You are on page 1of 2

Aralin

LIGAL NA PANANAW NG PAGKAMAMAMAYAN


Ang pagkamamamayan o citizenship ay isa sa pinakadakilang katangian ng tao sa isang
estado. Tinatayang panahon ng kabihasnang Griyego nang umusbong ang konsepto ng
citizen. Ang kabihasnang Griyego ay binubuo ng mga lungsod-estado na tinatawag na polis.
Ito ay isang lipunan na binubuo ng mga taong may iisang pagkakakilanlan at iisang mithiin.
Ang polis ay binubuo ng mga citizen na limitado lamang sa kalalakihan. Ang pagiging citizen
ng Greece ay isang pribilehiyo kung saan may kalakip na mga karapatan at tungkulin. Ayon
sa orador ng Athens na si Pericles, hindi lamang sarili ang iniisip ng mga citizen kundi
maging ang kalagayan ng estado. Ang isang citizen ay inaasahan na makilahok sa mga
gawain sa polis tulad ng paglahok sa mga pampublikong asembliya at paglilitis. Ang isang
citizen ay maaaring politiko, administrador, husgado, at sundalo. Sa kasalukuyan,
tinitingnan natin ang citizenship bilang isang ligal na kalagayan ng isang indibiduwal sa
isang nasyon-estado. Ayon kay Murray Clark Havens (1981), ang citizenship ay ugnayan ng
isang indibiduwal at ng estado. Ito ay tumutukoy sa pagiging miyembro ng isang indibiduwal
sa isang estado kung saan bilang isang citizen, siya ay ginawaran ng mga karapatan at
tungkulin. Sa Pilipinas, inisa-isa ng estado sa Saligang-batas ang tungkulin at karapatan ng
mga mamamayan nito. Sa araling ito ay matatalakay natin kung sino ang maituturing na
ligal na mamamayang Pilipino. Mahalagang malaman mo ito upang magkaroon ka ng lakas
ng loob na ipaglaban ang iyong karapatan bilang Pilipino. Ang pagkamamamayan ay may
mga basehan o batayan at ito ay nakapaloob sa Saligang Batas ng Pilipinas. Ang Saligang
Batas o Konstitusyon ay ang pinakamataas na batas ng isang bansa at nakasulat dito ang
mahahalagang batas na dapat sundin ng bawat mamamayan. Ayon sa Artikulo IV, Seksiyon
1 ng Saligang Batas ng 1987, maituturing na mamamayang Pilipino ang sumusunod:
1. Mamamayan ng Pilipinas nang pinagtibay ang Saligang Batas ng 1987 noong Pebrero 2,
1987
2. Ang ama o ina ay mamamayang Pilipino
3. Mga mamamayang isinilang bago sumapit ang Enero 17,1973 sa mga inang Pilipino na
pinili ang pagkamamamayang Pilipino pagsapit ng karampatang gulang
4. Mga dayuhang nagpasiyang maging mamamayang Pilipino ayon sa batas ng
naturalisasyon
Ayon din sa Seksiyon 4 ng Saligang Batas ng 1987, ang isang mamamayan ng Pilipinas na
nakapag-asawa ng isang dayuhan ay mananatiling isang Pilipino maliban na lamang kung
pinili niyang sundin ang pagkamamamayan ng kaniyang napangasawa. Batay naman sa
Republic Act 9225 na nilagdaan ng Pangulong Gloria Macapagal Arroyo noong Setyembre
17, 2003, ang mga dating mamamayang Pilipino na naging mamamayan ng ibang bansa sa
pamamagitan ng naturalisasyon ay maaaring muling maging mamamayang Pilipino. Siya ay
magkakaroon ng dalawang pagkamamamayan (dual citizenship).

You might also like