You are on page 1of 2

KUMILOS KA!

ni Fevelyn R. Tamondong

“Ang kalinisan ay tanda ng pagiging maka-Diyos”. Totoo, ang pagiging malinis ay palatandaan ng
kabutihan na katangian ng Maykapal. Ito ay napakahalaga sapagkat repleksyon ito na tayo ay may malusog na
pamumuhay. Gayon man, marami sa atin ang kulang sa disiplina at pagpapahalaga sa kalinisan. Ang isang
halimbawa nito ay ang tungkol sa wastong pagtatapon ng basura.
Isa sa matinding suliranin sa karamihan ng mga bansa sa mundo kasama na ang Pilipinas ay ang
problema sa basura. Ayon sa datos ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), 2,000 trak ng
basura na may capacity load na 20 tonelada ang nahahakot sa buong bansa. Ang 450 dito ay galing sa Metro
Manila. Karamihan sa mga basurang nabanggit ay naipon mula sa mga kalsada, estero, kanal at ang iba ay mula
pa sa mga ilog at tabing dagat. Ang mga basurang nabanggit ay resulta madalas nang hindi wastong pagtatapon
ng basura ng mga mamamayan dahil sa kakulangan ng material recovery facility. Nakalulungkot isipin na dahil sa
walang pakundangang pagtatapon ng mga tao ng basura kung saan-saan, marami ang nagiging biktima ng iba’t
ibang uri ng sakit, Ang mga nabanggit na basura ay umaakit kasi sa mga langaw, lamok, ipis, daga at iba pang
hayop na nagkakalat ng mga mikrobyo tulad ng leptospirosis at nagiging sanhi ng pagkasira ng tyan. Nariyan din
ang typhoid fever at gastroenteritis na nakukuha mula sa maduduming pagkain at inumin.Kasama pa rito ang
kolera na galing sa matinding mikrobyo o bacteria na kumakalat sa komunidad at nagreresulta ng kamatayan. Ang
mga may problema sa baga ay mahihirapan din sa paghinga dahil sa masangsang na hangin mula sa mga
basurang naipon. Dagdag pa riyan ang mga simpleng sakit sa balat tulad ng galis, alipunga at pigsa na kapag di
nagamot ay maaari pa ring magresulta nang mas malalang sakit. May posibilidad din na malason ang tao sa mga
kemikal na itinatapon na lang basta tulad ng baterya(lead), bombilya (mercury) at mga building materials
(asbestos). Ang pagkalantad sa nasabing mga kemikal ay maaaring magdulot ng kanser at pagkamatay.
Oo, malala ang problema natin sa basura sapagkat di lamang ito panganib sa ating kapaligiran kundi lalot
higit sa ating kalusugan. Ngayon pa lamang, kailangan nating makiisa sa mga kampanya sa paglilinis.Maging
responsable sana tayong mamamayan. Huwag na nating hintayin na tayo ay maging biktima ng kawalan natin ng
disiplina. Ano pa ang hinihintay mo kaibigan? Kumilos na!

GAWAIN 1: Pag-unawa sa Nilalaman


Sagutin ang mga tanong.
1. Ano ang pangunahing kaisipan ng nabasang sanaysay?
2. Isa- isahin ang bunga ng di wastong pagtatapon ng basura.
3. Bakit mahalaga ang pagkilos ng bawat isa para matuldukan ang mga suliraning dulot ng di wastong pagtatapon ng
basura?
4. Sa paanong paraan mo maipakikita ang iyong pagpapahalaga sa kalinisan?
5. Batay sa nilalaman ng sanaysay, ano ang layunin ng may akda sa pagsulat nito?

GAWAIN 3: Magsanay Na ...


Magtala ng mga pansuportang ideya sa pangunahing kaisipan na nasa ibaba upang makabuo ng talata.
1. Pangunahing Kaisipan: Ang solid waste management ay isang programa na naglalayong maiayos ang mga
problema sa basura.
Pansuportang Ideya:
a. ____________________________________________________
b. ____________________________________________________
c. ____________________________________________________

2. Pangunahing Kaisipan: Ang bawat barangay ay kailangang maging seryoso sa kanilang pagpapatupad ng mga
ordinansang may kaugnayan sa basura.
Pansuportang Ideya:
a. ____________________________________________________
b. ____________________________________________________
c. ____________________________________________________
3. Pangunahing Kaisipan: Ang pamahalaan ay gumagawa ng iba’t ibang hakbang para mapangalagaan ang ating
kapaligiran.
Pansuportang Ideya:
a. ____________________________________________________
b. ____________________________________________________
c. ____________________________________________________
Gawain 4

Kasaysayan ng LGBT sa Pilipinas


Sa pagtalakay ng kasaysayan ng LGBT sa Pilipinas, mababanggit ang mga babaylan noong ika-16 hanggang ika-17 siglo. Ang
babaylan ay isang lider-ispiritwal na may tungkuling panrelihiyon at maihahalintulad sa mga sinaunang priestess at shaman. Ang salitang
babaylan ay sinasabing tumutukoy sa babae, mayroon ding lalaking babaylan – halimbawa ay ang mga asog sa Visayas noong ika-17
siglo - na hindi lamang nagbibihis-babae kundi nagbabalat-kayo ring babae upang ang kanilang mga panalangin umano ay pakinggan ng
mga espiritu.
Ang mga lalaking ito, gayunman, ay hindi lamang nagsusuot ng kaugaliang kasuotan ng mga babae, ginagaya rin nila ang
mismong kilos ng mga babae, sila rin ay pinagkakalooban ng panlipunang pagkilalang simboliko bilang “tila-babae.” Ilan din sa mga
babaylang ito ay kasal sa lalaki, kung saan sila ay may relasyong seksuwal. Habang sila ay tinatanggap at iginagalang sa lipunang pre-
kolonyal, para sa mga Espanyol, ang mga babaylan ay hindi lamang nakalilito, sila rin ay kinatatakutan dahil sa kanilang
makapangyarihang posisyon.
Sa panahon ng mga Espanyol, ilan sa mga babaylang ito ay nag-iba ng gampanin dahil sa pagpapalaganap ng Kristiyanismo.
Mula noon, ang lipunang Pilipino ay higit sa lahat tahimik sa mga Pilipinong hindi tumatalima sa kombensiyunal na oryentasyong
seksuwal at pagkakakilanlang pangkasarian.
Dekada 60 ang pinaniniwalaang dekada kung kailan umusbong ang Philippine gay culture sa bansa. Sa mga panahong ito,
maraming akda ang nailathala na tumatalakay sa homoseksuwalidad. Mababanggit ang mga akda nina Victor Gamboa at Henry Feenstra,
Lee Sechrest at Luis Flores.
Sa Pilipinas, ang umiiral na mga konsepto tungkol sa LGBT ay mula sa magkasamang impluwensiya ng international media at
ng lokal na interpretasyon ng mga taong LGBT na nakaranas mangibang-bansa. Sa mga huling bahagi ng dekada 80 at unang bahagi ng
dekada 90, maraming pagsulong ang inilunsad na naging daan sa pag-usbong ng kamalayan ng Pilipinong LGBT. Maibibigay na
halimbawa nito ang paglabas ng Ladlad, isang antolohiya ng panulat ng mga Pilipinong miyembro ng gay community na inedit nina
Danton Remoto at J. Neil Garcia noong 1993. Maidaragdag din ang sinulat ni Margarita Go-Singco Holmes na A Different Love: Being
Gay in the Philippines noong 1994.
Isang malaking yugto para sa lesbian activism sa Pilipinas ang naganap nang sumali ang di-kilalang samahan na Lesbian
Collective sa martsa ng International Women’s Day noong Marso 1992. Ito ang kauna-unahang demonstrasyon na nilahukan ng isang
organisadong sektor ng LGBT sa Pilipinas.
Ang dekada 90 ang pinaniniwalaang simula ng LGBT movement sa Pilipinas. Itinatag ang ProGay Philippines noong 1993, ang
Metropolitan Community Church noong 1992, at ang UP Babaylan (pinakamatandang organisasyon ng mga mag-aaral na LGBT sa UP)
noong 1992. Ilang kilalang lesbian organization ang sumulpot noong dekada 90, gaya ng CLIC (Cannot Live in a Closet) at Lesbian
Advocates Philippines (LeAP). Unang partidong politikal na kumonsulta sa LGBT community ang partidong Akbayan Citizen’s Action
Party. Ang konsultasyong ito ang nagbigay-daan sa pagkakabuo ng unang LGBT lobby group – ang Lesbian and Gay Legislative
Advocacy Network o LAGABLAB - noong 1999.
Noong Setyembre 21, 2003, itinatag ni Danton Remoto, propesor sa Ateneo de Manila University, ang political na partido na
Ang Ladlad. Sa simula, hindi pinayagan ng COMELEC ang Ang Ladlad na tumakbo sa halalan 2010 dahil sa basehang imoralidad.
Subalit noong Abril 2010, ang partidong ito ay ganap nang pinaygan ng Kataas-taasang Hukuman ng Pilipinas na sila ay lumahok sa
halalan. Noong 2004 naman, ginanap sa Maynila ang ika-10 anibersaryo ng LGBT pride sa Pilipinas bilang bahagi ng Gay Pride March.
Ang pagdiriwang na ito ay dinaluhan ng mga indibidwal na kinikilala ang sarili bilang bahagi ng pamayanan ng LGBT.

Gawain. History Change Frame


Matapos mong basahin ang kasaysayan ng LGBT sa Pilipinas, sagutan mo ang History Change Frame. Upang mas maunawaan
ang kuwentong binasa, punan ng sagot ang mga kahon.

Pamprosesong mga Tanong


1. Ayon sa teksto, sino ang matatawag na unang LGBT? Sa aling panahon sa kasaysayan ito nagsimula?
2. Kailan nagsimulang lumawak ang kamalayan ng mga Pilipino sa LGBT? Ano-anong pangyayari ang nagbigay-daan dito?
3. Ano-ano ang mahalagang ideya ang naitala mo? Bakit mo nasabing mahalaga ang mga ito?

You might also like