Amado V. Hernandez Ako'y ipiniit ng linsil na puno hangad palibhasang diwa ko'y piitin, katawang marupok, aniya'y pagsuko, damdami'y supil na't mithiin ay supil.
Ikinulong ako sa kutang malupit: bato, bakal, punlo,
balasik ng bantay; lubos na tiwalag sa buong daigdig at inaring kahit buhay man ay patay.
Sa munting dungawan, tanging abot-malas ay
sandipang langit na puno ng luha, maramot na birang ng pusong may sugat, watawat ng aking pagkapariwara.
Sintalim ng kidlat ang mata ng tanod, sa pintong
may susi't walang makalapit; sigaw ng bilanggo sa katabing moog, anaki'y atungal ng hayop sa yungib.
Ang maghapo'y tila isang tanikala na kala-kaladkad
ng paang madugo ang buong magdamag ay kulambong luksa ng kabaong waring lungga ng bilanggo.
Kung minsa'y magdaan ang payak na yabag, kawil
ng kadena ang kumakalanding; sa maputlang araw saglit ibibilad, sanlibong aninong iniluwa ng dilim.
Kung minsan, ang gabi'y biglang magulantang sa
hudyat - may takas! - at asod ng punlo; kung minsa'y tumangis ang lumang batingaw, sa bitayang moog, may naghihingalo. At ito ang tanging daigdig ko ngayon - bilangguang mandi'y libingan ng buhay; sampu, dalawampu, at lahat ng taon ng buong buhay ko'y dito mapipigtal.
Nguni't yaring diwa'y walang takot-hirap at batis
pa rin itong aking puso: piita'y bahagi ng pakikilamas, mapiit ay tanda ng di pagsuko.
Ang tao't Bathala ay di natutulog at di habang
araw ang api ay api, tanang paniniil ay may pagtutuos, habang may Bastilya'y may bayang gaganti.
At bukas, diyan din, aking matatanaw sa
sandipang langit na wala nang luha, sisikat ang gintong araw ng tagumpay... layang sasalubong ako sa paglaya!