng bata. Ligaya ng makata, ligaya ng artista, ligaya ng mekaniko, ng Buod ng mga
nilalang na pala ging bata, palaging hindi nauubos, linilikha at muling nililikha ang Kanya ng
Sarili sa Kanyang Sarili, dala ng lubos na kaligayahan ng paglikha sa sar ili, paglahad sa sarili …
Sarili ang larô, Sarili ang naglalarô, Sarili ang pook ng larô.” 5 [ Aurobindo Ghose, The Life
Divine (New York: E.P. Dutton, 1951), p. 96.]
Kuhang-kuha rito ang umaapaw at bumubuhos na ligaya ng laro ng banal, ngunit
hindi yata napapansin ang ligaya ng banal sa kanyang personal na kalayaan.
Nakakaligtaan yata na Siya ay kusang-loob at maligayang lumalalang ng hindi-siya, at
nakikipagharapan, nakikipagkapuwa sa kanyang mga linalang. Ang ganitong maligayang larô ay
inilalahad sa isang talata sa Aklat ng mga Kasabihan. 6 Inilalarawan ang Karunungan ni
Yahweh, bilang personal, at nag sasalita…
“Naroon na ako nang likhain niya ang kalangitan at iguhit ang kumpas sa kalaliman, nang
ihugis niya ang mga ulap sa itaas at bumalong ang mga bukal ng karagatan, nang lagyan niya ng
hangganan ang mga dagat upang di umapaw ang tubig sa pampang. Noong ilatag niya ang mga
pundasyon ng lupa, kapiling niya akong tagapamahala; ako ang kaluguran niya sa araw-araw, at
naglalarong lagi sa kanyang harapan, habang naglalar ô sa sangkalupaan— nalulugod ako sa
mga anak ng tao.” (Mga Kasabihan 8, 27-32) 6 [Ginamit ko ang pagsasalin ng Biblia ng
Sambayanang Pilipino (Quezon City: Claretian at St. Paul, 1990).]
Sa kanyang larô’y nilalalang ng banal na Maykapal ang mga anak ng tao at nalulugod
siya sa kanila. Hindi siya lumalalang dahil sa isang udyok na namimilit sa kanya, kundi dahil sa
isang malaya at kusang-loob na pagbuhos ng pagmamahal. At “larô” ang pangalan ng malaya at
kusang-loob na pagbuhos ng pagmamahal. Hindi larô na kibit-balikat at walang pagbabahala,
kundi larô na ang bukal ay pagbabahala, pagkakalinga.
Kaya’t ang banal na larô ng tao’y nagsisimula sa pagtanggap at pagsisikap makiisa
sa maligayang pagkalinga ng lar ô ng Maykapal, sa isang uring mapitagang pakikiisa sa sayaw
ng Maykapal. Ngunit may anino sa sayaw na ito. Sapagkat ang kalayaan ng tao na siyang bukal
sa kanyang natutuwang pakikiisa sa mysterium ludens ay maari niyang gamitin sa pagtahak sa
taliwas na landas. At ginamit na nga niya ang biyaya ng kalayaan upang tumaliwas sa
Maykapal. Para bagang sinubukan niyang alisin sa tono ang musika ng sayaw, at sirain ang
ritmo ng larô ng Maykapal. Ang Maykapal naman, mula sa kalaliman ng kanyang larô,
may dinukot na kagila-gilalas na biyaya, na idinulot sa atin …
“Noong kami’y nawala na at hindi na marunong umuwi sa iyo, minahal mo pa nang higit
sa kailanman. Si Jesus, Anak mo, mabait, walang sala, ay isinuko ang sarili sa aming mga kamay
at ipinako sa krus. Ngunit, bago siya dumipa sa pagitan ng langit at lupa bilang di-magmamaliw
12

na tanda ng iyong tipan, ninais niyang ipagdiwang ang piging ng Paskuwa kasama ng kanyang
mga disipulo. 7 [Mula sa Panalangin ng Pasasalamat para sa Unang Misa ng Rekonsilyasyon.]
Ang paghahain ng Anak ng Diyos ay muling binubuo, at lalo pang pinapasigla ang nasira.
Mga kabalintunaan ay nagiging makapangyarihang larô. Ang pagpa pakasakit ay nagiging
ligayang laganap na lumalaganap pa. Ang pag-alay sa krus ay nagsisimula at, sa wakas,
humahantong sa pagsasalu-salo. Ang pagwawasak ng kamatayan ay humahantong sa laro’t
sayaw ng buhay na walang maliw. Ang larô ng Maykapal ay totohanan.

Hieropaniya
Ang pagsasa-isa’t-isa ng tao ay malaya sa lugar at panahon; sapagkat ang buod ay diwa,
nakakalampas sa saan at kailan. Ngunit sa isang kabalintunaan, mas matindi pa rin ang diwa sa
diwa kapag nasasabayan ng katawan sa katawan, sa saan at sa kailan.
Ang banal ay sukdulan ng meron kaya’t sukdulan din ng kalayaan. Ang kanyang
pagsasaatin ay nalalampasan ang anomang lugar at oras. Ngunit, nararanasan natin na nilalapitan
niya tayo ayon sa ating makakatawan na kalikasan … na siya rin ang lumalang. May mga lugar
na itinuturing na banal, mga araw na mahal. May mga materyal na bagay o mga makalupang
pangyayari na tinatawag na banal.
Sapagkat sa lahat nito’y nagpapakita ang banal. Hindi materyal ang banal, pero
may mga materyal na bagay o pangyayari na para bagang pinararating sa atin ang banal.
Ang mga ganito ay madalas tawaging hierophania . Griyego: Hieros : banal. Phania :
pagpapakita. Pagpapakita ng banal. Gagamitin natin ang kataga sa pormang “hieropaniya.”
Ang pinakalaganap na hieropaniya sa lahat ng relihiyon ay ang langit. “Ama naming
sumasalangit ka.” Kahit na saan ay nakikita ang langit. Ang lapit-lapit, mahihipo mo na lamang
pero palaging malayo pa rin. Ganyan din ang pagdanas natin sa banal, malayo, ngunit malapit, at
hindi tayo iniiwanan. Isang presensiyang sumusukob at kumakalinga. Ang mga bundok, na
itinuturing nating na malapit sa langit, ay madalas din maging lugar ng pagdanas sa pagsasaatin
ng banal.
Ang bato ay matibay, nandoroon kahit na hindi pinapansin o kinikilala, hindi umaalis,
sagisag ng katapatan. Kaya’t hindi nakapagtataka kung may mga taong nakararanas na
sumasaatin ang banal kapag naaninuhan tayo ng bato. Kapag isang taong tumatawid sa desierto
ay biglang maratnan ng un ó s, mabagsik na hangin na tigib sa lumilipad na buhangin,
magpapasalamat siya kung makapatagpo siya ng isang malaking bato na hindi gumagalaw at
nagiging kanlungan niya. Hindi tayo magugulat kung sa batong yaon ay maranasan niya ang
presensiya ni Yahweh na kumakalinga. At gaya ng Salmista, tatawagin niyang batong kanlungan
si Yahweh.
May banal na bato sa Mecca. At may sagradong bato sa altar ng mga simbahang
Katoliko. Nahihiwatigan ka ba sa mysterium kapag nararanasan mo ang bato?
13

Sa lahat ng relihiyon na tanyag sa daigdig ay may paglapit ng banal na


nararanasan sa buhay seksuwal. Hindi tinutukoy ang isang uring pagtanaw sa seks na
laganap ngayon; para bagang isang panlaban lamang sa pagkabagot, o isang sarap na
hinihiwalay sa pananagutan at ipinagbibili pa. Hindi. Ang nagiging hieropaniya ay ang buhay
seksuwal sa kanyang sinaunang kayamanan: Bukas-palad na pagsasa-isa’t-isa, ligaya, aliw,
pag-ibig, paglikha, pananagutan, sukdulan ng buhay. At nagiging hieropaniya ng bukas-palad
na pagbibigay-buhay ng banal. Ang seremonya ng kandila ng muling pagkabuhay sa Sabado de
Gloria ay halimbawa ng ganitong hieropaniya. Ang kandila ay simbolo ni Kristo: mismong
buhay na nagtatagumpay laban sa kamatayan at bukas-palad na ibinabahagi ang buhay sa
sangkatauhan, sa sansinukob. Kandilang inilulubog sa tubig, at nagdudulot sa lahat ng tubig
ng sanlibutan ng bisa tungo sa buhay na hindi na mamamatay.

Lampas sa Hieropaniya
Hindi maaring ituring na hieropaniya ang Eukaristiya, sapagka’t ito’y buháy na katawan
at buháy na dugo ni Kristo. Ang buháy na katawan at buháy na dugo ng Diyos ay hindi
maaring sakupin ng dukha at makitid na konsepto ng hieropaniya. Nakakamanghang
katotohanan: Sa mahiwagang pakikisalo natin sa Eukaristiya tumatalab ang katawan ng Diyos sa
ating katawan.
Kung minsan itinutukoy ding hieropaniya ang isang tao sapagkat sa kayang
presensiya’y nadarama na sumasaatin ang Diyos. Kaya’t kung minsan ay ihinahanay sina
Abraham, Moises, Mahomet, Buddha, at iba pa, bilang mga dakilang taong banal. Ngunit
hindi maaring isama sa ganitong hanay si Jesus bilang isa pang taong banal. Sapagkat hindi
siya isa pang taong banal, kundi isang tao na tao at banal na banal na Diyos din. At hindi siya
maipapasok sa makikitid na hangganan ng konsepto ng hieropaniya. 8 [Ang pagkabukod-tangi ni
Jesus ay paksa ni Gilbert Keith Chesterton sa The Everlasting Man (Garden City: Image Books,
1955).]

Hieropaniya ng Sangkalupaan
Marami ang mga materyal na bagay na ginagalang ng mga tao dahil sa presensiya
ng banal. Mga simbahan, bundok, kapatagan; mga libro, larawan, rosaryo; ang buong lupa.
May isang nakakatalab na halimbawa ng hieropaniya. ng buong makalupang pamumuhay sa
isang nobela ni Dostoyevsky. Si Alyosha ay nagdadalamhati sa kamatayan ng kanyang
minamahal na guro. Itinuturing siyang santo ng mga tao, kaya’t inaasahan nila na hindi
mabubulok ang kanyang bangkay sa panahon ng lamay. Sa daloy ng mga oras ay unti-
unting luminaw na nabubulok ang bangkay. Nagbulung-bulungan ang mga tao. Nalungkot
si Alyosha, hindi dahil sa pagkabulok, kundi dahil sa mga bulung-bulungan. Doon siya
nakaranas ng hieropaniya: na ang buong buhay-makalupa, hanggang sa mga nakalilitong
dalamhati nito, ay pagsasaatin ng banal. Nakatulog siya sa lamay at napapanaginipan niya ang
namatay. Noong nagising siya, tumayo siya at lumabas sa mabituin na gabi.
14

“Ang katahimikan ng lupa ay parang nahahalo sa katahimikan ng langit. Ang hiwaga ng


lupa at ang hiwaga ng mga bituin ay nagkaisa.
Tumayo si Alyosha, tumanaw at bigla siyang napataob sa lupa. Hindi niya malaman kung
bakit niya niyakap ang lupa. Hindi niya masabi kun g bakit niya hindi mapigilan ang kanyang
pagnanais na halikan ang lupa, halikan ang buong lupa. Hinalikan niya ang lupa, umiiyak,
humihikbi, d inidiligan ng kanyang luha. At taos-puso niyang isinumpa na iibigin niya ang lupa,
iibigin niya magpakailanman.” 9 [Fyodor Dostoyevsky, The Brothers Karamazov, isinalin sa
Ingles ni Constance Garnett (New York: Modern Library, 1950). Tinutukoy ko ang buong yugto
na pinamagatang “Alyosha” sa pp. 393-437. Iyong mga linyang sinipi ko ay nasa p. 436.]

You might also like