You are on page 1of 6

Ang wikang Filipino[2] ay ang pambansang wika at isa sa mga opisyal na wika ng Pilipinas

—ang Ingles ang isa pa—ayon sa Saligang Batas ng 1987. Isa itong wikang Awstronesyo at
ang de facto ("sa katotohanan") na pamantayang bersiyon ng wikang Tagalog, bagaman de
jure ("sa prinsipyo") itong iba rito. Noong 2007, ang wikang Filipino ay ang unang wika ng
28 milyon na tao[3], o mahigit kumulang isangkatlo ng populasyon ng Pilipinas. 45 milyon
naman ang nagsasabing ikalawang wika nila ang wikang Filipino [4]. Ang wikang Filipino ay
isa sa mga 185 na wika ng Pilipinas na nasa Ethnologue[5]. Ayon sa Komisyon sa Wikang
Filipino, ang wikang Filipino ay "ang katutubong wika, pasalita at pasulat, sa Kalakhang
Maynila, ang Pambansang Punong Rehiyon, at sa iba pang sentrong urban sa arkipelago, na
ginagamit bilang wika ng komunikasyon ng mga etnikong grupo."[6] Ang gustong makamit
ng wikang Filipino ay ang pagiging pluricentric language, o ang wikang may iba't ibang
bersiyon depende sa lugar na kung saan ito'y ginagamit.[7] May mga "lumilitaw na ibang uri
ng Filipino na hindi sumusunod sa karaniwang balarila ng Tagalog" sa Davao[8] at Cebu[9], na
bumubuo sa tatlong pinakamalaking metropolitanong lugar sa Pilipinas kasama ng
Kalakhang Maynila.

Pagsilang at layunin
Ang isang layunin ng pagkakaroon ng isang wikang pambansa ang pagpapalaganap ng
pagkakaisang pambansa, ang pagkakaroon ng heograpiko at pampolitika na pagkakapatiran,
at maging ang pagkakaroon ng isang sumasagisag na pambansang wika ng isang bansa.
Unang sumibol ang diwa ng pagkakaroon ng isang wikang pambansa sa Pilipinas noong
balik-tanawin ni Manuel Quezon noong 1925 ang isang damdamin ng pagkabigo ng
pambansang bayaning si Jose Rizal, nang hindi nito magawa ng hulíng makipag-ugnayan sa
isang kababayang babae habang nasa isang barko patungong Europa.[2]

Kasaysayan
Noong 13 Nobyembre 1936, inilikha ng unang Pambansang Asemblea ang Surian ng
Wikang Pambansa, na pinili ang Tagalog bilang batayan ng isang bagong pambansang wika.
Naimpluwensiyahan ang pagpili sa Tagalog ng mga sumusunod:[10]
1. Sinasalita ang Tagalog ng napakaraming tao at ito ang wikang pinakanauunawaan sa
lahat ng mga rehiyon ng Pilipinas. Papadaliin at pabubutihin nito ang komunikasyon
sa mga taumbayan ng kapuluan.
2. Hindi ito nahahati sa mga mas maliliit at hiwa-hiwalay na wika, tulad ng Bisaya.
3. Ang tradisyong pampanitikan nito ang pinakamayaman at ang pinakamaunlad at
malawak (sinasalamin ang dyalektong Toskano ng Italyano). Higit na mararaming
aklat ang nakasulat sa Tagalog kaysa iba pang mga katutubong wikang Awstronesyo.
4. Ito ang wika ng Maynila, ang kabiserang pampolitika at pang-ekonomiya ng
Pilipinas.
5. Ito ang wika ng Himagsikan at ng Katipunan—dalawang mahahalagang pangyayari
sa kasaysayan ng Pilipinas.
Noong 1959, nakilala ang wikang ito bilang Pilipino upang mahiwalay ang kaugnayan nito
sa mga Tagalog. Nagtakda naman ang Saligang Batas ng 1973 ng panibagong pambansang
wikang papalit sa Pilipino, isang wikang itinawag nitong Filipino. Hindi binanggit sa
artikulong tumutukoy, Artikulo XV, Seksiyon 3(2), na Tagalog/Pilipino ang batayan ng
Filipino; nanawagan ito sa halip sa Pambansang Asamblea na mag-“take steps towards the
development and formal adoption of a common national language to be known as Filipino.”
Gayundin, nilaktawan ng Artikulo XIV, Seksiyon 6, ng Saligang Batas ng 1987, na
ipinagbisa matapos ng pagpapatalsik kay Ferdinand Marcos, ang ano mang pagbabanggit ng
Tagalog bilang batayan ng Filipino at mismong ipinagpatuloy na “as [Filipino] evolves, it
shall be further developed and enriched on the basis of existing Philippine and other
languages (pagbibigay-diin idinagdag).” Tiniyak pa ng isang resolusyon[11] ng 13 Mayo
1992, na ang Filipino “ang katutubong wika, pasalita at pasulat, sa Metro Manila, ang
Pambansang Púnong Rehiyon, at sa iba pang sentrong urban sa arkipelago, na ginagamit
bilang wika ng komunikasyon ng mga etnikong grupo (pagbibigay diin idinagdag).”
Gayumpaman, tulad ng mga Saligang Batas ng 1973 at 1987, hindi nito ginawang kilalanin
ang wikang ito bilang Tagalog at, dahil doon, ang Filipino ay, sa teoriya, maaaring maging
anumang katutubong wikang Awstronesyo, kasama na ang Sugboanon ayon sa paggamit ng
mga taga-Kalakhang Cebu at Davao. Ididineklara ang buwan ng Agosto bilang Buwan ng
Wikang Pambansa

Kahalagahan ng Wika
Mahalaga ang wika sapagkat:
1. ito ang midyum sa pakikipagtalastasan o komunikasyon;
2. ginagamit ito upang malinaw at epektibong maipahayag ang damdamin at kaisipan ng tao;
3. sumasalamin ito sa kultura at panahong kanyang kinabibilangan;
4. at isa itong mabuting kasangkapan sa pagpapalaganap ng kaalaman.

May iba’t ibang katangian ang wika


1. Ang wika ay likas at katutubo, kasabay ito ng tao sa pagsilang sa mundo
2. May kayarian at nakabubuo ng marming salitang may mga kahulugan ang isang wika
3. May pagbabago ang wika, di napipigilan para umunlad
4. May sariling kakanyahang di-inaasahan, ang wika ay nalilikha ng tao upang ilahad ang nais
ipakahulugan sa kanyang mga kaisipan (nanghihiram sa ibang wika upang
makaagapay sa mga pagbabagong nagaganap sa kapaligiran)
5. May kahulugan ang salita na batay sa taglay na ponolohiya, palatunugan at diin
6. Nauuri ang wika sa kaanyuan, kaantasan, ponolohiya at kalikasan.

Iba pang mga katangian ng wika:


1. Ang wika ay isang masistemang balangkas dahil ito ay binubuo ng mga makabuluhang tunog
(fonema) na kapag pinagsama-sama sa makabuluhang sikwens ay makalilikha ng mga salita
(morfema) na bumabagay sa iba pang mga salita (semantiks) upang makabuo ng mga
pangungusap. Ang pangungusap ay may istraktyur (sintaks) na nagiging basehan sa
pagpapakahulugan sa paggamit ng wika.
a. Ponolohiya o fonoloji – pag-aaral ng fonema o ponema; ang fonema ay tawag sa
makabuluhang yunit ng binibigkas na tunog sa isang wika. Halimbawa ay ang mga
fonemang /l/, /u/, /m/, /i/, /p/, /a/ at /t/ na kung pagsama-samahin sa makabuluhang
ayos ay mabubuo ang salitang [lumipat].
b. Morpolohiya o morfoloji – pag-aaral ng morfema; ang morfema ay tawag sa
pinamakamaliit na makabuluhang yunit ng salita sa isang wika. Sa Filipino ang tatlong
uri ng morfema ay ang salitang-ugat, panlapi at fonema.
Salitang-ugat = tao, laba, saya, bulaklak, singsing, doktor, dentista
Panlapi = mag-, -in-, -um-, -an/-han
Fonema = a
*tauhan, maglaba, doktora
c. Sintaksis – pag-aaral ng sintaks; sintaks ay ang tawag sa formasyon ng mga
pangungusap sa isang wika. Sa Filipino, maaaring mauna ang paksa sa panaguri at
posible namang pagbaligtaran ito. Samantalang sa Ingles laging nauuna ang paksa.
Hal. Mataas ang puno.
Ang puno ay mataas.
The tree is tall. (hindi maaaring ‘Tall is the tree.’ o ‘Tall the tree.’)
d. Semantiks – pag-aaral ng relasyon ng salita sa bawat isa sa iisang pangungusap;
ang mga salita sa pagbuo ng pangungusap ay bumabagay sa iba pang salita sa
pangungusap upang maging malinaw ang nais ipahayag.
Hal. Inakyat niya ang puno.
Umakyat siya sa puno.
Makikita na nang ginamit ang pandiwang [inakyat] ang panghalip ng aktor sa
pangungusap ay [niya] at ang pantukoy sa paksa ay [ang]. Samantalang sa
ikalawang pangungusap ang pandiwa ay napalitan ng [umakyat] kaya nakaapekto
ito sa panghalip ng aktor na dati’y [niya] ngayo’y [siya] na. Imbis na pantukoy na
[ang] ay napalitan na ng pang-ukol na [sa]. Nagkaiba na ang kahulugan ng
dalawang pangungusap.

2. Ang wika ay binubuo ng mga tunog. Upang magamit nang mabuti ang wika, kailangang
maipagsama-sama ang mga binibigkas na tunog upang makalikha ng mga salita. (Tingnan ang
ponolohiya)

3. Ang wika ay arbitraryo. Lahat ng wika ay napagkakasunduan ng mga gumagamit nito. Alam
ng mga Ilokano na kapag sinabing [balay], bahay ang tinutukoy nito. Sa Chavacano naman ay
[casa] kapag nais tukuyin ang bahay at [bay] naman sa Tausug samantalang [house] sa Ingles.
Kung sakaling hindi naintindihan ng isang tao ang isang salita o pangungusap ng isang wika,
nangangahulugan na hindi siya bahagi ng kasunduang pangkaunawaan. Ngunit kung pag-aaralan
at matututunan niya ang wika, nangangahulugang sumasang-ayon siya sa kasunduan ukol sa
naturang wika.

4. Ang wika ay may kakanyahan. Lahat ng wika ay may sariling set ng palatunugan, leksikon at
istrukturang panggramatika. May katangian ang isang wika na komon sa ibang wika samantalang
may katangian namang natatangi sa bawat wika.
Halimbawa:
Wikang Swahili – atanipena (magugustuhan niya ako)
Wikang Filipino – Opo, po
Wikang Subanon – gmangga (mangga)
Wikang Ingles – girl/girls (batang babae/mga batang babae)
Wikang Tausug – tibua (hampasin mo), pugaa (pigain mo)
Wikang French – Francois (pangngalan /fransh-wa/)
Mapapansin sa wikang Swahili (isang wika sa Kanlurang Afrika) isang salita lamang
ngunit katumbas na ng isang buong pangungusap na yunik sa wikang ito. Sa Filipino
lamang matatagpuan ang mga salitang opo at po bilang paggalang. Sa Subanon naman,
mayroong di pangkaraniwang ayos ng mga fonema gaya ng di-kompatibol na dalawang
magkasunod na katinig sa iisang pantig na wala sa karamihang wika. Sa Ingles naman,
isang fonema lamang ang idinagdag ngunit nagdudulot ng makabuluhang pagbabago.
Sa Tausug naman ang pagkabit ng fonemang /a/ ay nagdudulot na ng paggawa sa kilos
na saad ng salitang-ugat. Sa French naman, mayroon silang natatanging sistema sa
pagbigkas ng mga tunog pangwika.

5. Ang wika ay buhay o dinamiko. Patuloy na nagbabago at yumayaman ang wika. Nagbabagu-
bago ang kahulugan ng isang salita na dumaragdag naman sa leksikon ng wika.
Halimbawa: BOMBA
Kahulugan:
a. Pampasabog
b. Igipan ng tubig mula sa lupa
c. Kagamitan sa palalagay ng hangin
d. Bansag sa malalaswa at mapanghalay na larawan at pelikula
e. Sikreto o baho ng mga kilalang tao

6. Lahat ng wika ay nanghihiram. Humihiram ang wika ng fonema at morfema mula sa ibang
wika kaya’t ito’y patuloy na umuunlad. Gaya sa Chavacano, binibigkas na ang ‘ka’ na hiniram sa
Visaya bilang kapalit ng ‘tu’ at ‘bo’. Ang Filipino ay madalas manghiram gaya ng paghiram sa
mga salitang [jip, jus at edukasyon] na mula sa Ingles na [juice], [jip] at Kastilang [educaćion].
7. Ang wika at kultura ay magkabuhol at hindi maaaring paghiwalayin. Maraming salita na hindi
maisalin sapagkat wala silang katumbas sa ibang wika. Dahil sa ganitong pagkakataon,
napipilitang humiram ng salita mula sa isang wika sapagkat hindi komon ang salita sa kultura ng
wikang patutunguhan. Halimbawa, walang katumbas ang /malong/ sa Tagalog sapagkat hindi
bahagi ng kultura ng mga Tagalog ang salitang ito. Ang /lamaw/ naman ng Cebuano ay hindi rin
matutumbasan sapagkat iba ang paraan ng paghahanda ng buko ng mga Cebuano sa iba pang
komunidad sa bansa.
8. Ang wika ay bahagi ng karamihang anyo/uri ng komunikasyon. Sa komunikasyon ng mga
pipi, hindi wika ang kanilang ginagamit kundi mga kilos. Hindi wika ang kanilang midyum
sapagkat hindi nito taglay ang katangian ng isang ganap na wika.
9. Nasusulat ang wika. Bawat tunog ay sinasagisag ng mga titik o letra ng alfabeto. Ang tunog na
“bi” ay sinasagisag ng titik na ‘b’. Ang simbolong ‘m’ ay sumasagisag sa tunog na “em”.
10. May level o antas ang wika.

Ang wika ay may kaantasan din, kaantasang isinasaalang-alang ng mga nag-aaral sa wika, sa
gayon ang mga salitang bibitiwan o gagamitin ay bumabagay sa kanyang katayuan, sa hinihingi
ng panahon, pook at sa okasyong dinadaluhan.

Sa ganitong kabagayan ng wika, masasabing dalawa lamang ang kaantasan nito: ang Pormal na
wika at ang Di-Pormal wika.
A. Pormal na wika – Ito ang istandard dahil ito’y kinikilala, tinatanggap, ginagamit ng
karamihang nakapag-aral sa wika. Ang mga dalubwika ang nagpapasya kung ang isang salita ay
dapat gamitin. Kung marapat ito’y ginagamit sa mga paaralan at sa iba pang may pangkaligirang
intelektuwal sa gayo’y tumaas ang uri kapag malaganap na ginagamit.

a. Pambansa – Ang salitang ginagamit sa mga aklat at babasahing sumisirkula sa


buong kapuluan at lahat ng paaralan. Ito rin ang wikang ginagamit ng pamahalaan at itinuturo sa
mga nagsisipag-aral.

b. Pampanitikan – Mga salitang matatayog, malalalim, mabibigat, makukulay at


sadyang matataas na uri. Ito ang mga salitang ginagamit ng mga manunulat at dalubwika.

B. Di Pormal o Impormal – Ang mga salitang impormal ay ang mga salitang karaniwan at
palasak na ginagamit sa mga pang-araw-araw na pakikipag-usap at pakikipagsulatan sa mga
kakilala at kaibigan. Kabilang dito ang:

a. Lalawiganin – Ito ang mga salitang kilala at saklaw lamang ng pook na


pinaggagamitan nito, hindi ginagamit sa labas ng kinamulatang lalawigan, liban kung sila-sila’y
magkakatagpo-tagpo sa labas dahil sa kinagisnan, natural na siyang naibubukambibig kaagad.

Kapansin-pansin ang mga lalawiganing mga salita bukod sa iba ang bigkas ay may kakaiba pang
tono. Ang lalawiganing salita ang tulak ng mga makarehiyonal na kaugalian ng mga tao.

Halimbawa nito ay:

 Inang / Itang
 Ditse / Diko
 Sanse / Sangko
 kwarta
 napintas
 bana
 awto

b. Balbal – Ang mga salitang ito’y tinatawag sa Ingles na slang. Ang mga salitang ito
noong una ay hindi tinatanggap ng mga magulang at may pinag-aralan dahil masagwa raw
pakinggan.

Pana-panahon kung mauso kaya karaniwan ay hindi tumatagal, agad nawawala. Ang mga
salitang balbal ay tinatawag ding salitang kanto, salitang lansangan, wika ng mga estudyante,
teen-age lingo at sa grupo ng mga bakla ay swardspeak.

Halimbawa ng mga ito:

 parak (pulis)
 iskapo (takas)
 istokwa (layas)
 juding (binababae)
 tiboli (tomboy)
 epal (mapapel)
 spongklong (istupido)

c. Kolokyal – Ito’y mga pang-araw-araw na mga salita ngunit may kagaspangan at


pagkabulgar, bagamat may mga anyong repinado at malinis ayon sa kung sino ang nagsasalita.

Halimbawa:

Pormal Kolokyal

saan naroon sanaron

nasaan nasan

naroon, naroroon naron

kaniya, kani-kaniya kanya, kanya-kanya

aywan ewan

piyesta pista

Kung susuriin ang larawan sa kaliwa, makikita na ang antas ng wika ay nahahati sa dalawa,
ang Pormal at Di-Pormal na wika. At sa bawat antas nito ay may mga saklaw pa na mas maliliit
o iba pang antas ng wika.

You might also like