You are on page 1of 9

MODULE FOR PRE-BAPTISM SEMINAR

By: Admin Francisco de Sales


Sa Ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo. Amen.

Pambungad na Panalangin

Ama naming Makapangyarihan, basbasan mo't patnubayan kaming nagkakatipon ngayon upang
pag-aralan ang mga turo ng iyong Simbahan. Loobin mo na maunawaan ng mga magulang,
ninong at ninang ang kahalagahan ng sakramento ng binyag at ang kanilang mga obligasyon sa
mga batang bibinyagan upang hubugin ang iyong mumunting mga anak sa buhay na hahantong
sa piling mo sa diwa ni Jesu-Cristo na nabubuhay at naghaharing kasama mo at ng Espiritu
Santo, iisang Diyos ngayon at magpasawalang hanggan. Amen.

Ang Pagbasa mula sa Salita ng Dios


Pagbasa mula sa Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
" Lumapit si Jesus at sinabi sa kanila, “Ibinigay na sa akin ang lahat ng kapangyarihan sa
langit at sa lupa. Kaya't habang kayo'y humahayo, gawin ninyong alagad ko ang mga tao
sa lahat ng bansa. Bautismuhan ninyo sila sa pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu
Santo. Turuan ninyo silang sumunod sa lahat ng iniutos ko sa inyo. Tandaan ninyo, ako'y
laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng panahon.” (Mateo 28:18-20 MMB)
Ang Mabuting Balita ng ating Kaligtasan

PAGTALAKAY
I. ANG SIMBAHAN: ATING INA AT TAGAPAGTURO (CCC. 168)
Itinatag ni Jesus ang kanyang iisang Simbahan (Mateo 16:18), ang kanyang katawan (I Cor.
12:20; Col. 1:18) kung saan tayo ay mga kaanib (Rom. 12:4; I Cor. 12:12; 11:27). Sa kanya at sa
kanyang patuturo ay nararamdaman natin ang presensya ng Diyos. Binigyan sya ni Jesus ng
misyon upang gumawa ng mga alagad sa lahat ng mga bansa, magbautismo at magturo ng lahat
ng aral ni Cristo na dapat sundan ng lahat ng mga sumasampalataya. (Mateo 28:18-20). Hhindi
maaring magturo ng mali ang Simbahan dahil nangako ang Panginoong Jesus na kanyang
pangangalagaan ang Simbahan mula sa mga maling aral nang kanyang Sabihin: " Ang nakikinig
sa inyo ay sa akin nakikinig, ang nagtatakwil sa inyo ay nagtatakwil sa akin, at ang nagtatakwil
sa akin ay nagtatakwil sa nagsugo sa akin. " (Lucas 10:26).
I.a) ANG SIMBAHAN BILANG SAKRAMENTO NI CRISTO
Ang mga sakramento ay panlabas na palatandaan (Visible sign) ng panloob na biyaya, na itinatag
ni Kristo upang magkaloob ng biyaya para makatulong sa ating pagpapakabanal bilang mga
Kristyanong naglalakbay pa dito sa lupa. Ito ay nangangahulugan ding banal na pagkilos, tanda,
pagtatalaga, sapagkat sa pamamagitan ng pagtanggap ng mga sakramento ay itinatalaga ng isang
Kristyano ang kanyang sarili kay Cristo. Ang mga sakramento ay selyo at palatandaan kung saan
tayo ay tinatatakan ng Espiritu Santo (Ephesians 1:13-14; 4:30). Ang mga sacramento ay daan ng
biyaya ng Diyos.
Tanong. ANU-ANO ANG MGA SAKRAMENTO?
Sagot. ANG MGA SAKRAMENTO AY PITO SA BILANG NA PINANGKAT SA TATLONG
GRUPO:

A) Ang mga Sakramento ng Pagtanggap (Sacraments of Initiation)

1. Binyag-
Ito ay mula sa salitang Griyego na Baptizo na nanganaghulugang paglulubog o di kaya ay
paghuhugas, sapagkat sa sakramentong ito ay nalilibing kasama ni Cristo at muling nabubuhay
kasama niya sa kaluwalhatian ng Ama upang lumakad sa isang bagong buhay (Roma 6:3-4).
Ito ay isang Sakramento kung saan tayo ay muling ipinapanganak sa isang panibagong buhay
kay Cristo sa pamamagitan ng muling pagsilang sa tubig at Espiritu (Jn. 3:3-5).
Ito ang pintuan ng Simbahan, ng mga Sakramento at ng isang panibagong espituwal na
pamumuhay (CCC 1213). Ang karaniwang punong tagapagdiwang ng sakramentong ito ay ang
Obispo, Pari o di kaya'y Diakono.
Ipinapahintulot na magbinyag ang isang layko sa kaso ng lubhang pangangailangan dahil sa nasa
bingit na ng kamatayan nag buhay ng bata o sanggol na di pa nabibinyagan. Kailangan lamang
ipanalangin ang tubig na gagamitin at ibuhos ito sa ulo ng bata habang binabanggit ang Batismal
Formula: " (Pangalan ng bata) Binibinyagan kita sa Ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu
Santo. Amen."

2. Kumpil-
Ang sakramentong ito ay iginagawad sa mga nakatanggap na ng sakramento ng Binyag.
Ang Sakramentong ito ay matatagpuan sa biblia (Gawa 8:14–17, 9:17, 19:6; Heb. 6:2) na
nangangahulugang pagpapatong ng kamay (ng Obispo) sa kukumpilan upang kanyang tanggapin
ng papatungan ng kamay ang Espiritu Santo.
Pinagtitibay sa sakramentong ito ang ating pagiging anak ng Diyos at ang ating kaugnayan kay
Cristo at sa kanyang Simbahan mula nang tayo ay binyagan.
Pinapalakas tayo sa pamamagitan ng pagtanggap sa mga kaloob (Isa 11:1-2; CCC 1831) at bunga
(Gal 5:22-23; CCC1832) ng Espiritu Santo. Sa papamagitan ng Sakramentong ito ay pinapatatag
ng Espiritu Santo ang kukumpilan upang maging sundalo ni Cristo na handang ipalaganap at
ipagtanggol ang kanyang pananampalatayang katoliko sa salita at gawa (Judas 1:3; I Ped. 3:15;
CCC 1285).

3. Eucharistia-
Ang Eucharistia ay nangangahulugang pasasalamat (Mat. 26:26-28; CCC 2637-2638). Sa
sakramentong ito ay inaala-ala at ipinahahayag natin ang paghihirap, kamatayan at muling
pagkabuhay ng Panginoon hanggang sa kanyang muling pagparito (I Cor. 11:23-26; CCC 1342-
1344, 1337).
Ang sakramentong ito ay ang rurok ng ating pananampalatayang Kristyano (CCC 1224).
Tinatanggap natin sa Eucharistia ang tunay na katawan at dugo ni Cristo, hindi simbolo lamang.
Tayo ay nakakatiyak dito dahil sinabi mismo ni Cristo: " ito ang aking Katawan" at "ito ang kalis
ng aking Dugo" (Mateo 26:26-28) kaya tayo ay nakatitiyak at lubos na sumasampalataya na sa
pamamagitan ng mga tapat at makapangyarihan ng Mesias, siya, siya mismo ay presente sa
Sakramentong ito hanggang sa kaliit-liitang muno ng hostia at kahulihulihang patak ng alak
(Dogma of Transubstantiation, Konsilyo ng Trent), bagamat nananatili ang tinapay at alak sa
orihinal na anyo at lasa nito.
Si Cristo ay nangako na sinoman ang kakain at iinom sa kanyang katawan at dugo ay may buhay
na walang hanggan (Jn. 6:54). Hindi natin maaring tanggapin ang Katawan at Dugo ni Cristo sa
Eucharistia kung tao ay may mabigat o mortal na kasalanan, dapat suriin muna natin ang ating
sariling budhi at mangumpisal bago natin tanggapin si Cristo sa Eucharistia (I Cor. 11:27-32;
Didache 4:14, 14:1 [A.D. 70]), kailangang siya ay handang espirituwal bago sya tumanggap ng
banal na Komunyon.
Ang pagtanggap ng pakikinabang na hindi pinaghandaan at pinagnilayan at samantalang may
kasalanang mortal ay isang mabigat na kasalanan (Sacrilege) kaya mas mabuting mangumpisal
muna bago tumanggap ng banal na pakikinabang.

B) Ang mga Sakramento ng Pagpapagaling (Sacraments of Healing)


4. Kumpisal-
Tinatawag din itong Sakramento sa Pakikipagkasundo (2 Corinthians 5:18).
Sa sakramentong ito ay ating inaamin sa pari na pinagkalooban ng Simbahan ng karapatan upang
magpatawad ng mga kasalanan sa bisa ng kanilang ordinasyon (Mat 16:18-19; Jn 20:21-23; CCC
1495) ang ating mga nagawang mabibigat na kasalanan o Mortal sins.
Ang sakramentong ito ay naayon sa turo ng mga Apostol at ng mga unang Kristyano na
nangungumpisal o nagpapahayag ng kanilang mga kasalanan (Santiago 5:16; Didache 4:14).
Ang Sakramentong ito ay nagtuturo sa atin ng pagpapakumbaba sa pamamagitan ng pag-amin ng
ating mga kasalanan sa isang pari na katulad nating makasalanan at nangangailangan ng awa at
pagpapatawad ng Dios.
Ang sakramentong ito ay nagdudulot ng kapatawaran ng ating mga kasalanan at napapanumbalik
ang ating ugnayan sa Diyos at muli tayong nakakapamuhay sa biyaya ng Panginoon.
Naipagkakasundo rin tayo sa Simbahan na ating sinugatan dahil sa ating mga kasalanan.
Naliligtas tayo sa walang hanggang kaparusahan na bunga ng ating mga mortal na kasalanan
(Eternal Punishment or Damnation to hell) sa halip ay napapalitan na lamang ng panandaliang
paghihirap sa purgatorio upang tayo ay linisin sa mga kasalanang na ikumpisal na natin ngunit
hindi lubos na napagsisihan (Temporal Punishment).
Ito ay nakakapagdulot ng kapayapaan ng budhi at karagdagang tibay ng pananampalataya upang
ipakipaglaban ito (CCC 1496).
Kapag nakapangumpisal na ay maari nang tumanggap ng Banal na Komunyon ang isang
Katolikong Kristyano. Tinuturo sa atin ng Simbahan na dapat tayong mangumpisal isang beses
man lang sa isang taon (kung walang mabibigat na kasalanang nagawa).

5. Pagpapahid ng langis sa maysakit-


Sa pamamagitan ng sakramentong ito ay pinalalakas ang kaluluwa at katawan ng may sakit sa
tulong ng biyaya ng panginoong Jesus na syang dakilang tagapagpagaling ng mga may
karamdaman.
Sa Sakramentong ito ay ipinapanalangin ng sambayanan ang may sakit sa pamumuno ng mga
pari o matatanda ng simbahan upang pagkalooban ng Diyos ng lakas ang may sakit at upang
pawiin ang lahat niyang takot (Sant. 5:14-15).
Ipinapatong ng Pari ang kanyang kamay sa may sakit at pinapahiran ito ng langis bilang pagtulad
sa halimbawa ni Jesus (Lucas 4:40; Marcos 6:12-14) sabay ng pagdulog sa Espiritu Santo upang
pumanaog sa maysakit upang magkaloob sa may karamdaman ng kagalingan at
pagbabasbas.Tintutulungan ng sakramentong ito ang maysakit upang paglabanan ang mga tukso
at takot sa kamatayan.
Kung ang maysakit ay loobin na ng Diyos na magpahinga sa hinaharap, inihahanda ng
sakramentong ito ang may karamdaman sa isang mabuti at mapayapang kamatayan.

C) Ang mga Sakramento ng Bokasyon/Paglilingkod (Sacraments of Vocation)


6. Pagpapakasal-
Sa Sakramentong ito ay isang tipanan sa pagitan ng lalaki at babae (sa kanilang pagpapalitan ng
pangako) na sila ay magsasama sa buong buhay nila.
Ang Panginoong Diyos mismo ang nagtatag at unang nagsagawa ng sakramentong ito sa ating
unang mga magulang, sina Adan at Eva sa halamanan ng Eded (Gen. 1:27-28; 2:18,24).
Ang pangunahing layunin ng Sakramentong ito ay ang responsableng pagsusupling at pag-iisang
dibdib ng lalake at babae sa pag-ibig.
Ang sakramento ng Matrimonio ay sumasagisag sa tapat at malinis na pag-ibig ni Cristo sa
kanyang Simbahan (Efe. 5:25).
Naglalarawan ang sakramentong ito ng habang buhay na pagsasama ng mag-asawa (Mat. 19:4-5)
na kailan man ay hindi maaaring paghiwalayin ng tao, dahil dito ay hindi natin pinapahintulutan
ang diborsyo (Marcos 10:9).

7. Ang Pagpapari-
Sa sakramentong ito ay itinatalaga ang isang lalaki upang makabahagi sa pagpapatuloy ng
misyon ni Cristo na iniwan niya sa kanyang mga apostol na magpapatuloy hanggang sa waka ng
panahon, ito ay may tatlong antas: Obispo, pari at diakono (CCC 1536).
Ang sakramentong ito ay isinasagawa sa pamamagitan ng pagpapatong ng kamay at mga salita
ng pagtatalaga (1 Tm 4:14, 5:22) ng Obispo (Ang Tatlong Obispo ay sapat na upang makapag-
ordena ng isang pang Obispo.
Ang Pari ay hindi nag-aasawa upang kanyang maibigay ang buong atensyon (hindi hati) sa
paglilingkod sa bayan ng Diyos (Mateo 19:12; I Cor. 7:35).

I.b) ANG MGA ATAS NG SIMBAHAN

1. Ang pagdalo sa Banal na Misa tuwing araw ng linggo at mga pistang pangilin (CCC 1388-9,
2042, 2043, 2177, 2180, 2185; 2187-8; 2192-3).
2. Ang pangungumpisal ng mga kasalanan kahit isang beses man lang sa isang taon (CCC 1457;
2042).
3. Ang pagtanggap ng Banal na Pakikinabang kahit isang beses lamang sa loob ng isang taon,
higit na lalo sa panahon ng Muling Pagkabuhay ng Panginoon (Easter Season) (CCC 1389;
2042).
4. Magsagawa ng Pag-aayuno at pag-aabstinensya sa mga araw na itinakda ng Simbahan (CCC
2043; 2177).
5. Ang pagkakawang gawa at pagtulong sa mga pangangailangan ng Simbahan ayon sa iyong
sariling kakayahan (CCC 1351; 1387; 1438; 2043).

II. ANG MGA NAGAGAWA NG BINYAG

1. Napapawi ang kasalanang mana na ating minana sa ating mga unang magulang nang sila ay
lumabag sa utos ng Diyos na huwag kakain ng bungang ipinagbawal na nasa halamanan (Gen.
3). ito ang tinukoy ni apostol Pablo nang sabihin niyang: " When Adam sinned, sin entered the
world. Adam's sin brought death, so death spread to everyone, for everyone sinned. " (Rom. 5:12
NLT).
Namana natin ang kasalanang iyon na nagbunga ng ating kamatayan kaya tayo ay ipinanganak
nang may kasalanang mana (Awit 51:5) na hinuhugasan naman at inaalis sa binyag (Tito 3:4-7)
sa pagsilang na muli sa tubig at Espiritu (Jn 3:3-7) sa pamamagitan ng paghuhugas ng tubig na
may salita (Efeso 5:25-27) na kung saan ay nalilibing tayong kasama ni Cristo sa binyag (Col.
2:11-15) na sa atin ay nagliligtas (I Ped. 3:18-22). ang bautismo ay para sa lahat ng tao (Mateo
28:19-20), ito para sa mga matatanda lalo na para sa mga sanggol at bata (Lucas 18:15-17) na
sakop o kasali sa ipinangako ng Dios (Gawa 2:39) ang kaligtasan (I Ped. 3:21).

2. Tayo ay nakakabahagi sa buhay ng Diyos. Ang Diyos ay walang hanggan, tayo ay nilikhang
may hangganan. Kaya ang biyaya ay ibinibigay ng Diyos ng walang bayad bilang regalo upang
tao ay makabahagi sa kanyang buhay sa kaharian ng langit (Efeso 2:8; Jn 1:12-18; 17:3; Rom
8:14-17; 2 Pet 1:3-4; CCC 1996), at ang biyayang ito na walang bayad na ibinibigay ng Diyos ay
natamo natin nang tayo ay binyagan (Jn 4:14; 7:38-39; 2 Cor 5:17-18; CCC 1999).

3. Tayo ay nagiging anak na ampon ng Diyos kung kaya't nagkakaroon tayo ng karapatang
tumawag sa Diyos na "Ama namin" (Gal. 3:26-27; Rom. 8:14-1; Gal. 4:4-7).

4.Tayo ay nagiging tahanan at templo ng Espiritu Santo (I Cor. 6:19-20), tinatatakan tayo ng
Espiritu Santo (Efeso 1:13) nang tatak na di na mabubura. Ginagabayan na tayo at nililiwanagan
ng espiritu santo, tinuturuan, binabago at pinagkakalooban niya ng kanyang mga kaloob at bunga
(Isa 11:1-2; Gal 5:22-23).

5. Tayo ay nagiging kaanib ng Simbahan na kanyang katawan (I Cor. 12:13; Col. 1:18; CCC
1213). Kung saan naroroon si Cristo (St. Ignatius of Antioch, Ad Smyrn. 8,2:Apostolic
Fathers,II/2,311.) kung saan tinanggap ng simbahan ang kabuoan ng kanyang kaligtasan (UR 3;
AG 6; Eph 1:22-23).
III.ANG MGA SIMBOLO AT BAGAY NA GINAGAMIT SA PAGDIRIWANG NG
SAKRAMENTO NG BINYAG

1. Ang paglalagay ng tanda ng Krus sa noo ng bibinyagan- Itinatatak sa bibinyagan si Cristo


na nagpapatunay na sya ay sa kanya. Ito rin ay sumasagisag sa biyaya ng pagliligtas ni Cristo na
kanyang isinagawa para sa atin nang sya'y mamatay sa Krus para sa ating katubusan (CCC.
1235).

2. Ang Tubig na pambinyag- Ito ay sumasagisag sa paghuhugas mula sa mga kasalanan at


muling pagsilang kay Cristo (Efe. 5:25-26; Tito 3:5; Jn. 3:5-6), ito ay larawan ng pakikipag-isa
natin sa kamatayan ni Cristo sa Krus (Roma 6:3-4).
Ito ay larawan ng tubig ng bautismo na sa atin ay nagligtas (I Ped. 3:21). Sa kasaysayan ng
paglikha, makikita natin na ang tubig ay nilikha upang manglinis at magbigay buhay: "ang
Espiritu ng Dios ay kumikilos sa ibabaw ng tubig" (Gen. 1:2).
Nang dumating ang malaking pagbaha sa panahon ni Noeh, ang tubig ay naging tanda ng
pagwawakas ng kasalanan at pagpapanimulang muli ng kabutihan sa mga nilikha (Gen. 3; 1 Ped.
3:20).
Ang mga Israelita ay tumawid sa dagat na pula at nakalaya mula sa pagkaalipin sa Ehipto (Exo.
14). Sa ilog ng Jordan ay binautismuhan si Jesus at nahayag bilang anak ng Diyos (Mateo 3:13-
17).

3. Paschal Candle- Ito ay sumusimbolo kay Cristo na ating liwanag (Jn 8:12) na kung saan tayo
ay dapat lumakad bilang mga tagasunod ni Cristo sa ating mga buhay (I Juan 1:7). Nawa tulad ng
ningas ng apoy mula sa kandila ng muling pagkabuhay, magningas nawa lalo ang ating
pananampalataya sa Diyos sa kabila ng mga pagsubok (I Ped. 3:7; Heb. 12:29). Ang mga
bibinyagan nawa, tulad ni Cristo na ating liwanag, ay maging mga asin at ilaw ng sanglibutan
(Mat. 5:13-14).

4. Puting damit- Bakit puti? Dahil ang Puti ay simbolo ng kadalisayan (Awit 51:7; Mangangaral
9:8; Dan. 7:9; Apoc. 19:7-8). Ang pagsusuot ng puting damit sa bininyagan ay nagpapakita na
sya ay isa nang bagong nilikha kay Cristo (Rom. 6:4). Ito ay nangangahulugan ding pagsusuot
kay Cristo (Roma 13:14).
5. Ang Langis ng Krisma- Ito ay sumisimbolo sa tatlong misyon ni Cristo bilang Hari (Heb. 1:2
cf Awit 110:1; Dan 7:13-14), Pari (Heb. 1:3) at Propeta (Heb. 1:1 cf. Deut. 18:15-22) na kung
saan ang bibinyagan ay magiging kabahagi ni Cristo sa kanyang misyon. Makikita natin ANG

IV. ANG BINYAG: PAGTANGGAP NG MISYON


Nang binyagan si Jesus sa ilog ng Jordan ay nahayag at naganap ang kalooban ng Diyos (Mateo
3:13-15) at tinanggap nya mula sa kanyang Ama ang misyon upang ipangaral ang mabuting
balita.
Dito rin bumaba kay Cristo ang Espiritu Santo at ipinahayag ng Dios Ama na sya ay kanyang
bugtong at sinisintang Anak (Mateo 3:16-17).
Si Jesus, kung paanong sinugo sya ng kanyang Ama, gayun din naman, sinusugo din nya tayo
(Jn. 20:21) at naging mga kabahagi ng kanyang misyon bilang hari, pari at propeta nuong tayo ay
binyagan.
At ang misyong ito na kung saan ay naging kabahagi tayo ay tatanggapin din ng ating mga anak
na tatanggap ng sakramento ng binyag.

1. Hari- Tayo, bilang mga kabahagi ng pagkahari ni Cristo ay inaasahang maglilingkod kaysa
ang paglingkuran at ang ibigay ang sarili para sa kapakanan at kabutihan ng nakararami (Mateo
20:27-28; Luke 22:27; 2 Cor. 8:9; Fil. 2:7; Tito 2:14).

2. Pari- Tayo, bilang mga kabahagi sa pagkapari ni Cristo at bilang tagapagmatian (I Tim. 2:1-5)
ay inaasahang mananalangin din at mamamagitan para sa lahat ng mga tao, lalong-lalo na para sa
lahat ng mga mananampalataya at maging para din sa mga namumuno sa pamahalaan.
Bukod sa pananalangin para sa ating sarili at para sa lahat, inaasahan din tayo na tulad ng ating
pari na nag-alay ng kanyang sariling buhay bilang sakripisyo (Jn 10:18) para sa atin na tinuring
niyang mga kaibigan (Jn. 15:13) nawa'y matuto ring mag-alay ng sakripisyo para sa iba (Awit
51:17; Roma 12:1; Heb 13:15, 16).

3. Propeta- Tayo, bilang mga kabahagi sa pagkapropeta ni Cristo at tulad ng mga naunang
propeta na nagpatotoo tungkol sa pagdating nya (Lucas 24:27; Jn. 5:39-40; Heb. 2:3) ay
inaasahang tulad nya na nagpatotoo tungkol sa paghahari ng Diyos (Mateo 4:17) ay magpatotoo
din naman tungkol sa mabuting balita na ating tinanggap (Gawa 4:18-21; 5:32; 1:18; 2:32; 9:5-6;
22:14-15; 23:11; 26:16) sa pamamagitan ng ating pamumuhay bilang mabubuting Kristyano sa
pamamagitan ng pagsunod sa mga halimbawa ni Cristo (I Ped. 2:21).
Tanong . ANO ANG OBLIGASYON NG MGA MAGULANG SA KANILANG MGA
ANAK NA PABIBINYAGAN?
Sagot. Tandaan ng mga magulang na ang kanilang mga anak ay biyayang nagmula sa Diyos
(Awit 127:3). Kaya tungkulin ng mag-asawa ang mahalin at arugain at palakihing maayos ang
kanilang anak (Tito 2:4), ang bigyan ito ng kaukulang disiplina (Kaw. 23:13-14; 29:17;22:15) sa
tamang paraan at hindi sa pagmamalupit (Col. 3:21). Tungkulin ng ama ng tahanan ang
sustentuhan ang lahat ng pangangailangan ng kanyang pamilya (I Tim. 5:8). Tungkulin ng mag-
asawa ang magpakita ng mabuting halimbawa sa kanilang anak at ang asawang babae sa
pagpapasakop sa bawat mabuting desisyon ng kanyang asawa (Efe. 5:33). At higit sa lahat, ang
palakihin at gabayan ang bata sa maka-Diyos at Kristyanong Katolikong pamumuhay (Deut. 6:1-
3; Kaw. 22:6; Awit 78:5-7; Deut. 11:18-19; efe. 6:2-3).

T. AANO NAMAN ANG TUNGKULIN NG MGA NINONG AT NINANG?


S. Ang isang pares ng ninong at ninang ay sapat na (Canon Law no.873) hindi kailangang
marami. Ang maaring kunin na ninong at ninang ay yaong mga katoliko lamang at hindi galing
sa ibang pangkating pananampalataya, gulang 16 taon pataas na nakatanggap na ng sakramento
ng kumpil at banal na komunyon (Canon Law 874.1).
Tungkulin ng mga ninong at ninang na tuangan ang mga magulang sa paggabay at pagpapalaki
sa bata sa isang kristyanong katolikong pamumuhay kung sakaling wala ang mga magulang.
Hindi ang layunin ng pagkuha ng ninong at ninang ay upang may maraming magbigay ng
pamasko sa bata kundi upang gabayan ito sa kanyang paglaki at tiyaking lumalaki itong
mananampalatayang kristyano.

V. ANG RITO NG SAKRAMENTO NG BINYAG (Sanguniin ang Collecto Rituum)

VI. PANGKALAHATANG TAGUBILIN


Pangwakas na panalangin
Ama naming Mapagmahal, amin nang natapos ang pag-aaral sa mga turo ng iyong Simbahan,
loobin mong kaming mga nagturo at nakinig ay makatupad sa iyong kalooban, at nawa ang mga
magulang, ninong at ninang ay magsilbing huwaran sa mga munti mong anak sa isang tapat na
Kristyanong pamumuhay. Gabayan mo po sa kanilang paglaki at pagsibol ang mga batang
bibinyagan upang maging mga mabibisang kaanib ng iyong sambayanan. Hinihiling namin ito sa
pamamagitan ni Jesu-Cristo kasama ng Espiritu Santo, magpasawalang hanggan. Amen.

You might also like