You are on page 1of 3

Ano ang Sanaysay?

Ang sanaysay o essay sa wikang Ingles ay isang komposisyon na kadalasan ay naglalaman ng pananaw o kuro-kuro ng may
akda. Sa ganitong paraan, naipapahayag ng may akda ang kanyang damdamin sa mga mambabasa. Isa rin itong uri ng
pakikipag-komunikasyon na ang layunin ay maipabatid ang iyong saloobin sa isang makabuluhan at napapanahong paksa
o isyu.

2 Uri ng Sanaysay

Ito ay may dalawang uri: ang pormal at di-pormal.

Pormal

Tumatalakay ito sa mga siryosong paksa na nagtataglay ng masusing pananaliksik ng sumulat. Kadalasan itong nagbibigay
ng impormasyon tungkol sa isang tao, bagay, lugar o pangyayari. Ang tono nito ay siryoso at walang halong biro.

Ayon sa wikipedia.org, isang uri ng pormal na sanaysay ang editoryal sa mga pahayagan. Ito ay tungkol sa opinyon ng
sumulat sa mga maiinit na balita.

Di-pormal

Ito naman ay tumatalakay sa mga paksang karaniwan, personal at pang araw-araw na nagbibigay-lugod o mapang-aliw sa
mga mambabasa. Binibigyan diin nito ang mga bagay-bagay at karanasan ng may akda sa isang paksa kung saan mababakas
ang kanyang personalidad na para bang nakikipag-usap lamang siya sa isang kaibigan kaya naman ito ay madaling
maintindihan.

Sa madaling sabi, tungkol sa damdamin at paniniwala ng may akda ang paksa ng di-pormal na sanaysay.

Mga Bahagi ng Sanaysay

Mayroon itong tatlong bahagi: ang simula o panimula, gitna o katawan, at wakas.

Simula / Panimula

Ang bahaging ito ang pinakamahalaga dahil dito nakasalalay kung ipagpapatuloy ng mambabasa ang kanyang binabasa.
Sa simula pa lamang ay dapat mapukaw na ng may-akda ang damdamin ng mga mambabasa.

Gitna / Katawan

Dito naman mababasa ang mahahalagang puntos tungkol sa paksang isinulat ng may-akda. Malaman ang bahaging ito
dahil ipinapaliwanag ng mabuti dito ang paksang tinatalakay o pinag-uusapan.

Wakas

Ito ang bahaging nagsasara sa talakayang nagaganap sa gitna o katawan ng sanaysay. Dito rin nahahamon ang pag-iisip ng
mambabasa na maisakatuparan ang mga tinalakay sa paksang pinag-usapan.
Sanaysay sa Filipino na Di-Pormal

Istorya ng Pinto
ni: J

Nagdaan ang Araw ng mga Puso. Kumita ng malaki ang mga tindahan ng bulaklak, tindahan ng kapote at tindahan ng
balot sa kanto. Malaki rin halos ang kinita ng mga sinehan, restawran at mga motel maging ang mga pabrika ng tsokolate
at stationary. Ang ligayang dulot ng Valentine’s Day ay binalot sa mga regalong pinagsumikapang ipunin upang mabigyan
ng kahit kaunting saya ang pagbibigyan. Hindi mahalaga ang regalo. Mas mahalaga ang pag-aalala ng nagbigay sa
binigyan. At ang kilig na naramdaman sa piling ng iyong pinakamamahal ay nakamit sa pamamagitan ng PDA at PMS o
kahit sa simpleng HHWW ng magsing-irog. Ang mahalaga’y tumitibok ang puso ng bawat isa. And love is in the air.

Kagaya ng mga nagdaang umaga, nagising ako kasabay ng tilaok ng mga manok sa kapitbahay. Sinalubong ako ng lamig
na dulot ng hanging amihan paglabas ko ng bahay. Madilim-dilim pa at siguro ay ako pa lamang ang gising sa hanay ng
mga bahay sa lugar na ito.

“Wala pa kaming isang taon na nakalipat dito sa lugar na ito. Iba ito sa lugar na kung saan ko hinasa ang aking tari at
kalyo. Sa lugar na kinamulatan ko, hindi natutulog ang oras. Laging maingay. Laging magulo. Libangan ng tao ang
makipag-away sa kapitbahay.

Ngunit sa kabila ng maingay at makulit na kapaligiran nito, natutunan kong mahalin ang lugar na iyon kasama ng
pagyakap ko sa mga taong nakakasalamuha ko sa araw-araw. Naroon nga ang ingay at gulo ngunit naroon din ang saya’t
ligaya na dulot ng pagsasamahan. Laging masigla ang buhay. Gigising kang masaya at matutulog na may ngiti sa mga labi
habang sinasanay ang sarili sa pagtanggap sa mga aberya.

Narito kami ngayon. Lugar na kahit sa panaginip ay hindi naglaro kahit sandali. Tangay sa paligid ang katahimikan at sa
umaga’y gigising kang kapiling ang halumigmig ng simoy ng hangin. Okay na rin kahit paano. Dito ko naranasan ang
katahimikan na hindi naitaguyod ng ingay ng Maynila. Narito ako ngayon sa isang lugar na payapang namumuhay ang
mga tao. Wala sa pusod ng laging nagmamadaling lungsod.

Sa kalaunan ay hinahalagahan ko na rin ang lugar na ito. Marapat lamang marahil. Hindi dahil sa wala akong pagpipilian
kundi dahil siguro karapat-dapat lamang siyang mahalin. Matamis mamuhay sa isang lugar na ang musika sa
katanghalian ay huni ng mga ibon sa kalapit na punongkahoy. Masarap sa pakiramdam na ang kaniig mo sa gabi ay ang
ilaw ng mga alitaptap at liwanag ng buwan sa kabukiran. Ang anag-ag ng kumukititap na mga bituin sa langit ay parang
bonus na lamang sa buong magdamag.

Okay na rin ang buhay. Malayo na sa mga bisyong sumira nang unti-unti sa buhay na maraming pangarap. Malayo sa
daigdig na kahalubilo ang libo-libong tukso sa pagkatao. Okay na rin kahit paano. Masasanay din ako…Nasasanay na rin
ako…”

Naisipan ko nang pumasok ng bahay. Hindi ko kaya ang lamig ng hangin. Tumatayo ang lahat ng balahibo ko sa katawan.
Pinihit ko ang seradura ng pinto ngunit sa laki ng aking pagkamangha ay hindi siya sumang-ayon. Naka-lock sa loob!
Siguro, nang lumabas ako kanina, nakapindot sa loob ng hatakin ko pasara. Laking katangahan!

Kumatok ako at pinagbuksan ng pupungas-pungas kong ina….


Sanaysay sa Filipino na Pormal

Isang Mabuting Desisyon ang Paghinto sa Pag-inom ng Alak (Sanaysay)


ni: J

Kung tutuusin, isang napakadaling gawain ang pagpasok sa kahit anong uri ng addiction. Ang mas mahirap ay ang
paglabas sa ganitong kondisyon kapag ikaw ay nalulong na. Ang alcohol ay isang nakaka-addict na substance. Kung
patuloy mo itong aabusuhin sa matagal na panahon, maaari kang mahulog sa kanyang patibong. Maaari kang maging
addict dito at mamamalayan mo na lamang na hindi mo na pala kayang kumilos kung wala ito. Magigising ka na lamang
isang umaga na hindi mo na pala kayang mabuhay nang hindi umiinom. Sapagkat ang alak nga ay nakapasok na sa iyong
sistema at ito’y nakagawa na ng isang malakas na impluwensiya sa iyong katawan at isipan. Na parang kasama na ito
ngayon sa iyong regular na pangangailangan upang makagawa ng pang-araw-araw na gawain.

Alam nating lahat na ang alak ay isang mapanirang substance. Maraming masamang epekto ang labis na pagkonsumo
nito sa ating kalusugan at buhay. At kahit na baliktarin mo ang sitwasyon at mundo, sigurado akong malalaman
mong walang mabuting maidudulot ang labis na pag-inom nito lalo na sa pagtagal ng panahon. Kaya nga ang paghinto sa
pag-inom ay isang mabuting desisyon na siyang makapagpapabago ng iyong buhay at pati na rin ang kalagayan mo sa
iyong community at kapaligirang ginagalawan. Hindi rin natin dapat isa-isantabi na ang desisyong ihinto ang bisyong ito
ay makabubuti sa iyong kinabukasan at makapagpapatibay pa ng lubos ng mga relasyong maaaring nasira noong
nakaraan habang ipinagpapalit mo kang alak sa iyong mga mahal sa buhay.

Hindi madali ang huminto sa iyong nakasanayan. Lalo pa nga’t naimpluwensiyahan na nito ang iyong katawan at isipan.
Pero kung ilalagay mo sa iyong utak ang gawaing ito, maaaring mapagtagumpayan mo ito kahit sa iyong sariling paraan.
Mahirap na kung mahirap, ngunit maraming paraan upang makaalis ka sa iyong bisyo. At kung maghahanap ka lamang
ng mga programa na maaaring makatulong sa iyo, magiging madali ang paghinto sa pag-inom ng alcohol.

Marami pang panahon para tumigil ka. Marami ring available na paraan para mapaglaban ang iyong kondisyon bilang
isang alcoholic. Manghinayang ka sa panahon na inuubos mo lamang sa iyong pag-inom. Sikapin mong pahalagahan ang
mga pera na ginagastos mo sa pagtangkilik sa mga inuming nakalalasing. At lagi mong isa-alang-alang ang mga mahal mo
sa buhay na umaasang ikaw ay may kapasidad na magbagong buhay. Hindi kailanman maibabalik ang mga nasayang na
ito at lalo pang madaragdagan kung patuloy kang iinom ng alak. Ngunit kahit hindi man maibalik ang mga nasayang na
panahon at salapi, maaari mo pang baguhin ang takbo ng iyong buhay kung ititigil mo na ang iyong bisyo. At sigurado
akong hindi na madaragdagan ang iyong mga problema bagkus ay magkakaroon ka ng mas magandang kalusugan at
mabuting pamumuhay ngayon at sa darating pang panahon. 2011 Mga Sanaysay sa Filipino.

You might also like