You are on page 1of 3

TALAMBUHAY NI RIZAL

Dr. Jose Rizal- ang pambansang bayani ng Pilipinas. Ang taong may matayog na pagtingin sa
kabutihan ng bawat nilalang, lalong-lalo na ng kanyang mga kababayan, ay karapat-dapat pag-ukulan ng
paghanga, pagpipitagan, at higit sa lahat ng puwang sa kaibuturan ng puso ng bawat Pilipino. Ang dakilang
taong ito, bagama’t patay na, ay buhay pa sa alaala ng bawat Pilipinong nagmamahal sa kanyang simulain at
idealismo.
Ang kanyang buong pangalan ay Jose Protacio Rizal Mercado y Alonzo Realonda. Siya ay
ipinanganak sa lalawigan ng Laguna, noong ika- 19 ng Hunyo, 1861. Siya ay ikapitong anak ni Francisco
Engracio Rizal Mercado y Alejandro at ng asawa nitong si Teodora Morales Alonzo Realonda y Quintos.
Alinsunod sa kapasiyahan ng Gobernador-Heneral Claveria sa isang kautusan nito noong ika-21 ng
Nobyembre, 1849 ay ginamit ng pamilya ang apelyidong Rizal na nangangahulugang luntiang bukirin.
Ang kanyang inang si Donya Teodora ang kanyang naging unang guro. Hindi lamang pagbasa,
pagsulat, at pagbibilang ang natutuhan niya sa kanyang ina kundi maging ang pagdarasal at pagsagot sa mga
dasal. Para kay Donya Teodora ang mga ito ay totoong mahalaga sapagkat para sa inang Pilipina noong mga
panahong iyon, ang pagtawag sa Panginoong Diyos ang siyang dapat unang ituro sa mga anak.
Siyam na taong gulang si Jose nang siya ay ipinadala sa Biñan, Laguna at ditoý nag-aral sa ilalim ng
pamamahala ni Ginoong Justiniano Aquino Cruz. Ngunit makalipas lamang ang ilang buwan ay pinayuhan na
siya ng guro na mag-aral sa Maynila sapagkat lahat ng nalalaman nito ay naituro na sa kanya.
Siya naman ay nagsimulang pumasok sa Ateneo Municipal de Manila noong ika-20 ng Enero, 1872.
Dito siya nagpamalas ng kahanga-hangang talas ng isip, at nagtamo ng lahat ng mga pangunahing medalya
at notang sobresaliente sa lahat ng 7 aklat. Sa paaralang ito ay tumanggap siya ng katibayang Bachiller En
Artes at pinarangalan ng sobresaliente (excellent), noong ika-14 ng Marso, 1977.
Sa Unibersidad ng Sto. Tomas, nang sumunod na taon, ay nag-aral siya ng Filosofia y Letras at
lumipat sa pag-aaral ng medisina. Nagtapos din siya ng kanyang Land Surveying sa Ateneo noong 1878.
Nagtungo siya sa Europa noong ika-5 ng Mayo, 1882 upang ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral. Sa Madrid,
Espanya, ay nagtuloy siya sa pag-aaral ng Medecina at Filosofia. Nang taong 1884 ay nagsimula si Rizal sa
pag-aaral ng Ingles, marunong na siya noon ng Pranses, sapagkat nag-aaral na siya ng wikang ito buhat nang
umalis sa Pilipinas. Bukod sa wikang ito ay nag-aral din siya ng panahong yaon ng Italyano at Aleman
sapagkat naghahanda siyang maglakbay sa iba’t ibang bansa sa Europa, at alam niyang hindi magiging
mahalaga ang paglalakbay na ito kung hindi niya malalaman at magagamit ang mga nasabing wika sa pag-
aaral ng mga kaugalian ng mga tao roon at ng pagkakaiba nila sa Pilipino; at upang mag-aral din ng
kasaysayan ng mga bayang nabanggit na mapaghahanguan ng mga aral na mapakikinabangan para sa
kanyang mga kalahi. Dahil dito ay naging dalubwika si Rizal.
Ayon kay Wenceslao Retana, unang sumulat ng talambuhay ni Rizal, ang unang kalahati ng Noli Me
Tangere ay isinulat ni Rizal sa Madrid noong magtatapos ang 1884 o nang magsisimula ang 1885; ang
sangkapat na bahagi ay isinulat niya sa Paris, at huling sangkapat ay sa Alemanya. Ayon sa natatala sa
manuskrito ay natapos ni Rizal ang Noli Me Tangere sa Berlin noong ika-21 ng Pebrero, 1887. Ipinalimbag
ang nobelang ito sa limbagan ng kapisanang itinatag ni Ginang Lette sa Berlin kung saan natapos ito noong
Marso 1887. Dalawang libong (2,000) sipi lamang ang ipinalimbag, at ang ibinayad niya sa pagpapalimbag ay
hiniram niya kay Dr. Maximo Viola, taga-San Miguel Bulacan. Ang nasabing halaga ay umabot sa 300 piso ay
binayaran niya kay Dr. Viola nang dumating ang ipinadalang pera ng sa kanyang mga magulang.
Ang El Filibusterismo na siyang kasunod na aklat ng Noli Me Tangere ay ipinalimbag naman sa Ghent,
Belgium , noong 1891. Noong ika-8 ng Hulyo, 1892, ay itinatag ni Dr. Rizal sa Maynila ang La Liga Filipina,
isang samahan na ang maithiin ay ang mabago ang naghaharing sistema ng pamahalaan sa Pilipinas sa
pamamagitan ng mapayapang paraan at hindi ng paghihimagsik. Gaya ng nasabi sa unahan, dalawampu’t
isang taon pa lamang si Rizal nang lisanin niya ang Pilipinas noong ika-5 ng Mayo 1882 upang magpatuloy ng
pag-aaral sa Espanya, Pransya, at Alemanya. Nagbalik siya sa Pilipinas noong ika-5 ng Agosto, 1887.
Umalis siyang muli sa Maynila noong ika-3 ng Pebrero, 1888 upang magtungo sa Europa, Hongkong,
Yokohama (Japan), San Francisco, New York (US), at Liverpool, London (UK). Nilisan niyang muli noon ang
Pilipinas sapagkat umiiwas siya sa matinding galit sa kanya ng mga Espanyol dahil sa nobela niyang Noli Me
Tangere. Muli siyang nagbalik sa Maynila noong ika-26 ng Hunyo, 1889.
Alinsunod sa kautusan ni Gobernador-Heneral Despujol noong ika-7 ng Hulyo, 1892, ay ipinatapon si
Rizal sa Dapitan noong ika-15 ng Hulyo noong taong ding iyon dahil sa bintang na siyaý may kinalaman sa
kilusang ukol sa paghihimagsik. Ito ay maliit na isla sa hilagang-kanluran ng Mindanao. Sa Dapitan ay nagtayo
si Rizal ng isang maliit na paaralan at nagturo sa mga batang lalaki roon.
Samantalang nakikidigma ang Espanya sa Cuba, upang hindi madamay sa kilusang ukol sa
paghihimagsikan sa Pilipinas, ay hiniling ni Rizal na makapaglingkod sa Cuba. Siyaý binigyan ni Gobernador-
Heneral Ramon Blanco ng pahintulot na makapaglayag papuntang Cuba. Ngunit habang naglalakbay si Dr.
Rizal , patungong Espanya nang magtatapos ang taong 1896, ay hinuli siya sa kanyang sasakyang barko
nang dumaong ito sa Barcelona at ibinalik siya sa Pilipinas.
Ipiniit si Dr. Rizal sa Maynila sa Real Fuerza de Santiago. Nang iharap siya sa hukumang Militar at
litisin, ay hinatulan siya ng kamatayan. Isinulat ni Dr. Rizal ang “Mi Ultimo Adios” (Huling Paalam) bago siya
barilin sa Bagumbayan (Rizal Park o Luneta ngayon) noong ika-30 ng Disyembre, 1896. Kaya ang ika-30 ng
Disyembre ng bawat taon ay itinuturing na dakilang araw ng paggunita ng mga Pilipino sa pinakadakilang
bayani ng Pilipinas, si DR. JOSE RIZAL. Naging araw ng pangilin ang ika-30 ng Disyembre ng bawat taon,
alinsunod sa itinakda ng Pamahalaang Amerikano sa Pilipinas.

You might also like