You are on page 1of 3

Alam mo na di mo Alam

Bago ko simulan ay nais muna kitang paalalahanan


Sana’y namnamin mo ang mga sallita at iyong maunawaan
May inihanda akong sulat para sa’yo
Gusto ko lamang malaman mo itong nararamdaman ko
Ang mensahe mula sa simula hanggang sa dulo nitong liham ko

Ito ang maaaring mangyari, kung hindi mo alam

‘Di mo alam
‘Di mo alam na ika’y nakakasakit na
Rinig ko ang bulung-bulungan sa klase na may kwento ka
Akala ko pa naman sanggang-dikit tayong dalawa
Anong nangyari sa pagkakaibigan nating dalawa?
Alam ko, alam kong minsan nakapagsasalita ako ng hindi maganda
Pero sa ating dalawa na lang iyon sana
Hindi iyong malalaman ko pa sa iba ang maling balita
Pasensya ka na kung prangka ang kaibigan mo
Gusto ko lang namang malaman mo ang mga pagkakamali mo

‘Di mo alam
‘Di mo alam kung ano’ng sinabi ng dila mo
Para bang tabas na kabilaan ang talim na nag-iiwan ng sugat na malalim
Ilang beses ko na bang narinig sa’yo na pangit ako?
Alam ko, alam ko naman na hindi mo gusto ang hitsura ko
Malaking mata, pangong ilong at mahabang baba lang ang mayroon ako
Pasensya na kung hindi ko naabot ang basehan mo
Hindi kasi ako ipinanganak na perpekto tulad mo
Masyado kasing mataas ‘yang pader na ginawa mo
‘Di mo alam
‘Di mo alam kung kamusta na ako
Sa araw-araw na nagkikita tayo, puro kamalian lang ang napapansin mo
Masakit na madalas mo pa akong ikumpara sa mga kapatid ko
Alam ko, alam kong minsan nasasagot kita
Nakapagsasabi ng mga walang-galang na salita
Pasensya na kung sa tingin mo’y sa ibang kabataan ako’y nagagaya
Barumbado at wala nang respeto
Pero ako pa rin ito; ang anak na inilagaan at pinalaki mo

‘Di mo alam na nahihirapan na ako


Hindi ko alam kung paano ko hahatiin ang sa pag-aaral at ang oras sa’yo
Nagtataka lang ako kung bakit mo nagawa sa akin ito
Paano mo ‘kong nagawang lokohin sa kabila ng katapatan ko sa’yo?
Alam ko, alam ko na may pagkukulang din ako
Masyado kasi akong nag-focus sa pag-aaral ko
Pasensya ka na kung napabayaan kita
Gusto ko lang naman magkaroon ng magandang kinabukasan
Para sa ating dalawa, kasama ka

‘Di niyo alam


‘Di mo alam na kailangan ko ang tulong ninyo
‘Di mo alam na unti-unting nang naghihirap ang kalooban ko
‘Di niyo alam dahil wala kayong alam
Wala kayong alam dahil wala rin kayong pakialam
Tulungan niyo ‘ko
Tulungan mo ako bago pa lumuwag ang turnilyo sa ulo ko
Tulungan mo ako bago pa ako lamunin ng depresyong ito

‘Di mo alam
‘Di mo alam na gumagaya ka na rin sa iba na wala nang naririnig
Patayin mo ang tugtog at pakinggan ang aking tinig
Tigilan na ang pagsira sa kapwa gamit ang social media
Masakit masabihan ng hindi maganda sa harap ng madla
Ilang pahaging lang ba ang narinig ko mula sa’yo?
Ilang sakit na ba ang araw-araw na tinitiis ko?
Ilang galon na ba ng luha ang nailabas ko?

Mahal kong mga kaibigan, kapatid, kapamilya, sundan niyo ang mga luha ko
Nang makilala mo kung sino talaga ako
Hindi lang iisang tao ang nasa likod ng paghihirap na ito
Marami kaming nakararanas ng tulad nito

Para akong kandila sa gitna ng dilim


Paubos na ang liwanag at nasa hukay na malalim
Kapos na ang hangin para huminga nang malaya
Pagod na ‘ko, gusto ko nang mamahinga at humiga

Kung hindi ka rin kikilos tulad nila na walang malasakit sa kapwa-kabataan,


Ito ang maaring mangyari at kahantungan

‘Di niyo lang alam


‘Di mo alam na habang binabasa ko ‘to, namamatay na ako.

John Rey
Siriritan

You might also like