You are on page 1of 1

Nuada, Dexter L.

2012-22347
PI 100 THX-2
2:30 - 4:00

Kalagayan ng mga Katutubo sa Kasalukuyan


Lingid sa kaalaman ng maraming Pilipino ang kalagayan ng mga katutubo sa ating bansa. Marami sa
atin ay iniisip na tahimik at payapang namumuhay ang mga katutubo sa mga liblib na lugar. Ngunit sa
katotohanan ang kalagayan ng maraming katutubo ay mas malubha pa sa mga taong namumuhay sa syudad.
Nararanasan din nila ang kahirapan dulot ng pagkaantala ng kanilang ikinabubuhay, maaaring sanhi ng bagyo,
kawalan ng maayos na transportasyon para sa kanilang produkto at iba pa. Karamihan sa mga katutubong
nakararanas ng matinding kahirapan ay naiisip na makipagasapalaran sa mga bayan o sentro ng lalawigan,
ngunit marami rin sa kanila ang bigo nang dahil sa kakulangan ng kaalaman. Sa usaping pagkakaroon ng
kaalaman, mayaman sila sa kaalamang hinubog ng kanilang kultura ngunit sila'y napag-iiwanan sa kaalamang
labas sa kanilang kinamulatan. Sa madaling sabi, marami sa mga katutubong Pilipino ang hindi naaabot ng
modernong edukasyon. Karamihan sa kanila ay hindi marunong bumasa at sumulat, maging pagkwenta ng pera
at pagbilang. Sa usapin naman ng kanilang pamumuhay sa kanilang sariling pamayanan, sila ay nakararanas din
ng malaking dagok. Ang kanilang tahimik na pamumuhay ay naaapektuhan ng pansariling interes ng mga taong
nais manghimasok at linangin ang kanilang likas na yaman. Ang pagpasok ng mga taong ito, ay malaking banta
sa pagkawala ng kanilang ikinabubuhay. Ang mga katutubo ay nalilimitahan at kung minsan ay napapaalis sa
kanilang sariling lupaing kinamulatan. Dagdag pa sa malaking dagok na kanilang nararanasan ay ang
militarisasyon sa bansa. Ang pagnanais ng gobyerno na masugpo ang mga rebelde sa mga liblib na lugar ay
nagdudulot ng takot, dahas at kaguluhan sa mga katutubo. Napipilitang umalis ang mga tribo sa kanilang lugar
upang hindi maipit sa opersayon ng militar. Ang iba sa mga katutubo na pinagbibintangang rebelde ay
dinarakip, pinahihirapan at pinapatay.
Sa akin ngang pakikinig sa isang panayam sa mga katutubong nakararanas ng mga problemang
nabanggit, hindi ko maiwasang maawa sa kanilang kalagayan. Tila ba sila ay pinagkakaitan ng maayos at
tahimik na pamumuhay. Pinuputol ang pagdaloy ng kaalaman sa mga katutubo upang hindi nila mabatid ang
layunin ng mga taong nais magsamantala sa kanilang likas na yaman. At pinagpapatuloy ang militarisasyon sa
kabila ng gulong dulot nito sa mga mamamayan. Hindi ko lubos maunawaan kung bakit hindi nakikita ng ating
gobyerno ang mga ganitong kalagayan. Ang paglinang kuno ng likas na yaman, pagtatayo ng negosyo,
pagpapaunlad ng turismo at militarisayon tungo kapayapaan ay pawang mga kasinungalingan. Ang mga ito ay
tila maskara ng salapi at pansariling interes lamang. Nawa'y mabigyan ng pansin ang lahat ng isyung ito na
dinaranas ng mga kapatid nating katutubo at sana'y magkaroon ng solusyon dito ang ating gobyerno upang
madama rin ng mga katutubo na sila ay bahagi ng lipunang Pilipino.

You might also like