You are on page 1of 3

Ang Munting Kaibigan

Ni Ibrahim Jubaira

Salin sa Filipino ni Maria Cecilia T. Correa

Natapos na ang hapunan. Ang ama ng tahanan, na isang biyudong Arabong may naluluging Negosyo, ay pumasok
na sa kaniyang silid nang wala man lang isang salitang sinabi sa kaniyang anak na lalaki. Sapagkat nabusog na siya
sa kaniyang hapunan, nakaramdam na siya ng antok na tulad ng isang kobra na busog na busog dahil sa nalulong
isang napakalaking biktima.

Naiwan naman sa kusina ang kanyang labindalawang taong gulang na anak na lalaking si Yosouf upang punasan
ang lumang mantel sa mesa gamit ang isang basing pamunas. Maingat niyang sininop ang mga mumo ng kanilang
hapunan, binalot ang mga ito sa isang pirasong papel, saka isinuksok nang palihim sa kaniyang bulsa. Pagkatapos
ay nagtungo siya sa kaniyang silid, tinanggal ang kaniyang sombrerong pula na may itim na tasel, at isinabit ito sa
kawitan sa dingding. Tahimik siyang nahiga, at ipinikit ang kaniyang mga mata, nagkukunwang natutulog na ngunit
ang isip ay gising na gising katulad ng mga bituin sa kalawakan.

Sapagkat halos wala namang sinasabi ang ama, malinaw na hindi niya alam ang ginagawa ng kaniyang anak nitong
mga nakaraang araw. Paminsan-minsan, napapakibot ang ilong ng bata at naiinip na napapakislot ang kaniyang
mga paa. Pagkatapos ay didilat siya, umaasang darating ang kaniyang panggabing kaibigan, papanhik sa kaniyang
kama, at kukutkutin ang mga mumo sa kaniyang tabi. Sa loob ng sampung gabi, ang bata ay nag-iiwan ng pagkain
para sa daga tuwing ang kaniyang ama ay nagpapahinga na. walang kaalam-alam ang kaniyang ama tungkol dito.
Kung malalaman lamang ng kanyang ama………….

Kumabog ang kaniyang dibdib at nanginig na parang naputol na buntot ng butiki. Paano nga kaya kung malaman
ito ng kaniyang ama? Tumigil ang pagkislot ng kaniyang paa at tumitig siya sa kisame. Inihilig niya ang kaniyang ulo
sa isang tabi at sabik na nakinig sa kahit anong munting tunog mula sa kaniyang panggabing kaibigan, ang daga.
Subalit ang kaniyang naririnig ay hilik ng kanyang ama, mahina sa simula hanggang sa papalakas nang papalakas. “
ang arabo nga naman kung maghilik,” sa isip-isip ng bata,”tulad ng isang kamelyo na inabutan ng sandstorm!”
maya-maya pa’y huminto ang paghilik. Sigurado siyang tulog na tulog na ang kaniyang ama.

Habang nakatitig ang bata sa dingding na naandapan ng nakabiting ilaw, nabahala siya nang maalala ang nangyari
sa natagpuan niyang pusang gala. Naalala niya kung paano siya kinompronta ng kaniyang ama habang kipkip niya
ang hayop at masya niyang sinabi sa ama, ”Papa, papa, diba’t ang ganda niya?”

“Ye’shaidena-jahanman! Maganda, huh? Maganda, oo! Paalisin mo iyan dito! Ayoko ng kahit anong hayop dito sa
bahay!”

“pero papa, hindi naman siya nakakasakit. Pwede bang…………?”

“wala nang kung ano-ano pang sinasabi. Tama na. Tama na. Alisin mo iyan dito!”

“Pero gusto kong magkaroon ng alaga. Ang lahat ng batang lalaki sa kapitbayan….”

“Alisin mo iyan dito! Bibilhan kita ng ibang laruan. Maraming laruan sa mga tindahan”

“Pero hindi sila nakakatalon, nakakatkbo, o naglalaro.”

Sumigaw ang ama. “ Alisin mo iyan dito”

“Basta gawin mo. Hay, Allah!”

Pero bumabalik ang pusa sa tuwing itinatapon niya ito, habang malungkot na ngumingiyaw ay kitang-kita niya ang
malarosas nitong dila. Ikiniskis nito ang kaniyang nguso at mukha sa binti ng batang lalaki. Sa galit ng ama ay isinilid
niya ito sa isang sako ng harina at pinakawalan sa kabilang dulo ng tulay. Hindi na nga natunton ng pusa kung
nasaan ang batang lalaki. Umiyak ng palihim ang bata sa nangyari.

“Itigil mo ang kalokohan mong iyan! Hay, Allah! Nagdadalamhati ka nang dahil lamang sa isang maruming pusa!
Marami na akong iniisip! Tama na ang kalokohang ito!.”

Nangako sa sarili ang bata na maghahanap ulit siya ng isang maalagaan. Hindi na niya hahayaang mahawakan pa
ito ng kaniyang ama. Hanggang sa aksidente niyang Nakita nag dagang kulay kayumanggi. Nagsimula siyang
magtabi ng mga mumo galing sa kanilang hapunan para sa kaniyang bagong kaibigan. Itinatago niya ang mumo sa
kaniyang bulsa. Una niya itong inilagay sa butas sa sulok ng kanilang bahay, hanggang sa malapit na sa kaniya. Ito
na ang isang panalangin niya kay Allah.
Ang pagmumuni-muni ng bata ay biglang natigil. May isang bagay ang nagsisimula nang kumutkot sa sulok ng
silid. Idinilat niya ang kaniyang mga mata. Ito na nga ang kaniyang munting kaibigang nagsimula nang gumapang at
tumayo. Palibhasa’y matagal na sa dilim, nasilaw ito sa liwanag mula sa lampara. Pasulong na itong kumilos na
parang isang mekanikal na manika palapit sa kama ng bata. Nagpigil ng hininga ang bata at medyo ipinikit ang
kaniyang mga mata. Walang kahirap-hirap na umakyat sa kama ang daga habang pa singhot-singhot itong
nagtungo sa kung saan naroon ang pagkain. Sa sulok ng kaniyang mga mata, malugod itong pinagmasdan ng bata
habang ang kaniyang puso ay kumakabog sa kagalakan. Sa mahinang boses ay paulit-ulit niyang binubulong.

“ munting kaibigan, munting kaibigan. Bukas ng gabi ay mas marami pa diyan. Mag ingat ka lamang munti kong
kaibigan.”

Biglang iniusad ng daga ang kaniyang malabalahibong nguso na parang isang biik. Itinaas niya ang kaniyang ulo at
kumurap. Gumalaw ito at lumundag sa tiyan ng bata. Libang na libang ang bata. Nagbigay sa kaniya ng ibang
kaligayahan ang ginawa ng daga.

“Munting kaibigan, munting kaibigan,” ang sabi ng kaniyang puso. Nagpunta ang daga sa mukha ng bata na halos
mahawakan na ito ng daga. Sa pagkakataong ito, kumurap-kurap ang bata. Nang makita ito ng daga at
maramdaman ang hindi na nakontrol na paghinga ng bata, dali-dali itong bumaba sa katawan niya, sa gilid ng
kama, hanggang sa butas na kaniyang pinanggalingan.

“Munting kaibigan, munting kaibigan” paulit-ulit itong binubulong ng bata na tila isang sikretong mahika tulad ng
isang gintong lubid na nagdadala sa kaniya sa isang nakatagong kayamanan na kung saan hanggang sa siya ay
nakatulog na.

Hindi iyon nagtagal. Hanggang sa pagtulog ng bata ay nagkaroon siya ng panaginip tungkol sa malayong lugar
kasama ang mga kakaiba at palaban na mga tao. Patungo siya sa labanan kasama ang kaniyang daga na naging
higante at natatakbo nang mas mabilis pa sa kabayo at nakalilipad sa langit tulad ng alamat ng gadura. Sila ay nasa
iang malawak na disyerto ng Tihama at Abadan at Baithal Faquih at sa kabila ng mga bundok ng buhangin at pira-
pirasong lupa ng oisis ay may mga higanteng pusa at kabayo, elepante,at mga batang kawal na iba’t ibang kulay.
Mayroon ding mga panang nagliliparan sa kabilang disyerto. Iniligtas ng higanteng daga ang bata sa pamamagitan
ng paglipad paitaas. Sa kalagitnaan ng labanan, Nakita niya ang kanyang ama na hinahampas ang isang sandata sa
kaniyang kamay at isang jambiya sa kabilang kamay.

Biglang lumitaw sa eksena ang kanyang ama at nagsisigaw ng “Ina! Ina!” isang payat na babae ang pinako at
ipinakain sa isang higanteng pusa. Dumaloy ang dugo sa mga sugat ng babae, na siyang nagpabaha at tumabon sa
malawak na disyerto hanggang sa dagat na pula. Hindi sumuko ang kaniyang ama. Kumapit iong mabuti nang ito ay
lusubin ng higanteng pusa. Doon nagsimulang magsigaw ang bata habang natutulog. Ang kanyang tinig ang siyang
pumukaw sa pagtulog ng kaniyang ama sa kabilang silid.

“Yosouf, ano’ng nangyayari?” Yeshaidena, anong nangyayari? Hindi niya masabi ang nagyari sa kaniyang maa.

“Napanaginipan ko po….” Nagdalawang isip siya at pinipigilan siya ng kanyang puso. Iyon ay isang malupit na
paghampas, simbangis ng isang leon na nagpupumiglas sa loob ng isang hawla.

“Ano ang napanaginipan mo?”

“Napanaginipan ko po…” muli siyang nagdalawang isip. “Papa, ‘yong mga higanteng pusa, mabangis ba sila para
pumatay at kumain ng isang kaawa-awang babae?”

“ walang higanteng pusa. Gulo, gulo,” ang sambit ng kanyang ama.

“Nanaginip ka, nagsisigaw ka- isang masamang pangitain. Ibig sabihin ay masamang Negosyo. Maligo ka.
Masamang hindi ka maligo.”

“Nakakita na po ba kayo ng babaeng pinatay ng isang higanteng pusa, Papa? Nakita ko po kasi sa panaginip ko ay
tinangka po ninyong….” At sa pautal-utal na boses ay kinuwento ng bata ang kaniyang panaginip.

Namuti ang mata ng kanyang ama sa takot. Totoo, nakakita na siya nito noong siya ay bata pa lamang, kung paano
kinalmot ng pusa ang mukha ng isang babae sa kaniyang pagtulog at mula rito ay nagkasakit ang babae hanggang
sa mamatay. Kung sino man iyong babae aay hindi niya alam. Paano niya malalaman? Hindi ito magandang
alalahanin. Malas, malas. Halos masira ang kaniyang ulo. Paano mauunawaan ng kaniyang anak kung bakit niya
kinasusuklaman… kaya tinabig niya ang kaniyang mga kamay at inihampas sa kaniyang mga hita, isang larawan ng
kawalang pag-asa.

Nang almusal, halos hindi nag-imikan ang mag-ama. Mabagal na kinain ng bata ang kaniyang tinapay na tila hindi
niya kayang ubusin. Pilit niyang pinagtatagni-tagni ang kaniyang panaginip, “Ang babae.. maari kayang…?”
“Nakakita ako ng mga mumo ng pagkain malapit sa unan mo at mayroon ding bakas ng paa ng daga sa kumot mo
pati na sa sahig malapit sa kama mo.”

“Opo, Papa.”

“Kailangan ko ng paliwanag.” Nagkunwaring walang alam ang bata. “paliwanag, Papa?”

“Bakit ka naglagay ng mga mumo roon?”

“H-hindi po.” May pagsisinungaling, alam niya iyon at ito na rin ang nagkanulo sa kaniya. Kinakabahan siya sa
kaniyang upuan. Ano ang sasabihin?

“May mga daga dito sa bahay at hinahayaan mo sila. Malas iyan, naintindihan mo? Ibig sabihin nito ay kamalasan,
malas sa Negosyo. Kailangan alerto tayo.”

Alerto! Ang mabigat na dibdib ng bata ay gumaan. Kailangang alerto talaga! Iyon ang magliligtas sa kaniya at sa
kaniyang kaibigan. Ang pagsunod niya ang nagtatakip sa kaniyang pagsisinungalang at pagbababala na rin sa
kaniyang munting ukaibigan.

Nang gabing iyon ay hindi natulog ang ama at nauupo lamang sa isang silyang may patungan ng kamay. Nagmatyag
siya habang hawak-hawak ang isang batuta. Nakatulog na ang bata. Hindi pa siya nakatutulog nang lubusan nang
may isang matigas at mabigat na bagay ang ipinukpok sa sahig. Sinundan ito ng hindi magagandang salita.

“May malaking daga,” ang sabi ng ama. “Nagpunta ito doon sa may butas.” Nakahinga nang maluwag ang bata
nang marinig niya ito.

“Munting kaibigan, munting kaibagan.” Bulong niya sa sarili. Dalawang magkasunod na gabing nag-aabang sa daga
ang ama hanggang sa siya ay sumuko. Natuwa ang bata.

Nang ikatlong gabi, naghintay ang bata sa kaniyang kaibigan. Takot marahil ang daga sa posibleng kamatayan, sa
isip ng bata, ang natural na pagiging tuso ang siyang naging babala para hindi lumitaw ang daga sa silid. Hindi
nawalan ng pag-asa ang bata. Nahiga na lamang siya at nagkunwaring natutulog. Naghintay siya sa kanilang
sikretong tagpuan hanggang sa naulinigan niya na may mahinang kumukutkot. Ang ulo ng daga ay unti-unting
lumitaw sa butas. Maingat na inilabas nito ang kaniyang mga paa. Nagpatakbo-takbo at nagpaikot-ikot ito patungo
sa kama at nagpahinto-hinto. Ang puso ng bata ay aandap-andap habang binabanggit ang kaniyang sikretong
mensahe, “Munting kaibigan, munting kaibigan.”

At nangyari na nga. Sa isang iglap lang ay may isang bagay na gumapos sa puso ng bata. Tila huminto ang takbo ng
mundo. Tumayo siya upang tingnan kung ano ang nangyari. Nagimbal siya sa kaniyang Nakita. Ang ulo ng daga ay
buong-buong nadurog at luwa ang mga mata nito habang nagingisay ang katawan. Iginalaw ng daga ang kaniyang
buntot sa huling pagkakataon. Ang bakal na panghuli ng daga ang siyang kumitil sa buhay ng munting kaibigan ng
bata. Higit pa rito ang kaniyang nasaksihan. Ang kalakihan ng katawan ng isang lalaking may hawak na batuta ang
siya ring pumalo sa kaawa-awang hayop. Nasugatan nang napakalalim ang bata; sugat na tila matagal bago
maghilom sa pagitan niya at ng lalaki na ngayon ay tila isang malawak na gulpo o kung ano pa man.

Masayang kinakausap ang sarili na nakatayo sa tabi ng kaniyang anak. “ nahuli rin natin sa wakas. Sabi ko na nga ba
at sa dating bakas ko maaring ilagay ang panghuli malapit sa iyong higaan. Bago ang panghuling iyan, salamat sa
nagtitinda ng mga gawa sa tsina, binili ko lamang ngayong gabi.”

Inangat ng lalaki ang panghuli at hinawakan ang walang buhay na daga sa binti nito. Nanginginig na ihihagis niya ito
palabas ng bintana sa direksiyon ng madilim na daanan. Subalit sa pakiramdam ng bata, tila dinukutan siya ng
puso. Nagngunguyngoy na sinambit, “Munting kaibigan, munting kaibigan.”

“Luko-luko kang bata ka,” galit na sabi ng ama. “Bakit ka umiiyak? Anong iniiyakan mo? Malas iyan. Iniyakan mo
ang pusa at ngayon naman ay nag daga. Iniiyakan mo na ang lahat. Para ba saan itong iyong pag-iyak?

Humikbi ang bata na parang nawalan ng isang pinakamagandang bagay sa mundo.

You might also like