Professional Documents
Culture Documents
PAGTUKOY SA PAKSA
Ang paksa ay ang kaisipang paulit-ulit at binibigyang-pokus at iniikutan
ng mga pangungusap o bahagi na bumubuo sa teksto.
TEKSTONG DESKRIPTIBO
Ang Tekstong Deskriptibo ay nagtataglay ng mga kaukulang detalye sa
katangian ng isang tao, lugar, bagay, o pangyayari. Naglalayon itong bumuo ng
malinaw na larawan sa isip ng mga mambabasa upang mapalutang ang
pagkakakilanlan nito. Ang tekstong ito ay laging sumasagot sa tanong na
“Ano“. Ang deskripsyon ay maaring: batay sa pandama - nakita, naamoy,
nalasahan, nahawakan, at narinig; batay sa nararamdaman - bugso ng
damdamin o personal na saloobin ng naglalarawan; at batay sa obserbasyon -
obserbasyon ng mga nagyayari.
Sa tekstong ito, kahit hindi ka pintor ay makakabuo ka ng isang larawan
gamit ang mga salitang magmamarka sa damdamin at isipan ng mambabasa.
Upang mailarawan at mabigyang-buhay sa imahinasyon ng mambabasa ang
isang tauhan, tagpuan, bagay, galaw o kilos, karaniwang gumagamit ang may-
akda ng pang-uri at pang-abay. Mula sa epektibong paglalarawan ay halos
makikita, maaamoy, maririnig, malalasahan, mahahawakan na ng mambabasa
ang mga bagay na nailalarawan kahit pa sa isipan lamang niya nabubuo ang
mga imaheng ito.
Gumagamit din ang manunulat ng iba pang paglalarawan tulad ng
pangngalan, pandiwa at tayutay tulad ng pagtutulad, pagwawangis,
pagsasatao at iba pa. Ang tekstong deskriptibo ay laging kabahagi ng iba pang
uri ng teksto, partikular sa tekstong naratibo.
Halimbawa:
Maganda si Matet. Maamo ang mukha na lalo pang pinatitingkad ng mamula-
mula niyang pisngi. Mahaba ang ang kanyang buhok na umaabot hanggang sa
baywang. Balingkinitan ang kanyang katawan na binagayan naman ng
kanyang taas.
Halimbawa:
Muling nagkabuhay si Venus sa katauhan ni Matet. Ang maamo niyang
mukhang tila anghel ay sadyang kinahuhumalingan ng mga anak ni Adan.
Alon-alon ang kanyang buhok na bumagay naman sa kainggit-inggit niyang
katawan at taas.
TEKSTONG IMPORMATIBO
Ang tekstong impormatibo ay isang babasahing di piksyon. Ito ay isang
uri ng pagpapahayag na ang layunin ay makapagbigay ng impormasyon.
Naglalahad ito ng malinaw na paliwanag sa paksang tinatalakay. Sinasagot
nito ang mga tanong na ano, kailan, saan, sino at paano. Sa ibang
terminolohiya, tinatawag din itong “ekspositori”.
Dahil layunin nitong maghatid ng tiyak na impormasyon, dapat ito ay
madaling unawain. Sa pagsulat ng tekstong impormatibo, ang mga manunulat
ay gumagamit ng iba’t ibang pantulong upang magabayan ang mga
mambabasa para mas mabilis nilang maunawaan ang impormasyon. Ang ilan
sa halimbawa ng mga pantulong ay talaan ng nilalaman, index at glosaryo.
Maari ding gumamit ang mga manunulat ng mga larawan, ilustrasyon,
kapsyon, grap at talahanayan.
Sa pagbuo ng tekstong impormatibo, mahalagang isaalang-alang ang
katumpakan ng nilalaman. Ang mga sumusulat nito ay kinakailangang may
sapat na kaalaman sa paksa, kung kaya’t dapat sila ay may mga sangguniang
pinagbabatayan. Dagdag pa, ang sanggunian o pinagkukunan nila ng datos ay
kailangang mapapagkatiwalaan at may kredibilidad. Makakabuti rin kung ang
paksa ay napapanahon sapagkat ito ay maaring makatulong upang
maunawaan ng mambabasa ang mga isyu sa lipunan.
Ang ilan sa mga halimbawa ng tekstong impormatibo ay diksyunaryo,
encyclopedia, almanac, pamanahong papel o pananaliksik, siyentipikong ulat,
at mga balita sa pahayagan.
TEKSTONG PROSIDYURAL
Ang tekstong prosidyural ay binubuo ng mga panuto upang masundan
ang mga hakbang ng isang proseso sa paggawa ng isang bagay. Nagsasaad din
ito ng impormasyon o mga direksiyon upang ligtas, mabilis, matagumpay, at
maayos na pagsasagawa ng gawain.
TEKSTONG PERSUWEYSIB
Layunin ng isang tekstong persuweysib ang manghikayat o
mangumbinsi sa babasa ng teksto. Isinusulat ang tekstong persuweysib upang
mabago ang takbo isip ng mambabasa at makumbinsi na ang punto ng
manunulat, at hindi sa iba, ang siyang tama. Hinihikayat din nito ang
mambabasang tanggapin ang posisyong pinaniniwalaan o ineendorso ng
teksto.
Ang tekstong persuweysib ay may subhetibong tono sapagkat malayang
ipinahahayag ng manunulat ang kanyang paniniwala at pagkiling tungkol sa
isang isyung may ilang panig. Taglay nito ang personal na opinyon at
paniniwala ng may akda.
Ang ganitong uri ng teksto ay ginagamit sa mga iskrip para sa
patalastas,
propaganda para sa eleksiyon, at pagrerekrut para sa isang samahan o
networking.
Inilarawan ng Griyegong pilosopo na si Aristotle ang tatlong paraan ng
panghihikayat o pangungumbinsi. Ito ay ang sumusunod:
1. Ethos - Ito ay tumutukoy sa kredibilidad ng isang manunulat. Dapat
makumbinsi ng isang manunulat ang mambabasa na siya ay may malawak na
kaalaman at karanasan tungkol sa kanyang isinusulat, kung hindi ay baka
hindi sila mahikayat na maniwala rito.
Halimbawa, ang isang taong nanghihikayat ng mga turista upang bisitahin ang
isang isla sa Pilipinas gayong hindi pa siya nakakapunta rito ay maaaring
maging kaduda-duda. Gayunpaman, may iba pang paraan upang magkaroon
ng
krebilidad. Ang estilo ng pagsulat ay mahalaga upang magkaroon ng
krebilidad.
Dapat na maisulat nang malinaw at wasto ang teksto upang lumabas na hitik
sa kaalaman at mahusay ang sumusulat. Ang paraan ng pagsisipi ng
sanggunian ay maaaring makatulong sa pagpapatibay ng kredibilidad.
Kailangang mapatunayan sa mga mambabasa na ang mga datos at
impormasyon ay wasto at napapanahon upang makumbinsi na ang isinulat ay
tama at mapagkakatiwalaan.
TEKSTONG ARGUMENTATIBO
Katulad ng tekstong persuweysib, layunin din ng tekstong
argyumentatib ang manghikayat o mangumbinsi ng mambababasa. Obhetibo
ang tono ng tekstong ito sapagkat nakabatay ito sa datos o impormasyong
inilalalatag ng manunulat. Ginagamit ng tekstong argyumentatib ang paraang
logos. Upang makumbinsi ang mambabasa, inilalahad ng may-akda ang mga
argumento, katwiran, at ebidensyang nagpapatibay ng kanyang posisyon o
punto.
Ang pangangatwiran ay ang diskursong sadyang isinusulat para sa
napakahalagang layuning makapaghikayat o mapapaniwala ang mga
mambabasa sa saloobin ng sumulat ukol sa kanyang paniniwala at
paninindigan. Sa kayariang ito, mariing binibigyang pagtalakay ang paglalahad
ng mga detalye at kaalamang nais mabigyan ng positibong reaksyon ng babasa
o mga tagahatol nito. Dito ihahanay ng manunulat ang kanyang proposisyon
at argumentong nagbibigay-suporta sa mga kaalamang nais niyang sang-
ayunan ng mga mambabasa. Sa mga nabanggit na kayarian, pinakasensintibo
ang diskursong ito sapagkat nangangailangan ito ng mabigat na ebidensya o
patunay na makatotohanan ang ipinahahayag ng manunulat
(Mabilin et al.).
Halimbawa:
Kinatatakutan ng mga magsasaka ang kanilang Panginoon.
(Diyos/tagapaglikha)
Halimbawa:
Kinatatakutan ng mga magsasaka ang kanilang Panginoon.
(Makapangyarihang may-ari ng lupa)
SEKWENSYAL
Karaniwang ginagamitan ng mga salitang una, pangalawa, pangatlo, sunod at
iba pa ng mga serye ng mga pangyayari.
KRONOLOHIKAL
Pagkakasunod-sunod ng mga magkakaugnay na pangyayari ayon sa tamang
panahon at oras.
PROSIJURAL
Pagsusunod-sunod ng mga gawain mula sa simula hanggang sa wakas.