You are on page 1of 2

Ang Nanalo Sa Suwipistik

ni Celso Al. Carunungan


Isang uri ng Anekdota

Madalas mangyari sa buhay ng tao ang mga bagay na di inaasahan at


di sukat akalain.

Kung minsan ang buhay ng tao ay kakatwa. May mga oras tayong kasaganaan na
ang bunga'y kasawian. May oras naman tayo ng kasawian na ang kinahihinatnan ay
mabuting kapalaran.
Ang mga kaisipang ito na nagpagulo sa isip ko, isang araw, ay biglang nagkaroon
ng higit pang katuturan noong mabalitaan ko ang nangyari sa isa kong kamag-anak na
may kalayuan na.
Tawagin natin siyang Gusting. May edad na siya, humigit-kumulang sa limampu't
limang taong gulang, subalit matipuno ang kanyang katawan, kaya't higit na mukhang
bata kaysa edad. Ang may bahay ni Gusting ay tawagin nating Binay. Mataba si Binay
at siya ang naghahanapbuhay sa pamilya. Sina Gusting at Binay ay walang anak.
Kahit na mukhang matipuno si Gusting ay may maselang kapansanan siya.
Nagkaroon siya ng atake sa puso, subalit gumaling siya. Ito ang dahilan kung bakit si
Binay na lamang ang naghahanapbuhay sa kanila. Sa palengke nagtitinda si
Binay.Bumibili siya ng gulay sa mga nanggagaling sa Baguio at iyon naman ang
kanyang ipinagbibili sa palengke. Maaga pa'y nasa palengke na siya at kung hindi siya
dinadalhan ng pagkain ni Gusting sa tanghali, hindi na sila nagkikita kundi sa gabi na
lang.
Isang araw, nang si Gusting ay hindi dumating sa palengke para sa tanghalian
nila, buong pananabilk na kinausap siya ng isa nilang kaibigan na ang hanapbuhay ay
ang pagtitinda ng tiket ng suwipistik. Ang pangalan niya'y Andoy. Si Andoy ay nasa
edad na rin, ngunit dahil sa kasipagan,ay mukhang bata tulad ni Gusting. Laging
nakatawa si Andoy, masaya ang mukha. Ito ang dahilan kung bakit matagumpay siya
sa kanyang pagtitinda ng tiket.
Kumakain si Binay nang dumating si Andoy. Hindi halos makapagsalita si Andoy.
“Ano ang nangyari sa iyo, Andoy?” tanong ni Binay.
Hindi pa rin makasagot ang lalaki.
“Bakit nga ba, e?” tanong uli ni Binay. “Namamatanda ka ba?” “Hindi... hindi...,”
bahagya nang tumugon si Andoy. “O, e, bakit?”
“Dahil alam mo...” sandaling huminga nang malalim si Andoy. “Alam mo, 'yong
ipinagbili kong tiket kay Gusting, may dalawang linggo na ngayon ay... ay tumama!”
Nahirinan si Binay. Hindi siya makapagsalita. Nag-uubo ang babae at ang
kanyang mga kamay ay iniwagwag sa itaas.
“Ano? Ano, Andoy, ang sinabi mo?”
“Tumama sa suwipistik si Gusting,” maliwanag na wika ni Andoy.
“Ma...magkano?”
“First prize!”
“Ha? Nanloloko ka naman!” wika ng babae na parang nabuwisit.
“Hindi, Binay,” wika ni Andoy na pati ang tinig ay nagpapatotoo. “Hindi ako
nagbibiro. Ang mga bagay na ito ay hindi dapat pagbiruan. Seryoso ako!”
Nalimutan na tuloy ni Binay ang pagkain.'
“E... kung hindi ka nagbibiro, Andoy...e, magkano ba ang first prize ngayon?”
“Tatlong-daang libong piso. Special draw kasi ito, e," matinis na ngayon ang tinig
ni Andoy.
“Susmaryosep!” Sandaling nag-isip si Binay. “Alam mo, Andoy, hindi natin
maaaring biglain si Gusting. Alam mo namang maysakit sa puso ang asawa ko.”
“Iyan ang dahilan kung bakit ako ay sa iyo muna nagpunta. Kung ako lamang
iyan, e, di basta't tinanggap ko na lang nangwalang gulo. Alam mo naman ako... simple
lang. Pero si Gusting...naku, e mahirap na.”
"Ano kaya ang mabuting gawin natin?”
“Buweno, mabuti yata ay tumungo tayo sa inyo ngayon upang dahan-dahan
nating ilahad sa kanya. Sanay naman ako sa mga bagay na ito. Noong isang buwan
lamang ay mayroon akong patama na kamuntik nang himatayin ang may-ari ng tiket.
Subalit dahil sa aking masarap na pananalita ay hindi niya nakuhang atakihin.”
“Magsasara na ako ngayon,” wika ni Binay. “Mabuti pa ay umuwi na ako.”
“Ikaw ang bahala,” wika ni Andoy.
“Tayo na.”
Nang sumapit sila sa bahay, si Gusting ay nakahiga sa papag.Kakakain lamang
niya kaya't nagpahinga sumandali. Minarapat nina Binay na hintayin na lamang
magising si Gusting pagkat baka ito'y lalong mabigla kung gigisingin nila agad.
Ilang sandali pa at uminat si Gusting. Agad lumapit si Binay.
“May gusto raw itanong sa iyo si Andoy,” wika ni Binay na nanginginig ang buong
katawan.
Tumindig si Gusting at nang makita si Andoy ay napangiti ito.“Ano ba, Andoy?”
wika ni Gusting. “Pagbibilhan mo na naman akong tiket na hindi tumatama?”
“Si Gusting naman, laging nagbibiro,” wika ni Andoy.“Anong malay mo, baka
ngayon tatama ka na.”
“Pilosopo pa itong si Andoy,” wika ni Gusting. “Basta't ako, walang palad sa
suwipistik, gaya rin naman ng buhay namin ni Binay, kami'y walang palad din sa anak.”
“E, ano ang gagawin mo kung ika'y mananalo ng sabihin nating... ₱20,000?”
“Pinatatawa mo ako, Andoy!”
“Halimbawa, e manalo ka ng ₱50,000?”
“Kalokohan!”
“O; halimbawa, e higit ka pang magkapalad. Halimbawa'y manalo ka ng isang
daang libong piso?”
“Buweno, alam mo ang aking gagawin? Bibili ako agad ng isang kotse upang si
Binay ay may masakyan nang maginhawa patungo sa palengke. Babayaran namin ang
pagkakautang sa bahay. Pero, panay na kalokohan ang ating mga usapan.”
“Hindi kalokohan ito, maaari ka namang manalo talaga. Hindi ba pinagbilhan kita
ng tiket?”
“Pero hindi ako mananalo.”
“Sinasabi ko na sa iyong huwag kang magsalita ng ganyan. E, kung sakaling first
prize pa ang ipinanalo mo... ano?”
“Andoy, kaibigan kitang matalik, kaya ako'y magpapatuloy ng pakikipag-usap sa
iyo. Ito ang masasabi ko... kung ako'y mananalo ng first prize... magkano iyon?”
“₱300,000.”
“Ako'y makikipagkasundo sa iyo, Andoy. Basta't manalo lamang ako... kung ako
ang tatama ng first prize, alam mo ang gagawin ko?”
Hindi halos humihinga sina Andoy at Binay.
“Ibibigay ko sa iyo ang kalahati!” maliwanag na sabi ni Gusting.
Namutla si Andoy... at sa ilang saglit pa, siya ang nawalan ngmalay-tao. Siya ang
inatake sa puso.

You might also like