You are on page 1of 9

PAGLALARAWAN/DESKRIPTIB

INTRODUKSYON

Ang deskriptib/paglalarawan ay isang anyo ng diskurso na nagpapahayag ng sapat na


detalye o katangian ng isang tao, bagay, pook, damdamin o teorya upang ang isang mambabasa
o tagapakinig ay makalikha ng isang larawang mental kung anuman ang inilalarawan. Kung
ang isang pintor ay gumagamit ng iba’t ibang kulay upang maisabuhay ang isang larawan,
ganoon din ang isang manunulat, gumagamit siya ng mga salita na nagiging daan upang mabuo
ang larawan sa isipan ng mambabasa o tagapakinig. Ang paglalarawan ay bunga ng
kakintalang likha ng ating limang pandama, ayon naman kay Tumangan, et.al. (1997).
Mahalaga ang deskriptib na diskurso dahil ito ay isang daan upang makilala ang isang
tagapagpahayag. Sa pamamagitan ng kanyang pagbibigay katangian sa anumang kanyang
inilalarawan, nagkakaroon ng ideya ang tagapakinig o mambabasa kung ano ang kanyang
panlasa tungkol sa mga bagay-bagay, kung paano siya mag-isip at kung paano niya binibigyan
ng katawagan o leybel ang mga bagay sa kanyang kapaligiran. Sa ganitong pamamaraan din ay
napapagalaw niya ang kanyang imahinasyon, maging ng kanyang mambabasa o tagapakinig.
Layunin ng paglalarawan ang makalikha ng imahe sa isipan ng kanyang mambabasa
upang maging sila ay maranasan din ang naranasan ng manunulat. Ang paglalarawan ay
karaniwang isinasagawa upang makahikayat ng kapwa. Isang halimbawa ay ang paglalarawan
ng mga pook-pasyalan upang makahikayat ng turista. Isa pa ay ang paglalarawan ng isang
bagong produkto upang makahikayat ng mamimili.
Sa pangkalahatan, ang destriptib na diskurso ay ang pagbibigay ng malinaw na imahen
ng isang tao, pook, damdamin o teorya upang makalikha ng isang impresyon o kakintalan.
Sa mabisa at epektibong paglalarawan, karaniwang pang-uri at mga pang-abay ang
ginagamit upang mabigyang buhay ang anumang inilalarawan. Sa pamamagitan ng mga ito,
nagiging malinaw sa isipan na tagatanggap ang anumang bagay na nais maipabatid ng iba.

LAYUNIN
Sa gawaing ito, inaasahang magagawa mo ang mga sumusunod:

 Natatalakay ang katuturan at kahalagahan ng paglalarawan/deskriptib


 Nakasusulat ng sariling talambuhay
NILALAMAN

Pag-aralan

Ang Paglalarawan/Deskriptib ay isang anyo ng pagpapahayag na naglalayong


bumuo ng isang malinaw na larawan sa isip ng mga mambabasa o nakikinig. Sa pamamagitan ng
paggamit ng tiyak na salitang naglalarawan, gaya ng pang-uri at pang-abay, malinaw na
naipakikita ang katangian ng tao, bagay, lugar o pangyayari na ating nakikita, naririnig o
nadarama.
Napapagalaw at napakikilos din ng paglalarawan ang ating mga guniguni, imahinasyon at
nakatatawag ng paningin at pansin ng mga mambabasa.

Mga Kahingian ng Epektibong Deskripsyon

Sa aklat nina Bernales, et al., (2006), mayroon siyang naitalang limang pangangailangan sa
epektibong deskripsyon. Sa aklat naman nina Tumangan, et al. (1997) ay mayroong naitalang
pito.
Naririto ang pagsasanib ng mga ito:

Wastong Pagpili ng Paksa

Hindi natin maaaring sabihin na may wasto at maling paksa sa paglalarawan. Ang
mahalagang isaisip ng isang tagapagpahayag ay dapat maging maingat siya sa pagpili ng
paksang kanyang ilalarawan. Higit na mainam na piliin ang isang paksang mayroon siyang
sapat na kaalaman. Higit na magiging buhay ang paglalarawan sa ganitong pagkakataon.
Upang maging bihasa sa paglalarawan, mainam na magsimula sa mga bagay na karaniwang
nakikita sa araw-araw. Mainam ding ilarawan ang mga bagay na ang tagapagpahayag mismo
ang unang nakamalas sa halip na ibase ang paglalarawan sa impormasyon mula sa iba.

Pagbuo ng Isang Pangunahing Larawan


Madalas nating sinasabing first impression lasts. Ito ang dahilan kung bakit mahalaga na
makabuo tayo ng isang malinaw at mabisang pangunahing larawan sa isipan na ating
tagatanggap. Kung naging palasak o karaniwan ang ating pambungad, makatitiyak tayo na
hindi na magiging interesado ang ating tagapakinig o mambabasa sa mga sumusunod pa nating
sasabihin.
Mahalagang makabuo tayo agad ng isang malinaw na kakintalan sa isipan ng ating
tagapakinig o mambabasa. Ang daan upang mapukaw ang interes ng tagapakinig o mambabasa
ay ang pagbigay ng kabuuang inilalarawan bago pa man ang mga maliliit na detalye. Nais natin
na magkaroon ng kabuuang ideya ng inilalarawan bago pa man alamin ang mga sangkap na
bumubuo nito dahil ito ang siyang pagbabasehan ng mambabasa kung ipagpapatuloy nila ang
pagbabasa.
Bawat isa sa atin ay may sariling pagpapakahulugan sa bawat konsepto kung kaya’t
mainam na makabuo ng pangkahalatang ideya na siyang pagbabasehan ng mga sumusunod na
detalye.

Sariling Pananaw o Perspektib

Bawat isa sa atin ay may sariling ideya kung ano ang maganda, mahusay, mabuti o ano
paman. Bagama’t iisa ang tinitingnan natin, maaaring iba-iba ang ating nakikita. Ito ay dahil sa
hindi pare-pareho ang ating mga panlasa. Mayroong nagsasabing maganda ang isang bagay
ngunit itinuturing namang di kagandahan ng iba!
Magkaugnay ang pangunahing larawang nabubuo sa pananaw ng naglalarawan. Ang
pagkiling ng naglalarawan ay mapapansin sa pananaw na kanyang pinili sa paglalarawan.
Maaaring ang pananaw sa paglalarawan ay ayon sa kinalalagyan ng naglalarawan,
maaaring siya ay malapit o malayo sa inilalarawan. Maaaring ang kanyang sariling palagay o
damdamin ang mangibabaw sa kanyang paglalarawan. Kung tila hindi natutuwa ang
naglalarawan sa kanyang inilalarawan, ito ay mapapansin sa pagbuo niya ng pangunahing
larawan maging sa mga maliliit na detalye kaugnay ng inilalarawan.
Maaaring ring makaapekto sa paglalarawan ang pagkatao ng mismong naglalarawan.
Maaaring ang inilalarawan niya ay isang bagay o kaisipan na higit na malapit sa kanya dahil sa
sariling kadahilanan. Maaari rin namang maging tila teknikal ang kanyang paglalarawan kung
hindi niya lubusang pinahahalagahan ang inilalarawan. Maaari ring ang kanyang pananaw ay
maapektuhan ng mga impormasyong kanyang nakalap o narinig.
Mahalaga kung gayon na bago pa man simulan ang paglalarawan na maging malinaw
sa isipan ng tagapagpahayag kung ano ang kanyang layunin sa pagsasagawa ng paglalarawan
dahil may epekto ito sa kanyang magiging pananaw.

Kaisahan

Ang kabuuang paglalarawan ay nagaganap sa pagbibigay ng mga maliliit na detalye na


magbibigay linaw sa kabuuan ng inilalarawan. Dapat ay hindi lilihis ang mga detalyeng
ipapahayag sa pangunahing larawang nabuo sa simula. Ang mga salitang pipiliin upang
maging sangkap ng paglalarawan ay nararapat na naaayon sa kabuuan ng inilalarawan upang
matiyak ang kaisipan ng diwa.

Pagpili ng mga Sangkap

Sa paglalarawan mahalaga ang mga maliliit na sangkap o detalye dahil ito ang siyang
nagiging basehan ng tagapakinig o mambabasa upang mapag-iba ang bagay na inilalarawan sa
iba pang bagay sa pagpili ng sangkap ng paglalarawan kailangan tiyakin ng naglalarawan na
magiging daan ito sa pagkakalikha ng mental na larawan sa isipan ng tagapakinig o
mambabasa.
Mahalagang matiyak din ng tagapagpahayag na ang mga sangkap na kaniyang pipiliin
sa paglalarawan ay may kaugnayan sa pangunahing larawan na nabuo sa simula. Hindi
maaaring sumalungat sa pangunahing kaisipan ang mga sangkap dahil magiging daan ito sa
pagkawala ng bias na paglalarawan.

Pagpili ng Angkop na Pananalita

Kung iba’t ibang kulay ang gamit ng isang pintor upang makalikha ng isang obra maestra,
salita naman ang siyang sandata ng isang tagapaglarawan upang makalikha ng imahen.
Kailangan ay mayroon siyang kasanayan sa pagpili ng mga salitang maaaring magpagalaw ng
imahinasyon ng kanyang tagatanggap. Ang paggamit ng mga salitang nakakakiliti ng isipan ay
higit na epektibo. Ito ay sa kadahilanang higit na nagiging madali at mabilis ang pagbuo ng
mental na imahen ng inilalarawan.
Mahalaga ring tiyakin ng tagapagpahayag na ang salitang kanyang pinili ay angkop sa
pandamang kanyang inilalarawan. Mayroong mga pang-uri na angkop sa isang partikular na
pandama ngunit hindi naman angkop sa iba. Isang halimbawa ay ang salitang “mapanghi” na
isang salitang ginagamit upang tukuyin ang isang partikular na amoy. Hindi ito maaaring
gamitin sa paglalarawan ng isang bagay na ating nakita. Sa kabilang banda naman, ang salitang
“masarap” ay hindi lamang iniuugnay sa panlasa ngunit maging sa ating napakinggan o
pagkaing tinitingnan.

Layunin ng Paglalarawan

Sa bawat diskurso, lagi tayong mayroong layunin pinanghahawakan. Ang layunin natin
ang siyang magtutulak sa atin upang gawin ang isang bagay at kung paano ito gawin. Dahil sa
nais nating makamit ang isang bagay, nagiging masigasig tayo sa ating ginagawa. Ganoon din
ang isang tagapaglarawan. Sa pagnanais na makahikayat ng mga turista sa isang pook-
pasyalan, ginagawang higit na kahali-halina ang paglalarawan upang maengganyo ang
nagbabasa o nakikinig na puntahan ito.
Ang isang deskriptib na komposisyon ay naglalarawan ng tao, pook, mga bagay,
pagkakataon at mga teorya nang may sapat na detalye upang matulungan ang isang
mambabasa na makalikha ng isang mental na imahe ng larawan ng anumang sinusulat
(URL: http ://leo.stcloudstate.edu/acadwrite/descriptive.html).

Dalawang Uri ng Deskripsyon

a.Karaniwang Deskripsyon - Madalas na ang iniuugnay nating kahulugan sa salitang


karaniwan ay ordinaryo o palasak. Bukod pa rito, kung karaniwa ang isang bagay, iniisip
nating hindi ito nakakatawag-pansin o hindi gaanong mahalaga. Ngunit sa paglalarawan, ang
karaniwang deskripsyon ay yaong ang pangunahing layunin ay makapagpabatid o
makapagbigay ng dagdag kaalaman. Nakatuon ang pokus ng naglalarawan sa mga
pangunahing katangian ng inilalarawan. Obhetibo ang paglalarawan na ito at hindi
kakikitaan ng anumang bahid ng pagkiling ng manunulat o tagapagsalita sa inilalarawan.

Maganda at madaling
Pansinin ang kasunod napakibagayan.
halimbawa: Iyan ang impresyon ng sinumang makakaharap ni Linda.
Dala marahil iyon ng kanyang mapang-akit na mga mata na nakahahalina sa sinumang
makakakita nito. Ang kanyang namumurok na pisngi at napakalalim na biloy ay lalong
nagpapaganda sa kanyang mukha kung siya ay tumutawa. Parang iginuhit ang kanyang kilay at
nagtataglay ng mga pilikmatang malantik at mahahaba na lalong nakatutulong upang ikaw ay
mahalina sa kanyang mga mata. Sa kanyang pagtawa, mapapansin mo ang pantay-pantay at
mapuputi niyang ngipin. Ayon sa marami, ang mahaba at maitim niyang buhok ay nagsisilbing
pang-akit ni Linda sa mga kalalakihan.
Si Linda ay mayb matatag na paninindigan sa buhay. Ginagawa niya ang anumang kanyang
sabihin. Makabago si Linda at sosyal pero matapat na nagpapahalaga at nag-iingat sa kanyang
puri at pagbabago.
Relihiyodo at may takot sa Diyos si Linda. Lagi siyang nagsisimba, mababa ang loob at
handang tumulong sa sinuman nangangailangan . Mapagpasensya rin siya kaya napakarami
niyang kaibigan.

-mula sa Bernales et al. (2006)


b. Masining na Deskripsyon - Sa tuwing ating naririning ang salitang masining, ang agad na
pumapasok sa ating isipan ay magarbo, grandyoso o makulay kaya. Sa isang banda, maaaring
sabihin na ganoon nga ang masining na paglalarawan. Higit na nagiging maingat ang
naglalarawan sa kanyang pagbibigay deskripsyon. Pumipili siya ng mga salitang higit na
magbibigay-buhay sa kanyang inilalarawan. Ang mga salitang kanyang ginagamit ay yaong
kikiliti sa guni-guni ng kanyang mambabasa o tagapakinig.
Higit na nakakapukaw ng isipan at damdamin ang masining na deskripsyon. Sa
pagkakataong ito, ang kakayahang linggwiatik ng isang tagapagpahayag ay higit na aktibo.
Gumagamit siya ng mga tayutay ar mga idyoma upang gawing higit na malinaw ang imaheng
nais niyang maipabatid.

Pansinin ang mga kasunod na halimbawa:

Sa sinag ng bukang-liwaywayay tila nga naman nag-aanyayang kung paano ang bahay na
malaki. Ang mga tisang balot ng lumot sa bubong ay tila nagliliwanag. Pati ang kurtinang
gagalaw-galaw sa marahang simoy ng hangin ay tila kumakaway.

mula sa Kasalan sa Nayon

ni Macario Pineda

Sa malas ni Isagani, sa tatlong oras na pagpupuyos ng bagyo ay higit pang malaki ang
ipinagbago ng Magdalo kaysa sampung taong pagkawalay nila sa nayon niyang ito. Halos lahat
ng nakikita niyang kabaguhan ay likha ng nakapag-aalimpuyong hangin at ulan. Gaya ng dati,
ang malumot nang munting simbahan ni Aling Barang ay ibinagsak ng hangin, ngunit
nakatayo pa sa harapan ng luklukang kawayang mahahabang oras ding pinapag-init niya
samantalang nakikipag-inuman siya ng tuba, nakikipagtayugan ng mga pangarap sa kanyang
mga kapwa bata.

mula sa Bahay na Bato


ni Antonio B.L. Rosales
Pagsulat ng Talambuhay (Pansarili) o Awtobiograpiya

Layunin:
Sa gawaing ito, inaasahang magagawa mo ang mga sumusunod:
1. Nakikilala ang mga tiyak na pamantayan sa pagsulat ng talambuhay pansarili
o awtobiograpiya
2. Nakapagtatala at nakapag-uugnay-ugnay ng mga mahahalagang impormasyon
ukol sa sarili
3. Nakasusulat ng sariling talambuhay

A. Bago Sumulat

Pag-aralan ang larawan na nasa ibaba. Ano ang mahihinuha mo ukol dito? Maaari mo
bang ilahad ang pagkakaugnay-ugnay ng bawat yugto ng buhay ng isang tao batay sa nahinuhang
kaisipan mula sa larawan?
Saan man dako tayo magpunta at makikisalamuha, hindi mapasusubalian na
ang madalas na maging paksa ng usapan ay tungkol sa buhay. Maaaring ito ay sarili
mong buhay o buhay ng ibang tao. Napakakulay ng buhay, nakatutuwa, nakaaawa,
nakaiinis ngunit sa likod nito ay marami tayong natutuhan na sadyang
NILALAMAN
maipagmamalaki natin.
TUKLASIN NATIN

Pag-aralan

Ang Talambuhay ayon ka Rufino Alejandro ay nagsasaad ng kasaysayan ng buhay ng


isang tao. Ang mga pangyayari ay aktwal na naganap at hindi likha ng guniguni o bungang-isip
ng may-akda. Pinagtutuunan ng pansin ang pagkatao ng bida- ang kanyang kilos o galaw, salita
at kaisipan, paniniwala at mithiin sa buhay.
Ito ay isang palarawang pagsasalaysay ng mahahalagang pangyayari sa buhay ng isang
tao patay man o buhay, karaniwan man o bantog sa lipunan. Layunin ng akdang ito ang
magbigay ng mga impormasyon tungkol sa isang tiyak na tao.

Nagtataglay ng Tatlong Bahagi ang Talambuhay:


a. Panimulang bahagi. Nilalaman nito ang pangunahing detalye o pagkakakilanlan ng
taong ginawan ng talambuhay.

b. Katawan o Panggitnang bahagi. Taglay nito ang pinakamalaking bahagi ng talambuhay


sapagkat detalyadong inilalahad sa bahaging ito ang mahahalagang pangyayari ng buhay
ng taong binibigyang impormasyon.
c. Wakas o Katapusang bahagi. Nilalaman nito ang kinahinatnang kalagayan ng taong
may talambuhay.

Uri ng Talambuhay ayon sa paksa at may-akda


1. Ang talambuhay ng ibang tao (biography) – isang paglalahad ng mga kaganapan sa
buhay ng isang tao na isinulat ng iba.

2. Ang talambuhay na pansarili (awtobiograpiya) – isang paglalahad ngunit ang may-


akda mismo ang sumulat ng kanyang sariling buhay, mga pangarap, hangarin at mga
karanasang di malilimutan.

Uri ng Talambuhay ayon sa nilalaman


1. Talambuhay na Karaniwan – isang paglalahad tungkol sa buhay ng isang tao mula
pagsilang hanggang sa kanyang pagkamatay. Kasama rito ang detalye tulad ng kanyang
mga magulang, mga kapatid, kapanganakan, pag-aaral, karangalang natamo, mga naging
tungkulin, mga nagawa, at iba pang mahahalagang bagay tungkol sa paksa.

2. Talambuhay na Di-Karaniwan o Palahad – hindi gaanong binibigyan-diin dito ang


mahahalagang detalye tungkol sa buhay ng tao maliban kung ito ay may kaugnayan sa
simulain ng paksa. Sa halip ay binibigyang-pansin dito ang mga layunin, adhikain,
simulain, paninindigan ng isang tao at kung paano ito nauugnay sa kanyang tagumpay o
kabiguaan.

You might also like